“Promise, tulog lang talaga.”
“Eh, ‘di umuwi ka na lang sa inyo kung matutulog ka lang,” sabi ko habang nakasimangot.
Kinurot niya ang aking tagiliran at sinabing, “Heto naman, hindi ka mabiro.”
“Akala ko kasi, eh.” Nakasimangot pa rin ako habang hinarap siya.
“O, sige na, huwag ka ng magpa-cute sa akin. Hmmm hon, salamat kanina ha.”
“Wala ‘yon,” sabi ko.
“Ang bait mo talaga,” sabi niya at kaagad niya akong hinalikan sa pisngi.
Nang humalik siya sa akin, tiniis ko ang amoy-alak niyang hininga. “Gusto mo ba ng kape?” Alok ko sa kanya ngunit umiling ang lalaki at tumanggi sa kape.
“Gusto kong kumain ng tinolang isda, may stock k aba?”
Naintindihan ko kung bakit nag-crave siya ng tinola kasi nga nakainom siya. “Mayroon naman,” sumagot ako at ngumiti naman siya.
“Mabilis lang naman iyong tinola no?”
“Yup!”
“O sige, one game na muna ako sa ML habang nagluluto ka.”
Napakagat-labi na lang ako sa sinabi niya. Alas dos ng madaling araw, humiram siya ng pera sa akin, tapos bigla siyang dumating na hindi man lang nag-text, pagkatapos ay inuutusan pa akong magluto ng tinola dahil nakainom siya. “Enjoy, tatawagin na lang kita kapag luto na,” sabi ko at malapad ang ngiting ibinigay niya sa akin.
Mabigat ang aking mga hakbang na bumalik sa kusina. Pagbukas ko ng ref, kinuha ko sa isang Tupperware na nilagyan ko preskong talakitok. Kagabi ko lang iyon binili kasi dumaan na ako sa palengke pagkagaling sa trabaho.
Habang nagpapakulo ako ng tubig ay hinanda ko na rin ang sangkap ng tinola. Saka ko lang kasi ilalagay ang isda at mga spices kapag kumulo na ang tubig para hindi ma-overcook ang isda.
Nagsaing na rin ako ng kanin para sa aming dalawa at sa tingin ko ay magbi-breakfast na rin ako ng maaga. Makalipas ang trenta minutos ay tinawag ko na siya upang kumain na kami.
“Sandali lang hon, hindi pa tapos ang laro!” Sumagot ang magaling na lalaki mula sa sala.
Actually, kanina ko lang napagtanto na sumobra na siya. Inakala siguro ni Karl na dahil mahal ko siya, bini-baby ko siya ay hindi ko na kayang mabuhay na wala siya.
Asa siya!