Ilang beses siyang napabuntong hininga habang nakatingin sa mga papeles na nasa harapan niya.
Kahit kanina pa niya sinusuri ang mga iyon, ay talagang lumilipad ang isipan niya.
Na mi-miss na niya si Brix. Ito ata ang pinaka-matagal na nawalay ang binata sa kaniya. Hindi siya sanay lalo pa na majority sa mga tao sa palasyo ay wala siyang kinakausap. Kundi ang kanyang mga magulang ay si Brix lang.
"Mahal na Prinsesa," wika ni Tess.
Inilapag nito ang isang basong orange juice sa mesa, may kasama pa iton na cupcake.
"Mga meryenda ka muna, Kamahalan," alok ni Tess sa kaniya.
Napatingin siya sa cupcake, kumagat ng kapiraso at uminom ng orange juice.
"Si, Nanay?" tanong niya kay Tess.
"Nasa bulwagan pa rin Prinsesa, hindi pa tapos ang pagpupulong nila,"
"Hanggang ngayon?"
Tumango si Tess kaya naman ay napabuntong hininga siya.
"Tess, tungkol kay Tatay at Brix? May balita ka na ba?"
Umiling ito kaya mas lalo siyang napabuntong hininga.
Hindi niya matawagan si Brix. Mukhang matindi ang misyon nila ng hari kaya ganoon.
Iyon ang patakaran kapag mayroong mabibigat na misyon. Hindi maaring magdala ng telepono o personal na bagay na makakapagturo o magagamit ng mga kalaban para trace ang pamilya o ang palasyo.
"Kamahalan, mauuna na ako sa mga gawain ko. Kung may ipag-uutos ka ay maaari mo akong mahanap sa---"
"Dito ka muna," putol niya kay Tess. "Umupo ka dito at may kailangan tayong pag-usapan."
Naptango si Tess at umupo sa silya na nasa tapat niya.
"Ano po iyon mahal na Prinsesa?"
Ang totoo naiinis pa rin s'ya sa presensya ni Tess. Pero Apid niya ito, at tama nga si Brix, dahil hindi pwede na habang buhay ay pakainisan niya ito dahil lang sa iniisip niya na may gusto ito kay Brix.
Kaya mabuti kung ngayon pa lang ay magiging malinaw na.
"Tess, umamin ka sakin," seryosong sabi ni Sam.
Napatingin naman sa kanya si Tess.
"Ano po iyon?"
"Anong masasabi mo kay Brix?"
"Po?" tanong nito na may pagtataka.
"Kapag nakikita mo si Brix? Anong iniisip mo? Nakakaramdam ka ba ng kung ano? Like, na ga-gwapuhan ka sa kanya o kaya naman--"
"Tinatanong mo ba kung may gusto ako sa kanya?" diretsong tanong ni Tess sa nauutal na si Sam.
"Oo, ano? May gusto ka nga ba kay Brix?"
Nakataas ang kilay ni Sam kay Tess kaya naman ay napangiti ito.
"Bakit mo naman iyan natanong mahal na Prinsesa?"
"Sagutin mo na lang ako Tess."
Napabuntong hininga si Tess pagkatapos ay napatingin sa paligid. Maselan ang maari nilang pag-usapan kaya mabuti rin na makasiguro siya na walang tao sa paligid na maaring makarinig sa kanila.
"Wala po, mahal na Prinsesa. Hindi ko po gusto si Brix, at wala po akong nararamdaman na kahit na ano sa kaniya. Maniwala ka po,"
Muling tumaas ang kilay ni Sam. Tila hindi kumbinsido sa sinabi nito.
Maaring magsinungaling sa kanya ito dahil marahil nararamdaman din ni Tess na naiinis siya sa kaniya.
"Sigurado ka? Hindi ako naniniwala--"
"May kasintahan po ako," putol ni Tess kaya napahinto si Sam.
Saglit pa na napatingin si Tess sa paligid at muling bumulong. "Mahal na Prinsesa, may kasintahan po ako. Alam kong bawal.. pero kung iyon lang ang dahilan para maniwala ka na wala akong nararamdaman kay Brix ay sasabihin ko sa 'yo. Dahil ikaw ang Prinsesa ko at ang tiwala ko ay sa 'yo lang," paliwanag ni Tess.
Pinakatitigan siya ni Sam ng ilang sandali at muling nagsalita. "Talaga? Anong patunay mo?"
Ngumiti si Tess pagkatapos ay kinuha ang kanyang telepono pagkatapos ay binuksan ang gallery. Doon ipinakita niya ang ilan sa mga larawan niya kasama ang kaniyang kasintahan.
"Teka! Namumukhaan ko siya, saan ko ba s'ya nakita?" Tanong ni Sam at muling napangiti si Tess.
"Isa po siya sa mga sundalo ng iyong ama. Madalas kasama niya si Brix. Kaya siguro po napagkamalan mo na may gusto ako kay Brix kasi dahil parang komportable ako sa kaniya,"
"Iyon nga ang akala ko,"
Napasapo si Tess sa kanyang pisngi dahil ramdam niya ang pag-iinit non. Naalala niya kasi ang kanyang kasintahan.
"Ang totoo po mahal na Prinsesa, sa pamamagitan ni Brix kaya po ako nakakamusta ng kasintahan ko. Hindi kasi sa palasyo siya naka-destino ngayon, at kay Brix lang madalas nangangamusta. Alam po ni Brix ang relasyon namin kahit bawal,"
Napayuko ito. Gumuhit ang lungkot at pag-aalala sa kanyang mukha.
"Mahal na Prinsesa, Dahil sa katungkulan ko sa palasyo, alam ko pong walang karapatan na umibig ang Apid na katulad ko, kaya sana patawarin mo ako, sana rin hindi mo ako isumbong sa reyna,"
Akala talaga nito ay nagsisinungaling si Tess. Pero kung tingnan mo ito ngayon ay kita ang sinseridad sa mukha niya. Alam ni Sam na totoo ang sinasabi nito dahil nakita niya rin ang lungkot sa mukha nito ng sabihin niya na bawal siyang umibig ng dahil sa katungkulan niya.
Napangiti si Sam pagkatapos ay hinawakan ang palad niya.
"Tess, huwag kang mag-alala. Ligtas ang sikreto mo sa akin. Hindi kita isusumbong kay Nanay." wika ni Sam kaya bumakas ang pagtataka sa mukha nito.
"Talaga mahal na Prinsesa?"
Tumango si Sam. "At huwag mo rin sabihin na wala kang karapatan na umibig ng dahil lang sa katungkulan mo. Lahat tayo ay may karapatan na umibig kahit kanino pang tao at kung ano man ang katungkulan natin. Dahil ang pagmamahal hindi iyan naiiwasan o napipigilan,"
Tila nagningning ang mga mata ni Tess. "Ibig sabihin ay tanggap mo pa rin ako na Apid mo kahit na hindi na malinis ang danggal ko?"
Pinanlakihan siya ng mata ni Sam. "So may nangyari na sa inyo ng kasintahan mo?"
Binalot ng hiya si Tess sa sinabi ng Prinsesa, hindi niya inaasahan na napagtanto nito ang sinabi niya.
"Mahal na Prinsesa," namula ang kanyang mukha, hindi na rin niya maitatanggi dahil sa reaksyon na kaniyang pinakita.
Ngumiti si Sam. "Kampante na ako ngayon."
Dahil sa sinabi nito ay alam niyang mapagkakatiwalaan nya si Tess. Hindi naman pala niya ito. Kaagaw pagdating kay Brix.
***
Pagkarating nila sa Japan ay may pinuntahan silang ilang pagpupulong para sa iilang kaalyado na nasa bansang iyon.
Naging madugo man ang nakaraan dahil sa digmaan ay sa makabagong henerasyon ay napanatili ang pagkakaibigan at alyansa ng Salinlahi sa ilang kaibigang Hapon, at mga ka-lahi na nakapangasawa ng hapon.
May ilan kasi na nasa mataas na tungkulin sa Salinlahi ang naninirahan sa Japan. Mga dating prinsesa na nakapangasawa at ipinagkasundo sa mga mga pinunong Hapon upang maprotektahan noon ang Tribo.
Tila wala silang napagpilian noon, ngunit kung titignan ngayon ay hindi lang ang tribo nila ang nakahanap ng kapayapaan. Dahil masasabi naman na naging masaya sa buhay na kanilang pinili para protektahan ang lahi.
Isa na rin sila sa matataas na opisyal, na tanging hangarin na lang ngayon ay ang mapagtibay ang relasyon ng dalawang bansa at ang mapanatili ang kapayapaan.
Ang isa ay si Maria Yokomo. Apo ng isa sa mga dating Prinsesa ng Balan na ipinagkasundo sa Hapon. Ito ngayon ang tagapagmana ng angkan at ang nag-iisang maharlika ng Balan.
At ngayon ay binigyan ni Agos ng tungkulin sa Circulo.
"Maasahan ba namin ang iyong pagsisilbi sa Salinlahi?"
Tumango ang dalaga pagkatapos ay yumuko.
"Maasahan niyo ako, kamahalan. Lumaki man ako sa Japan, ang puso at isipan ko ay nanatili na para sa Balan at lalong-lalo na sa Salinlahi, hindi ko hahayaan na mapasawalang bahala lang ang nangyari sa aking mga ka-tribo na nasa Pilipinas."
Wika nito bago nagbigay galang.
Tumango si Agos at ibinigay ang isa sa mga sagisag ng Salinlahi.
Napansin naman ni Brix na napatingin sa kanya si Maria. Tipid itong ngumiti sa kaniya.
"Maraming salamat sa pakikipagtulungan mo, mauuna na kami ni Brix at may isa pa kaming kikitain," paalam ni Agos kaya napatango ang dalaga.
Nang makaalis sila sa tahanan ng angkan ng Yokomo ay may isang lugar pa silang pinuntahan ng Hari.
Hindi niya alam kung saan ito at sumunod na lang sa hari.
"Akala ko po Pinuno ay isa lang ang ipinunta natin sa Bansang ito. Saan pa po tayo tutungo?" tanong ni Brix kay Agos.
"Nandito na tayo sa sinadya talaga natin sa bansang ito,"
Ngunit bago pa man nasabi nito kung sino ay dumating na ang taong hinihintay nila.