Nakatulog pala ako ng hindi ko namamalayan. Naalimpungatan lamang ako ng maramdaman na parang may naglagay ng kumot sa katawan ko.
Unti-unti kong minulat ang aking mga mata dahil napansin ko na tila hindi umaandar ang bus kung saan kami lulan ni Agaton.
"Sir, nasaan na tayo?" usisa ko at saka lumingon-lingon sa paligid.
"Hindi pa tayo nangangalahati, Miss Joy. Matulog ka pa kung nais mo." Ang narinig kong sagot ni Agaton ngunit tatayo sana ako ng mapansin na may jacket nga na nakapatong sa katawan ko.
Ang jacket na suot ni Agaton.
Nahawakan ko tuloy dahil baka mahulog sa ibaba.
"Sir, salamat at hinubad mo pa pala itong jacket mo para ikumot sa akin." At saka ko na inaabot sa boss ko ang damit niya.
"Bakit? Saan ka ba pupunta?"
Nagtataka pa ako sa paraan ng pagtatanong ng lalaking katabi ko.
Akala mo ba ay may pupuntahan akong iba o mag karapatan siyang magtanong?
"Sir, huwag mong sabihin na natatakot kang iwan kita?" pagbibiro ko pa.
"Pupunta lang ako ng cr para umihi. Baka kasi abutin pa tayo ng siyam-siyam sa daan bago ang next bus stop."
"Teka, Miss Joy," pigil sa akin ni Agaton at hinawakan pa ako sa kanan kong braso.
Kunot-noo tuloy akong napalingon muli sa kanya dahil naguguluha ako sa inaakto niya.
"Sandalil lang at sasama ako. Baka tama ka na malayo pa ang next bus stop."
Tumango-tango na lamang ako at sabay na nga kaming bumaba at hinanap ang cr.
Pero pagdating sa harap ng palikuran ay hindi naman kumikilos si Agaton at abala sa paglingon-lingon sa paligid na para bang may hinahapan.
"Sir, doon ang cr para sa mga lalaki. Huwag mong sabihin na gusto mong samahan pa kita?" pang-aasar ko pa kaya naman tila nahimasmasan si Agaton at saka na nagtungo sa cr kung saan siya dapat.
Dali-dali na akong umihi at saka na naghilamos na rin ng mukha. Nagsuklay na rin. Gusto ko sanang mag-apply ng lipstick pero bakit?
Nakasakay lang naman ako sa bus kaya bakit kailangan ko pa na magtodo retouch?
Paglabas na paglabas ko ay may isang bulto ng tao ang humarang sa lalakaran ko.
"Nasaan ang hiyas?"
Nangilabot ako kasabay ng hindi ako makagalaw ng katawan ko.
"Ibigay mo na sa akin ang hiyas." Muling banggit ng ng lalaki sa kung anong hiyas na kanyang hinahanap sa akin.
Tila ba huminto maging ang pagtibok ng puso ko dahil parang sigurado ang nagtatanong na nasa akin ang hiyas na hinahanap niya.
"Wala sa akin ag hiyas na hinahanap mo. Baka naman nagkakamali lang po kayo ng taong pinagtanungan." Sa wakas ay nasabi ko ng mahamig ko na ang sarili ko.
Bigla na lang hinablot ng hindi kilalang lalaki ang shoulder bag na dala ko na siyang ikinabigla ko dahil naroon ang mga pera ko.
"Hoy! Akina yang bag ko! Magnanakaw! May magnanakaw!" sigaw ko na para makaagaw ng atensyon lalo na sa mga securities ng bus stop na ito.
Hindi naman ako pwedeng tumayo na lang kaya hinabol ko ang lalaki.
Kailangan kong mabawi ang bag ko dahil importante ang mga laman noon gaya ng mga pera, atm at mga valid ids ko.
Nawala na lang sa paningin ko ang lalaki na ang bilis tumakbo kahit maraming tao dito sa lugar.
"Ang bag ko!" sigaw ko at saka gusto ko ng maglupasay sa maruming sahig dahil paano na ako nito uuwi kung wala na akong kapera-pera. Hindi rin ako makakahingi ng tulong kay Erika dahil nasa bag ko rin ang cellphone ko.
Ngunit bigla na lang may naghiyawan ng mahawi ang maraming bilang ng mga tao.
Isang lalaki ang sumadsad sa sahig na siyang may hawak ng bag ko.
Ngunit agad bumangon ang lalaki na nakasuot ng itim na facemask at umatake sa isa pang lalaki.
Si Agaton.
Narinig niya siguro akong sumigaw kaya nakihabol na siya sa snatcher ng bag ko.
"Naku! Sir! Mag-ingat ka!" paalala ko habang nakikipagbuno ng lakas ng katawan si Agaton sa hindi kilalang lalaki na nagtatanong sa akin kung nasaan ang hiyas ngunit ang bag ko naman pala ang target na kunin.
Mukha ba akong mayaman at sa lahat talaga ng mga tao na dapat niyang agawan ng bag ay ako pa na isang ulila?
Tila hindi rin basta-basta ang lalaking katunggali ni Agaton.
Alam kong bihasa si Agaton sa pakikipagsukatan ng lakas ngunit sanay din ang snatcher sa kanyang bawat kilos.
Halata sa mga galaw nila na hindi sila natuto ng kung anong basag ulo sa kanto.
"Sir! Mag-ingat ka!" hiyaw ko na ng makita kong natamaan sa panga si Agaton at sinundan pa ng malakas na pagsipa sa kanyang tagiliran.
Sigaw na ako ng sigaw na awatin o kaya ay tulungan si Agaton ngunit takot din na makialam ang ibang mga kalalakihan na nasa paligid lang.
Nasaan na ba ang mga securities at bakit walang umaawat sa dalawang lalaking ito?
Natumba rin si Agaton ng sipain siya sa sikmura ng lalaki ngunit agad siyangn nakaganti ng masipa niya rin sa parehong parte ang lalaki kung saan siya tinamaan nito.
Sumadsad muli ang lalaki at dahil namilipit sa sakit ay nabitawan niya ang bag ko na madali ko naman na tinakbo para pulutin na.
"Joskoh! Mabuti naman at nabawi kita! Paano na lang ang future ko kung tuluyan kang naagaw sa akin," sabi ko pa ng buksan ang bag ko at tingnan kong naroon pa rin ang mga laman.
"Miss Joy, okay ka lang ba?" tanong ni Agaton na nasa tabi ko na pala.
Lumingon-lingon ako sa paligid para hanapin ang snatcher pero ni anino ay wala na sa lugar.
"Nasaan na ang snatcher? Nahuli na ba?" hanap ko pa.
"Hindi ka ba sinaktan?" muling tanong ni Agaton na hinawakan pa ako sa aking magkabilang braso at pinasadahan pa ng tingin ang katawan ko kung may sugat ba ako.
"Okay lang ako, Sir. Hindi naman ako sinaktan ng snatcher at okay naman ang laman ng bag ko. Wala naman siyang nakuha kahig piso," tugon ko naman para kumalma na si Agaton na kulang na lang din ay yakapin ako sa sobrang pag-aalala niya sa akin.
Gaya ng sa mga pelikula. Huli na ng dumating ang mga securities na nagtanong ng ilang mga katanungan tungkol sa naging pangyayari. Ginamot din ng mga rumespondeng medic ang mga naging sugat ni Agaton bago kami pinayagan na muling sumakay sa aming bus na sinasakyan.
"Sir, salamat po pala sa paghabol snatcher. Sobrang nagpapasalamat ako at nabawi ko itong mga gamit ko. Pero sorry kung sumakit ang katawan mo sa pakikipag-away sa snatcher. Kung bakit naman kasi ang tagal dumating ng mga securities." Nangingimi kong pasasalamat sa boss ko.
Hindi naman kumibo si Agaton na nakapikit lang ang mga mata habang nakaupo na aming upuan.
Nagpasya siyang magpalit kami ng pwesto. Siya na ngayon ang nasa banda ng bintana. Basta sundin ko na lang daw siya at baka raw nakaabang pa rin ang snatcher sa daan namin at gawan ako ng masama kung makikita ako.
Nagkasugat pa tuloy ang makinis na mukha ni Agaton. Balbasarado siguro itong lalaki na ito pero masipag lang siyang mag-ahit araw-araw.
"Miss Joy, hindi na naman tama ang ginagawa mo. Hindi ka dapat tumititig sa isang lalaki habang nakapikit ito ng mga mata," sabi ni Agaton habang nakapikit pa. Bukas kaya ang third eye kaya nakita niya na nakatingin ako sa kanya?
"Tinitingnan ko lang ang mga naging sugat mo, Sir. Pasensya ka na at nasugatan pa ang mukha mo dahil sa snatcher na yon." Katwiran ko pa.
"Huwag mo ng alalahanin pa. Ang mahalaga ay ligtas ka naman at nabawi mo ang bag mo."
Tumango ako.
Mabuti na lang talaga at narito si Agaton at kasabay ko pa dito sa bus dahil kung hindi ay ano na lang ang nangyari sa akin?
Baka umuwi ako ng manila ng naglalakad na lang dahil wala na ako ni isang kusing.
"Hindi ko nga akalain na hahablutin ng lalaking iyon ang bag ko, Sir. Kasi ang bungad na tanong niya sa akin ay nasaan dawa ang hiyas? Anong hiyas?" mga kwento ko na kay Agaton na mula sa pagkakapikit ng mga mata ay bigla na lang nagmulat.
"Hiyas? Nagtanong pa ang lalaking yon ng tungkol sa hiyas? Ano pa ang mga sinabi niya? May mga iba pa ba siyang naging katanungan?"
Bakit parang may alam si Agaton sa kung anong hiyas at ganito siya makapagtanong sa akin?
"Oo at sabi ko nga sa kanya ay baka nagkakamali lang siya ng taong nilapitan dahil wala naman akong nalalaman sa tinatanong niya sa akin. Wala akong tinatago na hiyas at wala akong alam sa kung anong hiyas. Kung may totoo at mamahaling hiyas lang ako ay malamang na matagal ko ng binenta para maging mayaman naman ako. Ang hirap din kaya na pumapasok sa opisina araw-araw at maghintay ng sahod."
Mataman naman na nakikinig lang sa akin si Agaton at hindi ko mabasa sa mga mata niya kung ano ang tumatakbo sa kanyang isip.
" Sir, bakit natahimik ka? Ano naniniwala ka sa lalaking yon na may tinatago akong hiyas? Maniwala ka, Sir, wala akong hiyas at kung may hiyas man ako na tinatago ay sigurado ako na pati si Erika at maging ang ibang mga kababaiban sa buomg universe ay meron ng hiyas na meron ako." Pagkumbinsi ko pa kay Agaton.
"Miss Joy, hindi na naman maganda sa isang babae ang mga lumalabas sa bibig mo. Kung anuman na hiyas na tinutukoy mo na meron ka o si Erika o ang lahat ng mga kababaihan sa mundo ay hindi mo dapat sinasabi lalo pa sa akin na isang lalaki."
At nasermunan na naman ako ni Father Agaton.
Kung bakit naman kasi ang halay na ng isipan ko at maging ng mga binibitawan kong mga salita.
Tama naman si Agaton.
Nakakahiya tuloy at baka tuluyan niyang isipin na balahura talaga ako magsalita.
"Miss Joy, mag-iingat ka sa bawat kilos mo at maging mapagmatiyag ka sana sa paligid mo lalo na sa naging pangyayari ngayon. Gaya ng bilin ko ay agad mo akong tawagan kapag nase-sense mong may panganib sa paligid." Bilin ulit sa akin ni Agaton.
Pero nakapagtataka na hindi ko na sense ang naka-ambang panganib sa akin kanina?
Dati naman ay kapag may kakaiba sa paligid ay para bang agad kong nararamdaman at naaamoy pero bakit ngayon ay hindi?
Pero sino ang lalaking iyon? Bakit sa kilos niya ay hindi rin siya basta-basta na snatcher na natuto lang ng suntukan sa lansangan?
Bakit naman niya ako hahanapan ng kung anong hiyas?
At anong klaseng hiyas kaya ang hinahanap niya sa akin.
Kahit balig-baligtarin niya ang lahat ng mga gamit ko ay wala siyang kahit na anong makikita na hiyas.
Mamahalin nga siguro ang hiyas na hinahanap niya at may milyong halaga.
Baka nga hindi lang milyon kung hindi bilyon.
Kung sanang may hiyas nga lang talaga ako.