Chapter 10

2215 Words
MARAHAS AKONG NAPALINGON NANG MARINIG KO ang pag-click ng pintuan, tanda na isinara iyon ni Dos nang makapasok ito, kasunod ko. "H-huwag mong isara ang pintuan!" Nabiglang ani ko pa. Pagkatapos ay parang napapahiyang nagyuko ako ng ulo nang mapagtanto ko ang ibinulalas ko. Si Dos ay natitigilang napatingin sa akin. Hawak pa rin ng isang kamay nito ang seradura ng pintuan. Kung tutuusin ay hindi naman nito ini-lock iyon. Inilapat lang nito ng pagkakasara. Ngunit na-alarma pa rin ako. Paano kung, kung anu-ano na naman ang isipin ng mga kaibigan nito kapag nakitang sarado ang pintuan at kami lamang dalawa ang nasa loob? Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako maka-move on sa naging takbo ng usapan namin sa labas kanina. Kung papaanong, sa isip ng mga kaibigan nito, kaya ako narito ay dahil isa ako sa mga babae ni Dos at may gagawin kaming hindi maganda, kaya nais naming mapag-solo rito sa library. Pakiramdam ko tuloy, pagkasabi ng mga ito ng bagay na iyon ay may halo nang malisya ang tingin nila sa akin. "Hey, are you okay?" Malumanay na tanong sa akin ni Dos nang makabawi. Nag-angat akong muli ng tingin dito. Kumibot-kibot ang mga labi ko. Kinagat-kagat ko pa ang pang-ibaba niyon. Nag-iisip kung sasabihin ko ba rito ang nasa loob ko. Tumuon doon ang tingin ng lalaki. Nag-igting ang mga panga nito. Bago mariing napalunok. Na sinundan ng matalim na pagbuntong-hininga. May bumangong pag-aalala at pagka-pahiya sa dibdib ko dahil sa ginawi nito. Iniisip marahil ng lalaki, na iniisip ko, na gagawan niya ako ng hindi maganda, kaya't takot na takot ako na magkulong kami sa isang silid, nang kami lang dalawa. Muli akong napayuko. Sa isip ko ay baka na-offend ko ito sa inakto ko. "S-sorry." Narinig ko ang muling pagpapakawala nito ng marahas na paghinga. "Huwag mo nang isipin ang sinabi ng mga siraulong iyon, okay? Mga kinulang lang talaga sa aruga ang mga iyon." Napalabi ako. Sa totoo lang, kapag kami lang namang dalawa ni Dos ang magkaharap ay panatag naman ang loob ko. Wala akong nararamdamang pinag-iisipan ako nito ng masama. Nararamdaman ko naman ang pagrespeto nito sa akin, bilang babae. Dahan-dahang umangat muli ang tingin ko rito at maliit na napangiti. Bago mahinang tumango. Pumunit na rin ang ngiti sa mga labi nito. "Shall we start?" Isa pa muling tango ang isinagot ko rito. Para namang bulang nawala ang awkwardness sa pagitan namin nang mga sumunod na sandali. Iginiya ako nito sa malapad na mahogany table sa pinakagitna ng library. Katulad sa labas, ay walang masyadong gamit ang makikita sa loob ng kanilang silid-aklatan. Ang naroon lang ay ang malaki ngang office table na halatang gawa sa mamahaling kahoy, na nakapwesto sa pinakagitna ng silid. Sa harap niyon ay dalawang single chair na gawa rin sa magandang klase ng kahoy. Simple lang din ang yari ng mga iyon. Mayroon lang parang idinikit na leatherette na foam sa mismong upuan at sandalan, marahil ay para maging komprotable pa rin, para sa mauupo. Sa likod ng mesa ay ang malaking swivel chair, na kung kasing liit ko ang mauupo, baka kakasya ang dalawang tao. Sa tingin ko nga ay ipinasadya pa ang sukat niyon, na para talaga sa malalaking tao. Mayroon ding isang set ng sofa sa isang tabi. Maging iyon ay naghuhumiyaw