Chapter 4

3078 Words
"Gusto kong lumabas!" Napataas ang isang kilay ko sa sinabi ni Zyair... este ni Nikki. Siguradong hindi maganda ang mangyayari kapag pinalabas ko ang b***h na 'to. Saka ang trabaho ko ay ang pigilan ang mga alters ni Zyair sa panggugulo. Kailangan kong gawin ng ayos ang trabaho ko. "Alam mo Nikki, gustong mabuhay ng normal ni Zyair, 'wag kang magulo riyan kung ayaw mong hilahin ko ang buhok mo," pananakot ko sa kanya. Napairap naman siya. Ang taray pala umirap ni Zyair, hindi ko kinakaya. "Hindi naman ako manggugulo ate girl! Ibibili lang kita ng lipstick na maayos," sabi niya saka ngumiti ng matamis sa 'kin. Napahawak ako sa labi ko, ano ba ang problema niya sa lipstick ko? Kanina niya pa nilalait, nakakapikon ah. Kaunti na lang, bibigwasan ko na 'to. "Hindi ko kailangan ng bagong lipstick, okay? Wala akong pera," sabi ko na lang. Napangisi naman siya saka inilabas ang wallet ni Zyair. "Si Zyair maraming pera, gastusin natin!" excited na sabi niya at nagtatalon pa. Sakit pala talaga sa ulo ang Nikki na 'to. "Hindi naman porke't mayaman si Zyair eh gagastusin na natin ang pera niya... Magkano laman ng wallet niya?" pasimpleng bulong ko. "Ang dami niyang cards, pero may 8,500 pesos dito, pwede na 'to," sabi niya habang hinahalungkat ang wallet ni Zyair. "Joke lang! Hindi ka pwedeng lumabas 'no, bilin sa 'kin ni Zyair na bantayan kang maigi dahil sakit ka sa ulo," sabi ko saka pinaningkitan siya ng mga mata. Napanguso siya saka lumapit sa 'kin. Napataas ang kilay ko nang nasa tapat ko na siya. Ano naman kayang drama niya ngayon? "Ngayon na lang ulit ako nakalabas, gusto ko lang naman magsaya. You know naman, I existed because of Zyair's trauma, nag-exist lang ako para protektahan si Zyair sa sarili niyang karanasan noon, nag-exist kaming alters niya para saluhin ang sakit na dulot sa kanya ng nakaraan niya na hindi na niya naaalala ngayon. Wala ba akong karapatan magsaya?" Napakurap ako habang nakatingin sa kanya. Napaiwas ako ng tingin sa kanya saka napakamot sa batok ko. Tigasin ako pero malambot naman ang puso ko. Bwisit naman kasi, bakit niya ako dinadaan sa pagpapaawa niya? "Mangako ka sa 'kin... hindi ka lalayo sa 'kin, hindi ka gagawa ng kalokohan, at hindi mo ipapahiya ang reputasyon ni Zyair," paninigurado ko. Tila nabuhayan siya at agad na napatayo, ang laki na ng ngiti niya ngayon. Hindi ko pa nakitang ngumiti ng ganyan si Zyair, mukhang masayahin 'tong si Nikki. "Promise! I'll be a good girl, saka mabait naman kaya ako," sabi niya saka ngumiti ng matamis sa 'kin. Napangiwi na lang ako. "Halika na," sabi ko na lang saka inabot ang braso ko sa kanya. Napatili siya at agad na kumapit sa braso ko. Napairap na lang ako, alam kong pagsisisihan ko ang desisyon kong 'to pero wala akong magagawa. Nadaan ako ng Nikki na 'to sa pagpapaawa. "Let's go!" excited na sabi niya. Huminga ako ng malalim bago kami lumabas ng office ni Zyair. Hinigpitan ko ang paghawak sa kamay ni Nikki, nakahawak siya ngayon sa braso ko pero kailangan kong makasiguro na hindi siya makakawala at manggugulo. "Ang bait mo pala girl, kahit ang chaka mo pumorma," sabi niya sa 'kin nang makalabas na kami ng building. Agad ko siyang tiningnan ng masama. Ayos din ang isang 'to ah, nagawa pa akong laitin matapos ko siyang pakitaan ng awa. Bruha pala ang Nikki na 'to. "Manahimik ka kung ayaw mong kalbuhin kitang babae ka," tila nanggigigil na sabi ko. Napangiwi naman siya saka napahawak sa buhok niya. Napangisi ako, dapat lang na matakot siya sa 'kin. "OMG, sino 'yon?" tanong niya saka itinuro ang lalaking naglalakad sa kabilang kalsada. "Aba