Chapter 5

2114 Words
MULA SA HAWAK KONG MALIIT NA PAPEL ay umangat ang tingin ko sa naglalakihang mga bahay na nadadaanan ko. Kung tutuusin, ay mansyon na ngang matatawag ang iba sa mga iyon. Luminga-linga pa ako. Inisa-isa ko ang mga iyon upang makita ang numero ng hinahanap kong bahay. Mula pa lang sa gate ng village ay halos mapanganga na ako sa laki at ganda ng mga bahay na nakikita ko. Sa isang tingin pa lang ay alam ko na kaagad na hindi mga babastahin ang nakatira sa village na ito. Kahit kumpleto ka ng mga benepisyo mula sa gobyerno ay malabo kang makakabili, kahit ng pinakamaliit mang bahay sa engranderng subdivision na ito. Baka nakalbo ka na sa kahuhulog ay hindi ka man lang nakapangalahati ng halaga ng isang bahay dito. Iba-iba ang laki at disenyo ng mga bahay. Mayroong sobrang laki, mayroon din naman na katamtaman lang. Pero lahat ay naghuhumiyaw ng karangyaan. Noong Friday ay muli akong ipinatawag ni Mrs. Medina upang ibigay di umano sa akin ang magiging tutorial schedule ko. Kung tutuusin ay pabor na pabor sa akin ang oras na ibinigay nito. Dalawang oras lang. Mag-uumpisa kami ng alas nueve ng umaga, at magtatapos ng alas onse. At hindi lang iyon, tatlong beses lang sa isang linggo ang ibinigay nitong araw ng pagtuturo ko. Iyon ay sa mga araw lang ng Lunes, Miyerkules at Biyernes. Ilang beses ko pa nga iyong pinasadahan muli ng tingin, at baka namamalikmata lang ako. Masyado kasing madali, para sa laki ng pabor na kapalit niyon. Panibagong scholarship, at mas malaking allowance! Pero maka-ilang ulit ko mang balik-balikan ng tingin ay hindi pa rin nagbabago ang mga numerong nakatala roon, kaya't sa bandang huli ay pinaniwalaan ko na. Bale, matatapos ang oras ng pag-tutor ko ng alas onse. Tamang-tama lang sa pasok kong ala-una ng tanghali. Mayroon pa akong oras para magbiyahe pabalik ng school, at kumain ng tanghalian. Hanggang alas singko lang naman ng hapon ang klase ko. Maluwag na maluwag ang oras ko para aralin ang sarili kong mga aralin at ang mga aralin na ituturo ko sa estudiyante ko. Hindi ko nga alam kung anong swerte ang dumapo sa akin, pero nagpapasalamat ako sa Diyos at ipinagkaloob niya ito sa panahon na kailangang-kailangan ko. Para bang paparating pa lang ang problema, mayroon na pala Siyang nilulutong sagot para doon. Mamaya, pasasalamatan ko rin ang taong nasa likod ng lahat ng ito. Ang estudiyante ko. Kung hindi dahil sa kanya ay baka hanggang ngayon hindi ko pa rin alam kung papaano kong matutustusan ang pag-aaral ko sa susunod na school year. Ayon kay Mrs. Medina ay tiyak daw nitong sinabi ang pangalan ko upang siyang magturo sa kanya. Kaya't kung sino man ang taong iyon, ang laki ng utang na loob ko sa kanya. Nang sa wakas ay makita ko na ang numero ng bahay na nakasulat sa papel ay nakahinga ako ng maluwag. Alas nueve y singko na kasi. Late na ako ng limang minuto. Hindi ko naman kasi alam na wala palang tricycle dito sa loob ng village na ito. Kung papasok ka at wala kang dalang sasakyan ay talagang lalakarin mo ang papasok. Medyo may kalayuan pa naman ang bahay ng mga Montesilva sa gate. Mabuti na lang at sagana sa naglalakihan at mayayabong na mga puno ang paligid. Nakatulong iyon para hindi ako masyadong mainitan sa paglalakad. Ikinunot ko ang noo ko at tiningala ang dalawang palapag na bahay sa harapan ko. Kumpara sa ibang bahay na nadaanan ko, ay simple lang ang pagkakagawa ng bahay na ito. May kalakihan din, pero hindi ganoon kagarbo. Hindi mo iisipin na may-ari pala ng isang malaking unibersidad, na mayroong mahigit sampung sangay sa iba't ibang parte ng bansa ang nakatira dito. Ni walang gate ang naturang bahay. Mayroon lang nakapaligid na mga halaman sa harapan niyon na hanggang baywang ko halos ang taas. Mukha naman iyong well groomed, pero payak pa rin, para sa antas ng pamumuhay ng may-ari. Lumipat ang tingin ko sa loob ng bahay. Kita ko kaagad iyon sapagkat malaking naka-awang ang malapad na pintuan. Parang may lumabas, o pumasok at sinadyang hindi na lang iyon isinara. Pati ang loob ng bahay ay hindi masyadong magarbo ang mga kasangkapan. Mula sa kinatatayuan ko ay tanaw ko na kaagad ang kusina na natatabingan lang ng bahagya, ng sa tingin ko ay lagpas baywang kong kitchen counter. Sa harap niyon ay may nakapilang matataas na mga upuan. Mayroong nakalatag na mga pagkain sa ibabaw niyon, pero wala akong nakikitang tao sa paligid. Sa harap niyon ay sala, na walang ibang laman kung hindi isang set ng sofa na kulay itim at malaking center table sa gitna. Sa pader sa ibabaw ng mahabang sofa ay may nakasabit na abstract painting na bahagya pang nakatagilid ang lagay. Hindi ko alam kung sinadya ba iyon, o nakatamaran na lamang na ayusin. Kumunot ang noo ko. Bumabang muli ang tingin ko sa papel na hawak ko. Saka muling umangat sa bahay sa harapan ko. Tama naman ang address. Huminga ako ng malalim at nagkibit ng mga balikat. Siguro ay hindi lang talaga magarbong mamuhay ang mga taong ito. Mayroon naman talagang gan'on. Kahit saksakan ng yaman ay mas pinipili pa ring mamuhay ng simple at payak. Isa pang hinga ng malalim ang pinakawalan ko bago ako lumakad nang palapit ng pintuan. Sa pagmumuni-muni ko at pag-usyoso sa bahay ay lalong nadaragdagan ang oras ng late ko. Siguro ay babawiin ko na lang sa oras ng tapos namin. Imbes na alas onse lang ay gagawin ko nang alas onse y kinse. Maluwag pa rin naman ang oras ko para sa pasok kong ala una. "Tao po..." malakas kong tawag nang makalapit ako. Bahagya pa akong dumukwang at luminga-linga sa loob sa pagbabaka-sakaling may makitang tao sa paligid. Pero wala talaga. Tahimik na tahimik din ang buong kabahayan, tanda na walang ibang naroroon. "Tao po!!!" Ulit ko. Mas nilakasan ko pa ang boses ko. Sinabayan ko rin iyon ng pagkatok sa nakabukas namang pintuan. Mabilis akong napabaling, nang mula sa kung saan ay humahangos pang lumabas ang kaisa-isa yatang tao sa bahay na ito. Napaunat ako ng tayo. Kulang ang sabihing gulat, sa naging reaksyon ko. Umawang ang mga labi ko at ilang sandali akong napa-maang dito. "Hi." Kaswal na kaswal naman itong lumapit sa akin. Abot pa hanggang sa mapupungay nitong mga mata ang ngiti. "You're late." Hindi pa rin ako makahuma. Ni hindi ko na nga masyadong naintindi ang sinabi nito. Ikinurap-kurap ko pa ang mga mata ko upang masiguro na hindi ako dinadaya ng aking paningin. Ilang araw na ba mula nang huli ko itong makita sa rooftop ng school? Humigit kumulang, isang linggo na yata. Two days mula noong huli kaming magkita ay kinausap na ako ni Mrs. Medina upang sabihin sa akin ang magandang balita. At sa dami nga ng mga kailangan kong aralin, idagdag pa ang mga lessons nito na inaral ko rin upang ituro naman dito, ay wala na talaga akong oras para pumunta pa sa kung saan. Pagkatapos ng klase ko ay deretso na agad ako sa bahay upang mag-aral nang mag-aral nang mag-aral. "Hey..." untag nito sa akin nang lumipas na ang ilang sandali at wala pa ring namumutawing kataga sa mga labi ko. "You okay?" Napakunot pa ang noo nito at bahagyang inilapit ang mukha sa akin. Awtomatiko namang napa-atras ako. Pagkatapos ay mariing napalunok. Hindi ko alam, pero nakaramdam ako ng pag-iinit ng aking mga pisngi. "O-okay lang ako," naiilang akong pilit na ngumiti rito. "Pa-pasensya na." Kabaligtaran ko, ay ubod naman ng tamis ng ngiti ng lalaking kaharap ko. Ipinag-krus pa ang mga braso sa dibdib at tila naaliw na tumunghay sa akin. Inipon kong lahat ng lakas ng loob na mayroon ako. Pinilit kong kalmahin ang sarili ko. Huminga ako ng malalim at lakas loob na tiningala ito. Sa taas kong 5'4 ay mas mataas itong 'di hamak sa akin. Bahagya na lamang yata akong umabot sa mga balikat nito. Tumikhim nuna ako bago nagsalita. "H-hinahanap ko si Alejandro Montesilva. Dito siya nakatira, hindi ba? Nandiyan ba siya?" Sa pagtataka ko ay mas lalong nangislap ang pagka-aliw sa mga mata nito. Nakangising napailing pa ito. Ibinaba ang dalawang kamay mula sa dibdib at iiling-iling pa ring tinalikuran ako. "Halika, pumasok ka. Kumain ka na ba?" Pagkausap nito sa akin habang naglalakad palapit sa kitchen counter. "Naghanda ako ng almusal, samahan mo muna akong kumain." Pumakabila ito roon at naupo. Paharap sa akin, na parang itinulos pa rin sa pagkakatayo sa may pintuan. Inangatan ako nito ng isang kilay. " Ano pa ang hinihintay mo riyan? Pasok ka na." "P-pero..." "Come on, hindi naman ako nangangagat." Natatawa pang anito sa akin. "Wala akong masamang gagawin sa 'yo. Promise." May pag-aatubili man, ay wala na akong nagawa kung hindi sundin ang sinabi nito at pumasok na sa loob ng bahay. Iniwan kong nakabukas ang pintuan, para anu't ano man, ay madali akong makakatakbo palabas ng bahay. Habang naglalakad papasok ay inililibot ko ang tingin ko sa buong kabahayan. Halos wala ka talagang makikitang laman. Pati nga ang kusina ay talagang iyong mga pang-araw-araw lang na ginagamit ang mayroon. Wala kang makikitang gamit na hindi kapaki-pakinabang sa pang-araw-araw na pamumuhay. Paglapit ko ay hindi ako kaagad naupo sa naroong upuan. Nanatili lang akong nakatayo at nakatingin dito. "Ahm, pasensya ka na, ha..." may pag-aalangan ko pang sabi. "Kailangan ko na kasing makita si Alejandro Montesilva. Sobrang late ko na kasi sa usapan namin. Nandito ba siya?" Ulit ko sa tanong ko rito kanina. Luminga pa ako sa hagdan paitaas. "Okay lang ba, kung tatawagin mo na siya?" Dinampot nito ang isang sandwich sa platito at malaking kinagatan. Napatingin naman ako roon. Naramdaman ko ang pagkalam ng tiyan ko. Kape lang kasi ang ininom ko kaninang umaga, bago ako umalis ng bahay. Mayroon naman akong nakitang pandesal sa mesa, pero bukod sa nagmamadali ako, ay naisip ko na hayaan na lamang iyon para sa nanay at kapatid ko. May baon naman akong kanin. Babawiin ko na lang 'ika ko sa lunch, mamaya. "Kain?" Alok sa akin ng lalaki nang makitang nakatingin ako sa pagkagat niya. Dinampot pa nito ang isang tasa ng kape at sumimsim doon. Mayroon pang isang tasa na nakataob sa ibabaw ng platito, sa tapat naman ng isa pang platito na may laman ding sandwich, kaparehas ng kinakain nito. Halatang hindi pa nagagamit. May kutsarita ring nakalagay sa gilid niyon. "Ano ba ang mas prefer mo? Coffee, or juice?" Kaswal na kaswal na tanong nito. Para bang matagal na kaming magkakilala at natural lang na magsalo kami sa pagkain. Well, technically, ay magkakilala naman na talaga kami dahil nagkita at nagkausap na kami noong minsan, sa rooftop ng school. Naihinga ko nga rito ang problema ko nang nga oras na iyon. Pero hindi naman kami matatawag na magkaibigan. Not even close. Ni hindi nga kami umabot sa puntong nagtanungan ng pangalan ng isa't isa. Isa pa, kailangan ko munang isantabi ang gutom ko. Nagpunta ako rito para mag-tutor, at hindi para maki-almusal. Kapag sumobra ang late ng session namin, mas malaki ang kailangan kong i-adjust na oras namin mamaya. Baka magahol ako sa oras ng pagpasok. "Ahm, kuya..." alumpihit ko nang kulit dito. Nakangiwing napakamot pa ako ng isang daliri sa leeg ko. "Ano kasi... nine thirty na kasi. Sobrang late ko na sa oras ng usapan namin ni Alejandro Montesilva. Kung wala siya rito, baka pwedeng pakitawagan mo siya. Hindi kasi pwedeng ma-delay ang session namin, may klase pa rin kasi ako mamayang after lunch." Umangat ang isang kilay nito sa akin. "Are you sure, hindi mo kilala si Alejandro Montesilva? Hindi mo pa siya nakita sa school? Or, hindi mo man lang narinig ang pangalan niya?" Mahina akong umiling dito. May bahagya pang pagtataka. Paano ko naman makikilala iyon, eh, grade twelve na iyon at grade eleven pa lang ako? Sa kabilang building sila. Ganoon ba kasikat ang lalaki, at dapat kilala siya ng lahat ng estudiyante sa campus? Bakit? Dahil anak siya ng isa sa mga stockholder ng school? Umangat ang gilid ng mga labi nito sa isang matabang na pagtawa. Pagkatapos ay napa-iling-iling. "And here, I thought, halos lahat ng babae sa campus ay may gusto sa akin..." nakangisi pang anito. "Halos lang, kasi iyong iba, iyong mga kaibigan ko naman ang gusto." Unting-unting nag-sink in sa isip ko ang sinabi nito. Kasabay niyon ay ang unti-unti ring panlalaki ng mga mata ko. Napa-awang din ng ilang segundo ang mga labi ko, bago ako nakabawi at nakuhang magsalita. "I-ikaw si Alejandro Montesilva?" Gulat na gulat pa ring tanong ko rito. Nakakaloko naman itong ngumiti sa akin. "At your service, Ma'am."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD