Nag ayos na ako para puntahan si Megan sa kanyang cafe. Naka leave kasi si Harry kaya tutulong muna ako.
Nakaalis na si Caleb nang bumaba ulit ako.
Pagkababa ay napukaw ang aking pansin ng mga chocolates at isang bouquet ng red roses sa sala. Mukha pang mamahalin ang mga chocolates at sa dami nito ay paghahatian na lang namin ni Tessa.
"Para sa 'yo yan, Ate Kate. Dala ni Kuya Caleb", nahimigan ko pa ang kilig ni Tessa
"Nagdala din sya Ate ng mga prutas. Dinala ko na sa kusina", sabay ang makahulugang tingin nito
"B-bakit?" ani ko
"Ang haba ng hair mo Ate! Nakakakilig kayong dalawa ni Kuya Caleb!" sabay palakpak pa nito
Bahagya akong natawa. "Ewan ko sa 'yo Tessa. Kung anu ano iniisip mo"
Hindi ko rin alam bakit sya nagdala ng bulaklak, tsokolate, at prutas. Peace offering? Hindi naman kami nag away.
Binalewala ko muna ang aking mga iniisip at umalis na.
Malapit lang naman ang cafe ni Megan kaya nagcommute na lang ako. Pagkarating ay nadatnan ko na rin ito.
Namasa ang bibig ko sa nakakatakam na amoy dito sa cafe. Naaamoy ko ang bagong lutong tinapay pati na rin ang mga matatamis na pastries. Isama mo pa ang amoy ng brewed coffee.
May pagka Scandinavian ang motif ng cafe. Puting puti ang pintura ng lahat ng mga dingding na inaccentuate naman ng mga halaman sa bawat sulok ng cafe. May mga nakapaso sa sahig at meron ding mga nakasabit. Naglagay din si Megan ng ilang painting. Sa harap naman ay glass wall. Sa glass wall ay may nakaimprenta na SPARKLE CAFE.
Ang mga lamesa at upuan ay nakikiayon din sa motif. Puti at wooden maple ang mga kulay.
Sa harap ay may counter at matataas na stool kung saan pwedeng tumambay kung magisa lang naman ang customer o naghihintay ng take out. Kitang kita din nila ang view sa labas dahil sa glass wall.
May mga pangdalawahan at panggrupo na mesa din at upuan sa loob. Sa kabilang side naman ay shelves na punung puno ng mga nakadisplay na coffee beans, loaf bread, at pastries.
At dito naman sa kinatatayuan namin ni Megan ay ang counter kung saan umoorder ang mga customer at cashier. Dito naman ay nakadisplay ang mga cakes at ibang pastries tulad ng brownies.
Inilapag ko ang aking bag malapit sa kaha at tumulong na rin sa paghahanda ng shop. Canceled muna ang deliveries today. Buti na lang at pumayag ang mga nagpagawa ng cakes na ipick up nila ang mga ito sa shop
Naglalagay ako ng mga bagong lutong tinapay sa display nang may pumasok. Laking gulat ko nang iniluwal ng pinto si Caleb!
Naka beige button shirt sya ngayon na tinernohan ng maong jeans. As usual, ay nakatupi ang long sleeves nito hanggang siko. Tinanggal pa nito ang kanyang aviator sunglasses at tumingin sa akin.
"Ayan! Kumpleto na tayo!" ani Megan
Nagkatinginan kami ni Caleb nang magsalita si Megan,
"Bes, niyaya ko rin si Caleb na samahan tayo dito sa cafe. Ang sabi ko nandito ka. Buti na lang pumayag itong si Papa Caleb!"
Nakatingin pa rin sa akin si Caleb nang magsalita ulit si Megan
"Sandali lang at kukuha muna ako ng makakain para may energy tayo" at bumalik ito papasok sa kusina
Hindi pa nga ako masyadong nakakabawi sa kahihiyan kanina at kaharap ko naman ngayon si Caleb! Sarap kutusan nitong si Megan!
Nagulat pa ako nang lumapit ito at sinikop ang ilang hibla ng buhok papunta sa likod ng aking tainga. Sobrang lapit namin sa isa't isa at para akong kinakapos ng hangin
"Kamusta ang pakiramdam mo? Sabi sa akin ni Tessa masama daw ang pakiramdam mo kanina", may halong pag-aalala sa mukha ni Caleb
Agad akong pinamulahan at nag-iwas ng tingin, "O-okay na ako",
"Natanggap mo ba yung mga binigay ko?"
"Oo. Para saan pala yun?"
"To say sorry dahil nawala ako ng ilang araw. May inasikaso kasi ako. And... I missed you"
Ang lakas ng kalabog ng puso ko sa mga sinabi nya. Lalo na nang sinabi nyang na-miss nya ako.
Nawala ang naipon kong inis nang ilang araw at ngayon naman ay nagkabuhulbuhol na naman ang puso ko.
Naiwang bahagyang naka awang ang aking labi habang pinoproseso ko ang sinabi nya. Napatingin sya sa aking labi at napalunok
Hinawakan nya ang magkabila kong balikat pababa sa aking braso nang bumalik si Megan,
Tumikhim ito at nagsalita, "Baka langgamin ang mga pastries dito sa sobrang ka-sweetan! O sya, meron kumain muna tayo"
Nagdala si Megan ng mga croissants para sa aming tatlo. Tinulungan ko na rin sya sa paghahanda ng drinks namin
Masayang nagkukwento si Megan habang kami'y kumakain. Nag uusap sila ni Caleb tungkol sa mga challenges and joys ng isang start up business habang ako'y lutang sa nangyari kanina.
Sumimsim ako ng aking hot chocolate at walang malay na may natira pa palang tsokolate sa gilid ng aking labi. Laking gulat ko nang inabot ni Caleb ang gilid ng aking labi para tanggalin ang mantsa gamit ang kanyang hinlalaki
Naramdama ko ulit ang mga paru paro sa aking tyan nang maglapat ang aming balat.
Kay Caleb ay parang wala lang pero bakit parang nagwawala ang puso ko! At bakit ba sobrang touchy nya ngayon!
Pinanliitan ako ng mata ni Megan at ngiting ngiti sa akin
Sinikap ko na lang na magfocus sa pagtulong sa cafe. Si Megan sa kusina at nag-ala barista, si Caleb ang kumukuha ng order at nagseserve, at ako naman ang sa kaha at taga check ng online orders. Inutusan na rin ni Megan si Caleb kapag may kailangang bilhin sa labas.
At dahil nga sa magandang lalaki itong si Caleb ay naging blockbuster dito sa cafe. Puno ang customers at sunud sunod din ang mga dating nito. Kaya tinulungan ko na rin si Caleb sa pagkuha ng order at pagserve.
Naging instant celebrity din tuloy ito dahil ang mga dalagang customer ay dagsa para kumain at magpapicture.
Narinig ko pa ang grupo ng mga dalagang kumakain,
"Dito yung sinasabi nilang may gwapo!"
Yung isa namang babaeng umorder ay humirit pa,
"Pogi, payakap naman!" at niyakap nga si Caleb! Game naman itong isa na nagpayakap sa babae. Parang gusto nya pa na pinagkakaguluhan sya. Grabe!
Kung nakakatusok lang ang mga tingin ko ay siguro'y sugatan ang dalawang ito. Naiintindihan ko naman na para din ito sa cafe at mga customers pero hindi ko mapigilang mainis. O magselos?
Meron pang isa na humirit, "Pa-kiss naman!"
Ngumiti lang si Caleb, "Ma'am pasensya na po. Taken na kasi ako",
Nagkatinginan kami ni Megan sa sinabi ni Caleb
Napalitan ng lungkot ang saya ko kanina. Taken? Ibig sabihin may girlfriend na sya, o di kaya, asawa? Pero bakit hindi nya kasama sa bahay? O di kaya yun ang dahilan bakit sya nawala ng ilang araw?
Parang kinurot ang puso ko sa narinig. I tried to act cool. Ayokong magmukhang pinaasa.