Chapter 5

3231 Words
“O-okay ka na ba?” Nanginginig ang mga kamay na inabutan ko ng tubig si Derron. Napapitlag ako nang padabog niyang kuhanin 'yon, nagtapunan tuloy sa sahig yung tubig. Akala ko pa naman kalmado na siya, mukhang mamununtok pa rin siya eh. Napailing na lang ako at kumuha ng pamunas saka pinunasan ang sahig. Padabog na inilagay ni Derron ang baso sa mesa nang maubos na niya ang laman ng baso. “Ahm, magpahinga ka muna kaya? Baka pagod ka,” sabi ko na lang saka alanganing ngumiti sa kanya. Natigilan ako nang marinig ko ang pagkalam ng sikmura niya. Napatingin ako sa mukha ni Derron, napaiwas siya ng tingin sa 'kin. “Tangina ni Zyair, bakit hindi siya nakain?” naiinis na tanong niya habang hindi pa rin makatingin sa 'kin ng ayos. Natawa na lang ako sa inakto niya, para siyang siga na isip-bata. “Ano'ng nakakatawa?!” naiinis na tanong niya at napatayo pa. “Wag ka ng magalit diyan, ipagluluto na lang kita,” sabi ko na lang saka kinagat ang dila ko para pigilan na matawa. May cute side naman pala itong si Derron at hindi puro angas lang. Mukha ka siyang bulldog na tuta. Ano ba 'tong pinagsasasabi ko? Nag-aalangan akong hawakan ang braso niya pero hinawakan ko pa rin at hinila siya palabas sa kwarto ko. Nagtungo kami sa kusina, pinaupo ko siya sa may upuan. Buti na lang nakapag-tour na ako rito sa bahay ni Zyair kanina, hindi na ako maliligaw. Natigilan ako nang kunot na kunot ang noo niya habang nakatingin sa 'kin. “Wag ka namang tumingin sa 'kin ng ganyan. Oo, nagtatrabaho ako kay Zyair, pero wala naman sa kontrata namin na bawal akong makipagkaibigan sa alters niya. Si Nikki nga friendship ko na eh,” sabi ko saka ngumiti ng matamis sa kanya. Gusto kong mapangiwi sa sinabi ko, naalala ko na naman tuloy bigla ang stress na pinagdaanan ko kay Nikki. Mamumuti talaga ang lahat ng buhok ko kapag lumabas na naman siya. “So ayun nga, ang gusto kong palabasin, pwede ko kayong maging kaibigan kahit alters lang kayo ni--” Hindi ko naituloy ang sasabihin ko nang tingnan niya ako ng masama. Pasimple kong binatukan ang sarili ko. Mukhang ayaw niyang nasasabihan na alter lang ni Zyair. Okay, medyo insensitive ako sa part na 'yon. Paano ko pa ba makukuha ang loob ng crush kong 'to? “Ahm, ano'ng gusto mong kainin?” tanong ko saka binuksan ang ref upang tumingin ng makakain do'n. “Kahit ano, bilisan mo na lang dahil mamamatay na 'ko sa gutom dito,” naiiritang sabi niya. Natawa na lang ako at kumuha ng pinakamadaling iluto, ang hotdog at itlog. “Hotdog na lang?” tanong ko saka inangat ang dalawang hotdog. “Oo na, iluto mo na,” sabi na lang niya. “Wag kang masyadong atat, Derron. Nandito lang ako at hindi ako mawawala,” natatawang sabi ko na lang saka sinimulan lutuin ang itlog. Buti na lang at nakapagluto ako ng kanin sa rice cooker. Tamang tama dahil sumulpot si Derron, at gutom din siya. “Hotdog naman! Alam mo kahit lalaki, dapat nakain din ng malaking hotdog,” sabi ko saka inilagay sa kawali ang hotdog. Teka, parang ang halay ng pagkakasabi ko ah. “Ano'ng pinagsasasabi mo?!” naiiritang tanong ni Derron. Natatawang napailing na lang ako at pinagsandok siya ng kanin saka nilagyan ng itlog at hotdog ang plato niya matapos maluto. “Oh ayan, wag kang masyadong high blood, Derron. Sige ka, papangit ka,” sabi ko na lang saka inabot sa kanya ang plato. Umismid na lang siya at nagsimula ng kumain. Umupo na lang ako sa tapat niya at pinanood siyang kumain. Ang cute niya kapag galit, kapag nahihiya, tapos ang cute niya rin kapag gutom. “Derron, kilala mo ba yung ibang alters mo?” tanong