NAGISING si Belle na kumakalam ang sikmura niya sa gutom. Nang imulat niya ang mga mata ay bahagya pa siyang nadisorient nang hindi pamilyar na lugar ang bumungad sa mga mata niya. Ilang segundo bago rumehistro sa isip niya ang lahat nang nangyari nang nakaraang gabi. Napabangon siya at tuluyang nagising. Hindi nga panaginip lang ang lahat. Nasa bahay siya ni Kieran.
Muling kumalam ang sikmura niya at napangiwi siya. Noon lang din niya naalalang kahapon pa siya ng tanghali huling kumain. Bumangon siya at kumilos upang lumabas ng silid na iyon. Sinalubong siya ng nakakabinging katahimikan paglabas niya. Madilim sa kusina ngunit nang maglakad siya patungo sa sala kung saan siya dinala ni Kieran kagabi ay napansin niyang bahagya nang napipintahan nang liwanag ang bahaging iyon ng kabahayan dahil tumatagos ang liwanag mula sa malalaking bintana. Mag-uumaga na pala. Hindi siya makapaniwalang nakatulog siya ng ganoon kahaba sa bahay na iyon. Kapag nalaman iyon ng mga ate niya ay masesermunan na naman siya.
Babalik na sana siya sa kusina upang maghalungkat ng pagkain nang mapasulyap siya sa direksyon kung nasaan ang hardin. Napahinto siya nang mapansing nakabukas ang salaming pinto niyon. Nacurious siya kaya marahan siyang naglakad patungo roon. Sumikdo ang puso niya sa hindi niya malamang dahilan nang makita niya si Kieran na nakaupo sa isang silya na naroon. Bahagya itong nakatalikod sa panig niya at titig na titig sa hardin. Mukha itong malungkot.
Bigla ay may sumagi sa alaala niya na likod na gaya niyon. Nanlaki ang mga mata niya at napasinghap siya nang mapagtanto niya na ito ang lalaking nakasalubong niya sa KTV Bar nang unang gabi niya sa San Bartolome.
Marahas itong napalingon sa kaniya nang marahil ay maramdaman nito ang presensya niya. Napangiwi siya at napaatras dahil inaasahan na niyang aangilan siya nito.
“You’re early,” sa halip ay sabi nito. Napamaang siya rito. Saglit lamang siya nitong tiningnan bago muling ibinalik ang tingin sa hardin nito. Nanatili siyang nakatayo roon dahil bigla siyang nalito sa pag-iiba ng reaksyon nito sa kaniya. Diyata’t hindi na ito galit sa kaniya? Nagkalakas tuloy siya nang loob na humakbang palapit pa rito. Napakunot noo siya nang mapansing may hawak itong baso ng alak.
“Umiinom ka ng alak ng ganito kaaga?” hindi nakatiis na tanong niya rito.
Muli ay nilingon siya nito at sa pagkakataong iyon ay bahagya nang salubong ang mga kilay nito. “Kung ano man ang gusto kong inumin ano mang oras ay wala ka ng pakielam doon. Pumasok ka na nga o mas maganda magsimula ka ng maglinis. Siguruhin mo lang na wala kang kukuning kahit na ano at dapat kung saan mo nakita ang mga gamit ay doon mo rin ibabalik,” malamig na sagot nito.
Mariin niyang naitikom ang mga labi sa kalupitan ng mga sinabi nito. Nag-iisip pa lang siya ng isasagot dito ay bigla na namang kumalam ang sikmura niya. Malakas iyon. Magkukunwa sana siyang walang nangyari ngunit nakita niyang bumaba na sa tiyan niya ang tingin nito patunay na narinig din nito ang pagkalam niyon. Nag-init ang mukha niya sa pagkapahiya at mabilis na hinawakan ang tiyan niya. Hinintay niya kung ano ang magiging reaksyon nito ngunit bigla na lamang siya nitong tinalikuran muli at uminom ng alak sa basong hawak nito.
“May groceries sa kusina. Bahala ka na kung ano ang gusto mong kainin. Siguruhin mo lang na hindi mo susunugin ang bahay ko kapag sinubukan mong magluto,” hindi lumilingong sabi nito.
“Para sabihin ko sa iyo marunong akong magluto no!” inis na sikmat niya rito. Ismid lang ang sinagot nito kaya lalo lang siyang nainis. Tinalikuran na niya ito at mabilis na nagtungo sa kusina bago pa tuluyang masira ang araw niya.
Binuksan niya ang ilaw sa kusina at nagsimulang magkalkal sa napakalaking refrigirator. Napawow pa siya nang makitang punong puno iyon ng mga prutas, gulay, karne at kung anu-ano pa. Kumuha siya ng mga itlog at bacon. Kakapalan na niya ang mukha na magluto at kumain. Tutal hindi naman siya nito babayaran sa gagawin niyang paglilinis doon. Sobrang parusa naman iyon sa ilang bulaklak na napitas niya kung gugutumin niya ang sarili niya.
Mabilis niyang nakita ang mga kakailanganin niya para magluto. Nakita rin niya ang sisidlan ng bigas na punong puno rin. Natagalan lang siya dahil nag-alangan siyang galawin ang stove nito. Isang tingin pa lang niya ay alam na niya na iyon ang tinatawag na electric stove. Salamat sa kakanood niya ng mga tv home shopping networks hindi siya mapapahiya kay Kieran dahil nagawa niya iyong paganahin. Matatalino yata silang magkakapatid, lalo na siya sabi ng mga ate niya. Hindi nga lang nila nagamit sa maganda dahil hindi naman sila nakapag-aral ng kolehiyo. Pero pagdating sa mga praktikal na bagay ay mabilis siyang nakakaintindi. Saglit pa ay nagsasaing na siya at piniprito na niya ang mga itlog at bacon. Lalong kumalam ang sikmura niya dahil sa amoy niyon.
Nang may makita siyang coffee maker at isang lata ng cofee beans ay may kumislap na ideya sa utak niya. Napatingin siya sa direksyon kung saan alam niyang naroon pa rin si Kieran at lumalaklak ng alak nito. Pagkatapos ay nakangiting nagbrew siya ng kape. Magaling siyang magtimpla ng kape dahil nagtrabaho siya sa isang coffee shop dati. Sa tingin niya para mapadali ang paglabas niya sa lugar na iyon ay dapat mapalambot niya ang puso nito kahit papaano. Gagamitin niya ang mahiwaga niyang kape.
“s**t,” marahas na mura ni Kieran nang kumalam ang sikmura niya. Kanina pa umaabot sa kaniya ang amoy ng niluluto ng babae sa kusina niya. Hindi na niya matandaan kung kailan siya huling nakaramdam ng gutom o kumain ng matino. Subalit biglang naging sensitibo ang sikmura niya dahil sa bango ng pagkain mula sa loob ng bahay. Pagkuwa’y bigla niyang naisip na napakatagal na mula nang magamit ng ganoon ang kusina. Years before, he used to wake up with the smell of food cooking. He used to go to the kitchen and watch his wife’s back as she cooks. Isa iyon sa mga pinakapaborito niyang gawin kapag nasa bahay siya.
Pinilig niya ang ulo nang may naramdaman siyang kirot sa dibdib niya nang maalala ito. Sinaid niya ang laman ng baso niya. Pagkatapos ay kinuha ang boteng nakapatong sa munting mesa roon upang salinan ang baso niya. Akmang iinumin na niya iyon nang maramdaman niya ang paglapit ng babae sa kaniya. Hindi man siya tulad ng dati na walang deperensya sa katawan ay hindi pa rin nawawala ang talas ng pakiramdam niya. Inilapag nito ang umuusok na tasa ng kape sa lamesa na katabi ng bote niya. Napatingin siya roon bago tiningala ang babae.
Muntik nang matapon ang alak sa baso niya nang mapaigtad siya sa biglang pagngiti nito, dahilan kaya lumabas ang dalawang biloy sa magkabilang gilid ng mga labi nito. “Mas maganda kung kape na lang ang inumin mo himbis na iyang alak. Masarap ako magtimpla ng kape,” sabi pa nito.
Itinutok niya ang tingin sa kape hindi dahil sinabi nitong masarap itong magtimpla kung hindi dahil gusto niyang alisin ang tingin sa mukha nito. Mabango ang kape at narealize niya na gaya ng pagkain ay matagal na mula ng huli siyang makainom niyon. Subalit hindi siya kumilos para hawakan iyon.
“That might kill me.”
“Mas mamamatay ka sa alak na iniinom mo kaysa sa kapeng tinimpla ko. Walang lason iyan,” sagot nitong may bahid ng inis ang mukha.
Muli niya itong tiningala at tinaasan ng mga kilay. “At paano ako makakasigurong wala nga?”
Nalukot ang mukha nito at biglang kinuha ang tasa. Pagkatapos ay uminom ito doon at muli iyong inilapag. “Ayan, ininuman ko na. Kung may lason iyan mauuna akong mamatay kaysa sa iyo,” sikmat nito.
His lips twitched. And he could not believe the fact that he almost smiled. Mabilis niyang inalis ang tingin dito at pasimpleng ipinilig ang ulo. Napakunot noo siya. Hell, was he amused at her? Sa loob ng limang taon ay hindi pa niya iyon nararamdaman kahit kailan. Kahit pa tuwing nagpupunta roon si Adrian at Neil ay sinusubukan siyang patawanin ng mga ito. Damnit.
Tumayo siya at hinablot ang tungkod niya. “I’m going to bed. Gusto ko pagbaba ko mamaya may nalinis ka na,” hindi tumitinging utos niya rito. Ngunit sa gilid ng mga mata niya ay nakita niya ang pagbakas ng pagkadismaya sa mukha nito. Pasumandaling nakaramdam siya ng sundot ng konsiyensiya pero marahas niyang pinalis iyon. Matagal na siyang walang konsiyensya. At hindi ang babaeng tulad nito ang magiging dahilan para magkaroon siya niyon. He doesn’t trust her. He stopped trusting anybody other than Adrian and Neil since that time. Tinalikuran niya ito at kahit nahihirapan siya dahil sa kanang binti niya ay binilisan niya ang mga hakbang. He must get away from her. Fast.