Kabanata Apat

2763 Words
Tama si nanay Esther. Iyong nararamdaman ko ngayon, ito ay kasiyahan. Kahit na nakauwi na si Charlie ay hindi ko pa rin nakalilimutan ang mga napag-usapan namin kanina. First time ko lamang na makarinig ng kuwento tungkol sa buhay ng ibang tao, at isa pang estranghero ang nagkuwento ng buhay niya sa akin. Itinuturing ko pa rin na estranghero si Charlie kahit na may alam na ako sa buhay niya. Dahil sa totoo lang, hindi ko pa rin siya kilala. Hindi ko alam kung anong balak niya at bakit siya pumunta rito ngayong araw. Ako ba talaga ang pakay niya, o may iba pa? Paano kung hindi naman pala totoong magkaibigan ang mga ama namin at ang totoo ay magkaribal sila sa senado? Hindi ko maiwasang mag-isip ng ganitong senaryo. Mamaya siguro ay itatanong ko kay nanay Esther ang tungkol kay Mr. Mendoza, iyong ama ni Charlie. Bumaba na si nanay kanina upang pagsilbihan ang pamilya ni papa. Marami namang katulong dito sa mansiyon ngunit hands-on pa rin si nanay Esther kina Mrs. Bautista at sa mga anak nito. Matagal nang ganito ang gawain ni nanay Esther at minsan ay tumutulong ako sa kaniya kapag wala ang mga Bautista. “Lilith, kailan pupunta ang mga kaklase mo rito sa bahay?” Natigil ako sa mga iniisip nang marinig ang boses ni kuya Lennox, ang panganay na anak ni papa at Mrs. Bautista. Mabait si kuya Lennox, alam ko iyon kahit na hindi ko pa siya nakakausap. Sa tuwing naririnig ko kasi silang dalawa ni Lilith na nag-uusap, palaging malumanay ang kaniyang boses pati na rin ang tono ng pananalita niya. Hindi ko alam kung ganoon ba talaga siya magsalita, o sadyang kinokontrol niya lang ang sarili niya. Kahit na narito ako sa loob ng kuwarto at kahit na nakasarado ang pintuan ay naririnig ko pa rin ang nag-uusap sa labas, maliban na lang kung mahina ang mga boses nila. Ngunit kung si Lilith kasama ang mga kapatid niya ang nag-uusap, palagi ko iyong naririnig. “Tomorrow, Kuya. I haven’t told Mom yet, but I know she will agree,” rinig kong sagot ni Lilith kay kuya Lennox. “And what about Dad? Do you think he will agree?” Ibang boses na ng lalaki ang aking narinig. Hindi kay kuya Lennox iyon, kung hindi kay kuya Landon. Si kuya Landon ang pangalawa sa kanilang magkakapatid. Kung si kuya Lennox, mabait ang tingin ko sa kaniya, kabaligtaran noon ang tingin ko kay kuya Landon. Hindi ko alam kung ako lang ba ang nakararamdam ng ganito ngunit natatakot ako sa kaniya. Parang ang hirap-hirap niyang kausapin at ang hirap niya ring tignan. SIguro ay dahil sa itsura at reaksyon ng mukha niya na malayong-malayo sa itsura ni kuya Lennox. Malamig ang awra ni kuya Landon kumpara sa panganay nilang kapatid. “Of course, Kuya! He knows my classmates naman, eh.” masayang sagot ni Lilith. Nasa may pintuan lamang ako habang nakikinig sa kanila. Hindi naka-lock ang pinto ng aking kuwarto kaya naman kailangan kong maghanda kung sakali mang may biglang magbukas nito dahil siguradong tatamaan ako sa puwesto kung nasaan ako ngayon. “What about our sister? Sa tingin mo ba papayag si Dad?” Kinontra ni kuya Landon si Lilith. “Right. Lith, sa tingin ko hindi papayag si Dad sa gusto mong mangyari. Our house has some secret we can’t tell to anyone.” Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko. Kinakabahan ako, siguradong galit na naman sa akin si Lilith. Ako ang dahilan kung bakit hindi makapupunta ang mga kaklase niya rito sa mansiyon. Galit naman na talaga siya sa akin noon pa, ngunit siguradong madaragdagan na naman iyon ngayong may dahilan na naman siya para magalit sa akin. Pero, hindi mawawaglit sa isip ko iyong sinabi ni kuya Landon. Parang may humaplos sa puso ko nang marinig ang salitang ‘sister’ mula sa kaniyang bibig. Itinuturing niya rin ba ako bilang kapatid? “This is the reason why I’m so annoyed with her. Bakit ba kasi kinuha pa siya ni Daddy? As far as I know, she’ll be just like her mother, a w***e—” Napasinghap ako sa narinig. Hindi ko namalayan na nangingilid na pala ang aking mga luha. Hindi ko alam kung kaya ko pa bang makinig. Gusto ko sanang lumabas at pigilan si Lilith at pakikiusapan ko siya na huwag niya na sanang idamay pa ang mama ko, dahil wala namang kinalaman si mama rito. Ngunit kailangan kong pigilan ang sarili ko dahil nakikitira lamang ako sa mansiyon na ito. Kung ayaw kong mapalayas, ang kailangan kong iwasan ay ang makipagtalo kay Lilith. Dahil isang sabi lang niya kay Mrs. Bautista, siguradong patatalsikin ako rito sa tinitirahan ko. At iyon ang ayaw kong mangyari. “Stop it, Lilith. Try asking for Dad’s permission first before you invite your friends over.” "Fine. But she's not our sister, Kuya," mariing binanggit ni Lilith ang salitang humaplos sa aking puso kanina. Doon nagtapos ang pag-uusap ng magkakapatid. Narinig ko na lamang ang pagbukas ng mga pinto ng kani-kanilang kuwarto at ang pagsara noon. Ibig sabihin ay nakapasok na sila sa loob. Bumuntong hininga ako at pinunasan ang mga luhang nakatakas mula sa aking mga mata. Nanuot na ang ibang mga natuyong luha sa aking pisngi. Tinitigan ko ang picture frame na nakapatong sa maliit na lamesa na nasa aking kama. Lumapit ako roon at marahang kinuha ang frame at hinaplos iyon. “M-Mama, miss na miss na po kita,” mahina kong sambit at hinalikan iyong picture frame. Pasensya na mama, hindi kita naipagtanggol. At matagal na rin kitang hindi nabibisita. Kapag puwede na akong lumabas dito sa mansiyon, ang una kong gagawin ay ang bisitahin ka. “Pangako iyan, Mama…” Hapunan na nang magising ako. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako pagkatapos kong kausapin ang picture frame ni mama. Ayos na lang din iyon dahil hindi rin naman ako makakababa para kumain. Siguradong nasa sala ang buong pamilya ng Bautista at kapag nakita ako ni Mrs. Bautista, hindi siya matutuwa at magagalit pa siya sa akin. Nangyari na iyon noon at malakas na tulak ang inabot ko sa mga kamay niya. Muntikan din akong masampal, mabuti na lamang at pinigilan siya nina kuya Lennox at kuya Landon. Hindi rin mawawala ang mga masasakit na salita na lumalabas sa kaniyang bibig. Ang panganay at pangalawang anak lamang ni papa ang hindi nagsasabi ng mga masasakit na salita sa akin, ngunit hindi rin naman nila ako pinapansin. “Dasha, Kumain ka na.” Bumukas ang pintuan at pumasok sa loob ng aking kuwarto si nanay Esther na may dalang tray ng pagkain na para sa akin. Ayaw ko namang gawin ito ni nanay ngunit wala akong magawa dahil hindi rin naman maaaring ako ang kumuha ng sarili kong pagkain. Nakita ni nanay Esther ang nangyari sa akin noon kaya naman pinagbawalan niya na akong bumaba sa tuwing nariyan ang pamilya ni papa. Kasalanan kasi ang makita ako, lalong-lalo na kapag nakita ako ni Mrs. Bautista. “Salamat po, Nanay,” malugod kong sambit at kinuha ang tray mula sa kaniyang mga kamay. “Kayo po, kumain na po ba kayo?” Tumango si nanay Esther at ngumiti. “Oo. Kumain ka na rin bago pa lumamig ang pagkain.” Sinimulan kong kainin ang pagkain na dala ni nanay Esther. Gulay iyon at kanin. Iba ang pagkain ng mga katulong sa pagkain ng pamilya na nagmamay-ari ng mansiyon, at ang pagkain ko ay ang pagkain ng mga katulong. Noong isang beses kasi na sinubukang kumuha ni nanay Esther ng ulam sa pagkain ng kaniyang mga amo ay pinagalitan siya ni ma’am Leah at sinabihan na huwag kumuha ng ulam doon kung para sa akin lang din naman iyon. Ayaw sanang sundin ni nanay Esther ang sinabi sa kaniya ni ma’am Leah ngunit sinabi ko na ayos lang sa akin kahit anong pagkain kaya naman pumayag na rin si nanay Esther. Isa pa, mas healthy din ang gulay kumapara sa pagkain ng pamilya ni papa. Madalas kasi ay puro prito ang kinakain nila o kaya naman ay nagpapa-deliver sila ng pagkain. Hindi rin naman palaging puro gulay lang ang ulam nina nanay Esther at ng iba pang mga katulong. “Kumusta naman ang pakikipagkuwentuhan kay Charlie?” Hinahaplos ni nanay ang aking buhok nang tanungin niya iyon sa akin. Lumingon ako sa kaniya. Nginuya ko munang mabuti at nilunok ang aking kinakain bago ako nagsalita, “Okay lang naman po, Nanay Esther. Ang dami po niyang kuwento sa akin tungkol sa buhay niya. Ako naman, wala po akong masabi dahil natatakot po ako na masabi ko ang sikreto ko…” Nakaramdam ako ng konsensya habang iniisip ang nangyari kanina. Si Charlie lang talaga ang bumubuhay sa pag-uusap naming dalawa ngunit hindi man lang siya nagsawa na magkuwento sa akin. Hindi ko alam kung ganoon lang ba talaga ang ugali niya o pinipigilan niya lang talaga na mainis sa katahimikan ko. O kaya naman, gusto lang niya na mayroong makinig sa kaniya? “Anong mga kuwento niya sa iyo?” tanong pa ni nanay, kuryoso ang tono. Sinimulan kong i-kuwento ang tungkol kay Charlie. Hindi ako nagdalawang-isip na sabihin kay nanay Esther iyon dahil alam ko naman na hindi siya uusisahin si Charlie kapag nagpunta siya ritong muli. Napahinto ako sa pagsasalita nang may napagtanto. Nagpaalam sa akin si Charlie kanina noong uuwi na siya, ngunit hindi niya sinabi kung kailan siya babalik. Parang may bumagsak na kung ano sa aking puso nang maisip iyon. “Anong tingin mo kay Charlie, anak?” “Mabait po siya Nanay.” Napangiti ako nang maalala ang mga mata ni Charlie na nagiging hugis buwan sa tuwing ngumingiti siya. Roon pa lang, alam ko na agad na mabait siya. Hindi naman siya ngingiti sa akin nang ganoon kung hindi siya mabait, hindi ba? “Hmm.” Tumango-tango si nanay. “Hindi ko kokontrahin ang sinabi mo, mukha naman talagang mabait ang batang iyon.” “Kaso... Nanay,” bulong ko nang may maalala. “Ano iyon? May naging problema ba sa kaniya?” Agad akong umiling habang nanlalaki ang mga mata. Hindi naman si Charlie ang problema, kung hindi ako. “Nahihirapan lang po ako na makipag-usap sa kaniya, nauutal po ako sa tuwing nagsasalita sa harap niya…” Bahagyang natawa si nanay Esther dahil sa sinabi ko. Napansin ko lang iyon kanina. Hindi naman ako nauutal sa iba kong mga nakakausap, kay Charlie lang talaga at hindi ko alam kung bakit. “Siguro ay dahil hindi mo naman talaga siya kilala at kakakilala mo pa lang sa kaniya kaya ganoon, Dasha. Hayaan mo at masasanay ka rin sa kaniya at ‘pag nasanay ka na, hindi ka na mauutal sa tuwing kausap siya.” Pinaniwalaan ko ang sinabing iyon ni nanay. Siguro nga, dahil kakakilala ko pa lamang sa kaniya kaya hirap pa akong makipag-usap. Ngunit kapag tumagal na ang panahong nakakausap ko siya, masasanay din ako at hindi na mauutal. Gayonpaman, hindi ko rin naman alam kung kailan ba ulit pupunta si Charlie rito sa mansiyon. Ang tanging magagawa ko lamang ay ang maghintay. Maghintay na makita siya at makausap siyang muli. “Bitch.” Kinabukasan, natutulog pa ako ngunit mayroon nang gumigising sa akin. Marahas na hinila ang kumot na nakataklob sa aking katawan at iwinasiwas pa iyon para tuluyan akong magising. Nagkusot ako ng mga mata at bumungad ang mukha ni Lilith sa aking paningin. Napaupo ako at nagtaka kung bakit narito siya sa aking kuwarto nang ganito kaaga. “Bakit, Lilith?” “Don’t go outside of your room today, my friends and classmates will be here later. Once they know about you, you won’t have a peaceful life from now on. Got it?” Tumaas ang isang kilay niya pagkatapos sabihin iyon. Tumango ako. Kaagad naman siyang naglakad palabas pagkatapos niya akong bigyan ng warning. Ngunit bago pa siya tuluyang lumabas ng kuwarto ay tumigil siya at lumingon pang muli sa akin. “By the way, you look so ugly in the morning.” Tumawa siya nang malakas. “Oops, pangit ka pala talaga araw-araw.” Umirap pa siya bago tuluyang umalis. Nang makaalis siya ay bumuntong hininga ako at napailing. Hindi na bago sa akin na masabihan ng pangit. Iyon naman kasi ang palagi niyang sinasabi sa akin. Maganda si Lilith at hindi siguro pasado sa kaniya ang itsura ko kaya nasasabi niya iyon. At isa pa, hindi naman talaga ako lalabas ng kuwarto kapag alam kong narito ang buong pamilya maliban kay papa. Minsan ko lang din makita si papa rito sa mansiyon dahil sa trabaho niya. Naalala ko ang sinabi ni Lilith. Peaceful life? Hindi ko naintindihan ang ibig sabihin noon. Nag-ayos ako ng aking sarili makalipas ang kalahating minuto ng pagmumuni-muni. Inayos ko rin ang aking tinulugan at nilinis din ang aking kuwaro kahit na kalilinis ko lang naman nito noong isang araw. Ito lang naman kasi ang nagagawa ko bukod sa magbasa ng mga libro. Hindi rin ako gumagamit ng mga gadget kahit na mayroon ako no’n. Ginagamit ko lamang iyon kapag may pasok ako o kaya naman ay mayroon akong homework na kailangan kong mag-search sa google para malaman ang sagot. Hindi kasi makayanan ng mga mata ko ang ilaw na tumatama sa aking mukha kapag nakatingin ako sa isang gadget. “Because maybe, you’re gonna be the one who saves me,” pabulong kong kanta habang pinapagpag ang aking mga unan. Napalingon ako sa pintuan nang may kumatok doon. Siguro ay si nanay Esther na iyon dala ang aking agahan. Patalon-talon akong naglakad palapit doon para buksan ang pinto at batiin ng magandang umaga si nanay ngunit hindi si nanay Esther ang nakatayo sa labas ng aking kuwarto. Si kuya Landon iyon, dala ang tray na may mga pagkain na alam kong para sa akin. Hindi ko alam kung paano ko siya babatiin. Maaari ko ba siyang tawagin na kuya? Hindi ko pa siya nakakausap kahit kailan at ito ang unang beses namin na nagkaharap nang kami lamang dalawa! Anong dapat kong gawin? Sa huli, naestatwa ako sa kinatatayuan ko at nakatingala lamang sa kaniya. Ganoon din siya sa akin, nakayuko dahil mas maliit ako sa kaniya at diretso ang tingin sa aking mga mata. Kung hindi pa tumunog ang kubyertos dahil muntik niya nang mabitiwan iyon ay hindi pa kami babalik sa aming mga huwisyo. “Ah, ito.” Ibinigay niya sa akin ang tray. Nag-aalangan akong tinanggap iyon. Nanginginig pa ang mga kamay ko nang saluhin ang tray. Nahihiya ako sa kaniya, bakit siya ang nagdala nito sa akin ngayong umaga? Nakakahiya talaga! Lalo na ngayong nakikita ko ang itsura ni kuya Landon, pakiramdam ko ay labag sa kalooban niya ang ginawa niyang ito. Ang lamig kasi ng reaksyon niya. Hindi mukhang galit, pero sobrang lamig naman ng awra ng kaniyang mukha. “Busy si Yaya Esther na maghanda ng agahan para sa mga bisita ni Lilith kaya nag-presinta na akong dalhin sa iyo ang almusal mo. Kumain ka na,” sambit niya at tumalikod na. Dire-diretsong umalis si kuya Landon nang hindi ko man lang siya napasasalamatan. Natameme kasi ako at hindi nakapagsalita. Kung hindi pa nangalay ang kamay ko na buhat ang tray, hindi pa ako gagalaw sa kinatatayuan ko. Nakaramdam ako ng kasiyahan nang makita na si kuya Landon ang nagdala ng almusal ko ngayong umaga. Hindi ko mapigilan ang mapangiti habang kinakain ang almusal at nangakong hindi makalilimutan ang araw na ito. “Lilith, whose room is this?” Ilang oras na ang nakalipas ngunit hindi ko pa rin makalimutan ang ginawa ni kuya Landon. Iyon ang nasa isip ko nang makarinig ako nang hindi pamilyar na boses sa labas ng aking kuwarto. Naisip ko rin, mabuti naman at pinayagan si Lilith na papuntahin ang mga kaklase niya rito sa mansiyon at hindi siya nagalit sa akin. “I-It’s a spare room! Let’s go, it isn’t my room!” Kumunot ang noo ko nang marinig ang natatarantang boses ni Lilith mula sa labas. Napagtanto ko kaagad kung anong nangyayari. Lumapit ako sa may pintuan at nanlaki ang mga mata nang may pumihit ng door knob. “Let us take a look inside your spare room!” Kung tama ang hula ko, isa sa mga kaibigan ni Lilith iyong nagsalita at sila ang pumihit ng door knob. Unti-unting umusbong ang kaba sa aking dibdib.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD