“Hon, naaalala mo pa ba iyong unang pagkikita natin?” Tinanong ko siya at nang kumunot ang kanyang noo na para bang hindi niya naalala ang araw na iyon, mas lalo akong naging desidido na pakawalan na siya. Mag three months pa lang naman kami kaya impossible na nakalimutan na niya iyong araw na nagkabanggaan kami sa Mcdo at tumilapon ang inorder niyang ala king na chicken fillet. Siyempre pinalitan ko iyon at nilibre ko pa ang mga kaibigan niya.
“Oo naman! Kawawa ‘yong burger steak mo nang tumilapon sa sahig,” sabi niya at saka malakas na tumawa.
Malakas man ang kanyng pagtawa, narinig ko pa rin ang paghinto ng taxi sa labas ng bahay. “Kung tapos ka ng kumain, p’wede ka ng umalis. Naghihintay ang taxi sa labas,” sabi ko sa kanya at halatang ikinagulat niya ang aking sinabi. Bumagsak ang panga, eh. “Heto pamasahe mo at huwag ka ng magpakita pa sa akin.”
“Hon, bakit? May nagawa ba akong kasalanan?”
“Siguro. Tanungin mo na lang ang sarili mo mamaya,” sabi ko at kaagad ko na siyang iniwan sa hapag. Binuksan ko ang pintuan at pati ang ilaw sa balcony upang makita kami ng driver kung sakali man na may gagawin siyang hindi kanais-nais.
“Babalik ako,” pangako ng lalaki.
“Subukan mo lang,” kalma akong sumagot sa kanya at kaagad kong isinara ang pintuan.