“Who gave you the permission to go out of your room?!”
Halos mapapikit ako nang marinig ang malakas na boses ni Mrs. Bautista, ang asawa ni papa. Narito lang naman ako sa 2nd floor ng bahay at wala naman ako roon sa baba kung nasaan ang buong pamilya nila, ngunit hanggang dito pala ay hindi pa rin ako puwede.
“D-Dito lang naman po ako, h-hindi naman po ako bababa…”
“At sumasagot ka na sa akin?! Tandaan mo na palamunin ka lang namin dito, kaya dapat ay sumunod ka sa mga iniuutos at ipinagbabawal sa’yo! Mahirap bang sundin ang sinabi ko na hindi ka puwedeng lumabas sa loob ng kuwarto mo?!”
Nangilid ang mga luha ko ngunit pinilit kong pigilan ang pagbuhos noon. Dahan-dahan akong tumayo mula sa sahig na inuupuan ko. Tama si Mrs. Bautista, dapat ay hindi ko suwayin ang utos nila sa akin, dapat ay sumunod ako sa kanila dahil sila ang nagpapakain sa akin at pinatitira nila ako rito sa kanilang bahay.
“P-Papasok na po ako,” sambit ko at naglakad na patungo sa aking kuwarto.
Nang makapasok na ako sa sarili kong kuwarto ay doon isa-isang bumagsak ang mga luha na kanina ay pinipigilan ko para lang hindi iyon makita ni Mrs. Bautista. Ngayon, puwedeng-puwede ko nang ilabas ang mga luha ko dahil wala nang makakakita sa akin.
Anim na taong gulang ako nang maintindihan ko ang posisyon ko rito sa bahay ni papa. Masakit sa akin ang ginagawa ng asawa niya ngunit wala naman akong magagawa dahil sampid lang ako sa pamamahay na ito, at hindi niya naman ako tunay na anak. Naiintindihan ko kung bakit ganoon niya na lamang ako kung tratuhin.
Agad kong pinunasan ang mga luha ko nang may pumihit sa busol ng pinto ng aking kuwarto. Hindi puwedeng may makakita sa akin na umiiyak dahil mapagagalitan na naman ako! Nang tuluyan nang mabuksan ang pinto ng kuwarto ko ay bumungad doon ang bunsong anak ni papa at ni Mrs. Bautista, si Lilith.
Nakataas ang kilay niya habang nakangisi sa akin. “You were scolded again, ‘no? Serves you right, hindi ka kasi sumusunod kay Mommy.”
Yumuko ako at hindi siya sinagot. Kapag sinagot ko siya ay magsusumbong siya sa mommy niya at pagagalitan na naman ako. Ayaw ko nang mapagalitan.
“Hindi ka naman kasi belong sa family namin, bakit ba kasi kinuha ka ni Daddy? Anak ka lang naman ng kabit niya! Stupid!” galit niyang sambit at malakas na ibinagsak ang pinto nang lumabas na siya sa aking kuwarto.
Paulit-ulit niya na iyong sinasabi sa akin. Sa buong taon ko na tumira rito, wala siyang ibang binabanggit kung hindi ang anak ako ng kabit ni papa. Nasasanay na nga lang ako dahil palagi ko iyong naririnig sa kaniya. Tinatanggap ko ang lahat ng iyon dahil tama naman siya, tama ang lahat ng sinabi niya.
Pero sana, balang araw, maging close kami ni Lilith. Sana ay maging mabait na siya sa akin. Gusto ko siya na maging kaibigan dahil parehas lang kami ng edad, mas matanda lang ako sa kaniya ng ilang buwan.
Noong una kong nakita si Lilith, nagustuhan ko siya agad. Gusto ko nga siya na maging kaibigan noon ngunit ayaw niya na kaagad sa akin. Unang beses pa lamang na dinala ako ni papa rito sa kanilang bahay, ayaw na sa akin ng pamilya niya.
“Daddy, who is she? Why is she here?” inis na tanong ni Lilith kay papa noong una niya akong makita.
Nakatayo ako katabi si papa, kaharap namin ang asawa niya at ang mga anak niya noong mga panahong iyon. Ang asawa ni papa ay hindi nakatingin sa akin at para bang ayaw akong tignan. Ang dalawa naman niyang anak na lalaki ay blangko lamang ang mga tingin sa akin. Si Lilith ang nakitaan ko ng pandidiri sa akin.
Lumapit si papa kay Lilith. “Anak, siya si Ate Dasha. Kapatid mo siya…”
“She’s not!” Tumingin si Lilith sa akin gamit ang naiinis niyang tingin. “Anak mo siya sa ibang babae, ‘di ba, Daddy? Mommy told me!”
“Lilith, hindi ba sabi mo sa akin gusto mong magkaroon ng Ate?” sinubukan ni papa na kumbinsihin si Lilith. “ito na, oh. May Ate ka na…”
“No, Daddy! I don’t like her!”
Doon pa lang, alam ko na kaagad na ayaw niya sa akin. Maging ang mga kapatid ni Lilith ay ayaw din sa akin dahil hindi man lang nila ako kinakausap kapag nakikita nila ako.
Pinagbawalan akong lumabas ng kuwarto ko ilang linggo lang pagkatapos kong dumating dito sa bahay nila. Hindi nila ako pinalalabas at noong una, hindi ko alam kung ano ang dahilan ng pagtago nila sa akin. Ang iniisip kong dahilan ay dahil ayaw nila sa akin kaya hindi nila ako pinalalabas. Ayaw nila akong makita dahil maaalala nila ang kasalanan na ginawa ni papa.
Pero may mas malalim pa palang dahilan, at ang nagsabi sa akin noon ay si nanay Esther. Ang nag-aalaga sa akin simula noong napunta ako rito sa pamamahay ni papa.
Si nanay Esther ang itinuturing kong ina sa bahay na ito. Naaalala ko nga sa kaniya ang mama ko at sa tuwing nakararamdam ako ng pangungulila, palagi siyang nariyan para yakapin ako. Noong una ko siyang makita, magaan na agad ang loob ko sa kaniya.
“Dasha, Nanay Esther ang itatawag mo sa akin, ayos ba iyon?” Ngumiti siya sa akin at hinaplos ang aking buhok.
Tumango ako at ngumiti rin. Suwerte pa rin ako, dahil kahit na hindi ako gusto ng asawa at mga anak ni papa, may nagmamahal pa rin sa akin at si nanay Esther iyon.
“Nanay Esther, bakit po ba pinagbabawalan akong lumabas sa kuwarto na ito?” Tinitigan ko si nanay Esther habang naghihintay ng kasagutan.
Nagulat ko ‘ata siya sa naging tanong ko. Gulat kasi ang naging reaksyon niya nang lumingon siya sa akin; nanlalaki ang mga mata niya at bahagyang nakanganga ang kaniyang pang-itaas at pang-ibabang labi.
Nasa loob siya ng aking kuwarto noong araw na iyon dahil inaayos niya ang kama ko. Kailangan na raw kasing magpalit ng mga sapin sa kama at sa unan at dahil hindi pa ako marunong, si nanay Esther ang gumagawa noon.
“Dasha,” tawag ni nanay Esther sa akin at unti-unti siyang naglakad papalapit. “huwag mong sasabihin sa iba na sinabi ko sa iyo ito, ha?”
Kaagad akong tumango at itinaas pa ang kanang kamay ko. “Opo, Nanay! Hindi ko po sasabihin sa iba ang kung ano mang sasabihin niyo.”
Noong mga panahong iyon, wala naman talaga akong mapagsasabihan dahil wala naman akong nakakausap bukod kay nanay Esther. Kahit kasi si papa ay hindi pumupunta sa loob ng kuwarto ko. Si nanay Esther lamang ang tanging pumapasok dito.
“Ganito kasi ‘yon, anak,” ani nanay Esther at hinawakan ang aking magkabilang braso. “H-Hindi kasi puwedeng malaman ng iba na may anak sa ibang babae si Senator Donovan. A-Ang alam lang ng mga tao, tatlo lang ang anak niya…”
“Po? Bakit naman po?”
Narinig ko ang sinabi ni nanay Esther ngunit hindi ko iyon naintindihan kaagad. Siguro, masyado pa akong bata noon kaya kahit na ipaliwanag sa akin ni nanay Esther ang mga dahilan, hindi ko talaga iyon naiintindihan.
Bumuntong hininga siya at nag-iwas ng tingin sa akin. “Alam kong hindi mo pa ito maiintindihan sa ngayon, pero sige, sasabihin ko na… May reputasyon na inaalagaan ang Papa mo kaya hindi ka pa muna niya maipakikilala sa publiko sa ngayon. Pero sigurado naman akong ipakikilala ka rin niya, ‘pag tama na ang panahon.”
Kung noon, hindi ko iyon maintindihan, ngayon, nakatatak na iyon sa isip ko. Maging ang puso ko ay hindi na rin iyon nakalilimutan. Hanggang sa pagtanda ko ay dala-dala ko ang sinabi ni nanay Esther. Na may reputasyon si papa na kailangang alagaan at maaaring masira iyon nang dahil sa akin. Iyon ang pinakaayaw kong mangyari.
Dahil masuwerte ako at kinuha niya ako nang mamatay si mama. Hindi niya ako pinabayaan at pinatira niya ako rito sa kanilang bahay. Mali, hindi lang ito isang bahay. Mansiyon ito, Mansiyon ng mga Bautista.
Pinag-aral niya rin ako. Hindi pa rin ako nakalalabas ng bahay at home schooled lang ako ngunit malaki pa rin ang pasasalamat ko sa pamilya nila. Dahil alam kong pati ang pag-aaral ko ay big deal sa asawa ni papa… Ang unang beses na narinig kong ipinaglaban ako ni papa sa asawa niya, ay tungkol sa pag-aaral ko.
Hindi ko naman sinasadya na marinig ang alitan nilang dalawa, nagkataon lang na nakaawang ang pinto ng aking kuwarto at nagtatalo silang dalawa sa labas lamang ng kanilang sariling kuwarto. Sampung taon ako nang marinig ko silang magtalo.
“Leah, napag-usapan na natin ito, hindi ba? Ilang taon na rin namang nag-aaral si Dasha, bakit gusto mong patigilin ko siya sa pag-aaral niya?”
“Sinasayang mo lang ang pera mo sa bastardang iyan! Bakit ba kasi kailangan mo pa siyang pag-aralin?!”
Kinagat ko ang aking pang-ibabang labi upang mapigilan ang paghikbi. Maaari ko namang isara na ang pinto ng kuwarto ko ngunit mas pinili ko ang pakinggan pa ang sasabihin ni papa.
“Pag-aaral na lang ang kaya kong ibigay sa kaniya, Leah. Bakit pa natin ipagkakait iyon?”
Doon… doon ko naramdaman ang pagmamahal ni papa. Kahit na hindi kami nagkakausap ni papa at hindi niya ako pinupuntahan sa loob ng kuwarto ko, sa mga salita na sinabi niya sa kaniyang asawa, pakiramdam ko ay may puwang ako sa puso niya.
Pero hindi totoo ang huling sinabi ni papa. Hindi totoo na pag-aaral na lang ang kaya niyang ibigay sa akin, dahil ang pagpapatira niya sa akin dito, ang pagkupkop niya sa akin, ang pagbibigay niya sa akin ng matutulugan, at ang katotohanan na hindi niya ako pinabayaan at ibinigay sa bahay-ampunan ay malaking bagay na. Kung hindi ako kinupkop ni papa, saan kaya ako pupulutin ngayon? Kaya mas okay na sa akin ang ganito, kahit na ikinukulong ako sa aking kuwarto sa loob ng mansiyon na ito.
Labing dalawang taon naman ako nang malaman ko ang dahilan ng pagkamatay ni mama. Ilang taon pa ang lumipas bago ko nalaman iyon dahil itinago iyon sa akin, maging ni nanay Esther. Hindi ko alam kung bakit, siguro ay dahil iniisip niya na baka hindi ko kayanin dahil bata pa ako noon.
Palagi akong umiiyak gabi-gabi, napapanaginipan si mama at ang pagkawala niya. Mabuti na lamang at nariyan palagi si nanay Esther para sa akin sa tuwing nangyayari iyon.
Cardiac arrest daw ang ikinamatay ni mama. May hypertension siya at iyon ang naging dahilan ng kaniyang cardiac arrest. Sinisisi ko ang sarili ko dahil sa pagkamatay niya. Siguro, kung gising lang ako noong gabing iyon, maaagapan ko pa ang nangyari kay mama. Maaari ko siyang matulungan.
“We’ll end this here,” sambit ng aking teacher at ngumiti sa akin.
Purposive communication ang subject na inaaral ko sa mga oras na ito. Bawat araw ay tatlong subject ang inaaral ko at ang subject na ito ay ang pinakahuli kong aaralin ngayong araw.
Ngumiti rin ako ngunit hindi ako nagsalita. Sa lahat ng mga naging guro ko, wala man lang akong naging ka-close kahit isa. Nasa akin din kasi ang problema, mailap ako sa kanila lalo na kapag hindi sila tungkol sa pag-aaral ang pag-uusapan namin. Hindi ko alam kung ano na ang sasabihin sa kanila.
“I’m going now. See you on our next meeting, Dasha.”
Hinatid ko sa labas ng aking kuwarto ang teacher ko. Nang makaalis siya ay iniligpit ko muna ang mga ginamit namin bago ako humiga sa malambot kong kama.
Napabuntong hininga ako habang hinahaplos ko ang bed sheet. Nakakapagod ang araw na ito. Sa lahat naman pala ng mga araw, pakiramdam ko ay pagod na pagod ako kahit na narito lang naman ako sa loob ng kuwarto at walang ginagawa.
Napabalikwas ako at mabilis na bumangon nang may malakas na puwersang nagbukas ng pinto ng aking kuwarto. Nang makitang si Lilith iyon ay guminhawa ang pakiramdam ko. Sigurado naman akong pagsasabihan niya lang ako ng kung ano-anong mga masasakit na salita katulad ng palagi niyang ginagawa, ngunit hindi ko kayang magalit sa kaniya. Sa halip na magalit o mainis ako ay mas gumiginhawa ang pakiramdam ko sa tuwing pumupunta siya sa aking kuwarto. Feeling ko kasi ay napapansin niya ako.
Nakataas ang kilay niya habang nakatingin sa akin. Hindi ko naman maiwasan ang mapangiti.
“Birthday ni Daddy next week.” Ngumisi siya. “I’m happy to say that you are not invited.”
“B-Birthday ni Papa?”
Hindi ko pa malalaman na birthday ng sarili kong ama kung hind pa sinabi sa akin ni Lilith. Sa labing dalawang taon kong nakatira rito sa mansiyon nila, hindi ko man lang nalaman ang birthday ni papa. Siguro, sa tuwing wala sila rito sa bahay, nag-ce-celebrate sila ng birthday ni papa sa restaurant o sa kung saan man at hindi rito sa mansiyon.
Sumimangot si Lilith at humalukipkip, nakataas pa rin ang kaniyang kilay sa akin. “Do I need to repeat myself? Anyway, hindi ka naman invited dahil hindi ka naman belong sa pamilya namin. Dad’s going to have a big celebration in the mansion so you must not wander around next week.”
Tumango ako, naintindihan ko kaagad ang sinabi niya. “Okay.”
Isang beses pa niya akong inirapan bago siya tuluyang umalis. Padabog niya ring isinara ang pinto ng aking kuwarto at napapikit ako dahil sa lakas noon, nakabibingi.
Gayonpaman, hindi ko pa rin kayang magalit sa kaniya. Nasanay na lang ako na ganoon ang trato niya sa akin, at least pinapansin niya pa rin ako kahit na ganoon siya kung magsalita sa akin. Naniniwala ako na balang araw, magkakausap din kami nang maayos at ituturing niya rin ako bilang kaibigan… at kapatid.
“Lilith, kahit hindi mo na ako sabihan,” bulong ko sa aking sarili. Iyong sinasabi ko ay tungkol sa huling sinabi niya.
Dumating na ang araw ng kaarawan ni papa. Totoo nga ang sinabi ni Lilith, marami ngang mga bisita. Nakamamangha na makita ang mga kotse na nagdadatingan at naka-park sa labas ng mansiyon. Iba-iba ang mga kulay at iba-iba rin ang sukat ng bawat isa. Ang kotse lang na nakikita ko ay ang mga kotse rito sa mansiyon ngunit hindi pa ako nakasasakay doon.
Nakikita ko ang nangyayari sa malawak na garden ng mansiyon dito sa bintana ng kuwarto ko. May kurtina ang bintana kaya naman hindi ako makikita kahit na may tumingala pa rito sa aking kuwarto galing sa may garden, tanging ako lang ang makakakita sa kanila.
Hapon nang dumating ang mga bisita ni papa. Nakamamangha ang dami ng mga tao na narito ngayon sa bahay namin. Totoo ngang malaking selebrasyon ang mangyayari ngayong gabi.
Tinignan ko ang bagay na hawak ko sa aking kanang kamay. Bahagya akong ngumiti at umiling. Mukhang hindi ko ito mabibigay ngayong araw. Kung may pagkakataon man, paano ko kaya ito ibibigay sa kaniya?
“Dasha.”
Napalingon ako sa aking likuran nang tawagin ako ni nanay Esther. Hindi ko namalayan na pumasok pala siya sa loob ng kuwarto ko.
“Ang dami pong tao sa labas,” sambit ko at muling hinila nang bahagya ang kurtina upang makita ang mga tao na nagtitipon-tipon sa may hardin.
“Kaarawan ng Papa mo, mga bisita niya iyan.”
Tumango ako. “Kilalang-kilala po pala talaga si Papa, ‘no?”
Hinawakan ni nanay Esther ang aking braso. Lumingon akong muli sa kaniya at nakita kong nakangiti na siya sa akin. “Mabait ang papa mo at marami siyang mga kaibigan kaya marami rin siyang mga bisita. Maraming nagmamahal sa kaniya.”
Napangiti ako. Totoo iyon, mabait si papa kaya natural lang na ganito karami ang kaniyang mga bisita.
“Isa rin po ako sa mga nagmamahal sa kaniya, Nanay Esther,” bulong ko.
Nang sumapit ang gabi, may mga pumasok na sa loob ng mansiyon. Ang iba naman ay nasa garden pa. Nakikita ko ang lahat ng mga nangyayari sa hardin ngunit sa loob ng mansiyon ay hindi na. Bumuntong hininga ako at lumayo na sa bintana.
Umupo ako sa aking kama at inilapag doon ang bagay na kanina ko pa hawak. Nilingon ko ang pintuan ngunit iniwas ko rin ang tingin ko roon. Hindi maaari, Dasha. Nangako ka na sa sarili mo, hindi ba? Na hindi ka lalabas at hindi mo sisirain ang kaarawan ng papa mo.
Kinagat ko ang aking labi at tumayo. “S-Sandali lang naman, papasok din ako kaagad,” bulong ko sa aking sarili.
Mabilis akong naglakad palabas ng kuwarto at hindi na napigilan ang sarili. Gusto ko lang naman na makita ang party ni papa. Wala naman sigurong mangyayaring hindi maganda kung sisilip lang ako.
Kaya iyon ang ginawa ko. Sumilip ako sa may hagdan at nakita ko ang mga bisita ni papa na masayang nagtatawanan sa isa’t-isa. Ang iba naman ay naglalakad habang tinitignan ang kabuuan ng bahay. Mabuti na lamang at wala pang tumitingin dito sa 2nd floor.
Pinanood ko ang mga bisita ni papa. Magagarbo ang kanilang mga kasuotan at mahahalatang nanggaling sa marangyang pamilya. First time kong makakita ng napakaraming tao. Iyong hindi lang si nanay Esther, ang mga katulong at ang pamilya ni papa ang nakikita ko.
Tahimik lang akong nagmamasid sa kanila. Hindi ko inaasahan na may aakyat dito sa 2nd floor. Mabilis akong tumayo mula sa pagkakaupo sa hagdan at dahan-dahang naglakad paalis nang may umakyat na hindi ko kilala. Sa dami ng hagdan sa bahay na ito, sigurado akong hindi niya ako napansin dahil nasa pinakatuktok ako at umalis din naman ako kaagad.
Hanggang sa parami na nang parami ang mga umaakyat at kailangan ko na talagang pumasok sa loob ng kuwarto ko. Naiwan ko palang bukas ang aking pinto kaya hindi na naging mahirap sa akin ang pumasok kaagad. Sa pagmamadali ko at sa kabang nararamdaman ay hindi na ako lumingon pang muli sa aking likuran para matignan kung may nakakita ba sa akin.
Bumuntong hininga ako nang tuluyan ko nang maisara ang pinto ng aking kuwarto. Nakapikit ako nang isinandal ko ang aking likod sa pintuan. Nang dumilat ako ay nanlaki ang mga mata ko nang makitang may lalaking nasa loob ng aking kuwarto!
“S-Sino ka?” Kinakabahan kong sambit.