Maagang nagising si Brix kagaya ng kanyang nakagawian. Ngunit dahil kailangan niyang ihanda ang silid kung saan sila magsasanay ni Sam, ay bumangon na siya sa sofa na kanyang pinag-higaan kagabi. Saglit siyang nag-unat. Pagkatapos, ay dinampot ang unan na nahulog sa sahig at ibinalik iyon sa kama kung saan natulog pa rin si Samantha. Naroon pa rin ito, mahimbing na natutulog na akala mo ay sarili niya ang silid.
Kung sabagay, lahat naman ng kwarto o 'kong anuman ang nasa palasyo na ito ay pagmamay-ari ng Prinsesa. Makukuha nito lahat nang gustuhin niya kahit na ano pa man iyon.
Napangiti siya at ilan saglit na pinagmasdan ang mukha ng Prinsesa. Napakahimbing pa nang tulog nito kaya naman ay kinuha niya ang kumot at kinumutan muna. Pagkatapos ay nagtungo na siya sa banyo sa silid upang maligo na.
Pagkatapos niyang maligo ay nanatili pa rin itong tulog kaya naman ay agad siyang nagbihis, at binuksan ang cabinet kung saan kinuha niya ang mga armas na gagamitin nila.
“Sam? bangon na,” mahina niya pang tawag habang pinupunasan ang isa sa mga patalim na hawak. “May pagsasanay tayo baka nakakalimutan mo?”
Sa wakas ay nagising ang Princesa, ngunit walang imik itong napaupo sa kama. Pikit pa rin ang mga mata na halatang tulog pa rin ang diwa, “Sandali lang, sayang ‘yong 2 minutes ko,” Pagdadahilan nito sa kanya.
Napatingin si Brix sa orasan. Sakto, dalawang minuto pa bago ang takdang oras para bumangon siya. Napa-iling na lang siya nang nanatili si Samantha na nakaupo sa kama, habang pikit ang mga mata at hinihintay na lumipas ang dalawang minuto. Nang biglang may kumatok sa pintuan. Tumayo siya at tinungo iyon. Pagkabukas, ay bumungad sa harapan niya si Tess. May dala itong tray na puno ng pagkain.
“Brix, gising ka na pala?” wika ni Tess.
“Kakagising lang din. Ito, naghahanda na,” saglit siyang napatingin sa kama at nakitang wala na roon si Samantha. Nag-alala kasi siya at baka nakita ito ni Tess.
“Mabuti naman. Ihahanda mo na ba ang lugar 'kong saan kayo magsasanay mamaya?”
“Oo,” Ngumiti ito sa kanya.
“Oh siya, tutungo na ako sa silid ng Prinsesa para gisingin siya,” tumango si Brix at isinara ang pintuan. Napa-iling na lang siya nang makita ang bahagyang nakabukas na lagusan sa likod ng kurtina sa kanyang silid.
“Hindi ka pa rin talaga nagbabago.”
Dali-dali na tumakbo si Samantha sa pasilyo na nakatago sa pagitan ng mga dingding. Alam niya ang pasikot-sikot doon at saulo na nga ang daanan patungo sa kanyang silid. May mga sikretong lagusan at silid sa loob ng palasyo. At para mapuntahan iyon ay kailangan mong pumasok sa mga pagitan ng dingding mula sa mga tagong lagusan na siya lang halos ang nakakaalam. Nilikha ang mga lagusan na iyon ng mga Hiraya upang magsilbing lihim na lagusan, kung sakali na magkaroon ulit ng giyera o kung sakaling may magtangka ulit na kalabanin ang angkan nila. Nagsisilbi kasi iyon na paraan para makalabas ng palasyo ng hindi malalaman ng sino man.
Hindi nagtagal ay nakabalik siya sa kanyang silid. Agad niyang isinara ang dingding. Bumilang lang s'ya ng ilang saglit ay biglang bumukas ang pintuan ng kanyang silid.
“Mahal na Prinsesa, gising ka na po pala?” wika ni Tess.
Ngumiti siya pagkatapos ay umaktong nag-unat. “Good Morning, Tess.” inalis niya ang kanyang Roba at ipinusod ang kanyang buhok.
“Aayusin ko na ang paliguan mo.”
“Huwag na,” pigil niya kay Tess pagkatapos ay tuluyan na hinubad ang kanyang damit, “Balak ko na mag-shower lang muna. Mamaya na ako magbababad pagkatapos ng pagsasanay namin ni Brix,” tumango ang kanyang Apid pagkatapos ay i-li-ligpit na sana ang kanyang higaan ngunit maayos na ito. Napansin niya ang pag-ta-taka sa mukha nito kaya ngumiti siya, “Maaga akong nagising kaya niligpit ko na.”
“Sana hindi mo na lang ginawa mahal na Prinsesa. Nakakahiya lalo pa at gawain ko na magligpit ng higaan mo.”
“Hindi naman ako isang paslit. Isa pa hindi nakakapagod na magligpit ng higaan,” palusot niya bago isinara ang tubig na nagmula sa shower.
“Masusunod po mahal na Prinsesa,” sunod na inayos ng Apid ang kanyang pagkain pati na rin ang kanyang inumin “Lagyan mo muna po ng laman ang iyong tiyan mahal na Prinsesa. Para magkaroon ka lakas para sa pagsasanay niyo ni Ginoong Brix.”
“Hindi ako kumakain kapag magsasanay. Makakaalis ka na, Tess.”
“Po?” pagtataka ni Tess dahil tinalikuran siya nito.
“Makakaalis ka na, Dalhin mo na ito lahat,” wika niya pagkatapos ay nagbihis na ng kanyang susuotin para sa pagsasanay nila ni Brix.
Tumango si Tess at tuluyan nang lumabas. Napatingin siya sa kanyang sapatos na nasa gilid lang, napangiti siya at tinawagan ang telepono ni Brix.
“Brix? Saan mo inilagay yung boots ko?”
“Hindi mo tinanong si Tess? Wala na ba siya riyan?” tanong ng binata mula sa kabilang linya.
“Pinalabas ko na, tara dito tulungan mo akong hanapin ang boots ko. Hindi ako makapagsanay ng wala ‘yon,” wika niya pa ngunit kasalukuyan na sinusuot na niya ang kanyang boots na ngayon ay hinahanap niya kay Brix. Talagang tukso siya pagdating sa binata.
“Samantha,” napahinto ito saglit at tila humina ang boses sa kabilang linya, “Mauuna na ako at sinabihan na rin ako ni Tess na maghanda na. Ayusin ko na itong ginagawa ko at tapusin mo na rin iyan, nang makapagsanay tayo.”
Napabuntong hininga si Samantha bago napainom na lang ng juice. “Ang killjoy ni Tess, hindi ako natutuwa sa kanya,” napairap pa si Samantha pagkatapos ay kinuha ang paborito niyang patalim at sinuklib iyon sa kanyang boots. “Dali na Brix, tulungan mo na ako rito.”
Narinig niya ang saglit na pag buntong-hininga nito sa kabilang linya. Ganoon pa man ay hindi rin nakatiis si Brix at napapayag niya, “Sige, papunta na ako.”
Lumawak ang kanyang mga ngiti pagkatapos ay tumungo sa may pintuan. Hindi nagtagal ay bumukas iyon at doon nakita niya si Brix na nakabihis na ng kasuotan na pang-sanay.
Napatingin ito sa kanyang boots na suot-suot na niya.
“Akala ko ba nawawala yung sapatos mo?. Napangiti si Sam pagkatapos ay nilampasan si Brix.
“Nakita ko na, so tara na sabay na tayo pumunta sa silid ng pagsasanay,” napailing na lang si Brix at sinundan si Samantha hanggang sa makarating sila sa silid ng pagsasanay.
Walang tao roon kundi si Tess at Hulyo na mukhang naghihintay na para sa gagawin nilang pagsasanay. Naka-hilera ang mga armas sa malawak na lamesa.
Lumapit sila roon at sunod na tinanong siya ni Brix kung ano ang nais niyang gamitin. “Mamili ka na nang ga-gamitin mo ngayon, mahal na Prinsesa.”
Napatingin si Samantha sa mga armas, inisa-isa niyang hawakan ang mga iyon. Sinuri ang bawat patalim ngunit wala siyang dinampot maski na isa.
“Wala kang gagamitin?” tanong ulit ni Brix sa kanya kaya naman ay napatango siya at tumungo na sa gitna ng silid. Sumunod si Brix at nagsimula na silang pumwesto sa gitna.
Nakahanda ang mga kamay, nakapustura ang kanilang katawan para sa gagawing pag-sugod. Hindi halos maghiwalay ang kanilang tingin at simula ng nag seryoso ang kanilang mukha upang handa nang umatake.
“Tignan natin kung hanggang saan na ang lakas mo,” wika ni Brix kaya napangisi si Samantha. May panghahamon mula sa mga ngiti nito na halatang nais magpa-kitang gilas dito.
“Bibilang ako ng tatlo. Mauuna kang umatake, maliwanag ba?” wika ni Brix sa kanya. Muli silang pumwesto palapit sa isat-isa.
“Isa,” unang bilang ni Brix. lumalim ang kanilang paghinga, naging alerto silang dalawa.
“Dalawa.”
Ngunit wala pa ang pangatlong bilang ay sumugod na si Samantha. Isang suntok ang pinakawalan niya kasabay ng isang malakas na sipa na agad naman naiwasan ni Brix.
Si Brix ang sumunod na umatake hanggang sa nasalag iyon ni Samantha. Sunod-sunod na mga suntok ang pinakawalan nila, hanggang sa masipa nang malakas ni Brix si Samantha, dahilan para tumalsik ito.
“Don’t let your guard down” sigaw ni Brix sa kanya na umalingawngaw sa buong bulwagan.
Kaya naman ay tumayo si Sam at muling umatake.
Sunod-sunod ang palitan ng kanilang mga suntok, mainit ang kanilang labanan. Halos hindi na nga rin makaimik si Tess at Hulyo at nakapako lang ang tingin sa kanilang dalawa. May mga tagapagsilbi pa na napa-hinto sa kanilang gawain at nanood na lang sa kanilang pagsasanay.
Bakas sa mga mata ng mga ito ang pagka-bilib sa angking lakas nilang dalawa. Ganoon pa man sa tuwing tatama ang mga suntok sa katawan ng Prinsesa ay hindi nila maiwasan na mag-alala at mapangiwi. Dahil alam nilang napakasakit ‘non.
Ganon pa man ay tila walang bakas ang kahit na anong sakit sa mukha ni Samantha. Kahit pa malakas ang mga suntok na natamo nito mula kay Brix.
“Wag mong pigilan ang sarili mo, Brix!” sigaw niya pa rito dahil alam niyang pigil ang galaw nito para hindi siya masaktan.
“I am not."
“Yes you are,” ngumisi ulit si Samantha at lumapit dito upang suntukin ito. Nakaiwas si Brix, kaya naka-kuha ng pagkakataon si Sam na bumulong sa kanya. “Isang kasalanan na pigilan ang lakas mo, parang minamaliit mo ang lakas ko,.”
Sa sinabing iyon ni Samantha ay hindi nag-atubili si Brix na ibuhos ang kanyang lakas para sa kanilang pagsasanay.
Mas lalong naging mainit ang kanilang labanan. Ang kanina na ilang tao lang na naka-silip sa silid ay halos nasa loob na. Lahat ay nagniningning ang mga mata, nagbubulungan sa pagkamangha sa ipinapamalas na lakas ng dalawa sa kanilang pagsasanay.
Isang malakas na tadyak ang ginawad ni Samantha kay Brix para tumilapon ito. Nagpalakpakan ang mga nasa paligid ganoon pa man ay nanatili pa rin na mainit ang laban nang tumayo si Brix at muling sumugod kay Samantha. Malakas na suntok ang iginawad ni Brix dahilan para si Samantha naman ang matumba. Tumama ang pisngi nito sa gilid ng mesa kaya halos magdugo ang kanyang pisngi.
Dumura din si Sam ng dugo na dahilan kaya mas lalong kinabahan ang mga nasa paligid.
Dali-daling lumapit si Brix kay Sam para tignan ng sugat nito.
“Ang pisngi mo,” pinahid niya ang dugo sa pisngi ni Sam.
Dahil sa kanyang pag-aalala ay nakakuha ng t’yempo si Sam. Hinatak niya si Brix at kinubabawan. Pipiglas pa sana ito ngunit sa isang iglap ay kinuha ni Sam ang nakatagong patalim sa kanyang sapatos at itinapat iyon sa leeg ni Brix.
Ikinagulat iyon ni Brix. Napangiti si Samantha habang nanatili na nakatingin sa mga mata ng binata, “Don’t let your guard down, Brix.”
Kapwa sila napangiti, tila bumalik ang sinabi ni Brix sa kanya kanina, hindi niya iyon inaasahan.
Sumigaw si Hulyo at itinalaga na si Samantha na ang panalo sa pagsasanay nila. Ngunit hindi pa rin sila umalis sa ganoong posisyon. Kapwa sila hinihingal habang si Samantha ay nakaibabaw kay Brix. Nanatili ang mga tingin nila sa isa’t isa, halos isang pulgada na lang ang layo ng mga labi nila.
Si Brix ay nakahawak na rin sa bewang ni Samantha habang unti-unti na rin na kumakalas ang hawak ni Samantha sa patalim. Ang malalalim na paghinga kanina ay napalitan ng mabilis na kabog ng kanilang mga dibdib. Nararamdam nila iyon dalawa. Hanggang sa unti-unti na bumaba ang kanilang mga tingin sa kanilang mga labi. Tila nawala ang mga tao sa kanilang paligid at sila na lang ang natira.
Unti pang naglapit ang mga labi nila.
“Mahal na Prinsesa, gamutin ko po ang iyong mga sugat,” boses iyon ni Tess na nagpa-balik sa kanila sa katinuan.
Hinawakan ni Brix ang braso niya, umiwas ito at tumayo na. Walang nagawa si Sam kundi ang tumayo na rin, pagkatapos tumuon ang pansin sa mga tao na nasa paligid nila. Ang ilan ay nakangiti samantalang ang iba ay tila nagbubulungan.
Napatingin siya kay Brix na nag-iwas nang tingin bago pilit siyang nginitian “Magaling, maaari ka nang magpahinga mahal na Prinsesa. Sasabihin ko na lang sa iyong ama ang naging resulta ng pagsasanay natin ngayon.” Blangkong wika nito bago tumalikod at kinausap si Hulyo.
“Mahal na Prinsesa, tayo na po. Para magamot ko po ang sugat mo,” wika iyon ulit ni Tess pero hindi niya iyon pinansin, bagkus ay agad siyang umalis.