ewan ko," sarkastikong sabi ko. Ano ba'ng akala niya sa 'kin? Akala niya ba kilala ko ang lahat ng tao sa mundo? "Ang pogi niya!" Napasinghap ako nang bumitiw siya sa pagkakakapit sa braso ko at tumakbo papalapit sa kung sinong lalaking nakita niya. "Hoy! Nikki!" Napasapo ako sa noo ko saka agad na hinabol si Nikki. Napangiwi na lang ako dahil muntik pa akong mabangga ng kotse. "Nikki! Tangina ka!" Grabe, ang bilis naman tumakbo ng babaeng 'to. Napahawak ako sa dibdib ko nang sa wakas nakarating din ako sa kabilang kalsada nang hindi nababangga. Mapapaaga yata ang buhay ko dahil kay Nikki. Nanlaki ang mga mata ko nang yakapin ni Nikki ang lalaki. Agad akong lumapit sa kanya at hinila ang buhok niya. "Ano ba'ng trip mo?" nanggigigil na bulong ko kay Nikki. Bakit nangyakap na lang siya basta ng kung sino? Nasisiraan na ba siya ng bait? "Zyair?" Nagtatakang napatingin ako sa gwapong lalaki na niyakap ni Nikki. Napasinghap ako, kilala niya si Zyair? "Ahm, s-sino ka?" tanong ko sa lalaki. Ngumiti ang lalaki bago sumagot saka inakbayan si Nikki. "Pinsan ako ni Zyair. Mukhang na-miss niya nga ako eh, talagang hinabol niya pa 'ko rito," nakangiting sabi niya. Napakagat ako sa ibabang labi ko. Ang daming tumatakbo sa isip kong mga tanong. Pero ang pinaka mahalaga na dapat kong malaman, alam kaya niya ang tungkol sa sakit ni Zyair? "Ahm, gano'n po ba? Secretary po ako ni Zyair. Next time na lang po kayo magchikahan, busy kasi kami eh." Pasimple kong kinurot ang tagiliran ni Nikki, napangiwi naman siya saka napairap sa 'kin. Hindi ko na hinintay ang sasabihin ng pinsan niya. Hinawakan ko ang necktie na suot niya saka hinila siya palayo sa lalaki. Kailangan na naming lumayo, delikado kung sakaling hindi pa alam ng pinsan niya na may DID siya, saka hindi porke't pinsan siya ni Zyair ay mapagkakatiwalaan na siya. "Maupo ka riyan!" Pumasok kami sa may coffee shop at pinaupo siya sa tabi ko. Hinihingal na kumuha ako ng panyo sa bulsa ko saka pinahid ang pawis sa noo ko. "Kadiri, ang pawisin mo," maarteng sabi ni Nikki saka itinulak ako palayo. "Manahimik ka kung ayaw mong bigwasan kita. Ikaw ang dahilan kung bakit napagod ako at pinawisan ng ganito," naiinis na sabi ko. Mamumuti yata ang lahat ng buhok ko rito kay Nikki. "Bakit mo ba kasi biglang niyakap 'yung lalaki?! Siraulo ka ba?!" sigaw ko. Napatingin sa 'min yung mga tao sa loob ng coffee shop pero wala na akong pakialam. Ginigigil ako ng Nikki na 'to. "Yung bibig mo, kababae mong tao. Nakakahiya ka, eww!" maarteng sabi ni Nikki saka inirapan ako. Naningkit naman ang mga mata ko. "Wow naman, sino kaya ang mas nakakahiya sa 'tin? Bigla ka na lang nangyakap ng lalaking hindi mo kilala," naiinis na sabi ko saka hinila ang buhok niya. "Hindi na 'ko nag-aksaya ng oras, alam kong siya ang destiny ko," sabi niya saka ngumiti ng matamis. "Pinsan siya ni Zyair so parang pinsan mo na rin siya, hindi kayo pwede. Saka bakit hindi mo man lang nalaman na pinsan 'yon ni Zyair?! Anong klaseng alter ka?" tanong ko saka pinaningkitan siya ng mga mata. "Wala akong pakialam sa pamilya ni Zyair, wala naman silang kwenta," sabi niya habang nagtitingin ng kape sa menu. Napakunot ang noo ko. "Bakit wala silang kwenta?" Tumingin siya sa 'kin saka napangisi. "Secret, no clue," nang-aasar na sabi niya. "Sabihin mo na, kapag sinabi mo sa 'kin, papayag akong mamimili tayo ng maraming make up gamit ang pera ni Zyair," sabi ko saka nagtaas-baba pa ng kilay sa kanya. Napasinghap siya sa sinabi ko. Tumikhim siya saka dumikit sa 'kin at umupo ng tuwid. "Wala silang kwenta kasi wala silang pakialam kay Zyair. Kasalanan