“ALAM mo ng nagsisinungaling siya bakit hinayaan mo pa siyang manatili rito?” kunot noong tanong ni Kieran kay Adrian. Nasa loob sila ng opisina niya na nag-iisang silid doon na pinapanatili niyang malinis at maayos. Nasa ikalawang palapag iyon at kanugnog lang ng master’s bedroom. Hindi rin iyon mapapasok mula sa labas dahil ang tanging pinto niyon ay nasa loob rin ng master’s bedroom.
Inalis ni Adrian ang atensyon sa pagpipindot sa mga buton ng security system ng buong lupain niya at tumingin sa kaniya. “Dahil nagsisinungaling siya kaya dapat siyang manatili rito. Hindi natin alam kung sino siya at ano ang talagang ginagawa niya rito. Gusto mo pa rin ba siyang pakawalan? Paano kung miyembro siya ng isang grupo ng mga kalaban mo? Gusto mo bang maulit ang nangyari noon?”
Napatiim bagang siya nang maramdaman ang matinding sakit sa dibdib niya sa sinabi nito. Napahigpit ang hawak niya sa tungkod niya at napatingin sa kanang binti niya na isa sa mga naiwan ng nangyari noon. “It doesn’t matter anymore,” sagot niya.
“Iyan ba talaga ang tingin mo? It doesn’t matter? Look here Kieran, kaya ba naka-off ang security system mo na para bang iniimbitahan mo ang mga demonyong pasukin ang bahay mo ay dahil wala ka ng pakielam kung may pumatay man sa iyo? That’s bullshit!” galit na bulalas nito.
Inangat niya ang tingin dito at sinalubong ang galit na mga mata nito pero hindi nagsalita. Mukhang lalo lang itong nainis dahil marahas nitong ginulo ang buhok nito na ginagawa lang nito kapag banas na banas na ito. “s**t naman pare. You are young. Don’t ruin your life like this okay?”
Mapait siyang napangiti. “Matagal nang sira ang buhay ko Adrian. In fact, hindi ko nga maintindihan minsan kung bakit hindi ka pa rin nagsasawang tulungan ako, kayo ni Neil,” sagot niya.
Inis na tiningnan siya nito. “Seriously, hindi ko rin alam kung bakit. Gago ka naman na ayaw tulungan ang sarili. Maybe because we know that you can still be saved that’s why we are helping you. Tapos na ang lahat Kieran. You have to move on with your life. Kung ako lang ang masusunod gusto kong ibenta mo na lang ang bahay na ito at magsimula ulit sa ibang lugar. Bumalik ka ng maynila at magtrabaho ulit. Just stop rotting yourself in here.”
Nag-iwas siya ng tingin. “Hindi ko ibebenta ito. At paano ako magtatrabaho ulit? I am now an invalid,” mapait na sagot niya. Hating himself more for sounding so pathetic.
“Madali lang iyang gawan ng paraan pero ayaw mo. Kung gugustuhin mo madali lang alisin ang mga peklat mo. Madali lang lagyan ng bakal ang binti mo para makapaglakad ka ng maayos. Sure hindi ka na makakasabak sa field. But you are very smart and we need your brain behind the scene. Nandiyan din ang security agency natin na kailangan ka. Pero ayaw mong mawala ang mga patunay ng nangyari noon. Ayaw mong iwan ang nakaraan Kieran. Hindi iyan nakakabuti sa iyo.”
Tumiim ang bagang niya sa pagpipigil ng emosyon. He felt as if a very bitter liquid is lurking in his throat. “Ayokong lumimot. It will be very unfair for her kung mabubuhay ako ng masaya habang siya…” Hindi niya maituloy ang nais sabihin. Humugot siya ng hangin upang pawiin ang sakit sa dibdib niya. “Let’s drop this subject okay?”
Napailing na lamang ito at muling hinarap ang mga aparato. “Bubuksan ko pati mga cctv cameras mo. Binuksan ko na rin ang electricity ng mga bakod mo pati na ang gate mo na nangalawang na sa tagal na natatabunan ng lupa. Papapuntahin ko na lang si Neil dito sa susunod para ayusin iyon, siya ang magaling sa mga gadgets na ito. Watch that woman. Pero huwag mong ipapahalata masyado dahil baka maghinala siya na hindi tayo naniniwala sa kaniya. Be good to her as much as possible no matter how difficult it will be for you. Babalik ako next week.”
“Imbistigahan mo kung sino talaga siya,” aniya rito.
Humarap na ito sa kaniya at tumango. “I will.” Lumabas na ito at sumunod siya rito. Bago sila makalabas sa master’s bedroom ay muli itong tumingin sa kaniya. “Oo nga pala. Ang mga groceries mo nasa kotse pa. Kamusta ang isang gabing walang alak?” tanong nito na bahagya pang nakangiti.
Sinimangutan niya ito. “Hindi naging maganda ang gabi ko ng dahil sa iyo. Because I’ve been dying to have a drink I went on town at a bar that was too loud for my taste.”
Bumakas ang amusement sa mukha nito. “Really. Dapat pala noon ko pa dinedelay ang pagkain at alak mo para mas mapadalas ang pag-alis mo sa bahay mo.”
“Yeah right. Para matakot ang lahat ng taong makakakita sa akin,” sarkastikong sagot niya.
Napailing ito. “Sinabi ko na sa iyo na madali namang gawan ng paraan iyan.”
“At sinabi ko na sa iyo na ayoko.”
Pumalatak ito at tuluyan nang lumabas ng pinto. Magkaagapay silang bumaba ng may kataasang hagdan. Napapangiwi siya sa tuwing ihahakbang niya ang kanang binti niya. “Damnit.”
Napalingon ito sa kaniya. “Dapat yata ilipat mo na ang master’s bedroom sa ibaba.”
“No.”
Napailing na lang itong muli at nagpatuloy sa paglalakad. “Kukunin ko lang ang mga pinabili mo. Silipin mo muna ang bago mong housemate.” Aasikan niya sana ito ngunit mabilis na itong nakalabas ng pinto.
Inis na napabuga na lang siya ng hangin at tinungo ang direksyon ng kusina. Agad na nakita niya ang nakabukas na ilaw mula sa maid’s quarters. Naningkit ang mga mata niya sa pagsulak ng galit nang maalala niya ang huling umokupa sa silid na iyon. Ngunit agad na kinontrol niya ang galit. Tama si Adrian, kailangan niyang maging mabait sa babaeng ito. It will make her lower her guard. Kapag nangyari iyon ay mas madali niyang malalaman kung sino ito at ano ang dahilan kung bakit ito naroon. Kung isa na naman itong pakawala ng mga taong balak siyang patayin ay mas mabuti nang malaman niya ng mas maaga.
Dahan dahan siyang lumapit sa silid nito na bahagyang nakaawang ang pinto, mukhang nakalimutan nitong isara. Stupid girl. Nang makalapit siya roon ay maingat pa rin siyang sumilip upang malaman kung ano ang ginagawa nito. He was caught off guard to see her lying on the bed and asleep. Napakunot noo siya. Ibang klase. Nagawa nitong makatulog kahit nasa loob ito ng isang bahay kasama ang dalawang lalaki na maari itong gawan ng masama. Napatitig siya sa mukha nito.
Ngayong napagmamasdan niya ito ay napagtanto niya na mukhang bata pa ito. Maamo ang mukha nito na bahagya pang basa marahil sa pag-iyak. Ngayong nakapikit ito ay napansin niyang makapal ang mga pilikmata nito. Matangos din ang ilong nito na bahagyang namumula mula sa pag-iyak. Even her cheeks were flushed. His eyes lingered on her slightly parted lips that were cupid bow shaped and as red as the roses she picked from his garden.
“Nasaan na siya?”
Napakurap siya at marahas na napalingon kay Adrian na bitbit na ang apat na malalaking plastic bag ng groceries. Isinara niya ang pinto ng silid at lumapit dito. “Sleeping.”
“Sleeping?” manghang tanong nito. Pagkatapos ay bahagyang natawa. “Ibang klaseng babae,” naiiling na dugtong nito.
Napailing rin siya. Iyon din ang naisip niya. But he will not tell Adrian that. Baka kung ano pa ang isipin nito.