ko. Natigilan naman siya at tumingin ng masama sa 'kin. “Parte pa rin ba 'to ng trabaho mo?” naiiritang tanong niya. Agad akong umiling. “Hindi 'no, hindi talaga, curious lang ako,” sabi ko naman. Ang praning naman ni Derron, mukha bang may gagawin akong masama sa kanya? Uminom muna siya ng tubig bago sumagot. “I'm the protector of the system. Lahat sila nakakausap ko,” sabi na lang niya. Napatango na lang ako. “Kahit si Zyair nakakausap mo?” tanong ko. “Alam kong naririnig ako minsan ni Zyair, pero ayaw niya 'kong kausapin. Takot siya sa 'kin,” sabi niya saka napangisi na para bang tuwang tuwa siya na takot sa kanya si Zyair. “Ibig sabihin, sina Nikki, Annie at Roover nakakausap mo rin?” tanong ko. “Ilan ang alters na sinabi sa'yo ni Zyair?” tanong niya. Napakunot ang noo ko. “Si Nikki, si Roover, si Annie, at ikaw. Apat daw,” sagot ko. Natigilan ako nang mapangisi siya. “Hindi lang apat ang alters ni Zyair, walo kami. Walo ang alters ni Zyair.” Napasinghap ako sa sinabi niya. Walo? Walo ang alters ni Zyair? Si Nikki pa nga lang hindi ko na kinakaya, paano pa kaya ang iba? “B-bakit apat lang ang alam ni Zyair?” curious na tanong ko. “Tanga si Zyair, iyon lang ang sagot do'n,” mayabang na sabi niya. Mukhang hindi talaga sila magkasundo ni Zyair. “Sino pa yung apat na alters niya?” sunod pang tanong ko. “Wag kang mag-alala, tahimik lang ang apat na 'yon,” sabi naman niya saka kumain na lang ulit. “Sasabihin ko ba kay Zyair na may apat pa siyang alter o hindi na?” tanong ko. Napatigil siya at tumingin sa 'kin saka napangisi. “Wala akong pakialam kahit sabihin mo, wala rin namang magagawa ang duwag na tulad ni Zyair para makontrol 'yon,” sabi na lang niya. Hindi na lang ako nagsalita at hinayaan siyang kumain. Napabuntong hininga na lang ako at pinanood siya. “Girlfriend ka ba ni Zyair?” Natigilan ako sa tanong niya. Agad akong natawa saka umiling. “Hindi 'no, saka hindi kami bagay ni Zyair, masyado siyang matino para sa 'kin. Ang bagay sa 'kin yung medyo siga,” pagpaparinig ko sa kanya. Napakunot naman ang noo niya, pero nagkibit-balikat na lang siya at tumuloy sa pagkain. Ang manhid mo naman, Derron. Hindi na lang ako nagsalita at pinanood na lang siya na kumain. Pwede ko siyang titigan ng ganito ng hindi napapagod, kahit forever pa. Natigilan ako nang agad siyang tumayo pagkatapos niyang kumain. Napakunot na lang ang noo ko nang umalis siya, sinundan ko na lang siya. Umupo ako sa couch sa may living room nang makitang pumasok siya sa kwarto ni Zyair. Napakamot na lang ako sa batok ko. Ano naman kaya ang gagawin niya sa kwarto ni Zyair? Guguluhin niya? Lumabas din si Derron ng kwarto ni Zyair makalipas ang mahigit 30 minutes na paghihintay ko rito sa living room. Napatayo ako at lumapit sa kanya. Nakasuot siya ng paborito niyang pormahan na leather jacket at ripped jeans. Mukhang bagong ligo rin siya, magulo ang buhok niya at hindi na siya nag-abalang suklayin 'yon pero bumagay naman sa kanya. Ang gwapo niya talaga. “Saan ka pupunta? Ano'ng gagawin mo?” tanong ko habang nakatitig sa kanya. Pasimple kong hinahangaan ang kagwapuhan niya. Si Derron kasi parang mas confident siya kay Zyair kung hitsura ang pag-uusapan. Si Zyair kasi yung tipo ng tao na parang hindi alam na sobrang gwapo niya. “Guguluhin ko ang mundo ni Zyair para hindi na niya gustuhing lumabas. Gusto kong ikulong na lang niya ang sarili niya habang buhay,” nakangising sabi niya. Napasinghap naman ako. “Wait! Sasamahan kita, hintayin mo 'ko!” Dali dali akong nagtungo sa kwarto ko para kuhanin ang cellphone at sling bag ko. Agad akong lumabas ng kwarto at nagtungo sa living room. “Derron?” Napapadyak ako sa sahig nang wala na si Derron. Agad kong kinuha ang cellphone ko at tinawagan si Ruby. “Hello?” “Ruby, pwede bang pa-trace ng location ni Sir Zyair—este ni Derron pala at pa-send sa 'kin. Guguluhin niya raw kasi ang mundo ni Sir Zyair. Kailangan ko siyang mapigilan.” “Problema nga 'yan. Sige, isesend ko sa 'yo ang location niya. Pakibantayan sana ng maigi si Derron. Please stop him from making trouble. I'm sorry that I can't help you regarding him. Pinagbabawalan ako ni Sir Zyair na lumapit kay Derron. Please do your best to stop him.” Magsasalita pa sana ako ngunit agad niya binaba ang tawag. Napakunot na lang ang noo ko. Bakit naman bawal lapitan ni Ruby si Derron? Mukhang may relasyon talaga sila ni Zyair ah. Napailing na lang ako at dali daling lumabas at sumakay ng taxi nang mai-send na sa 'kin ni Ruby ang location ni Zyair. Buti na lang talaga at nabigyan ako ng pera ni Zyair sa ganitong mga pagkakataon. “Lemaire Subdivision po,” sabi ko sa driver nang makasakay na ako. Ang professional ko talaga, kahit na crush ko si Derron, gagawin ko pa rin ang trabaho ko kay Zyair na pigilan sa panggugulo ang alters niya. Nakarating din kami sa subdivision makalipas ang ilang minuto. Agad akong bumaba ng taxi pagkatapos kong magbayad. Napatingin ako sa guard ng subdivision na natutulog. Agad akong tumakbo papasok sa loob. Buti na lang at patulog-tulog lang ang guard. Napatingin ako sa villa na bumungad sa 'kin pagkapasok ko sa subdivision. May nakalagay na Alfero-Lemaire sa malaking gate. Napaawang ang labi ko, mukhang ito na 'yon. “Mga kuya, pwede po bang pumasok?” tanong ko sa dalawang guard na nakabantay. “Sino ka ba? Hindi ka naman nila kamag-anak,” nakakunot-noong sabi nung isang guard. Napabuntong hininga ako at inilabas ang ID ko saka ipinakita sa kanila. “Secretary po ako ni Sir Zyair, pinatawag niya ako rito dahil may emergency tungkol sa kompanya. Pero kung ayaw niyo akong papasukin, tatawagan ko na lang siya at irereklamo ang guards dito.” Kinuha ko ang cellphone ko. “Sige na, pumasok ka na,” sabi na lang ng isang guard. Agad akong pumasok sa loob. Napaawang ang labi ko nang tuluyan na akong makapasok sa loob. Grabe ang villa na 'to, may swimming pool pa talaga, hindi ko inaasahan na ganitong kayaman si Sir Zyair. Napailing na lang ako at agad na pumasok sa loob para hanapin si Derron. Walang oras na dapat sayangin, kailangan ko ng mahanap si Derron bago pa siya manggulo. “Nasaan ka na ba, crush? Naii-stress ako sa 'yo,” bulong ko habang palakad-lakad sa loob. Bakit naman kasi ang laki ng bahay na 'to? “Si Sir Zyair ba ang hinahanap mo?” Napatingin ako sa katulong na nagsalita, may kasama siyang tatlo pang katulong. “Opo, secretary niya ako at pinatawag niya ako rito, kaso hindi ko alam kung nasaan siya.” “Nakita ko siya na pumunta sa dining room, naghahapunan silang pamilya ro'n ngayon.” Napasinghap ako sa sinabi niya. “N-nasaan ang dining room?” tanong ko. Laking pasasalamat ko nang samahan nila ako sa dining room. Napasinghap ako nang mapansin na nasa mahabang mesa yata ang buong pamilya ni Zyair. Lahat sila ay nakatingin ngayon kay Derron na hawak ang kwelyo ng isang lalaki. Napakunot ang noo ko at mas lumapit sa kanila. Napasinghap ako nang makitang iyon ang pinsan ni Zyair na nakita namin ni Nikki nung nakaraan. Napasinghap ang lahat, maski na ako, nang suntukin ni Derron ang pinsan ni Zyair, napaupo ito sa sahig. Nababaliw na ba talaga siya?! “What are you doing, Zyair?!” galit na sigaw ng matandang lalaki na nasa pinakaunahan ng mesa. “Manahimik kang matanda ka!” Napasapo ako sa noo ko nang sigawan ni Derron ang matandang lalaki. Halatang nagulat naman ang lahat ng nasa mesa. “What did you just say?! You ungrateful bastard!” Halos mamula na ang mukha ng matanda sa galit. “Zyair, my son, why are you being like this? Ano ba ang problema?” tanong ng sopistikadang babae na sa tingin ko ay ina ni Zyair. “My son? Wag mo 'kong tawaging ganyan, wala kang karapatan,” tila nanggigigil na sabi ni Derron saka dinuro ang babae. Napangiwi ako at hinubad ang isa kong sandals. Mukhang kailangan ko na talagang mangialam, sinisira niya ang reputasyon ni Zyair. Natigilan ang lahat nang batuhin ko ng sandals si Derron, sapul iyon sa ulo niya. Agad akong lumapit kay Derron at hinila siya papalapit sa 'kin. “Pasensya na po kayo, medyo malakas na po ang tama ni Sir Zyair. Hindi po talaga siya maganda malasing,” hinging paumanhin ko saka ngumiti ng matamis sa kanila. “Ano ba'ng sinasabi mo?! Bakit ka nandito?!” naiiritang tanong niya. Inapakan ko naman ng malakas ang paa niya para manahimik na siya. “Sana po kalimutan niyo na lang ang nangyari dahil lasing lang po talaga si Sir. Wag po kayong mag-alala at iuuwi ko na siya.” Sinubukan kong hilahin si Derron pero hindi siya nagpatinag. “Ano ba'ng ginagawa mo?! Pwede ba wag kang mangialam sa 'min ni Zyair--” Hindi na niya naituloy ang sasabihin niya nang takpan ko ang bibig niya. “Ang totoo po niyan, nagpakalasing siya dahil ni-reject ko ang pag-ibig niya. Naisip ko po kasi na hindi kami bagay dahil langit siya at lupa ako. Sobrang nasaktan po siya kaya po nilunod niya ang sarili niya sa alak. Hindi ko naman po siya masisisi dahil wala naman po talagang nakamove on agad sa gandang taglay ko. Pero wag po kayong mag-alala dahil sasagutin ko na siya bukas. Tatanggapin ko na po ang alok niyang relasyon para hindi na po niya lunurin ang sarili niya sa alak. Ako na po ang bahala kay Sir Zyair.” Marahas na inalis ni Derron ang pagkakatakip ko sa bibig niya. “Hindi ako natutuwa sa pinaggagagawa mo! Wag kang makialam sa--” Napasinghap ang lahat nang mawalan ng malay si Derron dahil sinuntok ko siya. Napailing na lang ako. Wala na talaga akong magawa, dinaan ko na sa dahas ang lahat. * * * “W-what happened?” Napabuntong hininga na lang ako nang bumangon na si Zyair. Napangiwi siya at napahawak sa gilid ng labi niyang may maliit na sugat dahil sa suntok ko. Napatingin siya sa leather jacket na suot niya saka napabuntong hininga. “It seems like Derron came out,” napapailing na sabi niya. Naabuntong hininga ako at nanatiling nakaupo sa sahig habang nakatingin sa kanya. Hindi madali ang pinagdaanan ko para mai-uwi siya rito sa bahay niya. Halos lumawit na ang dila ko sa sobrang pagod. Tumayo ako at pinagpag ang short ko. Mas napagod yata ako kay Derron kaysa kay Nikki. “Kapag nalaman mo ang pinaggagawa ni Derron kanina, baka hindi mo na harapin pa ang pamilya mo,” napapailing na sabi ko. “Mukha nga,” napapailing na sabi na lang niya. “Mukhang galit na galit si Derron sa pamilya mo.” Napatango siya saka napakamot sa kilay niya. “Derron remembers everything about my traumatic past. Maybe my own family was the abuser back then, maybe my own family was the reason why I'm living a hellish life. I don't know, only Derron knows everything about my terrible past,” sabi niya saka napapikit. Nakaramdam ako ng awa sa kanya, sa kanila ni Derron. Paano kaya kung sariling pamilya niya talaga ang nagbigay ng mga pasakit sa kanya noon? Siguradong hindi niya kakayanin ang sakit, siguradong masasaktan siya ng sobra. “Bakit hindi sinasabi ni Derron sa 'yo ang nangyari sa 'yo... sa inyo noon?” nagtatakang tanong ko. “Derron will never tell me about it, he doesn't want me to remember it,” sabi na lang niya. “B-bakit naman?” nagtatakang tanong ko. “Iniisip niya na kapag naalala ko na 'yon, hindi ko na sila kailanganin at mawala sila ng tuluyan. Ayaw niyang mawala.” Natahimik ako sa sinabi niya. Iyon pala ang kinakakatakot ni Derron, ayaw niyang mawala sila sa sistema ni Zyair. “Handa ka na bang maalala ang lahat kung sakali?”tanong ko pa. Mapait na napangiti siya saka napaiwas ng tingin sa 'kin, tila ba nahihiya siyang harapin ako. “To be honest, I still don't have the courage to face my horrible past. I don't want to remember it yet, natatakot ako sa malalaman ko, natatakot ako na baka hindi ko kayanin ang malalaman ko.” Binasa niya ang ibabang labi niya bago tumuloy. “I know I'm selfish, I know I'm a coward, but I'm still scared. I still desperately need them to hold my traumatic past for me, I don't want to face it yet. I don't want to admit it but I still need my alters, especially Derron. I know I'm being unfair to him because he's the one who's suffering the most, but I'm still scared as f**k,” sabi niya saka mapait na napangiti. Tinapik ko ang balikat niya saka ngumiti sa kanya. Napatitig naman siya sa 'kin. “Okay lang na maramdaman mo 'yan, siguradong hindi madali ang pinagdaanan niyo. Ayos lang na matakot, normal lang na matakot. Dadating din ang araw na kaya mo ng harapin ang lahat.” Napangiti naman siya habang nakatitig sa 'kin. “Ang gwapo mo,” tila wala sa sariling nasabi ko. Halatang natigilan naman siya. “You're too honest, Artemis,” natatawang sabi niya saka napaiwas ng tingin sa 'kin. Siya lang yata ang tumatawag ng Artemis sa 'kin, halos lahat ng kakilala ko Artie ang tawag sa 'kin o kaya naman Artemisia. “Bakit isa lang ang tsinelas mo?” tanong niya habang nakatingin sa paa ko. Napakamot na lang ako sa batok ko at pasimpleng itinago ang isang paa ko. “Naiwan ko sa villa niyo yung isa, nalimutan ko ng kuhanin,” natatawang sabi ko na lang. Napailing siya at tumayo saka pinaupo ako sa kama. Napakunot na lang ang noo ko nang umalis siya ng kwarto. Bumalik din siya makalipas ang ilang minuto, may dala siyang maliit na planggana saka towel. Lumuhod siya sa harapan ko saka nagsimulang punasan ang maruming paa ko. Pakiramdam ko nagtayuan ang mgga balahibo ko sa banayad na paghawak at pagpunas niya sa paa ko na para bang babasaging gamit iyon. “Ngayon alam ko na kung bakit ang laki ng bayad mo sa 'kin, nakakaloka ang mga alters mo,” napapailing na sabi ko na lang para iwaglit ang kakaibang pakiramdam na naradaman ko. “I'm sorry about that,” sabi na lang niya saka tipid na ngumiti. Hindi na lang ako nagsalita at pinanood siya hanggang sa matapos siya sa paglilinis ng paa ko. Ang gentleman talaga ni Zyair, maswerte ang magiging girlfriend niya. Natigilan ako nang may maalala ako. “Sir Zyair, girlfriend mo ba si Ruby?” tanong ko. Natawa naman siya saka hinubad ang leather jacket na suot niya. “Where did you even get that idea?” natatawang tanong niya. “Ahh, hindi mo pala girlfriend si Ruby? Pero bakit pinagbabawalan mo siyang lumapit kay Derron?” nagtatakang tanong ko. “Ruby cannot be with him,” sabi niya habang hinuhubad ang relo niya. Napakunot ang noo ko. “Bakit naman?” tanong ko. “Derron is dangerous for Ruby for he is madly obsessed with her.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD