Paglabas ni Clint ay nakita niya ang magarang sasakyan ng kanyang ninong na General at Daddy ni Avi. Nakahazzard lang ito sa gilid ng daan. Nakita niya ang nakakalat sa paligid na mga bodyguard nito. Bumunot muna siya ng malalim na hininga bago ito sumakay. Malakas ang kutob niya sa kung ano ang sadya nito sa kanya. Kailangan niya ng mahaba-habang pasensiya. Hinila niya ang tinted na pinto ng sasakyan.
“Dad,” bati niya. Kahit noon pang bata siya, Dad na ang tawag niya kay Police General.
“Bakit antagal mo? Pinaghihintay mo ako dito ah.”
“Sorry Dad, eto nga amoy pawis pa.”
“Next time bilis-bilisan mo ha. Nasasayang ang oras ko e.”
“Sorry, dad,” pagpapakumbaba niya.
Matalik na kaibigan ng pumanaw na niyang ama si General Santos. Dahil sa pagkakaibigang iyon ay naging Ninong niya ito. Bata palang sila ni Avi, parang naipagkasundo na sila sa isa’t isa. Hindi naman sila kumontra. Hindi nga lang siya ang unang nagkagusto ngunit dahil sa bait at sigasig ni Avi sa kanya ay pinatulan na lang din niya ito.
Yung pagmamahal niya kay Avi, hindi iyon basta na lang niya naramdaman. Pinag-aralan niya, tinuruan niya ang puso niyang mahalin ang kasintahan. Sa tagal nilang naging magkasintahan, mabibilang palang sa kamay kung ilang beses sila nagtalik. Mabuti nga’t nakabuo sila at dahil do’n, ipinangako ni Clint sa sarili na si Avi na lang ang tanging babaeng kanyang mamahalin.
May isa lang bagay na ikinatatampo niya sa kanyang ninong, iyon ay ang hind into pagtulong sa imbestigasyon sa pagaamatay ng kanyang Papa. Pinakamataas na pinuno ng kapulisan na ito ngunit hindi ito nakatulong para mahuli ang pumaslang sa kanyang ama. Kung tutuusin hindi naman isang police officer lang ang Papa niya, isa itong Police Brigadier General na nang mangyari ang krimen pero parang hindi niya ramdam na tinutukan ang ninong niya na mahuli ang mga salarin. Kaya kahit labag sa kanyang kalooban, tinatanggap niya ang alok ng ninong niyang promotion noon dahil naniniwala siyang kapag nasa taas na siya, mas madali na sa kanya ang pagtutok sa kaso ng Papa niya. Nagbabakasakali siyang makakamit din ng ama ang hustisyang naipagkait sa kanya sa madaling panahon.
“Ano hong atin Dad?”
“Bababa na ang papel mo, from Police Captain, magiging Police Major ka na.” seryoso ngunit halata ang saya sa boses na bungad ng Ninong niya.
“Salamat Dad pero bakit parang napakabilis naman yata.”
“Eh, ganoon talaga kung may kapit sa taas.”
“Wala pa akong tatlong taon sa posisyon ko ngayon, hindi kaya ako maiisyu ne’to?”
“Ayaw mo ba?”
“Gusto naman po pero para kasing hindi dumadaan sa qualification standard for appointment ang papel ko. Para kasing hindi pa ako eligible for promotion e.”
“Uunahin mo pa ba talagang isipin pa yan? Ako nang kumikilos nang mapabilis ang promotion mo ah bakit parang kinu-question mo pa ang legality nito.”
“Hindi naman sa gano’n Dad. Nagugulat lang talaga ako sa bilis ng promotion ko.”
“Kaysa questionin mo pa ng questionin ‘yan, di ba dapat sa tanggapin at magpasalamat ka na lang?” napapangiti ang General pero halatang naiinis na din ito.
Umiling siya at bumuntong-hininga. Wala namang masama sa promotion pero sana yung promotion na alam niyang pinaghihirapan niya. Magiging utang na loob na naman siguro ito. Maaring isusumbat na naman ito. Wala pa naman hinihinging kahit ano ang heneral sa kanya sa ngayon kaya mali ding pang-isipan niya ito ng hindi maganda pero nahihiya siya sa sarili niya at sa mga kabaro niya na mas deserving sa posisyong iniaalok sa kanya o mas magandang sabihing sapilitang pinapatanggap sa kanya.
“Ano? May problema ka ba sa promotion mo?”
“Hindi kaya makahalata ang ibang kasamahan natin sa serbisyo, Dad?”
“E di hayaan mong makahalata sila. Hawak natin ngayon ang posisiyon. Saka isa pa, ganito na talaga ang tumatakbong sistema sa bansa natin e. Dapat masanay ka na.”
Tumango siya at bumunot ng malalim na hininga. Hindi siya nakakaramdam ng pagka-proud sa sarili kasi kahit itong posisyon niya sa kasalukyan alam niyang hindi na niya ito pinagpagurang marating. Isunusuka na niya ang sistemang umiiral sa bansa.
“Gusto ko lang makabawi sa Papa mo kaya ko ginagawa ito. Nagiging inutil kasi ako sa imbestigasyon sa pagkamatay niya.”
Pinili na lang niyang manahimik. Ilang beses na din kasi niya ito naririnig.
“Naturingang nasa posisyon ako pero wala akong magawa.”
“Naiintindihan ko naman po ‘yon at ako, bilang anak niya ay gumagawa din ng sarili kong imbestigasyon Dad.”
“Huwag mo nang isipin ‘yan. Di ba sinabi ko na sa’yo, ako na ang bahalang mag-imbestiga.”
“Natatagalan po kasi ako e.”
“Bakit? Sa tingin mo ba hindi din ako natatagalan? Hindi pa din naman ako tumitigil para mahanap at mapasagot ang mga salarin.”
“Salamat Dad. Ngunit sana kakayanin ko ang responsibilidad ng isang Police Major.”
“Kaya mo ‘yan. Marami akong kilala na tutulong sa’yo.”
“Para kasing hindi ko kakayanin e dahil hilaw pa ako sa experience. Masyado pa akong bata sa posisyon na ‘yan.”
“Paanong hindi mo kakayanin? Sa tingin mo ba lulusot ang papel mo kung hindi ka talaga kwalipikado?”
“Hindi lulusot Dad, kung sa tama at malinis na paraan ang selection,” bulong niya lang sa sarili. Hindi niya magawang sagut-sagutin ang ninong niya.
“Ituloy mo lang yung gingagawa mong pagpapakitang-gilas. Saka isa pa, nandito ako. Kilala na kita bata palang at alam ko kung anong kaya mo sa hindi. Magtiwala ka sa akin. Hindi ko ibibigay ang isang responsibilidad na alam kong hindi mo kakayanin.”
Tumango lang siya. Wala siyang balak pahabain pa ang usapan.
“Buntis na ang asawa mo at marami pa kayong mga bayarin na hinuhulugan.”
“Oo nga po, e.”
“Para ito sa magiging pamilya ninyo ni Avi. Kapag napromote ka na, dapat patunayan mo sa lahat na tama ako sa pagtulong ko sa’yo na umangat.”
“Pero Dad, hindi ko naman hinahangad magkaroon ng maalwang buhay. Okey na ako sa simple basta marangal.”
“Anak ka talaga ng tatay mo. Simple? Bakit simple lang kung kaya naman ng magarbo?”
“Hindi kasi din ako sanay sa magarbong way of life dad.”
Umiling si General. “Tsk! Tsk! Gusto mo bang matulad sa Papa mong namatay na lang na di kayo naiangat man lang sa buhay?” diniretso siya ng Ninong niya. Alam niyang noon pa man ay ganoon na ito. Madalas nga niyang marinig noon na nagtatalo sila ng Papa niya tungkol sa magkaiba nilang mga prinsipyo sa buhay.
Huminga siya ng malalim. Pinipigilan niya ang sarili niyang sumagot ng pabalang.
“Kita mo naman kung anong nangyari sa kanya, di ba?”pagpapatuloy ng Ninong niya, “Namatay na pero pati hustisya ay hindi naibigay. Bakit? Kasi wala siyang pakisama. Gusto mo ba ng gano’ng buhay? At ganoong buhay din ba ang gusto mong ipamana sa mga magiging mga apo ko?”
“Huwag sana nating isama pa sa usapang ito ang Papa ko.”
“Napag-uusapan lang natin siya, huwag kang balat-sibuyas lalo na kung totoo naman ang sinasabi ko.”
“Huwag na lang po. Bilang respeto na din sa kanyang alaala, Sir.” Iyon ang tawag niya kay General kung hindi na nito nagugustuhan ang sinasabi nito. Ilang beses na ba niyang narinig na ganito pagsalitaan ng Daddy ni Avi ang kanyang Papa. “Namatay siyang marangal, Sir at bilang matalik niyang kaibigan, kayo ang dapat rumerespeto at nakakaalam no’n higit kaninuman.”
“Hindi ko naman minamaliit ang Papa mo ah pero alam kong mas nagiging matagumpay sana siya sa career niya kung marunong siyang makisama. Walang masamang tumanggap sa grasyang darating, Clint. Itong ibinibigay ko sa’yong promotion, hindi mo nga ito hiningi sa akin, ibinibigay ko sa’yo ng kusa dahil iniisip ko ang kapakanan ninyo ng anak ko.”
Pinili niyang hindi na lang sumagot.
“Maliwanag ang sinabi ko ha. Tanggapin mo ang promotion sa’yo. Mag-uusap tayo sa mga susunod na araw.”
“Paano kung tatanggihan ko, Sir?” hindi pa din niya tinatawag ng Dad dahil kumukulo pa din ang dugo niya sa pagbanggit ng Ninong niya ang tungkol sa kanyang nasawing ama.
“Mula nang naging inspector ka at tinanggap mo ‘yan, wala ka nang karapatan pang tumanggi pa sa mga ipinapakiusap ko, Clint.”
Umiling siya. Maaring hindi siya tatanggi sa salita dahil alam niyang hindi din naman ito makikinig sa kanya ngunit aaksiyon siya alinsunod sa alam niyang tama at hindi dahil sa ipinakiusap lang sa kanya. Gagawin niya ang trabaho niya ng walang kahit sino siyang susundin basta alam niyang sakop ng responsibilidad niya ang kanyang gagawin.
“Umiiling ka ba? Tinatanggihan mo ba ako?”
“Hindi, sir,” pagsisinungaling niya. “Thank you po sa opportunity.”
“Good. Nakausap ko na din si Avi tungkol dito.”
“Ah dumaan na kayo sa bahay.”
“Gusto ko sana na itira mo ang anak ko sa isang ligtas, magara at malaking bahay sa isang sikat na subdivision hindi kagaya ng nirerentahan ninyong bulok na apartment ngayon.”
“Hahanap ho ako ng malilipatan,” sagot niya nang di na hahaba pa ang usapin.
“Huwag na. Nagpapahanap na ako sa mga tao ko.”
“Okey po,” sampal man sa kanya ang pinapangunahan siya ngunit pinili niyang magpigil.
“Hindi mo naman talaga magagawang ibili ng anak ko ng magarang bahay sa isang maayos at ligtas na subdivision sa ngayon kung manatili ka lang sa pipitsugin mong sasahurin. Kaya nga sinasabi ko, tanggapin moa ng posisyong iniaalok ko.”
“Wala naman akong ibang choice, hindi po ba?” sa isip lang niya iyon.
“Kung nasa posisyon ka na, mas madali na sa’yong kumita ng extra para sa huhulugan ninyong bahay at lupa. Lumaki ang anak ko sa maalwang pamumuhay kaya kung mahal mo talaga ang anak ko, kailangan mong ibigay ang buhay na nakasanayan na niya.”
“Masusunod po, sir.”
“Dad!” dumagundong ang boses ni General. “Napapansin ko kapag may mga hindi ka nagustuhang sinasabi ko, sir lagi ang tawag mo sa akin. Inaanak kita at bata ka palang nagkaliwanagan na tayo na Dad ang itatawag mo sa akin.”
“Sorry Dad.”
“Pagkapanganak ni Avi, ikakasal na kayo ng anak ko kaya lalong dapat iyon ang tawag mo sa akin, maliban na lang kung nasa opisina kita o nasa trabaho tayo.”
“Okey po, Dad.” Ayaw niyang hahaba pa ang usapan. Gusto na niyang bumaba sa sasakyan kanina pa.
“Mag-isa lang si Avi na anak ko. Bilang magiging asawa niya, ikaw lang ang inaasahan kong susunod sa yapak ko at magmamana sa lahat ng pinaghirapan ko. Magiging diretso ako sa’yo, hindi ako masaya sa simpleng buhay na ibinibigay mo ngayon sa anak ko.”
“Wala na po ba kayong sasabihin, Dad?”
“Bakit? Nagmamadali ka ba?”
“Hindi pa kasi ako nakapagshower. Natutuyuan po ako ng pawis.”
“Sige. Uuwi na din ako.”
“Salamat po.” Akmang bababa na.
“Answer my calls, Clint. Make sure na open lagi ang communication nating dalawa. After all, ako pa din ang head mo. Nagkakaintindihan ba tayo?”
“Yes, dad.” Sagot niya kahit nag-aalburuto na ang kanyang kalooban. Sasabog na kung di pa siya bababa. Sa lahat ng ayaw niya ay yung sinasali sa usapan ang yumao niyang ama at yung minamanduhan siya at minamaliit ang kakayahan niya. Maingat parin niyang isinara ang pinto ng sasakyan kahit pa gustung-gusto niyang ibalabag ito ng malakas.
Bumalik siya sa gym. Ayaw niyang umuwi na mainit ang ulo niya dahil panigurado na kakausapin din siya ni Avi tungkol sa napag-usapan nila ng hilaw niyang biyenan. Mauuwi lang sa mainit na pagtatalo kung uuwi agad siya. Hindi kasi nagugustuhan ni Avi ang nilipatan nilang bahay. Hindi kasi ito safe, hindi magara at hindi malaking bahay tulad ng nakasanayan niya. Kahit simpleng babae lang ang girlfriend niya napakahalaga dito ang ligtas at maayos na tahanan at iyon ang hindi pa niya ngayon naibibigay dahil nagbabayad pa sila ng kinuhang sasakyan at hinuhulugang lote.
Dumiretso siya sa shower room ng gym. Hindi muna siya pumasok sa cubicle. Umupo na muna siya sa bakanteng bench. Yumuko siya. Sinapo ng dalawang palad niya ang kanyang ulo. Muling bumalik sa alaala niya ang araw na namatay ang kanyang Papa.
Ipinagdrive niya ito papunta sa opisina ng ninong niya dahil may ipapakita daw itong mahalagang dokyumento. Kausap pa ng Papa niya ang kanyang Ninong noon sa phone.
“Kaya nga pupunta ako diyan para maliwanagan tayong dalawa pare.” Halata sa boses ng Papa niya na pinigilan lang niyang magtaas ng boses.
Sandaling katahimikan dahil nakikinig ang papa niya sa sinasabi nang nasa kabilang linya.
“E di, mag-iimbestiga. Kaya nga ako pupunta diyan para kausapin ka dahil malakas itong mga hawak kong ebidensiya.” Ang papa niya. Halatang umiinit na ang kanyang ulo. “Lahat kasi ng ebidensiya, ikaw ang…”
“Pa, dito ba tayo liliko?” pamumutol niya sa pag-uusap ng Papa niya at nang Ninong niya.
“Sige na pare. Malapit na kami. Mamaya na lang….Ano?”
Katahimikan uli. Gusto niyang pakinggan sana ang sagot ng Ninong niya ngunit may kahinaan ito.
“Oo nga, dala ko na ang folder nang mga ebidensiya. Sige na. Malapit na talaga kami. Bye.” Bumuntong hininga ang Papa niya. Saka ito tumingin sa kanya.
“Diyan ‘nak. Liko ka sa susunod na kanto. Magdahan-dahan okey?” pagbibigay ng Papa niya ng direksiyon.
“Opo, ‘Pa.”
“Lagi kong sinasabi ito sa’yo Clint. Madaling yumaman sa paggawa ng mali ngunit kahit anong mangyari, pipiliin mo pa ding gawin ang tama at dapat sa kahit anong oras at pagkakataon.”
“Gagawin ko ‘yon Pa. Idol kita e,” nanatili ang mga mata niya sa pagsipat sa harapan ng sasakyan nila. Maingat siya sa pagmamaneho at alam ng Papa niya iyon.
“Kapag ginawa mo ‘yon, wala kang katatakutan o pagsisisihan.” Sinabayan niya ang Papa niya sa huling linyang iyon. Paulit-ulit na kasi niyang naririnig iyon.
“Dito na ako liliko, Pa?”
“Oo nak,” lumikot ang mga mata ng Papa niya nang sinagot siya nito, “Anak, kumubli ka!”
Nagulat na lang siya nang iniharang ng Papa niya ang katawan nito sa kanya. Dinaganan siya nito at mabilis niyang naihinto ang sasakyan. Mabilis niyang binunot ang kanyang b***l. Ilang malalakas na putok ang tumama sa kanilang sasakyan. Hindi siya makakuha ng pagkakataon para gumanti ng putok. Biglang may nagbukas sa sasakyan nila ngunit may mga nagpapaulan pa din ng bala. Kinuha ang folder na hawak kanina ng papa niya. Malapitan nitong binaril sa ulo ang kanyang Papa. Nakaganti siya. Sapol sa dibdib. Halos ubusin niya ang kanyang bala hanggang sa nawala ang armadong iyon. Gumanti din ng putok ngunit sobrang bilis lang ang pangyayari. Inulanan sila ng bala. Hanggang sa biglang natigil ang mga putok.
“Pa… Papa?” dahan-dahan niyang ibinalik ang Papa niya sa kinauupuan nito. “Papaaaaaa!!!!!!” sigaw niya. Naliligo na sa dugo ang Papa niya. Maraming tama ito sa likod at ulo. Naliligo na din siya sa dugo nang sandaling iyon. Hindi lang siya sigurado pa kung may tama siya o lahat na dugong iyon ay sa papa niya.
“Nak, i- ikaw na ang bahala sa Mama mo at kapatid…” iyon lang ang nasabi nito at nalagutan na ito ng hininga.
“Paaa, huwag kang bibigay. Malapit na tayo sa hospital. Papaa…huwag mo kaming iwan please…” humagulgol niyang pakiusap habang mabalis siyang nagmaneho papuntang hospital. Kaya lang dead on arrival na ang mahal niyang ama. Namatay ang Papa niya na kasama siya at wala siyang nagawa. Isa lang ang napatumba niya. Napuruhan niya ito kaya hindi niya ito natanong kung sino ang nag-utos sa kanila. Pakiramdam niya napakainutil niya nang mga panahong iyon samantalang siya ang pinakamahusay sa klase niya na bumaril. Sa hanay nilang mga bago pulis noon siya ang pinakamabilis bumunot ng b***l at umasinta.
Pinunasan niya ang kanyang luha. Tumayo siya at pumunta sa kanyang locker.
Ang isang kinaiinisan pa niya ngayon ay yung ganito. Mula nang tinutulungan siya ng Ninong niya ay hindi na niya ang hawak ang trabaho niya sa serbisyo. Napakabilis ng kanyang pag-angat at hindi niya magawang ipagmalaki iyon. Hindi siya masaya dahil alam niyang ang hilaw na biyenan niya ang kumukilos para umangat siya. Kaya ganoon na lamang kaliit ang tingin sa kanya ng kanyang mga kabaro. Napo-promote siya hindi dahil sa magaling siya kundi dahil sa koneksiyon niya. Bakit kasi kailangan siyang pangunahan ng ganito. Para siyang robot na sumusunod na lang kung saang posisyon siya ilagay.
Binuksan niya ang locker at kumuha ng malinis na tuwalya saka pumasok sa shower cubicle. Wala siyang iniwan na kahit anong saplot. Ipinihit niya ang hot water sa shower saka niya tiniis ang pagbagsak ng maligamgam na tubig sa kanyang h***d na katawan. Malapit na niyang malaman kung sino ang nagpapatay sa kanyang ama. Hindi siya titigil hangga’t hindi niya matutuklasan lalo pa’t hawak na niya ang kopya ng folder ng isang imbestigasyon na di natapos ng kanyang ama. May mga kulang na di pa niya naiintindihan ngunit malakas ang ang kutob niyang mapagtagpi-tagpi din niya ang koneksiyon ng unfinished business na iyon ng Papa niya sa pagpaslang dito.
Nang dumaan si Errol sa isang bukas na cubicle ay nakita niya ang nakatalikod at walang kahit anong saplot na si Clint. Hindi man kaputian ay kumikintab naman sa tubig ang makinis nitong balat na binagayan ng perpektong hulma ng matikas na katawan. Maganda ang umbok ng puwit nito. Noon lang siya nakakita ng hubo’t h***d na katawan. Natigilan siya pansamantala.
“Bukas ang pintuan ng cubicle mo.”
“Uyy!” nagulat si Clint. Humarap siya kay Errol. Nagulat din si Errol nang iniharap ni Clint ang maganda nitong katawan at ang may kalakihang iyon na nasa gitna ng kanyang hita. Nataranta si Clint kung ano ang kanyang uunahin. Ang takpan niya ang kaselanan niya o ang isara ang pinto ng cubicle niya.
“Sorry,” Si Clint nang naisara niya ang pinto.
“Ayos lang. Meron din naman ako niyan,”sagot ni Errol na pumasok sa katabi nitong cubicle.
Katahimikan. Nagtataka si Clint kung bakit parang biglang naging maamo na namang tupa ang tigreng naliligo sa kabilang cubicle.
“Sino yung kinausap mo sa labas?”
“Ahh si Dad.”
“Pulis din?”
“Oo. General.”
“Ah, astig ang pamilya ninyo ‘no?”
“Hindi naman. Angkan lang kami ng mga pulis at sundalo.”
“Lahat ba opisyal?”
“Marami sa amin ay may mga mataas na katungkulan.” Sagot niya. Hindi iyon pagyayabang, pagsasabi lang ng totoo. “Sige, mauna na ako sa locker.”
“Okey.” Sagot ni Errol.
Anong nakain no’n at bigla na namang bumait? Naisip ni Clint.
Inayos muna niya ang pinagpalitan niyang damit habang nakatapis palang siya ng tuwalya, Biglang may umakbay sa kanya. Sa gulat ay humarap siya sa biglang umakbay sa kanya. Naramdaman niya ang mainit nitong katawan na dumampi sa kanyang katawan. Nagdikit ang kanilang dibdib. Napatitig siya sa nakangiting mukha ni Errol. Nangininig si Clint. Nanlalambot ang kanyang tuhod lalo pa’t ilang sandali din ang itinagal ng paglalapat ng h***d nilang katawan.
“Dating gawi?” si Errol. Inilayo niya ang katawan niya kay Clint.
“Anong dating gawi?” mabilis na binuksan ni Clint ang kanyang locker. Bago pa siya tuluyang bibigay ay kailangan na niyang umalis doon.
“Ikaw ang may atraso, ikaw ang magpapainom.”
“Atraso?”
“Tsk! Tsk!” umiiling-iling. “Ninakawan mo kaya ako ng halik, nakalimutan mo na?”
“Uyy taena ne’to!” tumingin si Clint sa paligid, “Baka mamaya may makarinig sa’yo.”
“Wala. Sasabihin ko ba ‘yon kung may ibang tao. Ano? Papainom ka?”
“Sure.” Gumuhit ang ngiti sa labi ni Clint.
“Huli ka! Gagamitin kita para magkaroon ng mas malalakas na konekiyson.” Bulong ni Errol sa sarili habang nakangiti siyang nakatitig kay Clint.
“Ingat ka lang sa kilos at binibitiwan mong salita Errol, malalaman ko din ang totoo kung sino ka ba talaga,” nakangiting bulong ni Clint sa sarili habang pinagmamasdan niya ang nakangiting si Errol.