Mahal ko siya pero may limit naman iyon at ilang beses na niyang tinapak-tapakan ang aking pagkatao. Panahon na upang idispatsa ang lalaki at maghanap ng bago. Inakala siguro ni Karl Rosales na iiyakan ko siya kasi may nangyari na sa amin.
Habang hinintay na matapos ang kanyang paglalaro ay inayos ko na lang ang mesa at hinanda ang breakfast namin. “Matagal pa ba ‘yan?”
“Nasa base na kami ng kalaban, hon!”
“Okay,” sabi ko.
Pagkatapos ng laro ay kaagad naman siyang dumulog sa hapag at masayang kinain ang niluto kong tinola. “Masarap ba?” tinanong ko siya.
“Oo hon, masarap, pero mas masarap ka.”
Dati ko pang naririnig iyon sa kanya ngunit wala lang iyon sa akin. “Sige kumain ka nang marami,” nakangiti kong sabi sa kanya. Masarap akong magluto kaya nga hindi na ako kumuha ng katulong eh at kitang-kita ko naman sa mukha ni Karl na nasarapan siya sa pagkain. Samantalang ako ay halos hindi ko malunok ang aking kinain sa sobrang inis.
“Ang sarap mo talagang magluto, hon!”
Ngumiti lang ako sa kanya at hindi nagsalita. “Sandali lang at may kukunin lang ako sa kwarto,” nagpaalam ako sa lalaki at kaagad na tumayo.
Pagbalik ko sa dining room, kinain na ni Karl ang hinanda kong prutas at hindi man lang ako tinirhan. Sales manager naman siya at alam ko na malaki rin ang kanyang sahod pero kung umasta, parang pulubi.
Ano kaya ang nakita ko sa kanya dati? Iyong pagiging sweet niya sa chat? Iyong palagi siyang nag-good morning, good afternoon at good evening? Iyong may mga emoji na heart sa good night text niya? Alin kaya doon? O iyong pagiging gifted kaya niya at pagiging magaling sa kama?