nila kung bakit nagkaroon ng DID si Zyair, sila ang dahilan ng paghihirap ni Zyair noon, sila ang dahilan ng trauma ni Zyair. Nakakainis sila pero medyo thankful ako dahil nabuo ako. You know, malaki kaya ang part ko sa buhay ni Zyair. Ako lang ang masayahing alter niya, kapag malungkot siya, lumalabas ako," sabi niya saka ngumiti ng matamis sa 'kin. Mukhang komplikado pala talaga ang buhay ni Zyair, akala ko puro pasarap lang siya sa buhay dahil mayaman siya. Mukhang marami siyang pinagdaanan na hindi niya kinaya kaya gumawa siya ng alters niya. "Yung pangako mo sa 'kin, bibili tayo ng maraming make up," nakataas-kilay na sabi niya. Napasapo na lang ako sa noo ko. "Uy, may pogi." Napasinghap ako nang dali daling tumayo si Nikki at lumabas ng coffee shop. Naiinis na napapadyak ako sa sahig saka hinabol siya. Mukhang hindi ako pwedeng magpahinga ng ilang minuto lang kay Nikki. * * * "W-what happened?" Napabuntong hininga na lang ako habang nakatingin kay Zyair na kakagising lang. Kinusot niya ang nga mata niya saka bumangon mula sa pagkakahiga sa couch. Sa sobrang kulit ni Nikki, napilitan ako na sapakin siya at patulugin. Buti na lang at alam ko ang number ng driver niya at natawagan ko. Nandito na kami ngayon sa bahay ni Zyair. Hindi ko na tuloy na-appreciate ang ganda ng bahay niya dahil sa pagod. Daig ko pa ang nakipaghabulan sa sampung kabayo dahil sa kakulitan ni Nikki. Napatingin si Zyair sa mini table, napakunot ang noo niya nang makitang maraming paper bag doon. "Mga make up 'yan, hindi ko alam na sobrang obsessed sa make up si Nikki. Kulang na lang ipabili niya sa 'kin yung buong make up store. Ang dami niya ring pinabiling mga damit na hindi ko alam kung kakasya ba sa kanya... o sa 'yo," sabi ko saka itinuro ang mga paper bag na nasa tabi niya. Napabuntong hininga na lang siya saka napahilot sa sentido niya. "I'm sorry, you can take a rest, I know you're tired," sabi niya saka tumayo habang inaalis ang necktie niya. Kanina ko pa talaga gustong magpahinga, hindi ko lang magawa dahil baka lumabas na naman si Nikki at tumakas. "Saan ang kwarto ko?" tanong ko saka napakamot sa batok ko. "Follow me." Kinuha ko ang maleta ko at sinundan siya. Napatingin naman siya sa 'kin. Natigilan ako nang lumapit siya sa 'kin at kinuha ang maletang bitbit ko saka ngumiti sa 'kin. Ang gwapo niya ngumiti, nalimutan ko tuloy bigla ang loka-lokang alter niya na si Nikki. "Your job is kinda exhausting, right?" tanong niya saka muling naglakad. Sumunod na lang ako sa kanya. "Keri lang, malaki naman ang sweldo mo sa 'kin eh." Naalala ko tuloy kung paano nanlaki ang mga mata ko nang magpirmahan kami ng kontrata. Hindi talaga biro ang ipapasweldo niya sa 'kin, doon ko napatunayan na super yaman niya. "Papupuntahin ko si Dr. Salvacion mamaya, he's my psychiatrist. he will explain more about my condition to you. You have to listen carefully." Napatango na lang ako sa sinabi niya. Binuksan niya ang pinto sa second floor saka pumasok sa loob ng kwarto, sumunod na lang ako sa kanya. "This is your room. Do you see that door?" tanong niya saka itinuro ang pinto sa dingding ng magiging kwarto ko. "Our rooms are connected." Napasinghap ako sa sinabi niya. "Magkakonekta?" tanong ko. Ngumiti naman siya saka tumango. "Take a rest first, Dr. Salvacion will be here later," sabi niya saka lumabas ng kwarto ko. Napakagat na lang ako sa ibabang labi ko at hinila ang maleta ko palalapit sa kama. Mapapanindigan ko ba talaga 'to? Napailing na lang ako, para kay Derron, kakayanin. DUMATING na si Dr. Salvacion makalipas ang isang oras. Si Zyair naman umalis dahil may kailangan daw siyang asikasuhin, medyo nag-aalala pa 'ko kasi baka lumabas si Nikki o yung ibang alters niya pero keri naman daw niya. "Ikaw pala ang tagapigil sa alters ni Zyair na na-kwento niya sa 'kin nung nakaraan," sabi ni Dr. Salvacion saka uminom ng tubig. Alanganing ngumiti na lang ako saka tumango. "As you can see, Zyair has dissociative identity disorder or DID. DID is a coping mechanism or defense mechanism of a child who suffers from an extreme or repeated trauma. Nade-develop ang DID sa pagkabata ng DID patient. May naging karanasan si Zyair noong bata siya na sobrang sakit para sa kanya na maalala kaya may nadevelop na iba't ibang alternate personalities or alters sa pagkatao niya na sumasalo ng sakit ng alaala niya noon. Sa ngayon, hindi ko pa alam kung ano ang dahilan ng trauma ni Zyair noon, hindi niya pa rin naaalala ang nangyari sa kanya. Zyair's pains build amnesic wall, he makes alternate personalities when he was a kid to protect himself from the pain of his traumatic past." Napalunok ako sa sinabi niya. "As you can see, if one of his alters is taking over, he doesn't remember anything about what happened when he woke up. Gano'n din naman ang case sa alters niya, naaalala lang nila ang mga pangyayari sa paligid nila during their own consciousness," tuloy niya. "Malamang napakilala na sa 'yo ni Zyair ang mga alters niya. A DID patient's alters doesn't cause harm to anyone, they're harmless. Hindi 'yan katulad ng mga napapanood nating movies about DID na pumapatay ng tao ang alters o kaya naman nananakit ng walang dahilan. Pero may tinatawag tayong persecutor alter..." Napakunot ang noo ko. "Persecutor? Parang lawyer? Attorney?" tanong ko. Natigilan ako nang matawa siya habang umiiling. "Nakilala mo na ba ang isang alter ni Zyair na si Derron Castalier?" Napatango ako sa tanong niya. Ano ang meron kay Derron? "Derron Castalier is Zyair's persecutor alter. As you can see, he's a bit violent, but he's not an immoral kind of person or alter rather. Kaya siya bayolente dahil siya ang nakakaalala ng lahat ng sakit na naranasan ni Zyair noon. Sina Nikki, Roover at Annie, kaunti lang ang alaala nila tungkol sa trauma ni Zyair, pero si Derron, tandang tanda niya lahat." Napabuntong hininga ako sa sinabi ni Dr. Salvacion, kawawa naman pala si Derron. "Persecutors are kinda aggressive and violent because they find everything unfair for them. They think that they only exist just to remember all those horrible trauma and cope up with it. It's painful and unfair. Don't you think?" Tipid na napangiti ako saka tumango. "At hindi lang 'yon, persecutor tends to be violent because they have learned to copy the behavior of the abuser to keep them or the system safe. Iniisip nila na kapag sila ang abuser, hindi na sila kailangang saktan ng totoong abuser. Ang persecutor ang nagsisilbing pinakanagpo-protekta sa system. Gano'n si Derron, siya ang nagdadala ng lahat ng masasakit na alaala na hindi kayang harapin ni Zyair." Hindi ko alam pero nararamdaman ko ngayon na nanlalamig ang buong katawan ko dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam na ganito kalawak ang DID. Nakaramdam ako ng awa kay Zyair, maski na rin sa mga alters niya at sa persecutor alter na si Derron. Siguradong hindi madali ang pinagdaanan nila. "Doc, posible bang mawala ang alters sa katawan ng tao?" tanong ko. "May mga gano'ng pangyayari, ang madalas na dahilan ng pagkawala ng alters ay dahil hindi na sila kailangan ng DID patient. Maaaring naharap na nila ang takot o trauma nila, maaaring kaya na nilang harapin ang lahat ng walang tulong