“Charlie.”
Kumunot ang noo ko. Anong sinasabi niya?
“H-Huh?”
“Charlie,” sambit niyang muli at naglahad ng kamay sa akin.
Mabilis akong umatras. Nakatuon ang mga mata ko sa kaniyang kamay na nakalahad sa akin. Bakit siya naglalahad ng kamay?
Saka ko lang napagtanto kung bakit… nagpapakilala pala siya! Hindi ko agad iyon naintindihan dahil sa sobrang kaba ko at ang tanging iniisip ko lang ay ang malakas na kabog ng aking dibdib. Nanlaki ang aking mga mata, narito siya sa loob ng kuwarto ko! Nanginig ang aking katawan habang iniisip ang magiging reaksyon ni Lilith kapag nakita niyang may ibang tao sa loob ng aking kuwarto. Siguradong magsusumbong siya kay papa at siguradong pagagalitan ako ni Mrs. Bautista...
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi at dahan-dahang nag-angat ng tingin sa lalaking nasa harapan ko. Kailangan ko na siyang paalisin ngayon pa lang. Hindi puwedeng magtagal pa siya rito dahil siguradong lagot ako kapag pumasok si Lilith sa aking kuwarto.
“What’s your name?”
Umawang ang aking bibig nang marinig na magsalita siyang muli. Itinikom ko ang aking mga labi at hindi sinagot ang tanong niya.
“Hindi ba at tinatanong mo kung sino ako?” Ngumiti siya. “Ako si Charlie.”
Oo, naintindihan ko na iyong sinasabi niya kanina. Charlie ang pangalan niya. Pero hindi ko na kailangang malaman pa iyon dahil kailangan niya nang umalis. Kailangan ko na siyang paalisin bago pa may ibang makaalam na narito siya.
Ngunit paano ko iyon gagawin kung hindi naman ako makapagsalita? Sinubukan kong ibuka ang aking bibig upang mabigkas ang dapat kong sabihin ngunit walang lumalabas na kahit anong boses… at hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin ko.
Isa ito sa mga problema ko. Hindi ko alam kung paano ako magsasalita sa harap ng taong hindi ko kilala. Gustong-gusto kong magsalita, ngunit ayaw ng bibig ko na sumang-ayon. Nahihirapan akong i-express ang sarili ko sa ibang tao, lalong-lalo na sa mga hindi ko kilala at sa mga taong hindi naman malapit sa akin.
Masasabi kong si nanay Esther lamang ang nakakausap ko nang maayos. Isasama ko na rin si Lilith ngunit siya naman itong hindi nakikinig sa akin. Mas gusto niyang siya ang nagsasalita kapag pinupuntahan niya ako.
“Wait, pipi ka ba?” Kumunot ang noo ng lalaking nagngangalang Charlie. Mas lalong kumunot ang noo niya nang hindi ako sumagot at nanatili lamang na nakatayo sa pintuan. “Nakapagsalita ka naman kanina no’ng tinanong mo kung sino ako, so, hindi ka pipi. Bakit ayaw mong magsalita?”
Tumitig lamang ako sa kaniya. Gusto kong magsalita ngunit hindi ko naman alam ang sasabihin ko. Kailangan kong mag-isip ng paraan kung paano ko masasabi sa kaniya ang mga gusto kong sabihin.
“N-Natatakot ka ba sa akin?” Nanlaki ang mga mata no’ng Charlie.
Hindi siya nakatatakot, ngunit paano ko sasabihin sa kaniya iyon? Tinitigan ko siya nang mabuti. Walang kahit anong nakatatakot sa kaniyang itsura. Maaliwalas ang kaniyang mukha at litaw na litaw ang kulay ng kaniyang buhok. Matingkad na kulay brown iyon at hanggang balikat ang haba. Hindi ko alam na bagay pala sa mga lalaki ang ganoong klase ng buhok. Sina kuya Lennox at kuya Landon kasi, maiiksi lang ang buhok nila at kulay itim ang kulay. Maging ang buhok ni papa ay ganoon din.
Pero ang buhok ni Charlie, kakaiba. Ngayon lang ako nakakita ng buhok na ganoon sa personal. Sa TV at sa google ko lang nakikita ang ganoong klase ng buhok.
Kahit hindi siya nakangiti, para pa rin siyang nakangiti dahil sa kaniyang mga mata. Ang mga mata niya ay nagiging hugis ng buwan sa tuwing ngumingiti siya, at bilog naman iyon kapag hindi. Sa tingin ko ay sobrang masayahin niya at walang iniindang problema, base sa kaniyang itsura.
Napansin ko rin ang suot niya. Nakasuot siya ng kulay pink na long sleeve polo at nakasampay ang kaniyang kulay puting suit sa kaniyang kanang braso. Kulay puti rin ang kaniyang slacks.
“Did you know that the fear of public speaking is called glossophobia?” Ibinaba niya na ngayon ang kaniyang kamay na nakalahad kanina.
Dahan-dahan akong tumango sa tanong niya. Alam ko ang salitang iyon dahil nabasa ko na iyon sa isang libro na mayroon ako. Pero hindi ko alam kung bakit sinasabi niya ito ngayon sa akin.
“May ganoon akong phobia,” aniya at umiling habang nakangiti. Bumuntong hininga pa siya na para bang may naalala siya sa nakaraan. “Anak ako ng senador. Pero natatakot akong magsalita sa harap ng maraming tao.”
Tahimik akong nakinig sa kuwento niya. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit sinasabi niya sa akin ito, ngunit nakaramdam ako ng kagustuhan na pakinggan siya. Habang nagkukuwento siya ay mag-iisip naman ako ng mga salita na sasabihin ko sa kaniya at kung paano ko siya paaalisin dito sa kuwarto ko.
Sa ngayon, makikinig muna ako.
“Hindi makapaniwala ang iba na anak ako ng isang senador. Kasi iyong tatay ko, palaging nagsasalita sa senado at kinukuha pa siya bilang isang host sa mga social gatherings. Pero ako na anak niya, hindi ganoon...”
Natahimik siya. Gusto ko sanang sabihin na magpatuloy siya ngunit hindi ko naman alam kung paano. Unti-unti kong inangat ang aking kanang kamay upang abutin siya at senyasan siya na magpatuloy sa kuwento niya.
Ngunit bago ko pa magawa iyon ay tumawa siya bago nagpatuloy.
“Maraming nagsasabi sa akin na nasa isip ko lang daw iyong phobia na ‘yon. Pero buti na lang, iyong mga magulang ko, hindi ako pinilit na magsalita sa harap ng maraming tao. Kaya hindi ko iniisip ang mga sinasabi ng iba sa akin.” Ngumisi siya at kumindat.
Nanlaki ang mga mata ko at nakaramdam ako na parang nag-aapoy ang aking mukha. Napahawak tuloy ako roon at naramdaman ko na mainit nga talaga ang mga pisngi ko! Anong nangyayari sa akin?
“B-Bakit…”
“Oh!”
Napaigtad ako at agad na nag-angat ng tingin sa lalaking nasa harapan ko nang marinig ang gulat sa kaniyang boses. Hawak pa rin ang dalawang pisngi ay pinanood ko siyang ngumiti nang malaki sa akin.
“Nagsalita ka ulit!” Pumalakpak siya at humakbang nang isang beses palapit. “Ang akala ko ay may glossophobia ka rin katulad ko, pero hindi ko naman masasabi iyon dahil ako lang naman ang tao rito sa loob ngunit ayaw mo pa ring magsalita. Pero nagsalita ka na ulit ngayon!”
Kitang-kita ang kasiyahan sa kaniyang mukha habang sinasabi niya iyon. Nakaramdam ako ng kakaibang ginhawa dahil sa naging reaksyon niya. Nakatutuwa ba na marinig akong magsalita?
Ngunit hindi ko rin alam kung bakit nag-init ang mga pisngi ko kanina. Mabuti na lang at humupa na ang pag-apoy nito ngayon. Bumuntong hininga ako at pumikit. Iyong sinabi kong ‘bakit,’ tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ang init ng magkabilang pisngi ko.
“Oo nga pala, kaibigan ng may birthday ‘yong Papa ko kaya ako narito,” sambit niya.
Lumingon ako sa paligid, sa loob ng kuwarto ko. “D-Dito?”
Suminghap ako nang mapagtanto na may lumabas ulit na boses mula sa aking bibig. Tumatalon ang puso ko dahil sa tuwa!
“Uh, hindi rito sa kuwarto mo. Roon sa baba ang ibig kong sabihin, kung saan ginaganap ang party.” Humawak siya sa kaniyang batok.
Mahina akong natawa. Mabuti naman at nilinaw niya ang ibig sabihin ng sinabi niya. Sinubukan ko ulit ang magsalita.
Ibinuka ko ang aking bibig. “B-Bakit mo s-sinabi sa a-akin i-iyon?”
Wow. At least nakapagsalita ako kahit na pautal-utal. Masasabi ko na rin sa kaniya na kailangan niya nang umalis sa kuwarto ko. Pero bago iyon ay gusto kong malaman kung bakit niya sinabi sa akin ang tungkol sa glossophobia.
“Huh?” Kumunot ang noo niya. “Anong sinabi ko?”
“G-Glossophobia,” bulong ko.
Tumawa siya. “Akala ko kasi parehas tayo na may ganoon, pero sa tingin ko ay hindi naman. Sinabi ko iyon para palakasin ang loob mo at magkaroon ka ng motivation na magsalita at sagutin ang mga tanong ko.”
Kinagat ko ang aking mga labi. Hindi naman iyon ang nakatulong sa akin. Wala sa mga sinabi niya ang naging dahilan kung bakit ako nakapagsalita. Iba…
“So, anong pangalan mo?” Ngumiti siya.
“D-Dasha… Ako si Dasha,” pabulong kong sambit.
Tama, kailangan ko munang magpakilala sa kaniya bago ko siya paalisin dito sa loob ng aking kuwarto.
“Dasha, bakit wala ka sa baba? Kaya kita sinundan kasi na-curious ako sa’yo.”
Natahimik ako. Paano ko na sasagutin ang tanong na iyon? Anong sasabihin ko? Hindi niya maaaring malaman na anak ako ng may kaarawan ngayon. Siguradong alam niya na tatlo lang ang anak ni papa, at hindi ako kasama roon. Magtataka siya ‘pag iyon ang sinabi ko. At isa pa, hindi rin maaaring malaman ng iba na may anak pang iba si papa.
“Teka, bisita ka lang din ba?” Tinignan niya ang suot kong damit pagkatapos niyang sabihin iyon.
Agad akong umiling. “A-Anak ako ng k-katulong nina M-Mr. Bautista…”
“Hm.” Tumango-tango siya at inilibot ang paningin sa loob ng kuwarto.
Mukha namang napaniwala ko siya sa sinabi kong anak lang ako ng isang katulong. Siguro naman ay puwede ko na siyang sabihan na lumabas na sa loob ng kuwarto ko.
“P-Puwede bang umalis ka na?” magalang kong sinambit iyon.
Pakiramdam ko ay magagalit siya dahil sa sinabi ko. Magalang naman ang tono ng pagkakabanggit ko noon ngunit pakiramdam ko ay mali ang mga salitang napili ko.
“Ouch,” aniya at hinawakan ang kaniyang kaliwang dibdib. “Pinaaalis mo na ako?”
Tumango ako. Wala na akong panahon para makipag-usap pa sa kaniya. Ilang minuto na rin ang itinagal niya rito sa loob ng kuwarto ko at baka hinahanap na siya ng mga kasama niya sa party… Isa pa, baka mahuli na rin ako ni Lilith.
“You're too straightforward.” Bumuga siya ng hangin mula sa kaniyang bibig. "Sige na nga."
Gumilid ako upang hindi ko na maharangan ang pinto. Pinihit ko ang door knob at binuksan iyon para tuluyan na siyang makalabas. Nang umangat ang tingin ko sa kaniya ay nakatingin na pala siya sa akin. Agad akong nag-iwas ng tingin.
Nang makalabas na siya, kumunot ang noo ko dahil hindi pa siya umalis sa harap ng pintuan. Sa halip ay tumayo lamang siya roon kaya naman nag-angat na akong muli ng tingin.
“I’ll see you again,” mahinang saad niya at ginawa ulit ang ginawa niya kanina, iyong bago uminit ang aking magkabilang pisngi.
At ganoon na naman muli ang nangyari sa pisngi ko, nag-aapoy na naman ito ulit.
Napabuntong hininga ako nang hindi ko na siya nakita. Nakaalis na siya… Mabuti na lamang at walang nakaalam sa nangyari. Sigurado ako roon dahil wala namang tao sa hallway na dinaanan niya. Masuwerte ako, ngunit makikita ko pa kaya siya ulit?
“What’s that?” Tumaas ang kilay ni Lilith habang nakatingin sa bagay na hawak ko sa aking kamay.
Pumasok si Lilith sa aking kuwarto ilang sandali lang nang makababa iyong Charlie. Sigurado akong hindi pa tapos ang party, ngunit narito siya sa aking kuwarto at inuusisa ako. Wala siguro siyang gagawin sa baba kung nasaan ang party kaya siya narito?
Natulala pa ako ng ilang sandali nang unang makita si Lilith. Bagay na bagay sa kaniya ang suot niyang gown. Kulay dark pink iyon at pa-spaghetti style ang itaas ngunit bulaklak ang strap na kulay puti. Tinernuhan din iyon ng kuwintas na bulaklak din ang pendant.
Agad kong itinago sa likod ko ang hawak ko. “W-Wala ‘to, Lilith…”
“Anong wala?!”
Pinilit niyang kunin sa akin iyon. At dahil ayaw kong pagalitan ako, hindi na ako lumaban pa sa kaniya. Nakuha niya iyon sa akin at ngayon ay tinitignan niya na.
Nanlaki ang kaniyang mga mata. “This is Dad’s old necktie! Where did you get this?!”
Napaigtad ako. Gusto kong takpan ang aking mga tenga dahil sa lakas ng kaniyang boses. Magkalapit lang naman kami at magkaharapan pa ngunit sumisigaw pa rin siya. Hindi ko alam kung bakit ginagawa niya iyon.
“B-Binigay ‘yan sa akin ni Nanay Esther. R-Regalo ko iyan kay P-Papa,” bulong ko.
Wala akong nagawa kung hindi ang magpaliwanag. Sigurado kasing hindi siya titigil hangga’t hindi nasasagot ang mga tanong niya. Wala namang kaso sa akin iyon ngunit ayaw kong pag-isipan niya ako nang masama tungkol sa necktie ni papa.
Isteriko siyang tumawa. Tinignan niya ang necktie na hindi na necktie ngayon, ginawa ko itong pouch na may zipper. Nagulat ako nang ibinato niya iyon sa akin.
“Do you think Daddy will accept that?”
“W-Wala namang masama—”
“Masama na ipinanganak ka! Masama na narito ka sa bahay namin! Bakit ba kasi pinatira ka pa rito ni Daddy? Ugh!” sigaw ni Lilith at halos sabunutan niya ang sarili niya.
Unti-unting nadurog ang puso ko. Kung puwede lang akong umalis dito, ginawa ko na. Ngunit wala naman akong mapupuntahan. Sinabi sa akin ni nanay Esther na ayaw akong kupkupin ng mga kamag-anak ni mama dahil mahirap lang daw ang mga ito at hindi na nila kayang kumuha pa ng isang palamunin sa kanilang pamilya.
Kaya kahit na nahihirapan at nasasaktan ako sa mga sinasabi sa akin ng pamilya ni papa, ayos lang. Kaya kong tiisin ang lahat ng iyon para lang may matulugan ako gabi-gabi at may matawag akong tahanan.
“Don’t ever think to give that disgusting gift of yours or you’ll be in hell every day,” sambit niya pa.
Naglakad siya palabas ng aking kuwarto ngunit huminto pa siya at lumingon muli sa akin. “And don’t call my Dad your Papa. You’re not my sister.”
Unti-unting tumulo ang aking mga luha nang tuluyan na siyang makaalis. Sanay na ako sa lahat ng mga sinasabi niya sa akin, sa lahat ng mga paratang niya. Ngunit hindi ko ‘ata kaya ang gusto niyang mangyari. Sinalo ko sa aking mga palad ang mga butil ng luha na lumalabas sa aking mga mata.
Nang mahimasmasan ay pinulot ko iyong regalo ko sana kay papa at inilapag iyon sa aking kama.
Mama, kung narito ka lang sana…
“Ako si Charlie.”
Idinilat ko ang aking mga mata nang bigla na lamang pumasok sa isip ko iyong pangalan ng lalaki na nakausap ko kanina. Malalim na ang gabi ngunit hindi ko alam kung tapos na ba ang selebrasyon ng kaarawan ni papa. Nakahiga na ako sa aking kama at matutulog na sana ngunit ginugulo ng Charlie na iyon ang isip ko.
Hanggang sa mga sumunod na araw ay hindi siya nawala sa aking isipan.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito, ng pagkasabik. Pagkasabik na makita siyang muli. Hindi ko alam kung makikita ko pa ang lalaking iyon ngunit gustong-gusto ko talagang makita siya.
“Dasha.”
Lumingon ako kay nanay Esther. Kapapasok niya lang sa loob ng kuwarto ko at nakaramdam ako ng kakaibang kaba nang makita ang kaniyang mukha. Seryosong-seryoso iyon na hindi ko madalas na nakikita sa kaniya. May problema kaya?
“Bakit po?”
Bumuntong hininga siya. “May bisita ka sa baba, Charlie raw ang pangalan. Dasha, paano mo nakilala iyon?”
Unti-unting nanlaki ang mga mata ko. “C-Charlie po?”
“Oo.” Mariing tumitig sa akin si nanay Esther. “Sino iyon, Dasha?”
“N-Nakilala ko po siya noong birthday ni P-Papa. P-Pumasok po siya rito sa kuwarto ko.” Dinugtungan ko kaagad ang sinabi ko. “P-Pero wala po siyang ginawang masama sa akin! At hindi ko rin po sinabi kung sino talaga ako.”
Pinayagan ako ni nanay Esther na bumaba. Wala ang buong pamilya ni papa dahil nasa eskuwelahan sina Lilith at ang mga kapatid niya. Si Mrs. Bautista naman ay mamaya pa raw uuwi galing sa kaniyang kaibigan. Habang si papa ay nasa kaniyang trabaho.
Nakabababa naman ako rito sa first floor. Maliban na lang kapag narito ang pamilya ni papa, hindi ako pinapayagan na bumaba lalo na kapag may isa o dalawang bisita ang pamilya.
“Oh, Dasha, may bisita ka,” sambit ng isa sa mga katulong at ngumiti.
Close ko rin ang lahat ng kasambahay kaya siguradong hindi sila magsusumbong. Parang mga anak at kapatid na rin kasi ang turing ni nanay Esther sa kanila, katulad na lang din sa turing ni nanay Esther sa akin.
Tumango ako sa kasambahay at ngumiti rin. Nang lingunin ko ang bisita ay nakatayo lamang siya roon sa may pintuan. Nang makita niya ako ay iyon na naman ang mga mata niya na parang naging mga buwan dahil sa kaniyang pagngiti.
“Hello, Dasha,” bulong niya at mas lalo pang nadepina ang pagiging hugis buwan ng kaniyang mga mata.
First time ko lamang na magkaroon ng bisita. Walang mapaglagyan ang tuwang nararamdaman ko!
“H-Hello, C-Charlie.”