Kumatok si Brix sa pinto ni Samantha. Hindi ito sumagot kaya naman ay binuksan niya na lang ang pintuan at doon nakita si Samantha na nagpipinta. Nilapitan niya ito at pinagmasdan ang nililikha ng dalaga.
Kung titignan ay isa itong imahe ng naging labanan nila kanina. Silang dalawa habang magkaharap bago magsimula ang laban, “Dapat pula” wika ni Brix na ikinagulat ni Samantha kaya hinampas niya ito.
“Ano ba, Brix!” inis pang wika ni Sam. Marahil ay hindi niya ito napansin dahil naka-earphones si Samantha at nakikinig ng musika. Ganito lagi ang ginagawa nito tuwing nagpipinta para mas makapag-focus siya.
“Kulay pula ang tela na nakabalunbon sa kamao ko kanina,” pagtatama niya pa bago hinatak ang isang upuan at umupo sa tabi ni Samantha.
“Hindi pa kasi tapos 'yan, ayoko na mahawa ang ibang kulay kaya ihuhuli ko na ang pinturang pula,” sagot ni Samantha kay Brix ngunit nakatuon lang ang pansin nito sa kanyang pisngi. Tumayo si Brix at kumuha ng ice pack sa loob ng mini refrigerator sa silid ni Samantha. Pagkatapos ay walang sabi na idinampi iyon sa pisngi nito.
“Ano ba Brix? Nag pa-paint ako eh, mamaya ka na,” reklamo ng dalaga ng humarang pa ito sa ginagawa niya.
“Mamaya na yan, kailangan na idampi ito sa pisngi mo.”
“Hindi naman masakit,” pagdadahilan niya pa kaya hinawakan ni Brix ang kamay niya at kinuha ang paint brush at itinabi muna. Pinalit n’ya ang ice pack at pinahawak iyon kay Sam, para idampi sa pisngi nito.
Nagkatinginan silang dalawa “Hindi porket hindi ka nakakaramdam ng sakit ay aabusuhin mo ang katawan mo,” sabi ni Brix sa kanya.
Wala naman nagawa si Samantha at hinawakan lang ang ice pack. Habang si Brix ay kumuha ng first aid kit para ang sugat sa may tuhod naman nito ang kanyang gamutin.
Ibinaba niya ang first aid kit sa gilid pagkatapos ay ipinatong ang binti ni Sam sa kanyang kandungan.
“Wala ka lang nararamdaman pero ang katawan mo nahihirapan ‘yan. Tignan mo yang pisngi mo nangingitim na sa pamamaga. At itong tuhod mo tumutulo na yung dugo mula sa sugat mo oh,” inilapat niya ang bulak na may alcohol sa sugat nito para mawala ang pagdurugo.
Totoo, hindi nakakaramdam ng kahit na anong sakit si Sam dahil sa pagmamalupit na naranasan niya noon kay Nathalia. Si Nathalia na nagpanggap na ina niya para ilayo siya sa totoong mga magulang. Puro pagmamaltrato ang natamo niya rito, dahilan para mag-shutdown ang kanyang katawan sa kahit na anong sakit na maaari niyang maramdaman.
Kaya yung mga suntok at sipa na natamo niya kanina habang nagsasanay sila? wala iyon kay Samantha. Dahil hindi naman niya iyon maramdaman.
Alam iyon ni Brix. Lalo pa at lumaki sila na magkasama. Na sa tuwing masusugatan si Sam kapag naglalaro sila o kaya naman kapag meron silang pagsasanay ay wala lang dito ang mga sugat na natatamo. Hindi nito pinapansin kaya nandyan siya lagi para paulit-ulit na ipaalala rito na, kahit ba naman wala itong nararamdaman ay kailangan niya pa rin na alagaan ang kanyang sarili.
“Sinabi sa akin ni Tess na ayaw mong ipagamot ang mga sugat mo. Pinaalis mo raw siya agad. Hindi mo dapat ginawa iyon sa Apid mo.”
“Hindi ko kailangan ng Apid. Hindi ko kailangan ang tulong ni Tess kasi kaya ko na ang sarili ko,” naiinis na wika ni Samantha kay Brix na para siyang bata na nagsusumbong.
Matagal na kasi niyang sinabi sa mga magulang na ayaw niyang magkaroon ng Apid. Ngunit dahil na rin sa tradisyon at desisyon ng Circulo ay nag-talaga pa rin sila ng personal na Apid para sa kanya. Ang dati kasi na nag-aalaga sa kanya ay ang Apid ng kanyang Ina. Magdadalawang linggo pa lang si Tess bilang Apid niya ngunit nais na niya itong paalisin.
“Lahat ng Prinsesa may Apid, saka ayaw mo ba ‘non? May makakausap ka na iba, 'yong mas ka-edad mo,” wika ni Agos.
“Bakit ikaw? ka-edad naman kita. Ayos na ako na ikaw ang kausap ko, hindi ko na kailangan ng iba pa.”
“Kahit na, hindi pa rin sila papayag at alam mo yan,” Katwiran ni Brix dahilan upang mas lalong sumama ang mukha niya.
“Hindi ko sila maintindihan, ayaw nilang pahawakin ang Prinsesa ng mga pang linis. Pati pag tu-tupi nang pinaghigaan, bawal. Dahil hindi iyon gawain ng Prinsesa, pero ang makipaglaban at humawak ng armas pwede?” pinakatitigan siya ni Brix, napailing ito. Wala naman siyang magagawa sa nais ng Prinsesa. Lalo na rin sa nais nitong paalisin si Tess dahil alam niyang hindi makakapayag ang Circulo na hindi siya magkaroon ng Apid.
"Dahil iyon ang trabaho ng Apid, at ikaw biglang Princessa kailangan mong matuto na protektahan ang sarili mo.”
“So, kung sakali na may kalat ta-tawag pa ako nang Apid para maglinis? Pero kapag may sumugod at nagtangka sa amin ako ang la-laban?” galit pang sabi nito kaya mas lalong napailing si Brix.
“May kanya-kanya tayong tungkulin. Ikaw bilang Prinsesa, ako bilang tagapagbantay mo. At si Tess bilang Apid mo. Kapag tinanggal mo ang tungkulin si Tess ano na lang ang mangyayari sa kanya?, Saan siya pupulutin?, paano ang ibang mga Apid?” tanong ni Brix at napagtanto nga ni Samantha na tama ito.
Parte nang nananatili na tradisyon ang pagkakaroon ng Apid. Kapag pati iyon ay kanyang hinayaan na maalis maaaring tuluyan na iyong mabura sa kasaysayan.
"Mabuti nga at hindi ka natulad sa ibang angkan na ibinukod ulit ang mga Prinsesa," wika pa ni Brix kaya napagtanto n'ya ang kamalian niya.
Nang matapos ang labanan sa makabagong mundo ay ipinanatili ng ibang Tribo ang pagbubukod sa kanilang mga Prinsesa, maliban sa kanila. Hiniling ng kanyang ina na papanatilihin nila ang pag-salin ng tungkulin ngunit aalisin na ang pagbubukod sa mga Princessa upang maging Binukot. Nais ng kanyang ina na maging malaya ang mga Prinsesa at makita ang makabagong mundo. Ganoon pa man, kung nais ng ibang Tribo na panatilihin ang pagbubukod sa mga Prinsesa ay iginalang iyon ni Cecilia. Kaya ang iilan lang sa Tribo, Katulad ng Hiraya lang ang hindi na ipinagpatuloy ang nakagawian pag dating sa mga binukot nila.
Kung tutuusin ay ma-swerte s'ya.
“Maganda ba si Tess?” Pag-iiba niya ng tanong kay Brix kaya napatigil ito at napatingin uli sa mga mata niya.
“Bakit mo naitanong?”
“Pansin ko na kapag hindi ako pumapayag ay lagi yan nagsusumbong sayo? Kita mo kaninang umaga 'di ba? bago siya tumungo sa silid ko ay dumaan muna sa iyo. Pagkatapos noong pinaalis ko naman siya ay dumaan ulit sa ’yo.”
“Oh? Ano naman ngayon?” kunot noo na tanong ng binata.
Napa-simangot si Samantha “Tingin ko may gusto siya sa ‘yo” napangiti Brix lalo na at bumakas sa mukha ni Samantha ang pagseselos. Maaaring nagseselos nga ito kaya ganoon na lang lagi na mainit ang ulo nito pagdating kay Tess.
“Ginagawa niya lang ang tungkulin niya,”
"So, tungkulin n'ya na lagi mag-sumbong sa 'yo?"
Napangiti si Brix kaya tila napasimangot si Sam.
“Pakiramdam ko nais ka niyang akitin,” mas lalong natawa si Brix kaya hinampas siya ni Samantha “Bakit ka tumatawa? May nakakatawa ba sa sinasabi ko?,” muling natawa si Brix kaya naman mas lalong sumama ang tingin ni Samantha sa kanya “Aminin mo gusto mo s’ya no? Na nagagandahan ka sa kanya?”
“Maganda naman talaga si Teresita.” dahil sa sinabing iyon ni Brix at tumayo si Sam at pabagsak na nahiga sa kama bago nag-talakbong.
Lumapit si Brix, pagkatapos ay umupo sa tabi niya, “Pero mas Maganda ka pa rin. Mahal na Prinsesa.”