ng alters. May cases na ganyan," paliwanag niya. Ibig sabihin mawawala si Derron kapag kaya na ni Zyair ang sarili niya? "Sana habaan mo ang pasensya mo sa katulad ni Zyair, hindi madali ang pinagdaanana niya, he experienced an extreme traumatic experience that's why he has DID. Sana matulungan mo siya at wag samantalahin, marami siyang kalaban sa mundong ginagalawan niya, kahit sarili niyang pamilya kalaban niya." Tipid na ngumiti na lang ako saka tumango sa sinabi niya. "Opo, tutulungan ko si Zyair sa abot ng makakaya ko." KANINA pa nakaalis si Dr. Salvacion pero hanggang ngayon iniisip ko pa rin ang mga sinabi niya. Hindi ko alam na gano'ng kabigat ang pinagdadaanan nina Zyair, at ni Derron. Walang karamay si Zyair sa mundong ginagalawan niya kundi ang sarili niya lang at ang alters niya. Napaisip tuloy ako sa sinabi ng loka-lokang si Nikki kanina... Pamilya ni Zyair ang dahilan ng trauma niya? Bakit? Ano ba ang ginawa ng pamilya ni Zyair sa kanya? Bakit nagawa 'yon sa kanya ng sarili niyang pamilya? Napapitlag ako nang biglang bumukas ang pinto sa kwarto ko. Napakurap ako nang makita si Zyair na seryosong nakatitig sa 'kin habang nakatayo sa may pintuan. "Zyair, tapos ko ng kausapin si Dr. Salvacion, marami akong nalaman tungkol sa 'yo lalo na kay Derron." Natigilan ako nang hindi siya nagsalita. Nanatili siyang nakatitig ng seryoso sa 'kin. Napakunot ang noo ko, ano'ng problema niya. "Zyair?" Naglakad siya papalapit sa 'kin. Natigilan ako nang mapatingin ako sa mga mata niya. "D-Derron?" tila hindi makapaniwalang tanong ko. Napatili ako nang marahas niya akong itulak sa kama saka pumaibabaw sa 'kin. "Ano'ng ginagawa mo rito?" mariing tanong niya habang nakatingin ng masama sa 'kin. Para akong sinasaksak ng masama niyang tingin, para bang may nagawa akong kasalanan sa kanya. "N-nagtatrabaho ako kay Zyair," nauutal na sagot ko. Hindi ako makahinga ng ayos, parang may kung anong nakadagan sa dibdib ko dahil sa paraan ng pagtingin niya sa 'kin, idagdag pa na sobrang lapit namin sa isa't isa. "Sinadya mo ba talaga akong lapitan ng gabing 'yon? May pina-plano ba kayo ni Zyair?!" Napasinghap ako sa tanong niya. Napalunok ako at agad na umiling. "Wala kaming pinaplano, Derron. S-secretary lang ako ni Zyair," sabi ko saka napaiwas ng tingin sa kanya. "Bakit ka nakipagkita kay Dr. Salvacion?! Ha? Para ano? Para mas makilala ako? Para makontrol niyo ako ni Zyair? Para mawala na 'ko sa buhay ni Zyair?!" Agad akong umiling sa sunod-sunod na tanong niya. "M-mali ka ng iniisip, Derron. Wala kaming gano'ng plano ni Zyair. Gusto lang niya na hindi kayo manggulo sa buhay niya, g-gusto niyang mabuhay ng normal," nauutal na sabi ko. Natigilan ako nang mapangisi siya. Ibang iba talaga ang mga mata ni Derron kay Zyair. Makikita mo sa mga mata ni Derron ang pighati at sakit. Naiintindihan ko na ganito ang kinikilos niya, dala dala niya ang lahat ng sakit ng alaala ni Zyair. "Hindi na mabubuhay ng normal si Zyair, ginawa niya kami dahil duwag siya. Nabuo kami dahil hindi niya kayang harapin ang takot niya. Kami... ako ang sumalo ng lahat ng kaduwagan niya! Wala siya ngayon sa kinatatayuan niya kundi dahil sa 'kin, wala siyang karapatan na sabihing panggulo lang kami sa buhay niya!" Napalunok ako habang nakatitig sa mga mata niya. Pakiramdam ko hindi ko na kayang pakinggan ang mga sinasabi niya, ramdam na ramdam ko ang pasakit niya sa bawat salitang binibitiwan niya. "Kung wala kami, wala na rin siya sa mundo ngayon. Wala siyang karapatan na alisin kami sa buhay niya, wala siyang karapatan!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD