“Pansin niyo ba? Parang masyadong malapit ang Prinsesa kay Brix 'no? Sobrang lapit nila ay 'kong minsan ay nakakakilig na,” wika ng isang taga silbi sa palasyo kay Tess. Habang nakatingin sila kay Samantha at Brix na magkatabi. Kaharap kasi nila ang ilan sa mga miyembro ng Circulo.
May pagpupulong ngayon at dahil hindi pa rin nakakabalik mula sa bakasyon ang kanyang mga magulang. At silang dalawa ni Brix ang dumalo para dinggin ang ilan sa mga tugon ng miyembro.
Hindi maiwasan ng iba na pag-usapan ang Prinsesa at si Brix, dahil sa tuwing nagsasalita ang isa sa mga miyembro ng Circulo ay bumubulong si Samantha kay Brix.
“Malapit naman kasi talaga sila, iyon ang sabi sakin ni Helina. Sabay na lumaki ang Prinsesa at si Brix, Halos anak na rin ang turing ng Reyna at Hari kay Brix kaya hindi na mapag-aakila na malapit sila sa isa’t isa.”
“Sobrang lapit. Wala ng ibang makalapit o maging kaibigan ang mahal na Prinsesa. O sige nga, magbanggit ka nang kaibigan niya?”
Napaisip si Tess, “Bago man akong Apid niya ay inaral ko ang lahat ng tungkol sa Prinsesa. At may kaibigan siyang isa, si Prinsesa Cathelea.”
“Oo nga pero hindi naman sila madalas magkita. Eh dito sa palasyo may nakita ka bang kaibigan niya? Wala na 'di ba? Si Brix lang kaya alam ko may something ‘yong dalawa. Ano sa tingin mo? Kamusta ang ilang araw na pagbabantay mo sa Prinsesa? may iba ka bang napapansin?" lumapit ito bahagya at bumulong kay Tess. "Ano may namamagitan kaya sa kanilang dalawa?” tanong pa ng tagapagsilbi kay Tess kaya napatahimik ito at saglit na pinakatitigan ang dalawa.
“Kung sakali na may relasyon man sila, labas na tayo roon. Hindi natin dapat pinag-uusapan ang Prinsesa dahil wala tayo sa lugar para gawin iyon. Isa pa, kasalanan na pagkwentuhan natin sila, mamaya may makarinig maputulan pa tayo ng dila,” lumapit pa si Tess sa babae pagkatapos at bumulong. “Hindi ka ba natatakot? Mamaya may makarinig sa atin? Sigurado na mapaparusahan tayong dalawa. Maari tayong alisin dito, o kaya naman ay baka hindi na tayo makalabas pa at pulutin na lang ang mga kalansay natin sa ilalim ng palasyo,” napasapo ang tagapagsilbi sa kanyang bibig, tila natakot sa sinabi ni Tess.
“Sige, mauna na pala ako. Marami pa akong dapat kailangan na tapusin,” wika pa nito pagkatapos ay kumaripas nang lakad palabas ng silid.
Napailing na lang si Tess bago bumalik ang tingin kay Samantha at Brix na muling nagbubulungan.
Sa kabilang banda ay may nakamasid din na kanina pa nakatingin din sa dalawa. At hindi nito nagustuhan ang kanyang narinig.
***
“Brix?” wika ni Hulyo dahilan para lumapit sa kanya si Brix. “Marami tayong dapat pag-usapan.”
Si Hulyo, ito ang itinalagang pinuno ng mga taga-bantay. Isang trained assassin ng kanilang angkan na nanatiling tapat sa kanilang tungkulin. Ito rin ang halos tumayo niyang ama simula ng dumating siya rito sa palasyo. “Sumunod ka sa akin sa Opisina,” wika nito bago tumalikod at naglakad patungo sa opisina nito sa palasyo.
Sumunod lang si Brix sa kanya hanggang sa makarating sila sa silid. Kagaya ng nakagawian ni Brix, ay nag-salin siya ng alak pagkatapos ay ibinigay ang isang baso kay Hulyo, “May hindi ka ba sinasabi sa akin?” tanong nito bago uminom.
“Ano po ang ibig mong sabihin?” pabalik na tanong ni Brix kaya naman ay mas nag-seryoso ang mukha ng Ginoo.
“Didiretsohin na kita Brix, May relasyon ba kayo ng mahal na Prinsesa?”
“Wala po,” mabilis na sagot ni Agos.
Samantala, tumalim naman ang mga titig nito at muling tumungga ng alak.
“Sigurado ka?” ani ni Hulyo.
“Nagsasabi ako ng totoo. Sadyang malapit lang kami ng Prinsesa at alam n’yo naman 'kong bakit 'di ba?” nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila. Ilang sandali siyang pinag-titigan ni Hulyo si Brix na tila binabasa ang isipan nito.
“Sige, paniniwalaan ko ang sinabi mo sa ngayon. Pero hindi ako tangga Brix. Alam ko na may pagtingin ka sa Prinsesa. Kilala kita, nasaksihan ko ang paglaki ninyo ni Prinsesa Samantha, kaya alam ko na bukod sa pagtupad ng tungkulin mo ay may dahilan 'kung bakit hindi mo halos maiwan ang tabi niya.”
Hindi makatingin ng tuwid si Brix dahil iyon ang totoo.
Dahil totoo naman ang pagtingin niya sa Prinsesa. Na hindi lang dahil trabaho niya na protektahan ito. Ginagawa niya ang lahat para matutunan ni Sam ang makipaglaban. Na marating nito ang lakas nito ngayon para protektahan ang sarili.
Ginawa niya iyon dahil sa pagmamahal niya kay Sam. Ayaw niyang maranasan nito ulit ang nangyari noon sa kanya. Bukod pa sa pagkakaibigan nila na nabuo sa pagitan nilang dalawa ay unti-unti nang nahulog ang loob niya sa Prinsesa. Alam niyang bawal pero matuturuan ba na pigilan ang kanyang puso?. Lalo kung si Samantha ang tinitibok nito?.
“Sana alam mo 'kung saan ka lulugar. Na kung ano ang tungkulin mo. At kung higit pa sa tungkulin mo ang nararamdaman mo para sa Prinsesa, ngayon pa lang ay putulin mo na. Ngayon pa lang pigilan mo na. Lalo pa at hindi kayo nababagay dalawa.”
Nanatiling tahimik si Brix at hindi makatingin kay Hulyo “Alam mo naman siguro ang ginawa ng iyong ina kay Samantha 'di ba?” tanong ni Hulyo kaya tumango si Brix.
“Tinanggap ka ng Hari at Reyna, itinuturing kang sariling anak dahil alam naman nila na wala kang kinalaman sa mga masasamang gawain ng iyon ina o ng pamilya mo. Ngunit, nakakasiguro ako na kung balang araw magkaroon kayo ng relasyon ng Prinsesa ay hindi nila iyon matatanggap. Kaya wag mo na sanang abusuhin ang tiwala na ibinigay nila sa iyo, maliwanag ba?” tanong nito sa kanya ngunit hindi siya makasagot ang binata.
“Brix, Naririnig mo ba ako? Maliwanag ba?”
“Maliwanag po,” pagsang-ayon niya pa kahit labag sa loob niya.
“Ipangako mo na iwasan na 'kung ano man ang nararamdaman mo para sa Prinsesa. Kailangan ko marinig ang pangako mo Brix,”
“Pangako,” sagot ni Brix bago napainom ng alak.
Inilapit naman ni Hulyo ang baso upang lagyan ulit iyon ni Brix. Muli na natahimik ang pagitan nila, hanggang sa magsalita ulit si Hulyo.
“Hindi pa man ngayon, ngunit ipagkakasundo ang Prinsesa sa iba upang makaisang dibdib nito. At kapag dumating ang araw na iyon, ayoko na masaktan ka. Kaya ngayon pa lang nagpapaalala na ako sayo Brix, maliwanag ba?”
“Opo”
Tumango ulit si Hulyo “Mabuti naman kung ganoon. Dahil kung sakali na labagin mo ang mga utos ko ngayon at maaring ikaw pa ang maging dahilan para magka-gulo? Mananatili ako sa sinumpaang tungkulin ko at hindi ako mag-aatubili na kitilin ang buhay mo. Kahit pa anak na ang turing ko sa ’yo.”
Pagkatapos nilang mag-usap ni Hulyo ay tumungo na siya sa kanyang silid. Ang lalim ng kanyang iniisip, lalong-lalo pa ang mga bilin ni Hulyo sa kanya. Kung tutuusin tama naman ito, dapat alam niya kung saan siya lulugar. Dapat alam niya kung ano lang ang tungkulin niya ay iyon lang ang nararapat niyang tuparin. Kaya 'kong ano man ngayon ang nararamdaman niya para sa Prinsesa kailangan niya na iyong iwaksi. Pumasok siya sa banyo sa kanyang silid, binuksan niya ang shower at nanatili lang sa ilalim ‘non.
Sana nga kayang agusin ng mga tubig na nagmumula sa shower ang nararamdaman niya para kay Samantha. Sana nga ganoon na lang iyon kadali na kalimutan at isang-tabi. Ngunit wala naman siyang magawa. Kailangan niyang tanggapin ang kapalaran niya.
'Di hamak na isang taga-bantay lamang siya ng Prinsesa at kung titignan nga ay isang kalapastanganan ang mahalin ito.
Pagkatapos niyang maligo ay lumabas na siya ngunit hindi na rin niya ikinagulat na makita ang Prinsesa na nakahiga sa kama niya. Naka pantulog na ito at may suot na face mask at mukhang komportable na komportable na ang pagkakahiga sa kama.
“Akala ko talagang mamaya ka pa babalik. Ang tagal mo kanina pa ako sa dingding.”
“Samantha,” wika niya bago napabuntong hininga. Hindi siya pinansin nito at naglagay pa ng pipino sa kanyang mata. Saglit siyang nagbihis ng puti na sando at pajama, pagkatapos ay nilapitan ito.
"Hindi ka pwedeng matulog dito,” madiin n'yang sabi kaya natuon ang pansin ni Sam sa kanya.
“Bakit? May iba ka bang hinihintay ngayong gabi?” napabangon ito at inalis ang pipino sa kanyang mata “Sabihin mo si Tess ba?”
“Hindi, mali ang iniisip mo.”
Pinansingkitan siya ng mata ni Samantha “Kung ganoon ano pala? bakit hindi ako pwedeng matulog sa silid na ito? Eh lagi naman akong natutulog dito?” Wika nito kaya naman napabuntong hininga si Brix.
“Hindi ka pwedeng matulog dito dahil may sarili kang silid.”
“Bakit sumasakit na ba ang likuran mo ka-kahiga diyan sa sofa? Eh ikaw lang naman ang may gusto na riyan matulog. Pwede ka naman tumabi sa akin Brix, hindi ba?”
“Hindi, hindi ka pwedeng matulog dito at mas lalo na hindi tayo pwedeng mag-tabi, Samantha.”
Mas lalong napa-kunot ang noo ni Samantha. 'Kong kanina ay ang pipino lang sa kanyang mata ang kanyang inalis ngayon ay pati na rin ang mask.
“Sino nagsabi na hindi ako pwedeng matulog dito? Saka ano naman kung magkatabi tayo? eh madalas naman tayong mag-tabi noong bata tayo, hindi ba?”
“Mga bata pa tayo noon Sam, iba na ngayon!” napataas ang boses niya dahilan para mapatahimik si Samantha.
Pinakatitigan siya nito ng may pagtataka at pagkagulat dahil ngayon lang ata siya pinagtaasan ng boses ni Brix. Tila napagtanto iyon ng binata kaya sinubukan niyang hawakan ang kamay ni Sam ngunit umiwas ito.
“Mahal na Prinsesa, patawad sa ginawa ko,”
Umiling si Sam, nangingilid ang mga luha nito habang nakatitig sa mata ni Brix. May kirot sa dibdib niya ng makita ang kalungkutan sa mga mata ni Sam.
“Sam--” ngunit bago pa man niya mabigkas ng tuluyan ang pangalan nito ay agad itong tumalikod at lumabas ng silid.
Nais man niyang sundan ito. Na humingi ng tawad dito at sabihin ang totoong dahilan 'kong bakit niya nagawa iyon ay hinayaan na lang niya. Naisip niyang mas makabubuti kung ngayon pa lang ay talagang umiwas na siya.
***
“Tayo na lang ulit, Mama.”
Wika niya sa aso na ngayon ay katabi niya at hinihimas. Nakatanday ang ulo nito sa balikat niya habang siya ay yakap ito. “Ilang araw na siyang umiiwas sa akin, talagang nakakaya niyang gawin sakin ‘yon? Hindi ko siya maintindihan. Minsan ayos naman kami, pero minsan ang ilap-ilap niya,” sabi ni Sam bago muling napa-hikbi.
Naramdaman naman iyon ng aso at dinilaan ang kanyang mga luha kaya naman ay tipid siyang ngumiti.
“Ikaw na lang talaga ang best friend ko, Mama.”
Mahal na mahal niya si Mama, itinuring niya ang aso na ito na tila kanyang ina.
Sa kalupitan ni Nathalia at bilang ganti kay Cecilia at Agos ay ikinulong siya nito sa kulungan kasama ang asong ito. Ang gatas ng asong ito noon ang bumuhay kay Samantha. Kinupkop siya nito na tila sariling anak. Samantalang si Nathalia ay tinuring siyang parang isang hayop.
Ngayon na makalipas ang napakatagal na panahon ay nanatili pa rin ang aso sa kanyang tabi. Himala ang itinagal ng buhay nito kaya naman ay nagpapasalamat siya, ngunit ng dahil na rin sa tagal ng taon ay pansin niya nagiging matamlay na ito. Hindi na halos kumikilos at lagi na lang naka-higa. Bakas na rin ang katandaan sa mukha ng alaga lalo pa at namumuti na ang dati itim na itim na balahibo nito.
Habang yakap niya tuloy si Mama ay naaalala niya ang kanyang nakaraan. Pitong taong gulang na siya ng nadiskubre ang gawain ni Nathalia. At sa pitong taon na iyon ay nanatili rin siya sa maduming kulungan ng aso sa ilalim ng palasyo tuwing gabi.
Napangiti siya lalo pa ibang-iba na ang sitwasyon niya ngayon, hindi lang iyon dahil kasama niya pa rin si Mama.
“Salamat, Mama.”
Hinalikan ang noo ng Aso, saglit na gumalaw ang buntot nito, “Salamat at hindi mo ako iniwan noon, hanggang ngayon. Mahal na mahal kita, Mama.” mariin na dinilaan nito ang kanyang pisngi, pakiramdam niya ay gumaan ang kanyang pakiramdam kaya naman ay niyakap niya ang aso hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog.
Nagising siya kinabukasan at niyakap si Mama ngunit sa kanyang pagtataka ay hindi ito gumalaw. Malamig na rin ang katawan nito at tila matigas na kaya napabalikwas siya ng bangon.
“M-Mama?,” tawag niya sa aso bago tinapik ang katawan nito. Nangilid ang kanyang mga luha ng hindi na talaga ito gumalaw pa.
“Mama!” pinakiramdaman niya ito at hindi na talaga humihinga “N-No, please n-no.. hindi pwede!”
Nang makumpirma niya na wala ng buhay si Mama ay napahagulgol siya ng malakas.
“Hindi! Hindi pwede! Mama please gising! gumising ka!” iyak niya habang yakap-yakap ang aso.
Sa sobrang lakas ng hiyaw niya at paghagulgol ay sunod-sunod na nagpuntahan ang mga tagapagbantay, si Tess at lalong lalo na si Brix. Ngunit nang masaksihan nila ang tunay na dahilan kung bakit humahagulgol si Sam ay napatahimik na lang sila. Tila nalungkot din habang pinagmamasdan ito na pumapalahaw ng iyak habang yakap-yakap ang aso.
Lumapit si Brix kay Sam at hinaplos ang likuran nito, “Okay pa siya kagabi eh, hindi pwede 'to!”
“Mahal na Prinsesa,”
“Brix, wala na si Mama.”