NAPAKAPORMAL at simple lang ng naging kasalan. Walang maraming ligoy dahil mukhang aware din ang nagkasal sa kanila na huwes sa totoo nilang estado ni Karzon Montejero. Nag-lunch lang din sila sa isang mamahaling restaurant. Pagkatapos niyon ay nagsiuwian na rin.
Pero sa kaso ni Tanya, hindi siya umuwi kasama ang pamilya niya. Umuwi siya kasama ang malamig pa sa yelong si Karzon Montejero.
Para pa siyang timang kanina na umaasa na may kiss your wife na mangyayari. Pero natapos na lamang ang kasal. Walang ganoon. Nilamig lang ang kaniyang labi.
Mula sa Maynila ay bumyahe sila ni Karzon papunta sa Pagbilao City sa Quezon Province. Doon nakabase ang kaniyang napangasawa. Naroon din ang malaking kompanya na mina-manage nito.
Mukhang okay lang dito na wala silang imikan sa loob ng sasakyan habang magkatabing nakaupo sa may back seat ng magara nitong kotse. Kaya ang ending, natulog lang siya sa durasyon ng kanilang pagbiyahe.
Nagising na lamang siya nang gisingin siya ng driver ni Karzon. Nasa Pagbilao City na raw sila. Saka lang niya napansin na nasa loob sila ng isang parking area. Wala na sa tabi niya si Karzon.
“Si Karzon po?” tanong pa niya.
“Nauna na po sa penthouse niya.”
Penthouse? Doon ba nakatira ang kaniyang napangasawa? Nag-i-imagine pa naman siya ng isang malaking mansiyon. Tahimik na lang na sumunod siya sa driver na siya ring may dala ng kaniyang maleta na naglalaman ng kaniyang mga gamit.
Halos takasan si Tanya ng kaluluwa habang sakay ng elevator. Hindi man lang siya na-orient ng driver na nasa ika-fifty floor ang hahayunin nila. Kaya naman paglabas niya ng elevator ay halos matumba siya kung hindi lang siya agad naagapan ng driver ni Karzon.
“Okay lang po ba kayo, Ma’am?”
“O-opo,” aniya kahit na ang totoo ay hindi. Parang gusto na lang niyang gumapang sa sahig.
Mukhang sanay na ito dahil tila ba balewala lang rito ang inakyat nila. Pakiramdam niya ay umakyat sila sa langit sa ibang aspeto.
Ang penthouse ni Karzon ay siyang umuukupa sa buong palapag na iyon ng gusali. Kaya masasabi niya na malaki rin ang bahay nito. Napaka-elegante rin ng interior design niyon nang makita niya ang loob. Pakiramdam niya ay literal na isang hari ang nakatira doon.
A cold king to be exact, aniya sa isip.
Naupo agad siya sa isang couch na naraanan niya sa pagpasok niya sa bahay ni Karzon. Pikit ang mga mata na hinilot niya ang kaniyang noo.
“Mag-ingat ka, Tanya, ha?” bilin pa sa kaniya ng kaniyang Mommy Gweneth nang paalis na ang mga ito mula sa restaurant na kinainan nila. Para bang naiiyak pa ito dahil sa biglaan niyang pagpapakasal.
Niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang ina. “Opo. Mag-iingat po ako.”
“Tumawag ka lang kapag may problema.”
Tumango siya. Kahit na sa loob niya ay hindi niya iyon gagawin. Ayaw niyang makadagdag pa sa isipin ng kaniyang mga magulang. “Mommy, ikaw na ang bahala kay daddy. Please, don’t leave him,” pakiusap niya.
Umiling ito. “I won’t.”
Sapat na ang salitang iyon para mapanatag ang loob niya…
“If you want to take some rest, you can use our room.”
Ang malamig na boses na iyon ang nagpamulat sa mga mata ni Tanya. At ang guwapong mukha ng kaniyang asawa ang bumungad sa kaniyang paningin.
Pero mukhang paalis ito.
“S-saan ka pupunta?” hindi niya maiwasang itanong nang akmang hahayunin nito ang pintuan. Nakapagpalit na rin ito ng damit.
Muling pumihit paharap sa kaniya si Karzon. “Do I need to tell you my whereabouts?” malamig nitong tugon sa kaniya.
Hindi siya agad nakapagsalita.
“We’re married, yes. Pero hindi ibig sabihin niyon ay magpapakaasawa ako sa iyo. Alam mo naman ang totoong dahilan kung bakit nakasal ka sa akin. Right? Hanggang doon lang ‘yon,” iyon lang at tuluyan na itong naglakad palayo.
Nasundan na lang ito ng tingin ni Tanya.
Hindi naman sa nag-e-expect siya ng kung ano pa man. Pero mag-asawa na sila sa mata ng batas ni Karzon Montejero. At ng mga sandaling iyon ay dala-dala na rin niya ang apelyido nito. Pero bakit nananatiling malamig ang pakikitungo nito sa kaniya? Gayong wala naman siyang ginagawang masama.
Hindi ba puwedeng maging mabait naman ito sa kaniya?
Malungkot na napabuntong-hininga siya.
Ilang sandali pa ay ipinasya niya na libutin muna ang bahay na iyon upang maging pamilyar sa bawat parte niyon.
Nang mapagod si Tanya ay muli siyang bumalik sa may salas at doon ay niyakap ang isang throw pillow. May apat na kasambahay sa penthouse ni Karzon na ngayon ay bahay na rin niya. Ang pinakanagmamando sa tatlong kasambahay ay ang nagpakilalang si Nana Ester. May edad na rin ito pero pinagsisilbihan pa rin si Karzon na ito na halos ang nagpalaki.
Muli ay napatitig sa kawalan si Tanya. Unang gabi nila bilang mag-asawa ni Karzon, pero wala ang magaling niyang asawa. Ayaw ba nito na makilala man lang siya? Paninindigan talaga nito na kasal lang sila dahil sa kompanya nila?
Twenty-nine na si Karzon. Matanda ito ng pitong taon sa kaniya dahil kaka-twenty-two pa lamang niya.
Napakaganda ng penthouse ni Karzon. Pero ano ba ang silbi ng kagandahan niyon kung malamig pa sa yelo ang kaniyang asawa?
Ngayon lang niya na-encounter ang asawa niya. Wala siyang natatandaan na nakita na niya ito noon. O kahit noong umuwi siya galing sa America matapos niyang magtapos ng kolehiyo sa New York University.
Kung siya lang din ang masusunod, atat na siyang magtrabaho sa Silvila Textile. Ngunit ang ama niya, saka na raw siya magtrabaho kapag nasa edad twenty-three na siya. Deserve raw niya ang mahabang bakasyon dahil buong buhay niya ay naka-focus lamang siya sa pag-aaral.
Siya lang ang nag-aral sa abroad, dahil ang dalawa niyang kapatid na sina Nhiel at Sebastian ay mas gustong mag-aral dito sa Pilipinas kaysa sa ibang bansa. Bagay na hindi na pinilit pa ng kanilang ama.
Gusto sana niyang hintayin sa may salas si Karzon, pero baka makatulugan naman niya ang pagdating nito. Kaya naman hinayon na niya ang malawak nitong silid na napuntahan na rin niya kanina nang samahan siya ni Nida, isa sa mga kawaksi. At doon ay nahiga na sa kama. Agad din siyang iginupo ng antok dahil sa pagod maghapon.