"Kung ganito talaga ng ganito ang sinasahod ko ay marami na akong mabibili," bulong ko sa aking sarili ng makuha ko ang ilang libong pera na lumabas sa atm machine kung saan ako nag withdraw.
Araw ng sahod ngayon kaya naman mahaba ang pila sa lahat ng atm machine malapit sa kung saan ako nagtatrabaho kaya ang ginagawa ko ay nag-wi-withdraw ako malapit na lang sa bahay ko.
Iniisip ko nga na baka ilibre ko ng kahit mumurahing kape si Sir Agaton kapag nga sumahod ako bilang pasasalamat sa masarap na hapunan na umabot ang lasa maging sa mga kaibigan kong nakatira sa lansangan.
Hindi ako nag-kwento kay Erika dahil panigurado na kakantiyawan niya ako dahil lang sa nag-magandang loob sa akin ang tumatayo naming boss sa kasalukuyan.
Gaya ng nakagawian ay panatag naman akong naglalakad sa kalye dahil marami namang mga tao ang nakakasabay ko.
May mga pauwi galing sa trabaho at may mga papasok pa lang.
May mga estudyante rin na kanya-kanyang grupo.
May mga pamilya rin na naglalakad ng sabay-sabay.
Madalas talaga na kinaaliwan ko na lamang ang makakita ng isang masayang pamilya dahil nga ulila na ako.
Kung nabubuhay lamang sina nanay at tatay ay hindi ako ganito mag-iisa sa buhay.
Hindi ako uuwi ng bahay na wala akong dadatnan.
Malamang na hindi ako matutulog na hindi kumakain o tanging kape o cup noodles lang ang laman ng tiyan.
Miss na miss ko na sina nanay at tatay.
Ilang taon na rin ang matulin na lumipas ng lisanin ko ang probinsya namin hindi lang dahil wala na nga akong pamilya kung hindi kailangan kong proteksyunan ang aking sarili laban sa mga kaaway na walang pagkakakilanlan.
Hanggang ngayon ay hindi ko maisip kung ano nga ba ang posibleng dahilan kung bakit pinatay sina nanay at tatay.
Namatay ang mga magulang ko na hindi man lang ako nakalapit sa kani-kanilang mga kabaong.
Hindi ko rin sila na hatid sa huling hantungan at kailangan kong magtago at tanawin na lamang sila sa malayo habang nananangis.
May isang kamag-anak namin ang itinago na ako at pinayuhan nga na huwag na huwag na akong magpapakita pa sa lahat ng dahil nga baka nga nasa paligid lamang ang mga pumatay sa aking mga magulang ng mga oras na iyon at nakamasid lamang kung makikita nila ako.
Kahit ang mga pulis at walang konkreto na paliwanag tungkol sa walang awang pagpaslang sa mga magulang na tinadtad ng mga bala ang katawan.
Hindi ko ma-imagine magpasa hanggang ngayon ang itsura ng mga kaawa-awa kong mga magulang.
Walang nais na kumupkop sa akin sa takot na madamay sila sa kung anong gulo na may kinalaman sina nanay at tatay na nag-uwi sa kanila sa malagim na kamatayan.
Pinalipas ko muna ang ilang buwan at bumalik ako sa aming bahay-kubo.
Kahit gabi na at malakas ang buhos ng ulan ay lakas-loob akong pumasok muli sa aming munting tahanan.
Sa pinto pa lang ay napahagulgol na ako sa iyak ng mga sandaling iyon.
Walang nagbago sa ayos ng aming bahay. Walang kahit na sino ang nagtangka na pumasok sa bahay namin dahil nga sa takot na pati sila ay madamay.
Lahat ng mahahalagang bagay ay kinuha ko na pati na ang kahuli-hulihang bagay na nililok ni tatay na sa kasawiang palad ay hindi niya na natapos pa.
Isang batang babae ang nililok ni tatay.
Akala ko nga ay ako ang batang babae na kanyang naging modelo pero hindi.
Sabi ni tatay ay kung magkakaroon daw ako ng babaeng anak ay ibigay ko raw ang laruan sa magiging anak ko. At hindi ko akalain na isa na pa lang maagang pamamaalam ni tatay ang kanyang hinabilin sa akin.
Sayang nga lang at hindi niya natapos pa dahil hindi ito pulido gaya ng mga nauna niyang mga nililok. Hindi ko rin naman maipagpatuloy sapagkat hindi ko namana ang talento ni tatay sa paglililok.
Naisip ko nga na ipatapos sa ibang manlililok ang ngunit nagbago ang isip ko sapagkat kapag pinagalaw ko sa ibang tao ay hindi na ito orihinal na nagawa ni tatay. Kaya mas pinili ko na lamang na itago na lamang bilang ala-ala ng namayapa kong ama.
Mapatawad kaya ako ni tatay kung sakaling hindi ko matupad ang bilin niya na ibigay sa magiging babae kong anak ang laruan?
Wala na rin naman akong balak pa na mag-asawa sapagkat natatakot na baka gaya ng nangyari sa nakaraan ay mangyari ulit at may maiwan akong anak o mga anak.
Nagbigay ng trauma at sobrang takot sa pagkatao ko ang nangyaring karumal-dumal na pagpatay sa mga magulang ko kaya siguro hanggang ngayon ay single ako at hindi nagtatangka na magkaroon ng relasyon sa mga lalaking single rin na gaya ko.
Hinintay ko munang mag kulay green ang kulay pulang ilaw bago ako nakisabay sa mga taong tatawid sa kalsada. Ngunit may napansin akong kakaiba.
Akala ko ay nagkataon lamang pero parang naging iba ang kutob ko.
May isang lalaki ang sumusunod sa akin. At hindi ito ang una, pangalawa o pangatlong pagkakataon na napansin ko siyang nasa lugar kung nasaan ako.
Bigla tuloy akong sinasal ng kaba.
Ang normal na paghakbang ng mga paa ko ay naging mabilis. Pabilis ako ng pabilis lalo pa at kalat na ang dilim sa buong paligid.
Holdaper kaya ang lalaki at tiniktikan kong kailan ako sasahod para nga kanyang biktimahin?
Hinahawakan ko ng mabuti ang shoulder bag na nakasabit sa aking kanang balikat at halos nga takbuhin ko na ang gilid ng kalsada makalayo lamang sa lalaking nakasunod sa akin.
Hindi ako pwedeng magkamali. Siya rin ang lalaki na sumusunod sa akin ilang araw ko ng napapansin.
Napakarami ng uri ng kasamaan ngayon kaya dapat na akong mag-ingat lalo pa at may dala nga akong pera.
Sa paglalakad ay naghahanap ako ng police station na malapit para doon ako tumuloy at makahingi na rin ng tulong.
Hindi ko masyadong mamukhaang lalaki dahil madalas siyang nakasuot ng sumbrero, naka face mask at nakasalaming may kulay. Pero nakilala ko siya sa kung paano siya maglakad.
Ang paglalakad niya ay para bang ingat na ingat siya sa kanyang paghakbang.
Sa tulad ko na nabuhay ng ilang taon na laging kinakabahan ay isa sa mga napag-aralan ko ang maging mapagmatyag sa paligid para na rin sa sarili kong kaligtasan.
Madali kong kinapkap cellphone kong nasa loob ng aking shoulder bag at tangka na sanang tatawag kay Erika para makahingi ng tulong.
"Miss Joy," tawag sa pangalan ko.
Ewan pero para ba akong nakakita ng anghel dela guwardiya ng mula sa kung saan ay sumulpot bigla si Agaton.
"Sir Agaton!" bulalas ko pa at kulang na lang ay yumakap ako sa katawan niya ng makita ko siya.
Parang gusto ko pang umiyak sa pagkakataong ito.
Bigla nga akong napalingon sa aking likuran ng makatabi ko na si Agato.
Ang lalaki na kanina lang ay nakasunod sa akin ay biglang lumiko at tumawid ulit ng kalsada gayong kakatawid lang namin mula sa kabilang kalsada.
Mas lalo tuloy akong kinutuban na may masama talaga siyang balak sa pagsunod sa akin.
"Miss Joy, anong nangyari sayo? Bakit sobra yatang putla ng mukha mo at nanginginig ka pa? May nangyari bang masama?" usisa sa akin ni Agaton.
Nanginginig ba ako?
At doon ko na napansin na naka angkla pala ang kanan kong braso sa kaliwang braso ni Agaton na mataman na nakatingin sa aking mukha.
Para naman akong napaso na bigla ko na lang inalis ang braso ko sa braso ng aking boss.
"Pasensya na, Sir," paghingi ko naman ng pasensya at saka ko muling tiningnan ang lalaki na kanina ay nakasunod sa akin na nasa kabilang gilid na ulit ng kalsada.
"Napaano ka ba at kung umakto ka kanina ng makita mo ako ay para ba tayong mag relasyon na dalawa? Akala mo ay nobyo mo ako at kulang na lang ay halikan mo ako ng lumapit ka?" mga narinig ko pang mga katanungan ni Agaton.
Gusto ko na naman lumubog sa pagkakataong ito.
Totoo naman kasi pero hindi naman ganun ang intesnyson ko. Ginawa ko lang nga dahil nasa panganib ang buhay ko.
"Grabe ka naman, Sir! Anong mag nobyo na sinasabi mo? Hindi ba pwedeng natuwa lang ako ng makita ka dito sa lugar na ito ng hindi inaasahan? Hindi ko akalain na ganyan ka pala mag-isip, Sir? Malisyoso ka pala kahit mukha ka namang kagalang-galang," pagsusungit ko.
"Miss Joy, ako pa talaga ang malisyoso gayong ikaw nga itong kulang na nga lang ay halikan ako sa ginawa mong pagsungkab sa akin? Paano na lang pala kong may kasama akong girlfriend ngayon? Ano na lang ang iisipin kung sakaling nakita ka na halos magpakarga na sa akin?" walang emosyon na mga tanong ni Agaton.
Walang emosyon dahil nakatingin lang naman siya sa akin at hindi naman gumagalaw ang kanyang kilay o ang kanyang panga sa pagsasalita. Wala rin pagbabago sa tono ng pananalita niya.
Paano ba nagagawa ng lalaking ito ang ganitong kilos?
"Sus! Huwag kang mag-alala at wala ka namang kasamang girlfriend, Sir. Sobra lang kitang na miss kaya ganun ang reaksyon ko ng makita kita dito sa lugar kung saan malapit lang din ako. Wala ka kasi sa opisina kahit noong isang araw pa kaya pagpasensyahan mo na ako." Paliwanag ko na lang.
"Huwag mo na sanang uulitin pa ang ganung pagkilos, Miss Joy. Huwag ka basta yayakap lalo pa at lalaki na hindi mo naman kaanu-ano ang yayakapin mo." Patuloy ni Agaton at saka na rin nagpaalam na mauuna na siya.
"Yes, Father, Amen," tugon ko na lamang dahil hindi ko akalain na mas conservative pa pala sa akin ang lalaking naging tagapagligtas ko na naman sa pagkakataong ito.