Pagkatapos naming mamili ni Gavin sa supermarket ay kailangan pa naming pumunta sa palengke para hanapin ang ilang items sa listahan. May seaweeds, shellfish, gata ng niyog at iba pa kasi sa listahan.
“Where’s the taxi?” tanong ko pa nang hindi ko makita ito sa kung saan nakaparada si Manong Driver kanina.
Pinasadahan ko ng tingin ang buong kalsada at parking lot hanggang kanto. Wala akong makita kundi mga private vehicles tulad ng motor, kotse at pickup. Dumaan naman ang ilang jeepney, pedicab at iba pang malalaking sasakyan. Iba’t ibang uri ng ugong ng makina ang narinig ko, dagdagan ng ilang mga tinderang sumisigaw.
“I told Benjamin to ditch the taxi. Don’t worry, pinabayaran ko siya.”
“Ano?” Nilakihan ko siya ng mata. “Bakit?”
“May sasakyan ako. Halika,” sabi niya habang bitbit ang lahat ng mga pinamili at naka-box ang mga iyon.
May instant kargador pa ako. Talagang bruhita ang Emilia na iyon. Kung wala si Gavin, ako sana ang nagbubuhat ng mga ito. But then again, maybe I could find someone to lift the boxes for me. Babayaran ko lang o magpapa-cute na lang ako para tulungan. May mga gentleman pa rin naman sa Pilipinas kahit paano.
Sumunod ako kay Gavin sa parking lot. Nakabukas na ang mga ilaw dahil gumabi na. Kailangan naming magmadali bago aalis ang mga tindera sa palengke.
Pansin kong tila may sumusunod sa amin habang naglalakad. Nang lingunin ko ay hindi naman si Benjamin. Isang matangkad na lalaking naka-all black, leather jacket, mask at baseball cap. Bago pa man niya ako mahawakan at saksakin ng hawak na patalim ay sinipa ko na siya sa tiyan. Hindi pa kami napansin ni Gavin na ilang metro na ang layo mula sa amin.
Bahagyang umungol ang lalaki sa lakas ng sipa ko pero hindi siya bumagsak at napaatras lang. Malaking tao kasi.
Aatake sana siya ulit pero nag-sidestep ako para iwasan siya at ang kutsilyong hawak niya. Iwinasiwas niya ito at nakita ko ang tsansa para masipa siya sa mukha. Sapul siya at bumagsak sa semento.
“Diletta!” sigaw ni Gavin at napamura. Wala na sa kamay niya ang mga boxes. Iniwan na niya malapit sa isang sasakyan at mabilis na tumakbo papunta sa akin.
Tss! Hindi ako damsel in distress. Ano ba? OA talaga ‘to.
May isa pang hindi kilalang lalaking dumating. Ito naman ang hinarap ni Gavin at nakipagmano-mano. He could take care of himself. Kaya hinayaan ko na siyang kalabanin ito.
Hinarap ko na lang ulit ang umatake sa ‘kin kanina. Nakabangon na siya at muling sumalakay ng malakas at maliksing sipa, suntok at wasiwas ng kanyang patalim. Muntik pa akong mahagip sa tagiliran pero buti na lang mabilis akong nakaiwas at sinikaran ko siya sa kanyang bayag. Napaungol siya sa sakit at napaluhod. Napangiti ako at sinuntok siya sa mukha, kaliwa’t kanan hanggang sa nawalan siya ng malay.
Umupo ako sa isang sakong at inalis ang kanyang mask. Pinicturan ko ang mukha niya at saka kinunan ng video pati ang eksena ni Gavin. Hmm. Pang-action star ang isang ‘to. Love points na naman siya sa ‘kin.
Tinanggal ko ang sintas ng sapatos ng taong walang malay at saka mahigpit na itinali ang mga kamay niya sa likod. Tumawag ako ng pulis habang pinatulog na ni Gavin ang kalaban niya. Marunong din pala ang isang iyon. Medyo nahirapan si Gavin. Mas malaki pa kasing bulto kaysa sa kanya. Pinagpapawisan tuloy ang mestisong manliligaw ko.
Okay lang. Sexy nga siyang tingnan, eh.
Lumabas na ang mga puso sa mata ko.
Tsk! Ang cheesy ko naman.
Habang tinalian niya rin ang lalaking nawalan ng malay ay napaisip ako kung sino ang mga ito. Hindi naman holdap ang pakay. Dire-diretso lang ang pag-atake nila na ang layunin ay patayin ako. Biglang sumagi sa isip ko ang nangyari sa mall sa Dumaguete. Kung ganoon, may nag-utos sa kanilang patayin ako mula pa noon?
Biglang nanuyo ang lalamunan ko at umusbong ang takot sa aking puso.
Sino? Sinong may gustong mawala na ako sa mundo?
Lord, twenty-one pa ako. Gusto ko pang mabuhay at tumikim ng masarap na Gavin.
Muntik na akong mapadapa bilang instinct nang may marinig kaming putok ng baril. Napalingon kami ni Gavin sa kaliwang banda, malapit sa isang sasakyan. Doon ay nakita naming binanatan ng suntok ni Benjamin ang isang lalaking nasa loob ng itim na kotse. Hinablot pa niya ito palabas mula sa bintanang basag ang shield. Tinapakan niya ito sa balikat at binalian ng braso. Rinig namin ang pagsigaw ng kalaban dahil sa sakit at kita ang butong lumabas sa balat nito at dumugo iyon. Hindi naglipat-saglit ay nawalan din ito ng malay.
Ilang minuto ang lumipas ay dumating ang mga pulis at isinakay ang mga ito sa kanilang sasakyan. Sumunod na lang kami para magbigay ng statement sa presinto. May mga saksi rin silang kinausap at tinanong kung ano ang nangyari.
The entire thing was a great ordeal. Magpapatuloy pa sa pag-iimbestiga ang mga pulis.
Nagkandabuhol-buhol ang isip ko para analisahin ang mga nangyayari pero hindi ko lubos maisip kung ano ang dahilan at kung sino ang puwedeng may pakana sa lahat ng ito.
“You must be hungry, Det,” ang puna ni Gavin nang makasakay na kami sa kotse niya. Tinapik lang siya ni Benjamin sa braso kanina at nawala nang parang bula ang bodyguard ko. Kahit paano ay may silbi rin pala ang isang iyon. Baka natamaan na ako kanina ng bala kung hindi pa dahil sa kanya.
Pinasalamatan ko lang siya sa text at saka bumaling kay Gavin. “Anong oras na ba?” I asked distractedly. Kahit may nakabalandra naman na oras sa cell phone na hawak ko.
Napatingin siya sa kanyang wristwatch. “Ten past eight.”
“Kailangan pa nating pumunta sa palengke,” sabi ko.
Tumitig siya sa ‘kin nang ilang segundo. “We can try if there are still vendors there,” sabi na lang niya at pinaandar ang sasakyan, iniwan na ang presinto.
Nang makarating kami sa palengke ay inikot na namin ito pero wala akong seaweeds na mahanap. Gata ng niyog at iyong ibang nasa listahan ang meron kaya iyon na lang ang mga pinamili namin.
Tiyak hindi ito magugustuhan ni Emilia pero ano’ng magagawa ko kung wala ngang seaweeds? Pasisirin ba niya ako sa dagat ng ganitong oras? Ano siya? Hilo? Ise-send ko kaya kay Daddy Stefano ang pictures at video niya? Tonta siya!
“Kumain na muna tayo, rose grape. Alam kong nagugutom ka na talaga,” ang suhestiyon ni Gavin.
“Saan tayo kakain?”
“Gusto mo isaw, betamax?” ngising tanong niya. “May napansin akong nagtitinda diyan lang, o.” Ngumuso pa siya sa labas ng palengke.
“Eww! Hindi ako kumakain ng mga lamang-loob! Alam mo ‘yan.” Sinimangutan ko siya. Tinutudyo pa ako nito.
“Balut?”
Lalo akong napangiwi. “Ugh! I don’t eat pitiful chicks! That’s brutal. Kailangan ko na talagang maging vegan!”
Napatawa siya. “Paano na ang humba mo?”
Ngumuso ako. Masarap iyon. Naalala ko ang niluto niyang humba at lumambot ang ekspresyon sa mukha ko. Kuha niya talaga ang timpla at kung paano niluluto ni Mama noon ang paborito kong humba.
“Okay, siguro hindi ako magiging full-fledged vegan. Marupok ako sa humba.”
“Sa ‘kin, hindi ka marupok?”
Wow! Isiningit pa iyon?
Napatawa na lang ako sa kanya. “Ewan ko sa ‘yo! Squid balls, kikiam at taho na lang.”
Inilapit niya ang mukha sa ‘kin. “Ako? Hindi mo kakainin?”
Sinapak ko siya ng backhand sa matigas niyang tiyan at bahagya siyang napaungol. Napalakas ko yata. “Pagkain ka ba para kainin ko?” asik ko sa kanya. “Hindi ako cannibal. Kadiri ka!” Nilayasan ko na siya para magpatiuna sa may nakahanay na nagtitinda ng street food. Sumilay naman ang ngiti sa labi ko at pilit kong itago upang hindi niya mapansin.
Mabilis siyang sumunod sa ‘kin at sumabay sa paglalakad. “Masarap ako, promise,” ngising hirit niya nang pabulong.
Napangiti ako habang inaalala ang halik niya. “Oo, alam ko na ‘yan.”
Ay, shet! Nadulas pa ang dila ko. Buwisit na lalaki ‘to. Iba rin ang kamandag.