Napatingin si Samantha sa hindi kalayuan, nakita niya kasi si Tess na nilapitan ni Amber. Kaya ngayon ay napataas ang kilay niya.
Inaamin niya noon pa man ay hindi na niya gusto si Amber, ni ayaw niyang nakikita ito dahil sa hindi naging magandang relasyon nila noong mga bata pa lamang sila. Tumatak kay Samatha ang ginawa nito noon. Ang pagsisinungaling nito na naging dahilan kaya kamuntikan ng mapatalsik si Brix sa palasyo. At pagdating sa Prinsesa, kapag nakagawa ka ng bagay na hindi maganda sa kanya ay tiyak na hindi ka niya makakalimutan.
Iginagalang na lang niya ang desisyon at kabaitan ng kan’yang ina na patawarin ito sa mga nagawang kasalanan noon, lalo pa at nagmakaawa ang ina nito. Ngunit, sa isip-isip ni Samantha, ay magkaroon lang ng isang pagkakataon na may gawin itong masama ulit, siya na ang tutulak kay Amber sa bangin.
Patay malisya siyang pinagmasdan ang dalawa, bago tumuon muli ang pansin sa mga papeles na nasa kaniyang harapan. Ganoon pa man ay tanaw pa rin mula sa gilid ng kaniyang mga mata ang dalawa. Ilang saglit ay umalis si Amber at lumapit na ulit sa kaniya si Tess.
“Mahal na Prinsesa, ito na po ang pinapakuha mo,” wika ni Tess pagkatapos ay inilapag sa harap niya ang kanyang sign pen, na gagamitin sa pagpirma.
“Ano daw ang kailangan?” tanong niya kay Tess na ngayon ay napakunot ang noo.
Ngunit hindi rin nagtagal ay napagtanto rin nito ang kanyang nais alamin, lalo na at kapwa sila napatingin sa pintunaan na pinaglabasan ni Amber.
“Ano daw ang sadya niya?”
“May tinanong lang mahal na Prinsesa,” sagot ni Tess pagkatapos ay umupo sa harap niya.
“Ano ang tinanong niya?” muling wika ni Samantha.
Napaisip naman si kung sasabihin niya sa Prinsesa, lalo pa at alam niyang makakaapekto rito ang tinanong ni Amber. Alam niya na maaring maapektuhan ang mood nito ngayong araw.
Ganoon pa man, wala rin siyang magagawa, bukod sa ang prinsesa ang kaniyang pinagsisilbihan ay alam niyang hindi rin siya titigilan nito.
“Ano?” muling tanong ni Sam.
“Tungkol po kay Brix,” sagot naman ni Tess, dahilan para mapaayos si Sam sa kanyang kinauupuan.
Tumaas ang kilay ni Sam, “At ano naman ang itinatanong niya tungkol kay Brix?”.
Halata ang pagkainis sa mukha nito kaya napangiti si Tess.
“Tess, huwag kang ngumiti. Hindi ako natutuwa.”
Inis pa na pagkakasabi ni Samantha kaya naman ay napayos ng mukha si Tess.
“Namumula kasi ang mukha mo mahal na Prinsesa,”
Napasapo si Sam sa kaniyang mukha. Tila nahalata ni Tess na nagseselos ito.
“Ano nga ang itinanong niya kay Brix?”
“Nagtanong siya kung kailan daw ba matatapos ang misyon at kailan uuwi si Brix,”
Mas lalong napataas ang kilay ni Samantha, nakaramdam lalo ng labis na pagkainis ng dahil sa sinabi ni Tess.
“At bakit naman niya tinatanong? nasabi niya ba sa’yo?”
“Hindi po mahal na Prinsesa, wala po siyang ibinigay na dahilan kung bakit niya hinahanap si Brix. Hindi ko na rin po tinanong.”
“Bakit hindi mo kasi tinanong?,” inis na sabi pa ni Sam kaya mas lalong lumapad ang ngiti ni Tess.
Ngayon, kitang-kita talaga sa mukha ni Sam ang labis na inis kay Amber. Hindi lang iyon, mukhang madadamay pa si Brix.
“Tess, sa tingin mo? may gusto ba si Amber kay Brix?” tanong niya ulit kay Tess.
“Hindi ko po alam kamahalan.”
“Hindi nga, yung sa tingin mo lang naman. May gusto ba si Amber kay Brix?” mahinang tanong pa ni Sam bago napatingin sa paligid. “Ano Tess? Sa pagitan lang natin ito, Bakit niya kaya hinahanap si Brix? may gusto ba siya kay Brix?”
Napabuntong hininga si Tess, kilala niya ang Prinsesa, kaya kahit alam niyang may posibilidad ay ayaw niyang mangaling iyon sa kanya.
“Mahirap magsalita mahal na Prinsesa, ayoko magbitaw ng salita na maaring walang katotohanan. Baka kasi mali ang iniisip natin.”
“So, iniisip mo rin na may gusto si Amber kay Brix?”
“Po?” tanong ni Tess na tila hindi akalain na huhulihin siya ni Sam.
“Iyon kasi ang nasa isipan ko, sabi mo baka walang katotohanan ang nasa isipan natin.”
Umiling si Tess lalo pa na nakita niya ang pagsimangot ni Samantha.
“Kamahalan, ang akin lang po, baka magkamali tayo ng akala. Baka malapit lang si Amber kay Brix, kaya niya hinahanap?”
“So malapit si Amber kay Brix?” pabalik na tanong ni Sam kaya mas lalong napangiwi si Tess.
“Hindi po sa ganon mahal na Prinsesa, parang ako lang po iyan. Akala mo may gusto ako kay Brix kasi malapit kami, pero may ibang dahilan kaya kami malapit, Baka ganoon din si Amber.”
Umiling si Sam sa sinabi ni Tess.
“Kilala ko si Amber, hindi kami malapit pero naamoy ko ang ugali niyan. Alam ko na may ibang dahilan kaya niya hinahanap si Brix.”
Napakuyom ang kanyang kamao. “At si Brix na ang tatanungin ko tungkol diyan. Subukan lang talaga na magsinungaling at magdahilan ng isang ‘yon, babalian ko siya ng buto,” wika ni Sam kaya napangiti pa lalo si Tess.
Sa gitna ng kaniyang inis ay natuon ang pansin nila sa labas ng tanggapan ng Prinsesa. Napansin kasi nila ang ilan sa mga taga-silbi na hindi magkanda-ugaga, nagtatakbo pa ang ilan na tila sabik na sabik.
Nagkatinginan sila ng Prinsesa, tila nagkaintindihan kaya naman ay tinungo ni Tess ang pinto at doon tinanong ang isa sa mga taga silbi.
“Anong nangyayari? bakit hindi kayo magkandaugaga?” tanong nito sa isang taga silbi na gad nagliwanag ang mga mata, mukhang dahil sa labis na saya. Para rin kasi na kinikiliti ang mga talampakan nila na sabik na sabik at kilig na kilig.
“Dumating na ang Pinuno, kasama si Brix. Balita ko nga ay may kasama pa silang magbabalik palasyo. Kaya lahat ay nasasabik, syempre hindi lang dahil sa bisita kundi dahil kay Brix.”
Masayang wika nito kay Tess. Ngunit agad napahinto ng makita si Sam na nasa likod ni Tess.
“Kamahalan, magandang umaga po.” yumuko ito pagkatapos ay nagpaalam na at umalis.
Nang makaalis na ang taga silbi ay napatingin si Sam kay Tess.
“Anong meron?”
“Dumating na po sila Brix, kasama ang iyong ama at ang isang bisita,”
“Nandyan na sila?” nakangiti niyang tanong, ngunit agad rin naglaho iyon ng maalala ang sinabi ng tagapagsilbi. “Pero teka, bakit naman sila excited kay Brix ha? narinig ko ang sinabi niya kanina. Huwag mo nang itanggi.”
Napangiti si Tess. “Marami pa talaga kayo hindi alam mahal na Prinsesa, kahit na kasama niyo palagi si Brix.”
Mas lalong gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Sam. “At ano naman ang kailangan kong malaman, Tess?”
Saglit pa na ngumiti si Tess, pagkatapos ay itinuro ang mga taga silbi na nakaabang sa tanggapan ng hari.
“Medyo hinahangaan si Brix talaga dito sa palasyo, marami ang may pagtingin sa kaniya. Kaya kung nagaalala kayo kung may gusto ba si Amber kay Brix, Mahal na Prinsesa, iyan ang kasagutan sa mga tanong mo.”
Hindi niya iyon alam, kahit lagi silang magkasama ni Brix. Abala siya lagi na nakatuon ang pansin sa kanyang tungkulin at kalimitan ay silang dalawa lang ni Brix ang magkasama kaya hindi niya alam. Hindi naman kasi siya basta nagpapakita sa mga tao sa palasyo. Ngayon lang na nalayo si Brix ng matagal at si Tess ang kasama niya kaya natututo siya sa mga kilos ng tao sa palasyo.
Ilang saglit siyang napatahimik, hindi nagtagal ay tinungo nila ang tanggapan at doon ay nakita niya ang kanyang ama na kasama ng kanyang ina.
Halata rin na labis ang pagkasabik ng kaniyang ina sa pagbabalik ng kanyang ama.
Lumapit siya at nagbigay galang sa kanyang ama. Sumilay naman ang ngiti sa mukha ni Agos ng makita ang kaniyang panganay.
“Kamusta?” wika iyon ni Agos.
“Anong kamusta? kayo ang dapat kong kamustahin ama? kamusta ang lakad ninyo?” tanong ni Sam bago niyakap ulit ito.
“Maayos ang ipinunta namin, Syempre nagaalala lang ako sa inyo ng Nanay mo at naiwan ko kayo rito,” wika pa ni Agos pagkatapos ay hinalikan ang noo ni Cecilia.
“Wala kang dapat ipagalala sa amin, maayos kami ni Sam.”
“Hindi, Nay. Dapat sa susunod kasama na tayo,” sagot ni Sam kaya natawa si Agos.
“Sa susunod, huwag kang mag-alala isasama na kita.” wika ni Agos.
Lumapad naman ang mga ngiti ni Samantha at muling napayakap sa ama. Pagkatapos ay napatingin siya sa paligid, tila hinahanap ang lalaki na ilang araw ng laman ng kaniyang isipan.
“Tay, si Brix?” tanong niya sa ama.
“Darating na rin iyon, kasama niya ang ating bisita.”
“Bisita?” napakunot ang kanyang noo sa sinabi ng kanyang ama, ngunit hindi nagtagal ay dumating na ang kaniyang hinihintay.
Unang pumasok si Brix sa silid. Agad na nagtama ang kanilang mga tingin.
Nais niyang lapitan agad ito, yakapin agad at hagkan ngunit kailangan niyang pigilan ang kaniyang sarili. Kaya naman ay nginitian na lamang niya ito.
“Mahal na Prinsesa,” wika ni Brix sa kaniya kaya tinanguan niya ito.
Alam niya ang tingin ni Brix, ramdam niyang nasasabik na rin itong mayakap siya. Ang totoo ay ang bilis ng t***k ng puso niya. Ang lakas ng kabog non, marahil ay ganun talaga siya kasabik na makita ito.
Ngunit hindi nagtagal ay natuon ang pansin niya sa Lalaki na nasa likuran nito.
Nanlaki ang kaniyang mga mata.
“Tiyo, Axael!”
Agad niyang nilapitan ito at niyakap.
“Mahal na Prinsesa, kinagagalak ko na makita ka muli.”