"AMININ MO, hindi mo naman talaga kailangan ng tutor, 'di ba?" Buong pagdududang tanong ko sa aking kaharap. Bahagya ko pang pinaningkit ang mga mata ko sa pagkakatingin ko rito upang mas ma-emphasize ang hinala ko.
Kunot ang noong nilingon naman ako ni Alejandro Montesilva, o Dos, na ayon dito ay siya ko na lamang daw na itawag sa kanya.
The second daw kasi siya ng tatay niya. Ayaw niya naman daw ng Alejandro, at ang luma pakinggan. Kaya Dos na lang.
Nang sabihin nito sa akin kanina na ito ang hinahanap ko ay hindi ko pa kaagad ito pinaniwalaan. Inakala ko na niloloko lamang ako nito. Kinailangan pa nitong ipakita sa akin ang school id niya, bago ako tuluyang naniwala sa kanya.
"Ano'ng sinasabi mo riyan?" Dinampot nito ang huling parte ng sandwich nito at inisang subo. "Bakit sa palagay mo ako magpapa-tutor sa iyo, kung hindi ko naman pala kailangan?" Anito, sa pagitan ng pagnguya.
Kapagkuwan, ay nilunok na nito ang laman ng bibig. Dinampot ang baso ng orange juice sa harapan nito at pinangalahati iyon ng lagok.
Bilang napakayaman nito, nagtataka ako kung bakit tila kinapos ito ng etiquette sa pagkain. Akala mo palaging may kaagaw kapag sumusubo.
Nang wala nang laman ang bibig ay muli itong nagsalita. "Ang sarap kayang matulog. Kung wala sana tayong session ngayon, ang sarap pa ng higa ko sa itaas. Biruin mo, dalawang linggo akong walang pasok? Sarap sana ng buhay ko."
Naka-angat ang isang kilay, at may pagdududa pa rin na nakatingin lang ako rito.
Paano ko namang hindi maiisip ang bagay na iyon, eh, anong oras na, at hanggang ngayon ay wala pa rin kaming nauumpisahan.
Matapos nitong mapatunayan kanina na ito nga ang hinahanap ko ay hindi ito pumayag na hindi ko kainin ang pagkain na inihanda raw nito, bilang pag-welcome sa akin.
Lihim pang napataas ang isang kilay ko. May ganun?
Para naman akong pagong na pinilit lumusong sa tubig.
Bakit ba, eh, gutom na talaga ako. At hindi nakakatulong ang masarap na aroma ng kape at katakam-takam na ham and egg sandwich sa harapan ko upang makalimutan ko ang gutom na nararamdaman ko.
Nang kapwa na kami makaubos ng isa ay inilabas pa nito mula sa isang cabinet ang supot ng tasty bread. Gayon din, inilapag nito sa harapan ko ang iba pa nitong na-pritong itlog at ham. Nabitin daw kasi ito, at kung hindi pa rin ako busog ay pwede pa raw akong kumuha ulit.
In fairness, marunong itong magluto ng itlog. Hindi basag ang pula.
Hindi na ako nahiya. Mamaya ko na iisipin iyon.
Kamukat-mukat, ay halos maubos na naming dalawa ang laman ng supot ng tasty bread.
Hindi na ako kumibo. Bagaman mayroon pa ring agam-agam sa dibdib ko ay ipinag-walang bahala ko na lamang iyon.
Mag-a-alas onse na nang matapos kaming kumain. Iniligpit pa nito at hinugasan ang kinainan namin kaya't talagang inabot na kami ng oras na dapat sana ay nakatapos na kami ng isang session.
Hindi pa rin ako kumikibo at nanatili lang na nakatingin dito.
Nang matapos maglinis ay hinubad nito ang apron na isinuot kanina at lumigid na pakabila sa island counter.
"Let's go?" Kaswal na yaya nito sa akin.
Nagtaka pa ako. "Saan?"
"Ihahatid na kita sa school. May pasok ka pa, 'di ba?"
Lalo namang kumunot ang noo ko. "Wala pa tayong natapos..."
Natigilan ito. Ilang sandaling napatitig sa akin, kapagkuwan, ay nagkibit ng mga balikat.
"Eh, di sa Wednesday na lang." Pabalewala nitong saad pagkatapos.
Huminga ako ng malalim. Napapailing na bumaba ako sa high stool chair na kinauupuan ko at hinarap ito.
"I'm sorry, pero maghanap ka na lang ng ibang magiging tutor mo." Mahina lang ang pagkakasabi ko niyon pero sigurado ako na malinaw niya iyong narinig.
Nagkaroon ng mga gatla ang noo ng lalaki. "What?" Nasa anyo nito ang gulat. Waring hindi makapaniwala. "Bakit?"
Isa pang malalim na paghinga ang pinakawalan ko. Siniguro kong blangko ang mga mata ko nang salubungin ang nagtataka pa ring tingin nito.
"Obviously, hindi mo kailangan ng tutor. Hindi ko alam kung ano ang pumasok sa kukote mo at bigla mo akong naisip na kunin para turuan ka. Kung isa lang ito sa mga kapritso mo bilang mayaman, nabo-bore ka at walang magawa sa oras at pera mo, o, naaawa ka lang sa akin dahil sa huli nating pag-uusap, ay ayoko nang alamin pa. Aalis na ako. Salamat na lang sa tangka mong pagtulong sa akin. Pero ayokong makuha ang isang bagay na hindi ko naman pinaghirapan. Hindi ko kailangan ng awa mo"
Sa totoo lang ay labag sa kalooban ko ang bitiwan ang scholarship na ibinigay sa akin ng foundation ng ama nito. Ang kaso nga lang, papaano kung matapos at matapos ang panahon ng pag-tutor ko rito ay wala naman itong natutunan sa akin dahil wala naman talaga akong naituro sa kanya?
Kung palagi kaming ganito, hindi malayong ganoon nga ang mangyari. At hindi ko alam kung anong mukha ang ihaharap ko sa ama nito, kung sakali, pati na rin kay Mrs. Medina.
Napapailing na ikinamot pa ni Dos ang isang daliri nito sa kanyang sentido. "Look, hindi lang halata, dahil ang laki kong 'to, pero kailangan ko talaga ng tulong mo. Two weeks akong suspended, because of some unfortunate incident, at two months na lang ay closing na ng klase. Hindi ko alam kung papaano ko mahahabol iyong mga lectures na mami-miss ko sa loob ng two weeks na suspendido ako."
"Bakit ako ang napili mo? Ang daming teachers sa school na mas qualified kaysa sa akin." Tanong ko pa rin dito.
Nagkibit ito ng mga balikat. "Siguro nga, naawa ako sa iyo noong huli tayong nagka-usap sa rooftop. Naisip ko na kung may magagawa naman ako para makatulong, bakit hindi? Inisip ko naman na hindi mo tatanggapin ang tulong ko, kung basta ko na lang itong ibibigay sa iyo." Umangat ang gilid ng mga labi nito. "At base sa mga sinabi mo, kani-kanina lang, mukhang tama nga ako."
Kinagat-kagat ko ang pang-ibabang labi ko nang napagtanto ang sinabi nito.
Muli itong nagsalita. "Pasensya ka na kung feeling mo nasayang ang oras natin ngayong araw. Kung gusto mo, re-sched na lang natin bukas?"
Huminga ako ng malalim. Kapagkuwan ay marahang tumango.
"And about sa scholarship, huwag mo nang tanggihan iyon. Sayang naman. Ang dami ngang iba diyan na pinag-aaral ng foundation na iyon ng walang kapalit, kung hindi mataas na grades. Ikaw pa na magtyatyaga na turuan ako for two weeks?"
Napayuko ako. Parang bigla pa akong nahiya sa mga sinabi ko kanina.
"Sorry."
Binigyan ako nito ng bahaw na ngiti. "Huwag mo nang alalahanin 'yon."
Nag-angat ako ng tingin dito. "Ganito na lang..." ani kong medyo magaan na ang tinig. "For two weeks, na suspended ka, gawin nating daily ang session natin. Para sigurado na may wala kang ma-miss sa klase mo sa araw-araw. Daily kong kukunin kay Mrs. Medina ang mga lessons mo para araw-araw din nating maaral."
"Paano ang sarili mong lessons? Hindi kaya maka-apekto naman sa grades mo kung araw-araw mo akong tuturuan?"
Umiling ako rito. "Hindi naman siguro. Two hours lang naman, a day. Then, kahit tapos na ang suspension mo, pwedeng tulungan pa rin kita paminsan-minsan hanggang sa magtapos na ang klase.
"Sure?" Naka-angat ang isang kilay na tanong nito sa akin.
Tiyak naman akong tumango rito. Ito man lang ay maibalik ko sa pagpapa-aral ng mga ito sa akin ng libre.
Nagkibit ito ng mga balikat. "Ikaw ang bahala."