Chapter 7

1612 Words
MAAGA PA LANG AY NARITO NA AKO AT NAKATAYO SA harapan ng bahay ng mga Montesilva. Sinadya ko talaga na agahan, kaysa sa aktwal na oras ng session namin ni Dos. Baka mamaya, katulad kahapon ay ipaghanda na naman ako nito ng makakain, at wala na naman kaming matapos. Tumingala muna ako sa itaas ng saradong-saradong kabahayan, bago pabuntong-hiningang kumatok. Ilang sandali akong naghintay pagkatapos niyon, pero walang nagbukas ng pintuan sa akin. Nangunot ang noo ko, at inulit ang pagkatok. Sa pagkakataong ito ay nilakasan ko na at sinabayan ko pa ng may kalakasang pagtawag. "Tao po...!" Ngunit katulad kanina ay wala pa ring tumugon sa akin mula sa loob ng bahay. Tch. Wala ba rito ang mga Montesilva? Kung gayon ay bakit hindi man lang sinabi sa akin ni Dos kahapon na aalis pala ito at ang buong pamilya nito ngayong araw? Ang linaw ng usapan namin kahapon. Ito pa nga ang nagsuhestiyon na i-reschedule ang session namin ngayon. Isang beses ko pang sinubukang kumatok at tumawag, pero wala talagang nagbukas ng pintuan, ni sumagot man lang sa akin mula sa loob. Sa bandang huli ay napagpasyahan ko na, na umalis na lamang. Napasimangot pa ako sapagkat napaka-aga pa. Ano naman ang gagawin ko sa campus ng ganitong kaaga, eh mamaya pang after lunch ang klase ko? Ayoko namang umuwi ulit sa bahay at sayang naman ang pamasahe ko. Walang pagmamadali na nilakad kong muli ang pabalik sa gate ng village. Sa dami ng oras ko na maaaring sayangin ngayong umaga, kahit pa yata dalawang oras ko itong lakarin ay marami pa rin ang matitira sa akin. "Good morning." Bati sa akin ng gwardiya sa gate ng campus nang dumaan ako sa harapan nito, pagpasok ko. Maliit ko itong tinanguan, at nginitian. "Good morning po, Kuya Guard." "Bakit ang aga mo naman yata?" Usisa pa nito. Sa araw-araw ako nitong nakikitang pumapasok, kabisado na nito marahil ang oras ng klase ko kaya ito nagtatanong. Payak akong ngumiti rito. "May pinuntahan po kasi ako, kaso wala naman pala doon sa bahay nila." Hindi na sumagot ang gwardiya at tumango na lang. Mayroon na rin namang estudiyante na sumunod na pumasok sa akin, kaya doon naman nabaling ang pansin nito. Pagpasok ay iniikot ko ang tingin ko sa buong quadrangle. Nag-iisip pa rin kung saan ako maaaring tumambay hanggang mamayang tanghali. Alas otso pa lang. Sarado pang tiyak ang library sa mga oras na ito sapagkat mamayang alas nueve pa ang bukas niyon. Pati nga sa loob ng campus ay mangilan-ngilan pa lang ang nakakalat na mga estudiyante. Marahil ay nasa klase na nila ang mga pang-umaga. Napalingon ako sa hagdanan sa gilid, paakyat sa rooftop. Parang mayroong bombilya na umilaw sa utak ko. Bakit nga ba hindi? Mabuti pa nga siguro ay doon muna ako tumambay para magpalipas ng oras. Ngunit bago iyon ay tinungo ko muna ang kabubukas pa lamang na kantina at naghanap ng maaari kong ilaman sa tiyan ko. Hindi kasi ako kumain bago ako umalis. Kape lang ang ininom ko kanina bago maligo. Pagpasok ko pa lang ay sumalubong na kaagad sa akin ang amoy ng bagong lutong sopas na kalalagay pa lamang sa estante. Kaagad na kumalam ang tiyan ko, dahil doon. Lumapit ako sa tindera at nag-order ng isa niyon. Nakangiti naman itong tumalima sa akin. Lalong kumalat ang mabangong amoy niyon nang buksan ng tindera ang malaking kaldero at sumandok para ilagay sa isang mangkok. Ito lang ang pinaka-mura na maaari kong mabili rito sa canteen, na sa palagay ko ay mabubusog ako. Pagkatapos kong magbayad ay inilagay ko na iyon sa tray saka ako naghanap ng maaari kong maupuan. Hindi na ako nag-order ng inumin. Kumuha na lang ako ng tubig sa malaking water container na nasa gilid ng counter. Sa tabi niyon ay nakataob ang malilinis na mga baso. At dahil nga marami akong oras, ay dinahan-dahan ko pa ang pagkain niyon. Inilabas ko pa mula sa bag ko ang dala ko sanang aralin para kay Dos, ngayong araw. Para kahapon pa sana ito, kaso nga ay hindi rin kami nagkaroon ng pagkakaton para magamit. Pinasadahan ko iyon ng basa at siniguro na tama ang pagkakaintindi ko sa bawat aralin na nakalagay roon. Inilabas ko rin ang mga ni-research ko na article sa library tungkol doon at tiniyak na wala akong nakalimutan, o maling nailagay. Halos isang oras din akong tumagal sa loob ng canteen. Lumamig na nga ang sopas ko dahil sa tagal ng pag-ubos ko roon. Nangunot ang noo ko nang gambalain ng malakas na ingay ng mga estudiyante ang katahimikan ng buong canteen. Nag-angat ako ng tingin at hinayon ang pinanggagalingan ng ingay. Pati nga ang mga canteen attendant ay nagpatingin sa grupo ng mga lalaki na kapapasok lang. Pumuwesto ang mga ito sa isang mahabang mesa, sa may bandang dulo ng canteen. Halos dalawang mesa ang layo mula sa akin. Patuloy pa rin ang mga ito sa maingay na kwentuhan at tawanan. Napapa-iling na ibinalik ko na lamang ang tingin ko sa binabasang aralin. Ngunit sa kasamaang palad ay wala na akong mawawaan sa binabasa ko. Nagrarambulan na lamang ang mga salita sa utak ko dahil sa ingay ng mga bagong dating. Pabuntong-hiningang ibinalik ko na lamang iyon sa loob ng bag ko at ipinasyang lumabas na lamang ng canteen. Mukhang kailangan ko na talagang lumipat ng pwesto. Sa rooftop ko na lang itutuloy ang pagbabasa. Dinampot ko ang baso ng tubig sa harapan ko at inubos ang laman niyon. Akmang tatayo na ako nang marinig kong malakas na magsalita ang isa sa mga lalaki. "Gaano katagal daw ba ang suspension ni Dos?" Kagyat na napaunat ang likod ko nang marinig ang pangalang binanggit nito. Tama ba ako na si Alejandro Montesilva ang Dos na tinutukoy nito? Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin na pakinggan pa ang usapan ng mga ito. Dala ang baso ng tubig ay tumayo ako at tinungo ang water container. Isinahod ko iyon doon habang pasimpleng nakikinig sa usapan ng mga lalaki. "Dalawang linggo raw." Sagot naman ng isa. "Pucha, ang tagal." "Swerte ni Gago!" Nakangisi namang sabi ng isa pa. "Sarap ng buhay." "Ano ang swerte d'on?" Sabad naman ng isa. "Ang balita ko ay ikinuha raw ng tutor ni Tito Leandro para hindi mahuli sa klase. Eh, di gan'on din. Mag-aaral pa rin siya." Natatawa pang dagdag nito. "Ang bobo kasi. Naamoy na ngang may gumagamit sa CR tumuloy pa rin. Manong pinigil niya muna iyong ihi niya." Malakas na nagtawanan ang mga lalaki. Pasimple akong tumingin sa mga ito. Katulad ni Dos ay walang itulak-kabigin sa mga ito. Lahat ay pawang mga gwapo at magaganda ang mga tindig. Isang tingin pa lang ay alam mo na kaagad na nanggaling sa mayayamang pamilya. Mga kaibigan siguro ito ng lalaki. "Dalawin n'yo rin minsan 'yon sa tambayan, baka masira ang ulo n'on mag-isa d'on!" Sabi ng isa na sinundan ng malakas na pagtawa. "After two weeks, baka kinakausap na n'on yung mga pader doon." Muli ay ang malakas na tawanan ng grupo. "Nandoon daw ba?" "Oo raw. Kausap ko kanina, eh." "Ano raw ang ginagawa d'on?" "Malay ko. Basta sabi papunta na raw siya roon." "Baka nand'on na naman si Charity." Sagot ng isa pa. "Alam n'yo na..." Pumailanlang na naman ang malakas na tawanan ng grupo. Nakagat ko ang pang-ibabang labi ko habang nakadikit pa roon ang bibig ng basong hawak ko. Kaya naman pala wala ito sa bahay nito ay pumunta ito sa tambayan na sinasabi ng mga kaibigan nito. Napahinga ako ng malalim. Nakaramdam ng inis. Sana ay sinabi na lang nito sa akin kahapon na may pupuntahan pala ito ngayong umaga. Hindi na sana nasayang ang oras ko. Sabagay, ano nga ba naman ang aasahan ko sa lalaki? Eh, sa una pa lang naman ay halata nang wala talaga itong interes sa pag-aaral. Hindi naman ako masyadong judgemental, pero sa tingin ko ay kapareho rin nito ang mga kaibigan nito na nasa aking harapan ngayon. Mga hindi nanghihinayang sa perang ipinagpapa-aral sa kanila. Palibhasa, alam ng mga ito na makatapos man sila, o hindi, magandang buhay pa rin ang naghihintay sa kanila dahil sa pera ng mga magulang nila, na sa kalaunan ay sa kanila pa rin naman mapupunta. Inilapag ko ang basong hawak ko sa lamesa at ipinasyang tuluyan nang lumabas ng canteen. Bahala na nga siya sa buhay niya. Kung ayaw niyang matuto, wala na akong magagawa. Ang importante ay ginawa ko ang parte ko. At patuloy ko pa ring gagawin, sa loob ng dalawang linggo. Nasa kanya na iyon kung sasayangin niya na lang palagi ang oras naming dalawa. After all, scholarship pa rin naman ang kapalit ng mga masasayang na oras sa akin, eh. Scholarship hanggang grade twelve, kapalit ng kaunting oras na masasayang, sa loob ng dalawang linggo? Aba, sulit na sulit pa rin. Nang makalabas ako ng canteen, pakiramdam ko ay nakaramdam ng ginhawa ang tainga ko. Nawala na kasi sa pandinig ko ang ingay ng nagtatawanang nga lalaki. Sumagap na lamang ako ng hangin at naglakad na paakyat sa rooftop. Ngunit taliwas sa plano ko sana kanina na aralin ang mga susunod pang topics sa folder na iniabot sa akin ni Mrs. Medina, ipinasya ko na ang sarili kong mga aralin na lang muna ang buklatin ko. Naihanda ko naman na ang unang topic na ituturo ko sana sa binata, noon pang linggo ng gabi. Ano'ng malay ko, baka hanggang doon na lang talaga ang abutin niyon? Ipinaikot ko ang mga mata ko at piniling alisin na lang muna sa isip ko ang lalaki. Nang sa gayon ay mabawasan din ang inis na nararamdaman ko sa dibdib ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD