chapter 5

2053 Words
Papalapit pa lang ako sa opisina ni Mother Superior kung saan sinasabi ni Dave na naghihintay si Claude ay tanaw ko na ang tatlo kong mga kaibigang nakahilerang nakasilip sa loob mula sa pintuan. Nakabukas naman ang pinto pero mas pinili nilang mamalagi sa labas at pahirapan ang mga sariling palihim na sumisilip. Naagaw nang papalapit na tunog ng suot kong sandalyas ang pansin nila at iglap lang ay nag-unahan na sila sa pagsalubong sa'kin. Hindi na ako nabigyan ng pagkakataon na tuluyang makalapit sa pintuan dahil mabilis na nila akong naharang at pinalibutan. "Sabi mo ay okay lang!" nanunumbat na salubong sa'kin ni Lyk at naglakad pa paikot sa'kin. Napaikot din tuloy ako upang manatiling nakaharap sa kanya. Magrereklamo na sana ako nang ikatlong ikot na namin pero mabuti na lang at huminto na siya. Nahilo yata ako sa ginawa namin kaya hindi ko alam kung paano sagutin ang sinabi niya. Nang sulyapan ko ang dalawa pa naming mga kaibigan ay nakapamaywang ang mga ito at sa paraan nang pagkakatitig nila sa'kin ay parang ang laki ng nagawa kong kasalanan. "Bakit 'di mo sinabing sobrang gwapo?" nandidilat na sumbat ni Amor kasunod ang impit na tili. Agad naghawak-kamay ito at si Mae bago sabay na nagtatalon-talon na may kasama pang pangingisay. Lalo akong naguguluhan sa inakto nila na para bang mga bulating inasinan. Gusto kong kabahan sa kanila dahil mukhang bumigay na ang kahuli-hulihang turnilyo nila sa utak. Sorry po, Lord! Nakakawindang kasi ang kinikilos nitong mga kaibigan ko, napapaisip tuloy ako ng hindi maganda. "Grabe ka, Therese! Confirmed, Flynn nga iyong Claude na kakilala mo! Ang gwapo-gwapo," nagpapadyak na dagdag ni Lyk at parang kinikiliting namimilipit pa. "Kung ako ang inihatid sa'min niyan ay ako na ang magbiglang liko sa sinasakyan namin," hirit ni Mae. "Ako naman ay magpanggap na hindi alam ang daan pauwi para doon kami sa bahay niya uuwi!" 'di nagpapatalong pahayag ni Amor. "Mukha siyang masarap iuwi!" patiling dugtong ni Lyk at muling nagtatalon sila ni Amor kasama na si Mae. Napakamot ng ulo na nagpalipat-lipat ako ng tingin sa kanilang tatlo. Minsan talaga ay nakakahiya ang asta ng mga ito. Nakulangan yata sila sa bakuna no'ng baby pa kaya ngayong lumaki na ay kinulang sa katinuan. Mabuti na lang at kahit magkaibigan kami simula pa no'ng kabataan namin ay 'di ako nahawa sa kakrung-krungan nilang taglay. Sa tagal ng pagkakaibigan namin ay hindi pa rin ako masanay-sanay sa tuwing lumalabas ang pagiging baliw nila. Si Claude lang naman iyong nakita nila pero akala mo ay magwawala na sila sa kilig. Si Claude Flynn lang iyon, wala namang—. Nabitin ang anumang iniisip ko nang mahagip ng tingin ko ang paglabas ng pamilyar na bulto ng taong pinag-uusapan namin ngayon-ngayon lang. Wala sa sariling napalunok ako habang pinagmamasdan ang parang slow motion nitong paglalakad. Napasunod ang tingin ko sa pagtaas ng isang kamay nito para suklayin ng mga daliri ang may kakapalan nitong buhok. Bigla ay nararamdaman ko ang pangangati ng sariling mga daliri na gusto ring makisuklay... parang ang sarap yata kumapit nang mahigpit doon sa buhok niya. Usapang suklay lang kanina pero ngayon ay umabot na ang takbo ng utak ko sa bahaging medyo nakakaalarma para sa inosenti kong isip. —Makatarungan naman pala ang reaksiyon ng mga kaibigan ko kasi ang gwapo nga! Parang gusto ko ring tumili at tumalon kasama nila pero ang problema ay tapos na sila sa eksenang iyon at ngayon ay nangingislap ang mga matang nakatuon na kay Claude ang kanilang buong atensiyon. Nakakahiya naman kung magsosolo ako, hindi ko pa naman alam kung babagay akong magmukhang kitikiti. "Nandito na pala si Therese." Mabilis kong naipilig ang ulo upang bumalik ang katinuan kong nilipad sandali ng hangin pagkakita ko kay Claude nang marinig ang pagsasalita ni Mother Superior. Sana walang nakapansin sa saglit kong pagkatulala kasi nakakahiya naman. Dinig ko ang nangangarap na buntong-hininga at pigil na bungisngisan mula sa tatlo kong mga kaibigan na may kasamang kinikilig na sikohan habang nakatanaw sa papalapit naming bisita na kasama ni Mother Superior. Nagsiayos din ng tayo ang mga ito sa tabi ko nang tuluyang makalapit sina Mother Superior at Claude. "Good afternoon, Mother Superior," panabay na bati ng tatlo pero kay Claude nakatingin. Lihim akong napangiti dahil masyado silang napaghahalataan. "Calude, ito pala ang mababait naming mga volunteer dito na kasa-kasama ni Therese," pakilala ni Mother Superior sa tatlo kong kaibigan. "I'm Mae." "Amor po." "Lyk po." Nag-unahan sa pagpakilala ang tatlo at nag-irapan pa nang sabay rin silang maglahad ng kamay. "It's nice meeting you, ladies," pormal na bati ni Claude sa kanila. Isa-isa silang kinamayan ni Claude bago napunta sa'kin ang tingin nito. Saglit na nanlaki ang mga mata ko nang magtama ang paningin namin. Mabilis akong nagbawi ng tingin nang parang kinalampag ang dibdib ko sa lakas ng kabog ng sarili kong puso. Pilit kong ituon ang buong pansin sa nakangiting mukha ni Mother Superior at hindi sa malaking mamang katabi nito na ramdam kong nakatitig pa rin sa'kin. Ewan ko ba kung bakit bigla akong kinabahan sa muling paghaharap naming ito ni Claude. Parang gustong manginig ng mga tuhod ko dahil sa nanunuot niyang titig na hindi ko na kailangan pang silipin upang kumpirmahin dahil damang-dama ko ito. "Therese, dinalaw tayo ng kaibigan mong si Claude," magiliw pahayag ni Mother Superior. Hilaw akong napangiti rito, kasi hindi naman malabo ang mga mata ko para hindi mapansin ang kasama nitong nagsusumigaw ang presensiya. "Magandang araw po..." medyo kabado at hindi tumitingin kong bati kay Claude. 'Di ko siya kayang tawagin sa pangalan niya sa harapan ni Mother Superior. Pakiramdam ko kasi ay ibang level na kapag sambitin ko ang pangalan niya. Bagong magkakilala lang kami kaya ayoko namang mag-feeling close agad lalo na at apektadong-apektado ako ngayon sa presensiya niya. Natagalan ako sa tugon niya kaya napilitan akong sumulyap sa kanyang mukha at muntik na akong mapasinghap nang muling magkasalubong ang mga mata namin. Nahawa yata ako sa pasinghap-singhap nitong tatlong katabi ko! Gustuhin ko mang magbawi ng tingin ay para naman akong minamagnet ng mapupungay niyang mga mata. May kakaiba sa paraan nang pagkakatitig niya na humihigop sa buo kong lakas kaya hindi ko magawa-gawang mag-iwas ng tingin. Bahagyang tumaas ang kilay niya habang hindi hinihiwalay ang titig sa'kin. Siguro ay may napansin siya sa ekspresyon ko. Bakit may pakiramdam ako na nababasa niya ang laman ng isip ko? Parang inuutusan ako ng presensiya niya na ilaan sa kanya ang buo kong atensiyon... kasama na ang lakas ko kaya 'di na ako magtataka kung bigla-bigla na lang akong matunaw sa'king kinatatayuan. "Therese, gusto ni Claude na ilibot mo siya sa buong orphanage," nakangiting kausap sa'kin ni Mother Superior. Tsaka ko lang nagawang magbawi ng tingin mula kay Claude. Isang pilit na ngiti ang ibinigay ko kay Mother Superior bilang sagot dahil wala akong mabuong salita. Kahit simpleng 'oo' ay parang ang hirap bigkasin. Problema ko rin kung kakayanin ko bang ihakbang ang medyo nanginginig kong mga binti lalo na nang napansin ko sa sulok ng aking mga mata ang pagpasada ng mapupungay na mga mata ni Claude sa kabuuan ko. Kanina ay parang tinutunaw ako ngayon naman ay pakiramdam ko hinuhubaran na yata ako! O baka naman guni-guni ko lang ang lahat? Mapapahiya pa yata ako dahil sa kung ano-anong mga bagay na namumuo sa malikot kong isipan. Isang simpleng lampas-tuhod na bestida ang suot ko ngayong araw para sa gaganaping misa mamaya pero pakiramdam ko ay wala akong damit sa ilalim ng mga titig ni Claude. "Magandang araw din sa'yo, Therese." Nahigit ko ang hininga dahil sa nahimigan kong lambing sa boses ni Claude. Medyo natagalan iyong pagtugon niya sa pagbati ko pero ang lakas ng epekto! Nag-short circuit na yata ang utak ko at kung anu-ano ang napapansin ko sa mga ikinikilos niya. Iba na talaga ito! Kailangan ko na ng panlaban para dito sa mga bago at kakaibang damdaming pinaramdam niya sa'kin! Bigla akong nagising sa bahagyang pagkatulala nang umabot sa pandinig ko ang nangangarap na buntong-hininga ng tatlo kong katabi. Sabay-sabay pa talaga sila kaya dinig na dinig ko. Muntik nang mawaglit sa isip ko ang presensiya nila kung hindi ko lang sila narinig. Pasimple akong tumikhim upang gisingan sila mula sa pagkatulala sa kaharap namin. Nakikita ko ang sarili sa kanilang tatlong tuwing napatulala rin ako kay Claude. Ang sagwa pala tingnan, kulang na lang ay tutulo na laway nila! Nang balingan ko si Claude ay 'di nagbago ng direksiyon ang tingin niya at para ngang hindi nag-e-exist ang mga kasama namin sa paligid dahil nasa akin lang ang buo niyang atensiyon. Nag-iinit ang pisngi na nakagat ko ang pang-ibabang labi na mabilis ko ring itinigil agad nang tumutok doon ang namumungay niyang mga mata. Ipinilig ko ang sariling ulo mentally upang mawaglit ang mga 'di kanais-nais na isiping biglang sumulpot doon dahil sa titig na iyon. Dapat ay hindi ko bibigyan ng malisya ang mga kinikilos ni Claude dahil una sa lahat ay mabuting tao siya na nakahandang tumulong sa orphanage. Sadyang mabait lang talaga siya at baka ganito talaga siya tumitig. Ako lang talaga iyong nakaramdam nang pagkailang at kung anu-ano ang iniisip! Lagi naman akong nagdadasal pero napapalapit talaga ako sa pagkakasala nitong nakaraan. "Teka, paano mo nga po pala nalamang nandito ako?" bigla ay naalala kong itanong. Nag-alis ako ng bara sa lalamunan pagkatapos dahil bahagya akong pumiyok sa bandang dulo kahit hindi naman ako kumanta. Nakakapiyok pala ang sobrang kaba. Wala akong maalalang may binanggit ako tungkol dito sa orphanage no'ng huli kaming magkausap ni Claude kaya hindi ko maiwasang magtaka paano siya napunta rito ngayon. Hindi nagbago ang maaliwalas na ekspresyong nasa mukha niya at lalong lumawak ang maganda niyang pagkakangiti. Iniwasan kong mapangiwi nang muli ay suminghap ang mga kaibigan ko. Tiyak ay dahil iyon sa ngiti ng kaharap namin. Isang singhap na lang talaga nila at masisiraan na ako ng ulo! "Napulot ko iyong naiwala mong solicitation letter sa sahig ng kotse ko," walang kakurap-kurap na sagot ni Claude. Bahagyang kumunot iyong noo ko dahil no'ng makauwi ako pagkahatid niya ay tsaka ko lang napagtantong hindi ako sigurado kung may solicitation letter nga ba akong naibulsa dahil sa kakamadali ko nang araw na iyon. "Therese, nag-abot si Claude ng malaking tulong sa orphanage, salamat sa'yo," masayang singit ni Mother Superior sa usapan. Mabilis na nabaling dito ang atensiyon ko at isang masayang ngiti ang gumuhit sa mga labi ko. Nagawa ko na ring salubungin ang tingin ni Claude nang nakangiti. Alam kong nakikita niya ang labis na pagpapasalamat sa ngiti ko. "Magpasalamat po tayo, Mother, dahil sobrang bait ni Sir Claude—" "Therese, nakalimutan mo yata ang usapan natin na Claude na lang iyong itawag mo sa'kin," putol ni Claude sa pagsasalita ko. "Naiilang kasi ako kapag tinatawag akong Sir ng kaibigan ko," dugtong pa niya. Ako lang ba o talagang kakaiba iyong pagkakasambit niya sa salitang 'kaibigan'? Di nakaligtas sa pandinig ko ang eksaheradang singhapan ng mga kaibigan kong tahimik lang na nakikinig sa usapan. Hindi ko ugaling mandilat pero gusto kong pandilatan si Claude dahil kahit walang bahid ng malisya ang mga salitang iyon ay maling sa harapan ng malisyosa kong mga kaibigan niya iyon sabihin. Wala namang nagbago sa ekspresyon ni Mother Superior kaya napanatag ako at nakasigurong walang mali kung susundin ko ang kagustuhan ni Claude. Ang mali lang talaga ay itong nararamdaman kong pagkailang dahil na rin sa reaksiyon ng mga kaibigan kong ginagatungan ang malisyang namumuo sa isip ko. "P-pasensiya na, C-Claude. Hindi kasi ako sanay na may kaibigang katulad mo," medyo nauutal kong paliwanag. Wala sa sariling nakagat ko ang pang-ibabang labi habang nag-alala sa magiging reaksiyon niya sa huli kong sinabi. Paano kung masamain niya iyon at bigla ay ayaw na niyang makipagkaibigan sa'kin? "I understand, Therese," magaan niyang pahayag kapagkuwan. Nakahinga ako nang maluwang at sa pagkakataong ito ay isang matamis na ngiti iyong sumilay sa mga labi ko. Hindi lang pala gwapo at mabait itong si Claude, understanding din. Naiintindihan niya kahit gulong-gulo ako sa sarili ko! Siya talaga iyong kaibigang for keeps. Bahagya akong napasulyap sa tatlo kong mga kaibigan na parang mga timang na nakatitig pa rin kay Claude at biglang napaisip kung paano ako nakatagal sa mga ito gayong sila iyong kaibigang pang-mental... nagkakasala talaga ako sa tatlong 'to!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD