Minsan ko nang pinangarap ang magkaroon ng pag-iibigan na katulad sa mga magulang ko. Sa tuwing kinukuwento ni mama sa akin kung paano sila nagkakilala ni papa, palagi akong interesadong makinig kahit na alam ko naman na ang kuwento noon. Ilang ulit nang nabanggit ni mama ang istorya ng pag-iibigan nilang dalawa ni papa, ngunit hindi nakasasawang pakinggan.
Madalas pa nga ay i-ni-imagine ko ang mga kinukuwento ni mama sa akin.
“Dasha, anak, ayaw mo pa bang matulog? Gabi na, oh. Hindi dapat nagpupuyat ang batang katulad mo,” pangaral ni mama sa akin noong isang gabi na ayaw ko pang matulog.
Ngumuso ako at malungkot na tinanguan si mama. Nag-iwas ako ng tingin at pumikit para makatulog na. Gusto ko lang naman na i-kuwento niya ulit ang istorya nilang dalawa ni papa. Pero siguro nga, masyado na akong makulit dahil alam na alam ko naman na iyon ngunit gusto ko pa ring i-kuwento ni mama. Siguro ay naririndi na siya sa akin.
Narinig ko ang pagbuntong hininga ni mama kaya dumilat ako at lumingon ulit sa kaniya. Naabutan ko siyang nakatingin na sa akin at tipid ang ngiti, sa tuwing magsisimula na si mama na magkuwento ay palaging ganoon ang ekspresyon ng mukha niya… hindi umaabot sa kaniyang mga mata ang kaniyang ngiti.
Ngunit hindi ko iyon napapansin noon dahil masyado pa akong bata para palalimin pa ang dahilan ng ekspresyon ng mukha ni mama.
“Nagkakilala kami ng papa mo noong naging campaign volunteer ako noong tumakbo siya bilang senador…”
Isang senador ang papa ko, habang si mama naman ay isa lamang housewife. Narito lamang siya palagi sa bahay namin. Ang sabi ni mama, marami raw trabaho ang papa ko at palagi raw itong kailangan sa trabaho kaya naman hindi siya nakakauwi rito sa bahay namin.
Naging volunteer si mama sa campaign ni papa noon dahil kailangan niya ng pera para makabayad sa tuition niya. Malaki ang pasahod ni papa sa mga volunteers niya at nalaman iyon ni mama kaya naman pinatos niya na ang pagiging volunteer. Ang sabi ni mama, unang kita pa lang daw niya sa papa ko ay na-love at first sight daw siya rito. Ganoon din daw si papa sa kaniya at doon nagsimula ang pag-iibigan nilang dalawa. Ilang buwan lang ang lumipas at nabuo na ako.
Mahal na mahal ni mama si papa, iyon palagi ang sinasabi ni mama sa akin… at mahal na mahal din siya ni papa. Hindi niya iyon sinabi, ngunit iyon ang hiling ko.
Naging masaya ang pamilya namin at wala na akong mahihiling pa, bukod sa sana ay maging totoo iyon.
Ngumiti ako nang maalala ang mga panaginip ko tungkol sa kung gaano ako kamahal ni papa at palagi lamang siyang narito sa bahay. Tama, panaginip. Dahil hindi naman totoo ang pag-iibigan ng aking mga magulang. Sa panaginip ko lamang iyon nagkakatotoo.
Ipinanganak akong walang nakagisnan na ama. Kilala ko ang papa ko at nakita ko na siya, isang beses lamang nang pumunta siya sa bahay namin para magbigay ng pera kay mama. Pera na para sa akin, para lumaki ako nang maayos at malusog. Naisip ko noon, hindi na rin pala masama na wala si papa rito sa bahay namin dahil nagbibigay naman siya ng pera kay mama…
“Sandali lang ako. Hindi puwedeng may makakita sa akin dito,” mahinang sambit ni papa habang nakatingin sa akin.
Kahit na bata pa ako noon, alam ko na kung bakit iyon sinabi ni papa. Naiintindihan ko ang lahat kahit na hindi naman sinasabi sa akin ni mama.
Pinanood ko ang pagtango ni mama bago siya nagsalita, “Alam ko, p-puwede naman kasi na iba na lang ang papuntahin mo, katulad na lamang noon. B-Bakit ikaw pa ang pumunta?”
“Gusto ko lang makita ang anak ko.” Tumingin muli sa akin si papa.
Kabit ng isang senador ang mama ko. Limang taong gulang ako nang malaman ko ang katotohanang iyon. Pinalaki ako ni mama na mulat na sa reyalidad ng buhay kaya naman madali kong napagtagpi-tagpi ang mga pangyayari sa pagitan ng aking mga magulang.
Nagkamali si mama sa napili niyang lalaki. Kilalang senador ang ama ko at alam ni mama na may asawa’t mga anak na ito, ngunit hindi pa rin sila tumigil sa relasyon nilang dalawa. Siguro nga, mahal din ni papa ang mama ko ngunit mas pinili niya pa rin ang kaniyang tunay na pamilya dahil iyon ang tama, iyon ang nararapat. Nagkamali na silang dalawa nang lumabas ako sa mundo, hindi na dapat pang dagdagan ni papa ang pagkakamali niya.
Hindi ko rin masisisi ang aking ina dahil sa kaniyang nagawa, nagmahal lamang siya. At kapag nagmahal ka, hindi mo makikita kung ano ang mali sa mga ginagawa mo.
Wala nang relasyon sina mama at papa, ngunit dahil sa akin ay nagkakaroon pa rin sila ng komunikasyon sa isa’t-isa. Alam kong ayaw na ni papa, ngunit nang dahil sa akin ay kailangan pa rin nilang magkita ni mama.
“Aalis na ako, alagaan mo nang mabuti si Dasha,” sambit ni papa bago tuluyang tumalikod.
Nang makaalis na siya, doon ko nakitang humagulgol si mama. Alam ko, kahit na hindi niya sabihin, nararamdaman ko na mahal pa rin niya si papa. Kaya ganito na lamang ang naging reaksyon niya noong umalis na si papa.
Umiyak din ako dahil nasasaktan ako para kay mama. Sa lahat ng mga nangyari sa buhay ko, ito ang isa sa mga pinakaayaw ko. Ayaw kong nakikita si mama na umiiyak.
“S-Sorry ‘nak, hindi na ulit iiyak pa si mama,” bulong niya at yinakap ako.
Tumigil si mama sa kaniyang mga hagulgol nang makitang umiiyak na rin ako. Isa sa mga dahilan kung bakit naging masaya ako kahit na hindi buo ang aking pamilya ay ito, ang maramdaman na mahal na mahal ako ni mama.
Ilang araw lamang ang lumipas ay masaya na ulit ang pamumuhay namin ni mama. Hindi na ulit siya umiyak at sa buong buhay ko na kasama siya, roon ko lamang siya nakitang umiyak.
“Happy birthday, Dasha!” Pumalakpak si mama pagkatapos niyang mailapag ang cake.
Nang tumungtong ako sa limang taon, ang pinakamagandang cake ang natanggap ko. Masayang-masaya ako kahit na kaming dalawa lamang ni mama ang mag-ce-celebrate. Nasa malayong lugar kasi kami at walang nakakikilala sa amin, wala rin kaming kakilala kaya naman kami lamang dalawa ang palaging magkasama. Okay lang naman iyon sa akin dahil si mama lang naman ang pinakamahalagang tao na gusto kong makasama.
Malaki ang ngiti ko habang nakatingin sa cake na inilapag ni mama sa mesa. “Wow! Ang ganda po, Mama! Thank you po!”
Pabilog ang hugis ng cake at puti ang kulay nito na gustong-gusto ko. May mga strawberry na nakapalibot sa ibabaw at may nakasulat na ‘Happy Birthday, Dasha!’ sa loob ng nakapalibot na mga strawberry. Lahat ng ito ay paborito ko!
“Oh, hihipan mo na ang mga kandila.”
Tumango ako at hihihipan na sana ang limang kandila na nakatusok sa cake nang may maalala. Umangat ang tingin ko kay mama at napanguso. “Hindi po ba, dapat mag-wish muna ako?”
“Oo nga pala,” sagot ni mama at ngumiti. “Sige anak, mag-wish ka muna.”
Masaya akong tumango. Matagal ko pang tinitigan ang cake, iniisip na baka 'pag pumikit ako ay wala na ito pagdilat ko. Hindi naman siguro ganoon ang mangyayari, ano?
Sa huli, tuluyan na rin akong pumikit at pinagsalikop ang aking mga daliri. Isa lang naman ang hiling ko...
Ang makasama habang buhay si mama.
“Mama? Gising na po,” bulong ko.
Hindi ko alam kung anong oras na, kung kaarawan ko pa ba o hindi na. Pagkatapos kasi naming kumain ni mama ay nakatulog na ako kaagad. Siguro ay gabi pa dahil nauna akong nagising kay mama. Palagi kasi siyang nauuna sa akin at palagi ring may nakahanda nang almusal.
Siya ang the best na mama sa buong mundo.
Pinagmasdan ko si mama na mukhang mahimbing na natutulog lang; nakatihaya ang posisyon, nakalagay ang kanang braso sa kaniyang gilid at ang isa naman ay namamahinga sa kaniyang tiyan. Nakasara ang kaniyang labi at pikit na pikit ang mga mata.
Hinawakan ko ang kamay ni mama at nagtaka ako kung bakit hindi man lang ito gumalaw. Sa tuwing ginagawa ko ito sa kaniya, gumagalaw kaagad siya at makikita ko na lang na gising na siya. Ngunit bakit hindi ganoon ang nangyayari ngayon? Sobrang himbing ba ng tulog ni mama kaya hindi siya nagigising?
“Mama.” Niyugyog ko nang marahan ang kaniyang braso. “Mama, bakit hindi po kayo gumigising?”
Tinignan ko ang tiyan ni mama. Inilagay ko ang palad ko roon at pinanood kung gagalaw ba ang tiyan niya. Nagtataas baba kasi iyon kapag inilalagay ko ang palad ko.
Unti-unti akong kinabahan nang hindi nangyari ang inaasahan ko. Nanginginig ang mga kamay ko ngunit sinubukan kong yugyugin si mama habang malakas na umiiyak.
“M-Mama! M-Mama! G-Gising!”
Paulit-ulit kong niyugyog ang katawan ni mama at sinubukang gisingin siya ngunit hindi na talaga siya gumagalaw. Hindi rin dumidilat ang mga mata niya kahit na sinubukan ko iyong padilatin. Inilagay ko ang aking kanang kamay sa kaniyang kaliwang dibdib.
“M-Mama, b-bakit ayaw mo p-pong gumising?! M-Mama, g-gutom na po ako,” sambit ko, punong-puno na ng mga luha ang aking pisngi.
Kagabi, bago ako matulog ay kinumutan pa ako ni mama at hinalikan sa aking pisngi. Iyon na ang huling alaala ko sa kaniya.
“M-Mama, a-ano po bang ginagawa niyo? H-Hindi naman po ako nakikipagbiruan, eh.”
Sinubukan kong kausapin pa si mama habang hinahaplos ang katawan niya, nagbabakasakaling magising siya ngunit ilang minuto na ‘ata akong naghihintay at nagbabantay na dumilat ang mga mata niya ngunit hindi iyon nangyari.
Sumisinghot akong tumayo at lumapit sa mesa kung saan nakalagay ang cellphone ni mama. Naalala ko pa ang sinabi niya sa akin noon kapag may nangyaring hindi maganda sa akin at dala ko ang cellphone niya. Mabuti na lamang at itinatak ko ‘yon sa aking isipan.
“Dasha, anak,” sambit ni mama at ipinakita sa akin ang cellphone niya. May mga numero siyang itinuro roon bago siya muling nagsalita, “Pindutin mo lang itong number na ‘to kapag kailangan mo ng tulong. Matutulungan ka ng taong sasagot sa’yo.”
“Number 3 po iyan, hindi po ba, Mama?”
Kung tama ang pagkatatanda ko, number 3 iyong itinuro ni mama na numero sa akin. Kaya naman pinindot ko iyon at sa nanginginig kong mga kamay ay inilapat ko ang cellphone sa aking kanang tenga.
“Hello?”
Nakilala ko kaagad ang boses ng sumagot sa aking tawag. Tama nga si mama na matutulungan niya ako, dahil ang papa ko ang sumagot sa tawag kong iyon!
“H-Hello po, P-Papa?” Nanginginig ang mga labi kong sambit.
“Dasha? B-Bakit ka napatawag? Nasaan ang Mama mo, bakit ikaw ang may hawak ng cellphone niya?”
“P-Papa, si M-Mama po… H-Hindi na po siya g-gumagalaw.”
Siguro nga, hindi mo maaaring makuha ang lahat ng mga bagay na gusto mo. Hindi puwedeng perpekto ang buhay ng kahit na sino. Kaya iyong hiling ko na sana ay habang buhay kong kasama si mama, hindi natupad.
Kinuha ako sa bahay namin pagkatapos ng pagkamatay ni mama. Noong nagpunta sa bahay ang papa ko, may mga kasama siya na hindi ko kilala at marami sila. Kinuha nila si mama sa loob ng bahay namin at ako naman ay dinala ni papa sa kanilang bahay.
Noong una kong makita ang bahay ni papa, hindi ako makapaniwalang may ganoong klase ng bahay. Napakalaki kasi noon at para bang maraming tao ang puwedeng tumira. Maliit lang kasi ang bahay naming dalawa ni mama at kasya lang kaming dalawa. Pero itong bahay ni papa, ibang-iba sa bahay namin at sa mga bahay na nakikita ko.
“Simula ngayon Dasha, rito ka na titira sa bahay namin at ito ang magiging kuwarto mo,” sambit ni papa at itinuro ang kuwarto na pinagdalhan niya sa akin.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniya. “Dito na po ako titira sa bahay niyo, Papa?”
“Oo, Dasha. Nasa pangangalaga na kita simula ngayon.”
At doon, sa bago kong tahanan, nagkaroon ako ng bagong pamilya.