Chapter 9

1223 Words
HINDI KATULAD KAHAPON, en punto alas nueve na nang makarating ako sa tapat ng bahay ng mga Montevista. Sinadya ko iyon. Hindi ko na inagahan masyado, baka mamaya ay wala na naman doon ang binata at naroon na naman sa tambayan, di umano ng mga ito. Itinaas ko pa lang isang nakakuyom kong kamao para sana kumatok, ngunit sa gulat ko ay bumukas na kaagad ang malapad pintuan ng bahay. Nagkagulatan pa kami ng nagbukas ng pintuan. Wala sa loob na napalunok ako at dahan-dahan na ibinaba ang kamay ko. Umilap ang mga mata ko at lumagpas ang tingin sa nasa harapan ko, upang sumilip sana sa loob ng bahay. Bago, muling alanganing bumalik ang tingin sa nilalang na nagbukas sa akin ng pintuan. Wala naman akong masyadong nakita sapagkat hindi naman malaki ang pagkakabukas nito ng pintuan. "S-si A-alejandro, nandiyan ba siya?" Nag-aalangang tanong ko sa kaharap ko, kapagkuwan. Naiilang naman ako na tawagin ito ng Dos, sa harapan ng kaibigan nito. Baka sabihin, feeling close ako. Imbes kasi na si Dos, o isa sa mga kasambahay nito ang bumungad sa akin pagbukas ng pintuan, ay ang isa sa mga kaibigan nito ang nakita ko roon. Nakilala ko ito. Ito iyong naka-atras sa akin kahapon. Mukhang bagong gising lang ang lalaki. Magulo pa ang buhok, na halatang hindi pa nasayaran man lang ng suklay mula sa pagkakahiga. Wala rin itong suot na pamaa. At por Diyos! Kamisetang puti, at itim na boxer shorts lang ang suot nito na humarap sa akin! Tinigasan kong pilit ang leeg ko upang huwag bumaba ang aking tingin sa ibabang katawan nito. Ang lalaki naman ay dagling umangat ang isang kilay pagkakita sa akin. May pagtataka muna ako nitong sinuyod ng kuryosong tingin, mula ulo hanggang paa, bago unti-unting pumunit ang nakalalokong ngisi sa kanyang mga labi. Alam kong nakilala rin ako nito sapagkat nabasa ko ang rekognasyon sa mga mata nito. Nilaparan nito ang bukas ng pintuan, bago luminga sa loob ng kabahayan. "Paps, si Dos, gising na ba?" Malakas na sigaw nito. Lumagpas muli ang tingin ko rito. Tumuon sa isa pang kaibigan nito na nasa loob ng bahay. Nasa kusina naman iyon at mukhang at home na at home na nagtitimpla ng kape. Katulad ng lalaking kaharap ko ay mukhang kababangon lang din ng isang iyon. Kung gayon ay dito nagsitulog ang mga ito? Nasaan kaya ang pamilya ng lalaking iyon at mukhang na-invade nang masyado ng mga lalaking ito ang tahanan ng mga Montesilva. Kung titingnan nga, base sa kilos ng mga ito, ay parang sila na ang may-ari ng bahay. "Malay ko," balik-sigaw naman ng isa pang lalaki mula sa loob. Ni hindi ito nag-abalang mag-angat ng tingin sa amin. "Baka nakabaon pa!" Lalong lumapad ang ngisi ng lalaking kaharap ko nang muling bumaling sa akin. "Pa'no ba 'yan, Miss, second batch ka pa yata?" Napakunot ang noo ko rito. Ano'ng second batch ang sinasabi nito? Tumikhim muna ako bago muling nagsalita. "Ahm, pwede bang pakigising siya? Pakisabi, si Isla..." Muling umarko ang isang kilay nito. Ni hindi itinago ang pagngisi. Nilaparan pa nitong lalo ang bukas ng pintuan, at saka iminuwestra sa aking pumasok. "Maupo ka muna, Miss." Anito sa akin. Bagaman nauna pa rin nitong tinungo ang papunta sa naroong sala set at sinamsam ang mga nakakaklat doon. Pinagpag muna nito ang sofa, bago ako muling binalingan at inilahad ang isang kamay, indikasyon na pinauupo ako. "Salamat." Mahinang usal ko rito. "Tawagin ko lang si Dos." Turan nito bago pumihit nang papunta sa hagdanan. Ngunit hindi pa man ito nakakadalawang baitang ay muli nang nagsalita ang lalaki sa kusina. "Huy, Paps, nasaan na 'yung pandesal?" "Ikaw tumawag kay Dos sa taas!" Sikmat naman dito ng lalaking kausap ko kanina. Umirap pa ito sa lalaki. "Parang amo, ah!" "Tng ina mo, bibili ka lang ng pandesal, amo na?" Balik naman dito ng isa pa. "Eh, ikaw 'tong ang lakas lumamon!" "Maghintay ka, tng ina mo rin!" Hindi na sumagot pa ang lalaki sa kusina, kaya't deretso nang umakyat ang isa. Ako ay maliit na nakaupo lang sa pang-isahang sofa. Magkasalikop pa ang dalawang kamay ko sa ibabaw ng folder na nasa kandungan ko. "Kape, miss?" Narinig kong alok sa akin ng lalaki. Nag-angat ako ng tingin dito. Mahina lang akong umiling. "Ikaw 'yung babae sa campus kahapon, 'di ba?" Nakatayo na ito sa likod ng island counter. Ipinatong nito sa ibabaw niyon ang tasa ng kapeng tinimpla nito kanina. Katulad ng isa pang lalaki kanina, ay mataman itong nakatingin sa akin. Hindi ko tuloy maiwasang makaramdam ng pagka-ilang. "Iyong nabangga ni Dash?" Dagdag pa nito. Alanganin lang akong tumango rito. "So, babae ka ni Dos?" Napatanga ako rito. Kulang ang sabihin na nag-init ang mga pisngi ko sa tanong nito. Pakiramdam ko kasi ay nag-alsahan din ang mga pinong balahibo sa batok ko. Hindi pa man ako nakaka-isip ng isasagot ay mayroon nang gumawa niyon para sa akin, mula sa bukana ng hagdaan. "Huwag mong tinatakot, gàgo!" Kapwa lumipad ang mga mata namin ng lalaking kaharap ko sa nagsalita. Napatayo pa ako pagkakita rito. Kasunod nitong bumababa sa hagdanan ang lalaking nagbukas sa akin ng pintuan kanina. Ang lalaki namang kausap ko ay nginisihan lang ito. "Bakit nandito pa kayo? Wala ba kayong pasok?" Matabang na tanong nito, na marahil ay para sa mga kaibigan Ang lalaking kasunod nito ang sumagot. "Mamaya pang tanghali ang pasok namin, Paps." Hindi naman na iyon sinagot ni Dos. Dumeretso na ito nang baba sa hagdaanan. "Si Charity? Tulog pa?" Tanong ng lalaki sa likod ng island counter. "Nagpapagising 'yon, may klase raw siya ng alas diyes." Umangat ang gilid ng mga labi ni Dos dito sa isang matabang na ngiti. "Umuwi na, kagabi pa." Marahan lang na napatango ang lalaki rito. Bago ibinaling sa akin ang tingin. Hindi ko mabasa ang nakabadya sa mga mata nito. Ngunit kung ano man iyon, palagay ko ay hindi iyon pabor sa akin. "Akala ko hindi ka na naman darating." Si Dos ulit. Sa akin na ito ngayon nakatingin. Ibinalik ko ang tingin ko rito. Tumikhim muna ako upang alisin ang bara sa lalamunan ko, bago ako nagsalita. "May schedule tayo, 'di ba?" Umangat ang isa nitong kilay. "May schedule din tayo kahapon." Walang kangiti-ngiting sagot pa nito. Sinimangutan ko ito. Muling bumalik ang inis ko sa nasayang na araw namin kahapon. "Oo nga. At walang tao rito sa bahay n'yo." Nakatayo na ito ngayon sa harapan ko. Nakakunot ang noo. "Anong oras ka dumating?" Naroon na ang pagtagaka sa kanina ay blangkong mga mata nito. "Alas otso." Lalo namang nalukot ang noo nito. "Bakit ang aga mo? Alas nueve pa ang schedule natin, 'di ba?" Nagkibit ako ng mga balikat. "Para 'ika ko, hindi naman masayang ang oras natin, kung sakali at yayain mo na naman akong mag-almusal." "Nandito ka rin kahapon?" Singit ng isa sa mga kaibigan nito. Kalalabas lang niyon sa kusina at may hawak na ring tasa ng kape. Wala sa loob na tumango ako rito. Nakangising nilinga nito si Dos. "Aba, matinde!" Sinamaan lang ito ng tingin ng lalaki. Tila hindi naman iyon ininda ng kaibigan nito. Hindi man lang nabawasan ang lapad ng pagkakangisi sa mga labi nito, na itinago ng pagsimsim nito sa tasa ng kape. "I was here, yesterday." Kumunot ang noo ko rito. Paano? Eh, saradong-sarado ang buong bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD