Andrea
Para akong isang aparisyon kung tingnan ng Mommy ni Ferdz na si Mina at ng nakababatang kapatid nito na si Samara.
"Ah...eh... Pasensiya na po kayo, hindi ko naman po talaga boyfriend ang anak ninyo. Totoo po ang sinasabi niya, muntik na niya akong mabangga sa daan kanina at dahil wala na po akong mapupuntahan kaya humingi po ako ng tulong sa kanya na kung pwedeng makituloy muna ako sa inyo kahit isang araw lang. Ang mga gamit ko po kasi ay nasa penthouse ng ex-boyfriend ko," nahihiyang sabi ko.
Hindi ko talaga gawain ang magsinungaling at parang nakonsensiya naman ako sa ginawa ko sa mokong na 'yon. Saka ko na lang iisipin kung saan ako titira ang mahalaga ay may matutuluyan lang ako ngayong araw.
"So, hindi talaga kayo galing sa costume party ni Kuya?" nanigurong tanong ni Samara.
Kanina lang ay kinatok ito ng Mommy niya sa kuwarto para pahiramin ako ng damit.
Hay... Seventeen palang ang batang ito pero bakit magsingkatawan na kami?
"Hindi," maagap na sagot ko.
"Ay sayang naman, akala ko pa naman ay lalagay na sa tahimik ang pasaway kong anak," litanya ni Mrs. Lemsworth. Bakas ang matinding panghihinayang sa mukha niya.
"Pasensiya napo kayo, Ma'am. Bukas na bukas din po ay aalis na ako, ayoko naman pong samantalahin ang kabutihan ninyo, wala lang po akong choice kaya naglakas loob na akong humingi ng tulong sa anak ninyo," yuko ulong sabi ko, ang kahihiyan ko ay umabot na sa sukdulan.
"Tsh! Huwag mong isipin iyon, sige maligo ka muna para makapagpalit ka na ng damit," utos nito sa akin.
"Si--sige po," kiming sagot ko.
Alanganing lumakad ako papunta sa CR ng guest room kung saan ako dinala ng mag ina para sa aking tutulugan ngayong gabi.
___
Namangha ako sa laki ng silid, para akong nasa isang five star hotel, napakalaki ng CR at may jacuzzi pa sa loob.
Hindi mo maipagkakailang mayaman talaga ang mga nakatira rito.
Parang pamilyar nga sa akin ang apelyidong Lemsworth, narinig ko na siya sa kung saan hindi ko lang matandaan.
_
Ang gaan ng pakiramdam ko ng matapos akong makapaligo.
Palabas na ako ng CR at ng sa pabukas ko ng pinto ay magulat ako nang biglang tumili si Samara. Muntik na akong mapalundag sa takot.
"Oh my gosh! Mommy, look at Ate Andrea," sobra ang shock sa mukha niya at hindi ko maipaliwanag ang reaksyon niya.
Napabaling naman ng tingin sa akin si Mrs. Lemsworth at katulad ni Samara sobrang nabigla rin ito nang makita ako.
"Bakit may dumi po ba sa mukha ko?" Takang tanong ko sa mga ito dahil halos mapanganga sila sa pagkakatitig sa akin.
"Ate, ang ganda mo!" bulalas ni Samara.
"Oo nga, ang ganda-ganda mo!" sang ayon naman ni Mrs. Lemsworth.
Napangiti ako sa tinuran ng mga ito.
"Maganda naman po talaga ako, ang anak n'yo lang namang impakto ang nagsasabing panget ako eh, ooops!" Napatutop ako sa sarili kong bibig ng mapagtanto ko kung paano ko tinawag si Ferdz sa harapan ng mommy niya. "Ay, sorry po!" paumanhin ko rito na bahagya pang yumuko.
Hiyang-hiya naman ako sa naging kagaspangan ng bibig ko. Ewan ko ba, hindi naman ako ganito magsalita at lumaki ako sa isang mabuti at konserbatibong pamilya pero kapag si Ferdz ang kaharap ko ay kung bakit ba parang nag iibang tao ako, may sumasapi sa akin na kung ano.
"Hay naku, Ate! Okay lang, impakto naman talaga ang kuya ko, eh!"
Napaawang ang bibig ko sa sinabi ni Samara.
So, hindi lang pala ako ang asar sa lalaking 'yon, kahit ang sarili niyang kapatid ay impakto rin ang tingin sa kanya. Ha...ha...ha...!
"Hindi ka pwedeng humarap sa anak ko na ganyan ang itsura mo, ang buong akala niya ay pangit kang talaga," nagaalalang sabi ni Mrs Lemsworth sa akin at sinipat pa ng husto ang mukha ko na para bang naghahanap ng maipipintas dito.
"Ay, korek Mommy! Sa sobrang babaero nitong si Kuya kapag nakita niya si Ate Andrea tiyak tutulo ang laway niya," eksaheradang sabi ni Samara, kumindat pa ito sa akin sabay hagik-gik.
"Ano kaya kung turuan natin ng leksyon ang pasaway mong kapatid?" napapaisip na tanong ni Mrs. Lemsworth.
"Talaga, Mommy? Mukhang okay 'yang sinabi mo, at ano naman kaya ang gagawin natin para maturuan ng leksyon si Kuya?"
Nagpalipat-lipat lang ang tingin ko sa dalawa.
"May naisip akong idea, iyon ay kung papayag si Andrea na tulungan tayo," ang sabi nito.
Parang iisang tao na tumingin sa akin ang mag-ina, napaatras naman ako, yung mga tingin kasi nila ay parang may masamang binabalak na gawin sa akin.
"Ako!" gulat na napaturo pa ako sa aking sarili.
"Oo ikaw!" maagap na sagot ni Mrs. Lemsworth.
"Umupo muna tayo at may maganda akong plano, " utos ni Mrs. Lemsworth na nagpatiuna nang lumakad papunta sa kama at sumunod naman kami ni Samara rito.
_____
"Aaargh!" Halos maibuga ni Ferdz ang tubig sa kanyang bibig nang makita ako. Eksakto namang umiinom ito ng tubig ng pumasok ako sa dining area kung saan maghahapunan ang pamilya Lemsworth.
Nakaupo na siya at si Mr. Lemsworth, nakahanda na ang masaganang pagkain sa lamesa.
Ako, si Samara at Mrs. Lemsworth ay sabay- sabay na bumaba papuntang dining area matapos ang aming seryosong pag uusap.
"Naligo ka na ba ng lagay na 'yan? Grabe...! Mukhang maslalo pang lumala ang itsura mo ngayon kaysa kanina, ah!" Mabilis nitong pinahid ang baba na nabasa ng tubig ng masamid siya.
Haiisst... Napakayabang talaga!
"Andrea, anak umupo kana sa tabi ni Ferdz," utos ni Mrs. Lemsworth sa akin.
"Opo, Mommy," ang sagot ko naman at mabilis akong tumalima, lumakad ako palapit sa direksyon nang takang-takang si Ferdz at naupo sa katabi nitong upuan.
"Mommy! At bakit Mommy ang tawag mo sa Mommy ko?" madilim ang mukha at kunot noong tanong nito sa akin.
Gusto kong matawa sa reaksyon niya pero pinigilan ko ang aking sarili. Hindi ko alam kung paano ide-describe pero sobrang weird ng itsura niya na para bang may malaking question mark sa ulo.
"Ano ka ba, Kuya? Siyempre girlfriend mo si Ate Andrea, sooner or later magpapakasal na kayo, kaya mabuti pa ngayon palang masanay na si Ate na tinatawag si Mommy na Mommy hindi ba?" pagpapaliwanag nito sa kapatid, siya na ang sumagot sa tanong na para sa akin.
"Hindi ka nakakatuwa," ang sabi ni Ferdz at pinandilatan pa nito ng mga mata si Samara. Parang gusto pa nga niya itong kutusan pero pinipigilan lang ang sarili dahil kaharap nila ang mga magulang at nasa harapan sila ng grasya.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ko girlfriend ang babaeng 'yan, naku naman! Tingnan n'yo nga ang itsura niya. Mas maganda pa nga sa kaniya ang mga kasambahay
natin, eh," inis na sabi nito na napapakamot pa ng ulo kahit hindi naman makati.
"Ferdz, hindi na magandang
biro 'yan," saway ni Mr. Lemsworth sa anak.
"Bakit, mukha po ba akong nagbibiro? Seryoso ako Dad, hindi ko girlfriend ang babaeng iyan at lalong wala akong balak pakasalan siya, kahit patayin niyo pa ako hindi ko pakakasalan 'yan, hindi pa ako nababaliw para gawin' yon," inis na sabi nito. 'Yong itsura niya na alam mong gusto ng sumabog sa galit pero pinipigilan lang. Namumula na nga ang mukha nito na para bang umakyat na ang lahat ng dugo sa ulo niya.
Tumingin ako kay Mrs. Lemsworth at tumingin din ito sa akin ng makahulugan sabay tango na para bang sinasabing gawin ko na ang napagkasunduan namin.
"Waaaah.. Mommy-Daddy, bakit nagkakaganyan ang anak ninyo no'ng isang araw lang sinabi niya sa'kin na handa niya akong pakasalan kahit saang simbahan tapos ngayon itinatanggi niyang girlfriend niya 'ko. How dare you! Tell me nabagok ba ang ulo mo kanina kaya bigla mo nalang nakalimutan lahat ng mga magagandang araw na pinagsamahan natin?" Talagang tinodo ko na ang acting, umiyak na ako ng bongga para mas convincing.
"Anak, tingnan mo pinaiyak mo na tuloy si Andrea," ang sabi ni Mrs. Lemsworth na may himig pangongonsensiya.
"Pinalaki ka namin ng maayos at hindi ganyan ang pagtrato sa babae. Girlfriend mo si Andrea kaya dapat pakisamahan mo siya ng maganda," pangaral ni Mr. Lemsworth sa anak.
Hindi ko akalain na susuportahan ako nito kaya naman na-touch ako ng sobra.
Bumuntunghininga muna nang malalim si Ferdz at pagkatapos ay pilit na ngumiti sa akin.
"Okay, tumigil ka na sa pag atungal na parang kinakatay na baka d'yan. Girlfriend na kita kung girlfriend para sa ikakasiya ninyong lahat, ngayon pwede na po ba tayong kumain bago pa ako tuluyang mawalan ng gana?" Halatang pikon na ito at nagpipigil lang sa sarili.
"Okay, Samara, please lead the prayer," utos ni Mrs. Lemsworth.
"Okay po," maagap na sagot naman ni Samara.
"Lord, thank you po sa masaganang pagkain na pagsasaluhan namin ngayong gabi. Thank you rin po at sa wakas ay may serious girlfriend na ang kuya ko, sana maging sila na ni Ate Andrea forever and ever, amen." 'Yong pagdadasal niyang pikit ang mga mata at napaka seryoso ang nagpa-isip sa akin na baka nga totohanin ni Lord ang panalangin nito.
Kaya naman napapilig ako sa aking ulo.
Hindi ko ma-imagine ang sarili ko na maging asawa ang mayabang na iyan.
No way! Over my dead and sexy body!
Nakita ko kung paanong samaan ni Ferdz nang tingin ang kanyang kapatid at nang mapansin kong lilipat ang tingin nito sa akin ay yumuko na agad ako at inumpisahan ko nang kumain, ayokong salubungin ang tingin niya dahil siguradong galit na galit ito at baka mabugahan pa ako ng apoy.
Tsk... Wala akong choice. Kailangan ko ng matitirahan kaya naman sumangayon ako sa kondisyon ni Mrs. Lemsworth na pangatawanan ang pagiging girlfriend ng anak nitong si Ferdz.
Pansamantala lang naman ang gagawin ko hangga't hindi pa ako nakaka isip ng magandang plano sa buhay ko. Ano naman 'yong isa, dalawa o tatlong araw sa pagtitiyaga sa mukha ng hambog na lalaking ito sa tabi ko?
__
Habang nakahiga ako sa aking malambot na kama, sa kabila ng mga kamalasang nangyari sa akin sa araw na ito. Pakiramdam ko ay suwerte parin ako, mukhang mababait naman ang pamilyang Lemsworth at safe ako kung dito ako mananatili hanggang sa makahanap ako ng ibang matutuluyan.
Sa mga oras na ito, kamusta kaya si Dylan?
Alam kong hindi maganda ang ginawa ko pero, para sa ikabubuti naman niya iyon.
Sana lang maging maligaya siya at hindi masayang ang ginawa kong pagsasakripisyo.
Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.