“Inilibing na po namin kanina, Nay.” wika ni Brix kay Cecilia mula sa kabilang linya. Nakarating na rin kasi sa kanila ang pag-panaw ni Mama na siya din ikinalungkot ng buong pamilya.
“Kamusta ang anak ko, Brix?”
“Hindi ko pa rin siya nakikita hanggang ngayon Nay. Ayaw niyang lumabas ng silid, ni hindi rin siya kumain kanina,” narinig niya ang pag buntong-hininga ni Cecilia mula sa kabilang linya.
“Masakit sa kanya ang pagkawala ni Mama.”
“Wag po kayong mag-alala Nay, ako na po ang bahala kay Samantha.”
“Salamat Brix ha? Nagpapasalamat ako at nand'yan ka ngayon kasama niya. Sige na, nakausap ko na ang Tatay Agos niyo babalik na kami riyan bukas.”
“Sige po, Nay. Sasabihin ko po kay Sam," pagkatapos na ibaba ang tawag ay napabuntong hininga si Brix. Ang totoo ay hindi pa rin sila nag-kausap ni Samantha nang maayos. Hindi pa ito lumalabas ng silid maski na para kumain. Ni ayaw rin nitong papasukin sa silid si Tess kaya naman nag-aalala na rin ito sa kinikilos ni Sam.
“Wala pa rin Tess?” tanong niya ng makita si Tess na bitbit ang tray ng pagkain sa hallway. Mukhang kagagaling lang nito sa silid ni Sam.
Umiling si Tess, bakas ang lungkot sa mukha nito, “Wala siya sa silid niya, ni wala pang kinakain na 'kong ano ang Prinsesa. Hindi ko alam kung saan siya hahanapin,” napaisip siya sa sinabi nito, 'kong wala ito sa kanyang silid ay may ideya siya kung nasaan ito.
“Ako na, susubukan kong ibigay sa kanya ‘to,” wika ni Brix bago kinuha ang tray ng pagkain ni Sam.
“Salamat, Brix.”
“Sige na magpahinga ka na,” Wika ni Brix kaya tumango si Tess at umalis na.
Bitbit naman ang tray ay pumasok si Brix sa silid ni Samantha, totoong wala ito sa mismong silid ngunit alam niya kung saan dapat pumunta.
Binuksan niya ang lihim na lagusan sa silid nito na natatakpan ng makapal na salamin. Agad na bumukas iyon kaya agad siyang pumasok doon. Madilim ang pagitan ng mga dingding. Ngunit dahil sa tagal na rin na ginagawa itong lagusan ng Prinsesa sa pasikot-sikot sa palasyo, ay kinabitan niya ng ilaw ang loob 'non. Pinindot niya ang switch sa gilid dahilan upang magliwanag ang napakahabang pasilyo.
Tinungo niya iyon papunta sa dulo hanggang sa mahanap niya ang isang pintuan. Napabuntong hininga siya bago pinihit ang hawakan ng pinto at hindi nga siya nagkakamali dahil nandoon si Samantha.
Naka-yuko habang umiiyak sa may kutson na nakalagay lamang sa sahig. Mahina man ang mga iyak nito ngunit dahil sa kulob ang kwarto ay dinig niya iyon. Binuksan niya ang switch sa may gilid ng pinto at nagliwanag ang silid.
Napakaganda ng silid na ito. Silang dalawa ang nagdisenyo at lagi silang nandito lalo pa at kapag sinusumpong si Samantha ng masasamang panaginip ay dito tumatakbo si Samantha. Ginawa nila itong silid na parang isang safe space para sa kanilang dalawa.
Lumapit siya pagkatapos ay ibinaba ang tray ng pagkain sa tabi nito.
“Kumain ka muna,” tawag niya ngunit hindi ito umimik, nananatili lang itong nakayuko at ayaw siyang pansinin.
“Mahal na Prin--” hindi na niya natuloy pa ang kanyang sasabihin dahil alam niyang ayaw nito na tinatawag siyang ganon.
“Sam, nais ko rin na ibigay sa ’yo ito,” wika ni Brix bago ibinigay ang isang kwintas kay Samantha.
Napatitig sa palad niya si Sam na may halong pagtataka “Pinagawa ko yan. Nasa pendant niyan yung balahibo ni Mama,” sa sinabi niyang iyon ay humigpit ang hawak doon ni Sam pagkatapos ay muling umiyak. Hindi alam ni Brix ang gagawin lalo pa at alam niyang napakasakit kay Sam ang pagkawala ni Mama.
Hindi lang isang hayop ito para sa kanya kundi isang pamilya na. Kaya alam niyang kahit na anong pag-damay niya rito ay hindi pa rin mababawasan ang pagluluksa nito. Kaya naisip niya baka nga kailangan ni Sam na mapag-isa, kaya hahayaan niya muna ito.
“Kumain ka kahit konti, sige na mauuna na ako,” akmang lalabas na siya ng biglang tawagin nito ang pangalan niya.
“Brix,” agad siyang napalingon at nagtama ang tingin nila.
“Brix? Pati ba naman ikaw iiwan mo ako?” tanong nito kay Brix kaya hindi nakapagsalita ito.
“Alam kong pinapaiwas ka nila sakin. Alam ko ang dahilan. Ngunit talagang ba na kaya mo? magagawa mo sa akin ‘yon Brix?”
Lumapit si Brix at tumabi ng upo sa kanya.
“Prinsesa ka, tagapagbantay mo lang ako,”
“Ano ngayon? anong masama roon?”
“Masama ‘yon sa paningin ng iba, lalo na at--”
“Lalo na at ano Brix?” tanong ni Sam pabalik kaya hindi nakasagot ito “Lalo na ano? dahil nanay mo si Nathalia? Nanay mo yung nanakit sakin? Pwes! wala akong pakialam Brix, siya iyon at iba ka! Iba ka sakin, Bukod kay Mama, sa mga magulang at kapatid ko ikaw yung laging nandyan para sa akin at alam mo yan 'di ba? So anong masama roon?”
Napayuko si Brix pagkatapos ay hinawakan ang kamay niya, “Pero iba na ngayon Sam. Alam mo naman na kahit nakalipas na ang lahat nang nangyari ay hindi pa rin maalis sa mata nila ang pinanggalingan ko. Ang dugo na nananalaytay sa akin. Alam ko na habang tumatagal nag-aalala sila na baka maimpluwensyahan kita. Na makakaapekto ako sa’yo lalo pa at taglay mo ang itim na dragon.”
Umiling si Sam at humigpit ang pagkakahawak kay Brix, “Kaya pinapalayo ka nila? Kaya pumayag ka?”
“Wala akong pagpipilian, Samantha.”
“Meron! meron Brix. At pinili mo na iwasan ako. Ganoon na lang ba iyon? Kaya mong talikuran lahat-lahat ng pinagsamahan natin ng dahil sa utos nila?. Sa kanila ka nakikinig? ako ang Prinsesa! bakit hindi ako ang sundin mo?”
“Ikaw ang Prinsesa ko at oo tapat ako sa ’yo.”
“Kapag sinabi ko ba na wag mo akong iwasan. Na manatili tayo kagaya ng dati ay susundin mo ako?”
“Samantha, 'wag mo naman akong pahirapan,” pagmamakaawa ni Brix kaya lumapit pa si Samantha at hinawakan ang kamay niya.
“Ayoko, Brix!” nangingilid ang mga luha sa mga mata ni Samantha, hindi na niya kaya na kimkimin pa.
Sa kabilang banda ay ikinagulat naman iyon ni Brix.
“Magkaibigan ta'yo, bukod sa pamilya ko Ikaw lang ang meron ako. Kaya nasasaktan ako na iniiwasan mo ako, nguni bukod pa roon mas nasasaktan ako kasi mahal kita.”
Pinakatitigan niya si Brix, “Mahal kita Brix, totoo na mahal kita. Higit pa sa pagkakaibigan na 'tin,”Sa sinabing iyon ni Samantha ay tila hindi na rin nakapagpigil si Brix. Bago pa man ito magsalita ulit ay hinapit niya si Sam pagkatapos ay siniil ng halik ang labi nito.
“Mahal din kita Sam. Mahal na mahal kita at ikaw lang din ang meron ako. Huwag mong isipin na madali sa akin ito dahil alam ng Panginoon kung gaano kasakit na iwasan ka. Na iwasan ang babaeng pinakamamahal ko,” sa naging tugon na iyon ni Brix ay hinapit siya ni Samantha. Siniil ng mainit na halik ang labi nito hanggang kapwa na matumba sila sa malambot na kama na nasa gitna ng silid.