sa laki. Kakasya yata ang limang katao sa mahabang upuan, at hindi pa rin sila magsisiksikan. Ang dalawang single sofa naman ay kakasyang ihiga ko ang kalahati ng katawan ko, sa laki. Malamang ay ipinasadya rin ang mga iyon. Bukod doon ay wala na. Ang buong silid ay napapalibutan ng floor to ceiling na mga bookshelves. At lahat ng mga iyon ay puno ng mga libro. Mula sa makakapal, hanggang sa pinaka-maninipis. Ang akala ko ay sa visitor's chair ako nito pauupuin, ngunit nagkamali ako. Ako ang iginiya nito sa swivel chair na halos lumunin ako sa laki at siya ang naupo sa upuang nasa harap niyon. Hindi na ako nagtanong pa. Sa halip ay inilabas ko na ang mga hand outs na dala ko at inumpisahan na ang pagpapaliwanag dito. Mataman naman itong nakatitig lang sa akin. Kung nakikinig ito, o ano, iyon lang ang hindi ko masabi. Kung minsan pa nga ay bahagya akong nakakaramdam ng pagka-ilang sa klase ng mga tingin nito. Masyado kasi iyong matiim, paminsan ay nahuhuli ko pa ang bahagyang panliliit ng mga mata nito habang nakatingin sa akin. Pero wala naman itong sinasabi kaya hindi na lang din ako kumikibo. Matapos kong magpaliwanag ay tinanong ko siya kung may tanong pa siya tungkol sa mga sinabi ko. Mahina lang itong umiling. Ilang sandali ko pa itong tiningnan. Tumingin lang din ito sa akin pabalik. Huminga ako ng malalim at inilabas na ang mga questionaire na inihanda ko upang malaman ko kung naintindihan nga nito ang mga ipinaliwanag ko rito, o hindi. Iniabot ko iyon dito. Wala namang dalawang salita na tinanggap ni Dos iyon at pinasadahan ng basa. Dahan-dahang sumilay ang ngiti sa mga labi nito. Gayon din, ang pag-angat ng isang kilay. Kita ang amusement sa mga mata nito habang unti-unting bumababa ang mga mata, hanggang sa kahuli-hulihang item ng mga tanong na ginawa ko. Maya-maya ay nag-angat itong muli ng tingin sa akin. "Hmm... handa ka, ha." Inangatan ko lang ito ng isang kilay, bilang sagot. Inilahad ko pa ang isang kamay ko, indikasyon na umpisahan niya na ang pagsasagot. Nakangisi, at napapailing na dumampot ito ng isang ballpen sa holder na nasa ibabaw ng mesa at inumpisahan na ang pagsagot sa mga tanong na inihanda ko. Nakatuon lang ang tingin ko rito. Hindi ko alam, pero parang may something dito na humihigop sa akin para titigan ito. Parang ang bait-bait nitong tingnan habang tahimik na sinasagutan ang kaharap na papel. Kung minsan ay natitigilan pa ito, at waring napapaisip, pero maya-maya ay muling tutungo at magsusulat ng sagot. Lihim pa ngang napapa-angat ang isang kilay ko habang nakamasid dito. Wala pa kasi akong nakikitang mali sa mga isinulat nitong sagot. Kung gayon, ay talagang seryoso itong nakikinig sa ipinaliliwanag ko kanina? Hmm... very good naman pala. Napapitlag pa ako nang marinig ko ang pagtikhim, mula rito. Para akong nagising mula sa pagkakahimbing. Hindi ko namamalayan na hayagan na pala ang paninitig ko rito at napansin na iyon ng binata. Nakayuko pa rin ito sa sinasagutang papel, ngunit ang mga mata ay pailalim na nakatunghay sa akin. Mayroon ding naglalaro maliit na ngiti sa gilid ng mga labi nito. Nang umangat ang isa nitong kilay ay napalunok ako at napapahiyang nag-iwas ng tingin dito. Wala sa loob na pabagsak kong isinandal ang likod ko sa backrest ng malaking swivel chair, na isa na namang pagkakamaling magawa ko, sapagkat sa laki nga niyon ay halos mapahiga na ako sa loob niyon. Dulo lang kasi ng pang-upo ko ang nakalapat sa dulo lang din ng upuan niyon. Kaya't malaki pa ang naging espasyo sa likuran ko nang sumandal ako. Nag-iinit ang mga pisnging bumalik ang tingin ko kay Dos. Alam ko na nakita nito ang nangyari sa akin. At tama nga ako. Anyong aliw na aliw ito, na pailalim pa ring nakatunghay sa akin. Napapahiya pa ring inirapan ko ito. Lalo namang lumapad ang ngisi nito sa akin. Pinanlakihan ko ito ng mga mata at inginuso ang papel sa harapan nito. Kinagat nito ang pang-ibabang labi at pigil-pigil pa rin ang ngisi na ipinagpatuloy ang pagsasagot sa papel. Ako ay inabala na lamang ang aking sarili sa pagtingin-tingin sa isang katerbang libro na nakapaligid sa amin. Iniisip ko kung maaari kaya akong manghiram ng libro dito kung sakali at kailanganin ko? Kung minsan kasi ay nauunahan ako ng paghiram ng libro sa library, kapag may kailangan akong i-research para sa ibang assignments ko. O, kapag nag-a-advance reading ako. Ang mahal naman ng bayad ng per oras sa mga internet shops. Ibibili ko na lang ng pagkain ko, ibabayad ko pa sa renta ng computer. Sa dami ng mga libro sa paligid namin, natitiyak ko na nandito lahat, kung hindi man, ay karamihan sa mga hinahanap ko. "Done." Inagaw ng baritonong tinig ng aking kaharap ang atensyon ko. Awtomatikong bumalik ang tingin ko rito. Nakangiti naman ito, at mayroong pagmamalaki sa mga matang nakatunghay sa akin. Tumaas-bumaba pa ang mga kilay nito. Tikom ang mga labi na inabot ko ang sinagutan nitong papel. Sinuyod ko ng basa ang mga nakatala roon, pati na rin ang mga naging sagot nito. Dumampot pa ako ng pulang ballpen sa pen holder din sa ibabaw ng mesa at inumpisahang lagyan ng marka ang bawat numero sa gilid niyon. At nang matapos ako, hindi ko alam kung matutuwa, o magugulat ako sapagkat halos tama ang sagot ng lahat ng mga tanong. Mayroon lang itong isang mali, sa fifty items na questionaires na inihanda ko! Hindi pa rin makapaniwala na nag-angat ako ng tingin dito, pagkatapos. Nakaliyad naman ang dibdib, at may pagmamalaki sa mga mata na nakatingin ito sa akin. Kung ang pagbabasehan ko ay ang performance nito sa unang encounter pa lamang namin na ito, ay masasabi ko na hindi naman nito talaga kailangan ng tutor. Parang likas na matalas ang memorya nito. At mabilis makaintindi, kung gugustuhin lang talaga nito. Wala naman akong ibang ginawa kung hindi basahin lang dito at ipaliwanag ang mga aralin na ibinigay sa akin ni Mrs. Medina. Pero nakuha niya kaagad sa isang discussion lang. Walang tanong-tanong. At walang mahabang paliwanagan. Kung nakakuha ito ng kalahati, o mahigit lang ng isa, o dalawa sa kalahati, iisipin ko na tsamba iyon, o hinulaan lang nito. Pero hindi. Isang mali, sa limampung tanong... hindi iyon matatawag na tsamba. Lalong hindi hula. Matalino talaga ito. Ewan ko lang kung bakit parang ayaw nitong gamitin. Nang isulat ko na ang score na nakuha nito sa ibabaw ng papel at bilugan iyon ay hindi ko inaalis ang mariin kong tingin dito. "Congratulations, Mr. Montevista!" Ani ko, pagkatapos. At saka muling iniabot dito ang na-check ko nang pagsusulit nito. "One mistake, out of fifty items..." Umangat ang isang kilay ko. "Very good." "Thank you, ma'am." Nakangisi namang sagot nito sa akin. Dinampot nito ang papel at pinasadahan ng tingin habang hinahagod-hagod ng hintuturo ang sarili nitong baba. Kapagkuwan, ay muling ibinaba sa ibabaw ng mesa. Tumingin ito sa relo nitong pambisig, bago nag-angat ng tingin sa akin. "Let's go?" Ani pa nito. "Eleven thirty na. Lagpas na tayo ng thirty minutes." Ngumiti naman ako rito habang nililigpit ang nagkalat na mga papel na ginamit namin sa ibabaw ng mesa. "Okay lang. One o'clock pa naman ang pasok ko." "Yeah." Pabuntong-hiningang sagot nito. "Pero kakain ka pa ng lunch, 'di ba?" "Hindi--" "Don't tell me, na hindi ka na kakain?" Naka-angat pa ang isang kilay na putol nito sa sinasabi ko. Ipinaikot ko ang mga mata ko. "Hindi naman ako matagal kumain, ang sasabihin ko sana, kung pinatapos mo lang po ako." Sarkastiko ko pang turan. Pero hindi ito nangiti man lang. Ni hindi nga nawala ang gatla sa noo. Ang mga daliri ay mahinang itinutuktok sa mesa. "Sabay na tayong mag-lunch?" Ako naman ang nag-angat ng isang kilay dito. Napahinga ito ng malalim. "Come on... nakakatamad kumain nang mag-isa." Lalo naman akong hindi naniniwala sa sinabi nito. Hindi pa rin ako nagsasalita, ngunit hindi ko rin ibinaba ang isang kilay ko. "Okay. Isipin mo na lang na pasasalamat ko iyon sa pagtitiyaga mo na i-tutor ako." Pabuntong-hininga pang anito. "May scholarship na kapalit naman 'to, 'di ba?" Hindi pa rin nagbabago ang tingin ko rito. Mula sa itinutuktok nitong mga daliri sa mesa ay pailalim na umangat ang mga mata nito sa akin. Sandali pang naningkit ang mga iyon habang nakasilip ito sa ilalim ng mahahaba niyang pilik-mata. Binawi ko ang tingin ko rito. Kunwa ay inabala kong muli ang aking sarili sa pagliligpit ng mga gamit ko at pagpapasok ng mga iyon sa brown envelope na pinaglalagyan din niyon kanina. Ang totoo ay naiilang na naman ako sa mga tingin nito. Grabe naman kasi, parang akong lalagnatin sa klase ng tingin na ipinagkakaloob nito sa akin. Sa buong buhay ko, ngayon lang ako nakatagpo ng mga matang ganoon kung tumingin. Iyon bang klase na parang kaya nitong arukin pati kaluluwa ko. Narinig ko ang pagpapakawala nito ng marahas na paghinga. "Okay. Sige na. Gusto lang kitang kasabay na kumain ng lunch. Masama ba 'yon?" Bumalik ang tingin ko rito. Parang may nababakas na akong frustration sa mga mata at tinig nito. "May magagalit ba?" Muling tanong nito nang hindi pa rin ako makasagot. Sandaling nag-loading ang utak ko sa huling tanong nito. Sino naman ang magagalit? Para namang nabasa nito ang nilalaman ng isip ko. "Boyfriend?" Napamaang ako rito. Inangatan naman ako nito ng isang kilay. Nasa mata pa rin ang pagtatanong. "W-wala akong boyfriend." Wala sa loob na naisagot ko na lang. Mukha naman kasi na hindi ito titigil hanggat hindi ako sumasagot. "Suitor?" Muli akong umiling. Wala naman talagang nanliligaw sa akin. Hindi naman pansinin sa campus ang mga katulad ko. Kung minsan pa nga, ay ginagawa pang tampulan ng katuwaan, katulad na lamang ng kaso ni Blessy. "Good." Mabilis na sagot nito. "It's settled, then. I will be your lunch buddy, from now on." Nalukot ang noo ko. Teka, pala-desisyon ang isang 'to. Pumayag na ba ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD