Chapter 8

1334 Words
"UNA NA AKO, INGAT." "Sige, bukas na lang. Bye, Isla!" Minsan pa ay nakangiti akong kumaway kay Blessy. Kaklase at kaibigan ko. Nasa loob na ito ng sasakyan na sundo nito at nakadungaw na lamang sa akin sa nakabukas na bintana. Hindi katulad ko, ay mayaman ang pamilya ni Blessy. Iyon nga lang ay may pagka-nerd ito kaya naman pakiramdam nito ay hindi siya belong sa mga rich and famous sa school. Kung minsan ay tampulan din ito ng mga bully sa school. Ayon dito, ay sa akin lang siya komportable sapagkat nararamdaman niya na hindi ko siya hinuhusgahan base sa hitsura niya. Gayon din naman ako sa kanya. Komportable ako sa dalaga sapagkat hindi katulad ng ibang mayayaman sa paaralang pinapasukan namin, walang ka-ere-ere sa katawan si Blessy. Walang arte. Sumasama nga ito sa akin na kumain sa lugawan sa likod ng campus ng walang pagdadalawang-isip. Hatid ko pa ng tanaw ang sasakyan nina Blessy, hanggang sa tuluyan na iyong mawala sa paningin ko. At saka pa lamang ako nagsimulang humakbang papalabas ng gate ng campus. Marami-rami pa ang mga estudiyante na nagkalat sa loob at labas ng campus. Ang iba ay katatapos lang ng klase at papauwi na. Habang ang iba naman ay bago pa lamang papasok. Mayroon din kasing ilang kurso ng college na maaaring kuhanin sa paaralan na ito. At ang iba roon ay pang-gabi ang klase. Malapit na ako sa gate nang matanawan ko na naman ang grupo ng mga kalalakihan na nakasabay ko sa canteen kaninang umaga. Ang mga kaibigan ni Alejandro Montesilva. Muli na naman akong napasimangot nang maalala ang lalaki. Bukas, ano na naman kaya ang drama nito para lang hindi matuloy ang pagtututo ko sa kanya? Katulad kanina ay saksakan ng ingay ang mga kaibigan nito habang nagkukwentuhan at nagtatawanan. Na para bang pag-aari ng mga ito ang lahat ng lugar na pwestuhan nila. Nakukuha na nga ng mga ito ang pansin ng ilang mga estudiyanteng dumaraan. Sabagay, kahit naman sabihin na tahimik ang mga ito, sa tingin ko ay pagtitinginan pa rin ito ng mga estudiyante. Lalong-lalo na ng mga kababaihan. Nang magsabog yata ng kagwapuhan ang Panginoong Diyos, ay nasa unahan ng pila ang mga lalaking ito. At dahil nga ang lalaking tao ng mga ito, wala nang iba pang nakasingit sa pila. Sila na lamang lahat ang pinalad na makasalo niyong lahat. Napapailing na nagyuko ako ng ulo at pilit inalis ang mga lalaki sa isip ko. Kung bakit ba naman kasi pinag-aaksayahan ko pa ng pansin ang mga ito. Nagulat pa ako nang may isang malaking bulto ng katawan na bumangga sa akin. Muntik pa akong natumba, kung hindi lang maagap akong nahawakan nito sa braso. "Shìt! Sorry, classmate!" Nagulat ding bulalas nito. Nag-angat ako ng tingin dito. Para lang mapagtanto na isa ito sa mga kaibigan no Dos. "Pasensya ka na, classmate, ha, may paglampa lang talaga ang isang 'yan!" Narinig kong susog na isa sa mga kaibigan nito. "Ulòl! Tinulak mo ako, gàgo!" Sagot naman ng lalaking katabi ko. "Ang weak, ampota!" Kantyaw pa rin ng isa. Maliit lang akong tumango sa mga ito at matipid na ngumiti. Kung ngiti nga ba iyong matatawag. Basta kasi kumurba lang ng kaunti ang mga labi ko. "Ayos ka lang ba?" Tanong pa sa akin ng lalaking nakabangga sa akin. Hawak pa rin nito ang braso ko. Tila sinisipat kung mayroon ba itong nagawang pinsala. Naatrasan kasi ako nito, at bahagyang natapakan. At sa laki nitong tao, kung medyo napalakas-lakas ang atras nito sa akin, tiyak na sa sahig ako pupulutin. Mahina kong hinatak mula rito ang braso ko. At saka alanganing tumango. "A-ayos lang ako." Ilang beses pa muna akong nitong tinitigan, tila tinitiyak kung totoo nga ang sinabi ko bago mahina rin akong tinagunan. Pagkatapos ay parang walang nangyari na ibinalik na nito ang pansin sa mga kaibigan. "Wala pa ba si Dos?" Anang lalaki na nakabangga sa akin. "Pota, gutom na 'ko, ah." Reklamo pa nito. "Tinawagan n'yo na ba?" "Tinawagan ko kanina, paalis na raw siya ng tambayan." "Tss." Naiiling na palatak pa ng isa. "Iyang paalis na 'yan, baka babayo pa 'yan!" Naghagalpakan ng tawa ang grupo. Ako ay ipinasyang tahimik nang umalis sa harapan ng mga ito. Maglalakad pa ako patungo sa may sakayan. Baka mamaya ay abutin na naman ako ng dilim, bago pa ako makarating sa bahay namin. Eksaktong nakabas na ako ng gate nang may humintong kulay itim na sasakyan sa mismong tapat ng gate. Napahinto pa ako at napatingin doon. Humarang kasi iyon sa tangka ko sanang pagtawid. Napahinga na lamang ako ng malalim. Isa pa itong parang pag-aari ang kalsada. Napapailing sa sarili na nag-akma na lamang akong lilihis ng lakad nang rumolyo ang salamin ng bintana ng sasakyan pababa. Sa tapat ng passenger's seat. Mula roon ay dumungaw ang isang magandang babae. Lumagpas ang tingin nito sa akin at may kinawayan sa likod ko. Dala ng kuryosidad ay sumilip ako sa loob ng sasakyan. Para lamang mapatda nang magtama ang mga mata namin ng driver niyon. Bale ba, pagdako pa lang ng tingin ko rito ay nakapako na sa akin ang mga mata nito. Na para bang kanina pa ito nakatingin sa akin. "Kanina pa namin kayo hinihintay! Ang tagal n'yo!" Dinig kong sabi ng lalaki mula sa likod ko. Napapitlag pa ako dahil doon at tila noon pa lamang nakabawi sa pagkabigla. Hindi ko kasi talaga inasahan makikita ito. Sinipat ko pa ang sasakyang kinalululanan ng mga ito. Iba ito, kumpara sa dala nito nang ihatid ako kahapon. Kaya malabo talaga na makilala ko. "May dinaanan pa kasi kami, kaya kami natagalan." Sagot ng babae na kasama nito sa sasakyan. Kagyat na namilyo ang mga ngiti ng lalaking kausap nito. "Maghapon na kayong magkasama, may kulang pa rin?" Lihim na napa-angat ang isang kilay ko. So, ito pala ang kasama ni Dos maghapon, kaya pati ang tutorial schedule namin ay nilayasan nito? Marahil ay nobya nito ang dalaga. Hmm... kung sisipatin ay mukhang bagay naman ang mga ito. Isang gwapo at isang maganda. Huwag nang idagdag na parehong ang mga itong mayaman. Matamis na ngumiti ang babae. Lumabas pa ang dalawang biloy sa magkabila nitong pisngi. Halatang kinilig sa sinabi ng kausap. Nilingon pa nito at nginitian din ang lalaking nakaupo sa manibela na nananatiling nakapako naman sa akin ang tingin. Hindi ko maintindihan kung ano ang ibinabadya ng mga mata nito. "Magkita na lang tayo sa Gary's?" Muling ani ng katabi ko nang malingunan nang papalabas ng malaking gate ang tatlong magkakasunod na sasakyan na marahil ay siyang sinasakyan ng iba pang mga kaibigan nito. "Wala akong dalang sasakyan. Coding. Saaabay lang ako kay Casper." "Sure. Doon na lang." Mabilis na sagot ng babae. May kasama pang pagtango. Ewan ko ba kung bakit hindi na ako naka-alis sa kinatatayuan ko. Para bang ipinako na ako roon at pasimpleng pinakikiramdaman ang usapan ng mga ito. Pamaya-maya ay pasimple akong sumusulyap sa loob ng sasakyan sa harapan ko. Palagi naman na nasasalubong ko ang tingin ng lalaki. Nang dumaan ang sasakyan ng mga kaibigan ng mga ito sa gilid ko ay bahagya pa akong tumabi. Bumubusina ang bawat isa sa mga iyon kapag napapatapat sa sasakyan sa harapan ko. Nang tuluyan nang lumagpas sa tabi ng mga ito ang mga sasakyan ay saka pa lamang inirolyong muli paitaas ng babae ang salamin sa bintana nito. Unti-unti ay nawala sa nawala sa paningin ko ang lalaking katabi nito, bagaman alam ko, na mula sa loob niyon ay kita pa rin ako nito. Hindi pa muna kaagad umusad ang sasakyan nito. Ewan ko kung ano pa ang ginagawa ng mga ito ay ayaw pang umalis para sumunod sa mga nauna nang sasakyang ng mga kaibigan nito. Ilang sandali pa akong nanatiling nakatayo roon bago unti-unting umusad papaalis ang sasakyan. Hinabol ko pa ito ng tingin. Kapagkuwan ay napahinga ako ng malalim. Sana lang talaga, bukas ay maalala na nito ang schedule ng tutorial namin. Kahit gaano pa ito ka-busy sa nobya nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD