Kabanata Tatlo

2789 Words
“Dasha, roon kayo sa loob ng kuwarto ko mag-usap,” sambit ni nanay Esther. Lumingon ako kay nanay at saka tumango. Naintindihan ko kaagad kung ano ang gusto niyang ipahiwatig. Hindi kami puwede rito sa sala dahil baka may makakita kay Charlie. “C-Charlie,” tawag ko sa kaniya kahit na nakatingin naman na siya sa akin. “P-Pasok ka muna.” Sinenyasan ko siya na sumunod sa akin at agad ko naman siyang naramdaman sa aking likuran. Ako ang nauunang maglakad papunta sa kuwarto ni nanay Esther. May sariling kuwarto si nanay habang ang ibang mga katulong ay magkakasama sa iisang kuwarto. Malaki naman ang kuwarto nila kumpara sa kuwarto ni nanay Esther dahil mas marami sila. Siguro, kaya may sariling kuwarto si nanay ay dahil matagal na siyang katulong ng mga Bautista. Nang makapasok kami sa loob ng kuwarto ay nag-iwan ako ng kaunting awang sa pintuan at hindi iyon isinara nang tuluyan. Ginawa ko iyon para kapag tinawag ako ni nanay Esther ay madali ko lang na maririnig. “I told you, I'll see you again,” nakangisi na si Charlie nang lingunin ko siya. Hindi ako sumagot. Sa halip ay itinuro ko ang isang plastic na upuan na mayroon dito sa loob ng kuwarto ni nanay Esther. “U-Upo ka roon…” Masaya siyang tumango at sumunod kaagad sa sinabi ko. Nakatingin lamang ako sa kaniya habang umuupo siya roon sa upuan . Ngunit kaagad ko ring iniwas ang mga mata ko nang lumingon na siya sa akin. Pakiramdam ko ay nakahihiya na tignan siya at mas lalong nakahihiya na makita niyang nakatingin ako sa kaniya… “S-Sorry, h-hindi tayo puwede r-roon sa l-labas—” Naputol ang sinasabi ko nang makita ang ngiti sa labi ni Charlie. “I don’t mind! Hindi naman ang mansyon ng mga Bautista ang binisita ko, ikaw ang pakay ko rito.” Ayan na naman ang pisngi ko na parang nag-aapoy dahil sa init nito. Hindi naman kumindat si Charlie ngunit bakit umiinit ng ganito ang aking pisngi? Ang akala ko ay iyon ang dahilan ng unang pag-init ng aking buong mukha noong kaarawan ni papa, ngunit mukhang hindi lang ‘ata iyon. Nakatayo lang ako sa may pintuan habang si Charlie ay nakaupo roon sa plastic na upuan. Naestatwa ako sa kinatatayuan nang mapagtanto na sobrang tahimik sa loob ng kuwarto at walang nagsasalita sa aming dalawa. Kung hindi magsasalita si Charlie, walang patutunguhan ang pagpunta niya rito dahil hindi ako marunong makipag-usap sa ibang tao lalo na at hindi ko pa kakilala. Dapat ko ba siyang tanungin kung bakit siya pumunta rito at anong pakay niya? Hindi ba at parang ang pangit namang pakinggan noon? O, kailangan ko ba siyang kumustahin ngayon? “Iyong Nanay Esther na tinatawag mo, siya ba ang nanay mo?” Natahimik ang utak ko nang magsalita na siya. Wala akong nagawa kung hindi ang tumango kaagad sa tanong niyang iyon. Hindi ko naman puwedeng sabihin na hindi siya ang nanay ko dahil iyon ang sinabi ko sa kaniya noong una kaming nagkita, na anak ako ng isa sa mga katulong ng mga Bautista. “Matagal ka na bang narito sa mga Bautista?” tanong pa niya. “O-Oo.” Nag-iwas ako ng tingin. Hindi ko alam kung bakit kabadong-kabado ako. Pakiramdam ko ay wala namang masama sa naging tanong niya at wala ring masama sa sagot ko dahil iyon naman ang totoo. Ganito ba talaga ang mararamdaman mo kapag alam mo sa sarili mo na nagsisinungaling ka sa ibang parte ng usapan ninyo? Nagulat ako nang bigla na lamang siyang tumawa habang nakapikit. Mas lalo tuloy natuon ang mga mata ko sa kaniyang mukha. Paano ko ba sasabihin ito? Ang mukha niya… parang may ilaw na sa kaniya lamang nakatutok habang tumatawa siya. Kumikinang ang lahat ng parte sa kaniyang mukha, maging ang kaniyang mga mata nang dumilat siya at sa akin kaagad bumagsak ang mga iyon. Sa sandaling pinanonood ko siya, napagtanto ko na siya ang pinakaunang tao na nakita kong tumawa nang ganoon sa harapan ko. Hindi ko kayang tumawa nang ganoon. Hindi ko pa rin nakikita ang kahit sino na tumawa nang ganoon. Iyon ba ang tunay na kasiyahan? Magagawa ko rin kayang tumawa katulad ng pagtawang iyon ni Charlie? “Iniisip mo siguro na nababaliw na ako, ‘no?” Umiling siya habang nakangiti, hindi na tumatawa ngayon. Kumunot ang noo ko at sinubukang salungatin ang sinabi niya. “H-Huh? H-Hindi ko naisip iyan.” Sa totoo pa nga, gustong-gusto ko ang pagtawa mo. “Alam mo ba kung bakit ako tumatawa?” Napakamot siya sa kaniyang ulo at napabuntong-hininga. “Ako kasi ang pumunta rito, pero hindi ko naman alam kung anong sasabihin ko sa iyo...” Hindi ko alam kung totoo ba ‘yung sinabi niya na hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya. Dahil ilang sandali lang, naging komportable na siya sa kinauupuan niya at sa loob ng kuwarto ni nanay Esther. At nagsimula na muli siyang magsalita. “Wala akong kapatid. Ikaw, may kapatid ka ba, Dasha?” Wala pang isang oras si Charlie rito sa loob ng kuwarto ngunit marami na kaagad siyang naikuwento sa akin, at ang lahat ng iyon ay tungkol sa buhay niya. Hinayaan ko lang siya na magkuwento sa akin at nakikinig lamang ako. Nakatutuwa na marinig ang mga kuwento niya. “Earth to Dasha?” Napaigtad ako nang kumaway si Charlie sa aking harapan. “M-May s-sinasabi ka b-ba?” “Tinatanong ko kung mayroon ka bang kapatid,” sagot niya at ngumiti. Ah! Kapatid. Ngayon, paano ko ‘to sasabihin sa kaniya? “M-Mayroon.” “Woah!” Lumaki ang kaniyang mga mata. “Talaga? Ilan naman ang mga kapatid mo?” Hindi na ako sumagot. Hindi ko na kaya pang sagutin iyon. Tama na ang sinabi kong mayroon akong kapatid dahil iyon lang ang totoo kung sakaling sasagutin ko pa ang tanong niya. “Gusto ko rin magkaroon ng kapatid, pero noon pa ‘yon. Ayaw ko nang pahirapan pa ang mga magulang ko dahil nahirapan na silang alagaan ako.” Napahawak ako sa aking dibdib nang marinig ang sinabi ni Charlie. Kung kasama ko kaya ngayon si mama, nahirapan din kaya siyang palakihin at alagaan ako dahil siya lamang mag-isa? Ngayong dito ako nakatira sa poder ni papa, nahihirapan kaya siya sa akin? Lalo na at ayaw sa akin ng asawa’t mga anak niya? Hindi rin naman masasagot ang mga tanong na iyon, hanggang sa isip ko na lamang sila at hindi ko alam kung kailan maibibigkas ng aking bibig. “Nanonood ka ba ng movies, Dasha?” “M-Minsan lang.” “A-Ano nang napanood mo?” “U-Uh, M-Midnight Sun…” “Midnight Sun? Masyado namang malungkot ‘yon! Iyon iyong babae na may sakit sa balat hindi ba? At hindi puwedeng masinagan ng araw kaya sa gabi lang siya puwedeng lumabas?” Tumango ako. Napanood na rin siguro ni Charlie ang movie na iyon dahil alam niya kung ano ang nasa loob ng movie. “Hindi ko pa napanonood iyon, pero napanood ko ‘yung trailer.” Nag-iwas siya ng tingin sa akin at tumingin sa harapan niya. Ang kama ni nanay Esther ang nasa harapan namin. “Ayaw ko sa mga malulungkot na movie…” Nakaupo na siya ngayon sa tabi ko. Kanina, nang makita niya na nakatayo lamang ako sa likod ng pinto, sa tabi ko na lamang siya umupo at hindi na roon sa plastic na upuan. Umupo na lang din ako sa tabi niya at ngayon nga ay nagkukuwento niya siya sa akin. “B-Bakit?” Nang sagutin niya ang tanong ko, hindi siya lumingon sa akin. Nanatili ang titig niya sa kama ni nanay Esther. “Wala lang, hindi kasi bagay sa akin ang mga ganoon.” Tumawa siya, ngunit may kakaiba sa tawa niyang iyon. Parang may kulang… walang sigla. “B-Bakit? Dahil ba l-lagi kang m-masaya?” Tumango siya at doon na lumingon sa akin. “Mukha ba akong masayahin sa paningin mo, Dasha?” Nag-aalangan akong sumagot. Kung kanina niya ako tinanong nang ganoon, mabilis lang akong makatatango dahil nararamdaman ko na masaya talaga siya. Pero ngayon, pakiramdam ko ay hindi na siya masaya… siguro ay mali ang sinabi kong movie na napanood ko na. “Ako naman, White Chicks iyong isa sa mga pinakapaborito kong movie." Iniba niya ang usapan nang hindi ko sinagot ang tanong niya. Bahagyang kumunot ang noo ko, hindi ko pa naririnig ang movie na iyon. “N-Nakatatawa ba i-iyon?” “Subukan mong panoorin.” Ngumisi siya. “Hindi ko sasabihin sa’yo kung nakatatawa ba ang kuwento.” Isa lang ang napansin ko kay Charlie. Parang napakadali lamang sa kaniya na magkuwento tungkol sa buhay niya. Naisip niya ba na hindi naman kami magkaibigan, na ito pa lang ang pangalawang beses namin na nagkita? Bakit parang sobrang komportable na siyang magkuwento sa akin nang tungkol sa buhay niya? “Ano namang mga hilig mo?” Lumingon na siya sa akin ngayon. Hindi ko na nagawang mag-iwas ng tingin dahil nabigla ako nang lumingon siya. Hindi ko rin namalayan na nakatitig na pala ako sa kaniya. “M-Magbasa.” Nagulat ako nang humagikgik siya. Lumiliit ang mga mata niya kapag tumatawa siya, at nag-iiba rin ang itsura niya. Hindi ko alam kung paano ilalarawan ang nararamdaman ko sa tuwing nakikita siyang tumatawa. Pero sa tingin ko, mas lalo siyang gumagwapo sa tuwing tumatawa siya nang ganoon. Ngumiti siya sa akin pagkatapos ng kaniyang paghagikgik. “Halata nga. Anong libro ang gusto mo?” “L-Lahat ng mga l-librong n-nabasa ko, g-gusto ko sila…” Tumango lamang siya at hindi sumagot. Kanina pa siya nagtatanong sa akin at halos siya lang ang nagsasalita sa aming dalawa. “C-Charlie…” Kinagat ko ang labi ko nang nasabi ko nang malakas ang pangalan niya. Iniisip ko lang iyon kanina, iniisip kong tanungin din siya sa kung ano bang hilig niyang gawin. Ngunit wala naman talaga akong balak na gawin ang nasa isip kong iyon. Wala na akong choice. “Hm? Bakit, Dasha?” “I-I-Ikaw, a-anong hilig mo?” Ngumiti siya at itinaas ang kaniyang kanang kamay at nag-angat ng tingin sa kisame, ngunit ibinaba niya rin ito kaagad. Kumunot ang noo ko sa naging aksyon niya ngunit nawala rin iyon sa isip ko nang magsalita na siya. “Stargazing,” bulong niya. Oh. Napangiti ako, gusto ko rin iyon. Nagagawa ko naman ‘yon ngunit sa loob lamang ng kuwarto ko. Nakikita ko ang mga bituin sa langit sa tuwing tumitingala ako.  “Ikaw, Dasha? Gusto mo rin ba ‘yon?” Tumango ako at ngumiti. “O-Oo…” “Sa susunod, samahan mo ako, ayos ba iyon?” Natahimik ako. Hindi ko puwedeng sabihin sa kaniya na hindi ako makalalabas dahil siguradong magtatanong siya kung bakit. At maaaring doon ko na masabi ang sikreto ko na walang puwedeng makaalam. Ngayon, sasagutin ko ba ang tanong niya o mananatili na lamang akong tahimik? “Dasha.” Isang katok sa pinto ang pumutol sa paghihintay ni Charlie ng sagot galing sa akin. Bahagya akong nakahinga nang maluwag dahil mabigat masyado ang katanungang iyon para sa akin. Tumayo kami mula sa pagkakaupo sa likod ng pintuan para mas mabuksan nang malaki ni nanay Esther ang pinto ng kaniyang kuwarto. Tipid siyang ngumiti kay Charlie nang tumama ang mga mata nilang dalawa. May dalang tray si nanay Esther at nakapatong doon ang dalawang baso na may lamang juice at dalawang toasted sandwich. Kinuha ko sa kaniya ang tray at inilapag iyon sa maliit na lamesa. “Salamat po, Nanay.” “Kainin niyo na ‘yan habang mainit pa iyong tinapay,” sambit niya at tumingin sa akin. “Dasha, kumain ka rin. Inihanda ko ‘yan para sa inyong dalawa.” Tumango ako. “Opo, Nanay.” “Maraming salamat po,” sambit ni Charlie at ngumiti. Tumingin siyang muli rito. “Maraming salamat sa pagbisita mo kay Dasha.” Hindi ko alam kung naguluhan ba si Charlie sa sinabi ni nanay Esther. Si Charlie ang kauna-unahan kong bisita rito sa loob ng mansyon. Siya rin ang unang nakakilala sa akin na hindi ko kamag-anak at hindi rito nakatira. Masaya ako na narito siya at binisita niya ako, ngunit hindi pa rin mawala sa akin ang kaba na nararamdaman sa tuwing naaalala ko ang kinalalagyan ko. Anong gagawin ko kapag nahuli kaming dalawa? “Dasha.” Siguradong magagalit sa akin si papa. Nasabi rin ni Charlie sa akin na kaibigan ni papa ang papa niya, malaki ang posibilidad na masira ang pagkakaibigan nilang dalawa kapag nangyari ang bagay na kinatatakutan ko… “Dasha?” Napaigtad ako nang hawakan ni Charlie ang braso ko. Bumaba ang tingin ko roon ngunit agad niya ring inalis ang kaniyang mga daliri. Ibinigay niya sa akin ang sandwich. “Sabi ni Nanay Esther ay kumain ka rin daw.” Tumango ako at kinuha ang sandwich na nasa kamay niya. Sabay naming kinain ang meryenda na ibinigay ni nanay Esther sa amin. Habang kumakain ay nagkukuwento pa rin si Charlie tungkol sa buhay niya at napag-alaman ko na marunong siyang magluto at madalas niyang ipinagluluto ang mama niya. Mahilig din siyang makinig ng music at ang paborito niyang genre ay country. Ngunit katulad nga ng inaasahan, kailangan ding umalis ni Charlie para makauwi na sa sarili niyang tahanan. Sakto lang din ang oras nang magpaalam siya dahil alam ko na parating na ang pamiyang nagmamay-ari ng mansiyon. Hindi ko alam kung paano nakapasok si Charlie sa loob ng subdivision, ngunit siguro ay kilala siya bilang anak ng senador na kaibigan ni papa kaya siya nakapasok dito. “Maraming salamat po, nanay Esther. Mauna na po ako,” sambit ni Charlie, nakatayo na siya sa labas ng mansyon. Bumaba ang tingin niya sa akin bago siya muling nagsalita, “Bye, Dasha.” Nang makaalis siya at makalabas ng gate ay doon na ako pinaulanan ng mga tanong, hindi lang ni nanay Esther kung hindi pati na rin ang ibang mga kasambahay. “Hindi ba anak ‘yon ni Mr. Mendoza?” “Oo, anak nga ‘yon ni Mr. Mendoza, nag-iisang anak nila ‘yon ng asawa niya.” “Paano mo nakilala iyon, Dasha?” “Saan kayo nagkita? Hindi ka naman lumalabas ng bahay.” Hindi ko alam kung ano ang una kong sasagutin sa mga tanong nila. Mabuti na lamang at narito si nanay Esther para iligtas ako, ngunit alam kong pauulanan niya rin ako ng mga tanong kapag kaming dalawa na lamang ang magkasama. “Pakiusap, huwag niyong sasabihin kina Mr. Bautista ang tungkol sa pagbisita ni Charlie ngayong araw.” Si nanay Esther iyon. “Oo naman po! Hindi namin ipapahamak si Dasha.” “Ako na ang magpapaliwanag sa inyo mamaya,” sambit ni nanay Esther bago kami tuluyang umakyat sa aking kuwarto. Sobrang lakas ng kabog ng aking dibdib habang umaakyat kami ni nanay Esther sa kuwarto. Halos hindi ko magawang huminga nang maayos dahil katabi ko lamang siya at sigurado akong galit siya sa akin. “Dasha,” tawag niya sa akin. Nang makapasok kami sa loob ay tumayo lamang ako sa gilid ng pintuan at hinintay si nanay Esther na sermunan ako. Hindi ko magagawang magsinungaling sa kaniya. “Natutuwa ako na nakilala mo si Charlie, ngunit nag-aalala rin ako para sa iyo. Sisiguraduhin ko na walang makaaalam sa naging pagbisita ni Charlie ngayong araw, ngunit sana ay ihanda mo ang sarili mo kung sakaling malaman ito ng papa mo.” Tumango ako. “Salamat po, Nanay Esther.” Alam ko na malaki ang posibilidad na malalaman ito ni papa, pati na rin ng buong pamilya niya. Ngunit hindi ko rin maipagkakaila na naging masaya ako sa sandaling naroon ako sa loob ng kuwarto ni nanay Esther kasama si Charlie. Pakiramdam ko ay naging malaya ako kahit ilang saglit lang. Nagulat ako nang yakapin ako ni nanay Esther at haplusin nang marahan ang aking likod. “Nararamdaman kong masaya ka, kaya masaya rin ako para sa’yo.” Ngumiti ako at sinuklian ang yakap niya nang mas mahigpit pa. Ilang saglit lang ay may narinig kaming tumunog na sasakyan mula sa labas ng mansiyon, hudyat na nariyan na ang mga anak ni papa. Isang sasakyan pa muli ang tumunog at alam kong ang asawa naman ni papa iyon. “Nariyan na sina Leah at ang mga anak niya,” bulong ni nanay Esther at humiwalay mula sa pagkakayakap sa akin. Mas lalong bumilis ang kabog ng aking dibdib nang maisip na maari nilang malaman ngayon din mismo ang nangyari ngayong araw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD