IKALAWA: "Pangahas ka!"
"MABAIT siya at katulad ng iba'y lantaran siya kung magpahayag ng kanyang damdamin para sa akin kaya sinuklian ko lamang ang kabaitan niya, naging mabait din ako sa kanya sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng pag-asa. Niligawan niya ako at sinagot ko siya ngunit tulad ng iba'y hiniwalayan ko rin nang mapagod at magsawa ako. Napakabait ko pa nga kung tutuusin dahil hindi ko lamang siya pinansin, minsan ko ring binigyan ng pag-asa!"
"Sino na naman ang kaawa-awang lalaking ito? Sinong negosyante o anak ng politiko? Sinong mag-aaral mula sa akademya ng mga lalaki? O baka naman ngayo'y pumatol ka na rin sa mga lalaking mula sa kolehiyong akademya?"
Lahat ng aking mga nabanggit ay nagawa na nga'ng patulan ni Kiara. Kung sinu-sino basta nagpapakita ng kanilang mga interes at pagkagusto sa kanya. Hindi ko rin naman masisisi ang mga lalaking iyon dahil may mga damdamin din sila at kung ako rin siguro'y naging lalaki at pinakitaan ng pang-aakit ni Kiara, malamang ako rin ay madaling nahulog sa natural na karisma at gandang taglay nito.
Bukod sa karisma at ganda ay likas na rin talaga sa kanya ang pakikipagbolahan sa mga kalalakihan. Kung makipaglaro siya sa damdamin ng mga ito'y para bang naglalaro lamang siya sa kanyang abaniko, at natutuwa kapag nakakasakit o nakakapagpaiyak ng puso ng mga binatang minsan ay umasa sa kanya.
"'Yan naman ang bago kay Kiara, Monica! Pumatol nga sa kolehiyolo!" si Rosalle ulit sa pagiging likas na maprangka.
"Ano?!" nagulat ako. 'Yon nga ang bago! "Pumatol ka sa isang kolehiyolo?"
Binuksan ni Kiara ang kanyang abaniko at maawra pa ring nagpaypay ng sarili. "Anong masama kung sumubok ng bago 'diba?" Ngumisi pa siya. "Bueno. Nakilala ko siya minsan sa bayan at nagkapalagayan kami ng loob. Kasalukuyan siyang nasa ikalawang baitang sa kolehiyo sa kursong medisina."
"Kiara, kailan ka kaya magbabago? O kailan mo man lang kaya maiisipang tumigil diyan sa kalokohan mo sa mga kalalakihan 'ano?" si Rosalle kay Kiara.
"Siguro kapag nagsawa at napagod na talaga ako sa pakikipaglokohan at bolahan sa mga kalalakihan," lantarang sagot ng huli.
"Ah, Kiara, hindi ka man lamang ba nakukunsensya o naaawa sa mga lalaking napaglalaruan at nasasaktan mo?" ako na totoo ngunit sensitibo sa pagtatanong.
"Bakit naman ako makokonsensya o maaawa? Sila rin nama'y nakikipaglaro at nakikipagbolahan kaya parehas lamang kami!"
"Hay naku! Kapag ikaw, Kiara, nahulog diyan sa sarili mong mga laro at patibong sa mga lalaki, ewan ko na lang talaga!" ani Rosalle na napakamot pa sa ulo.
"Oo nga naman, Kiara," malimit na sang-ayon ko kay Rosalle. "Pa'no kapag isang araw hindi mo namamalayang yung isa pala sa mga pinaglalaruan mo'y ang lalaki na palang siyang nakatadhana para sa iyo? Pa'no kapag huli mo nang natantong mahal mo na pala siya pero nasaktan mo na? At ang pinakamalala pa'y pa'no kapag ikaw naman ang totoong nagmahal at ginawa rin sayo ang mga ginagawa mo ngayon, na ikaw naman ang sinaktan?"
Hindi naman sa hinihiling kong saktan din ng iba si Kiara para matanto niyang mali ang mga ginagawa niya ngunit naniniwala kasi ako sa posibilidad na kayang gawin ng karma, na kung ano yung mga ginagawa mo ngayon ay babalik sa iyo balang-araw.
"Ha!" bahagya siyang napaismid. "Ako masasaktan ang damdamin dahil lamang sa lalaki? Ha! Mag-isip ka nga, Monica! Ako na si Kiara ay hindi magmamahal at lalong hindi makakayang saktan ninuman! Saka anong sinasabi mong lalaking nakatadhana para mahalin natin habambuhay? Huwag mong sabihing naniniwala ka pa rin sa lalaking nakatadhana sa iyo na mamahalin ka at mamahalin mo rin magpakailanman?" natatawang aniya na animo'y biro ang lahat ng aking mga ipinahayag.
Tumango ako. "Oo naman, Kiara-"
"Hangal!" malupit niyang pagputol sa akin. "Walang nakatadhana para sa atin dahil wala tayong karapatang mamili ng kung sinuman ang nais nating pakasalan at makasama habambuhay dahil ang mga magulang natin, sa ayaw natin o sa gusto, sila ang pipili ng taong ipagkakasundo at ipakakasal sa atin at wala tayong magagawa kundi ang sumunod dahil kahit maghinaing ay bawal!"
Hindi ako nakasagot, napabuntong na lamang ako. Tama ang lahat ng mga sinabi ni Kiara at alam ko naman iyon bilang tradisyon at nakasanayan ng mga pamilyang nagmula sa maharlikang estado. Ang mga magulang namin ang pipili ng taong pakakasalan namin at wala kaming magagawa kundi ang sumunod, wala kaming karapatang magreklamo.
"Kaya nga ngayon pa lamang na makakapaglaro ako ay ginagawa ko na dahil alam kong sa pagdating ng araw na ipagkasundo na ako ng aking mga magulang ay hindi ko na magagawa ang mga pagsasaya tulad nito!" patuloy ni Kiara.
Hindi ko naman siya masisisi kung ganyan talaga ang kanyang paniniwala dahil may punto rin naman siya kahit paano. Siguro'y may iba't ibang pananaw lamang talaga ang mga tao at ako'y salungat ang paniniwala ko sa paniniwala niya dahil naniniwala pa rin akong bawat tao'y ipinanganak nang may nakatadhanang mamahalin habambuhay.
Naniniwala akong kung sinuman ang ipagkakasundo sa akin ng aking mga magulang upang pakasalan ko'y siya na ring nakatadhana para sa akin, o kung hindi naman, kapag nakilala ko siya sa ibang pagkakataon ay naniniwala akong maiintindihan ako nina mama at papa at mas uunahin nila ang damdamin ko lalo na ang kaligayahan ko kaysa sa anumang tradisyon ng mga pamilyang nagmula sa angkan ng pinakamataas na antas.
"Alam n'yo masyado nang nagiging malalim ang pag-uusap na ito at nangangamba akong baka mauwi pa ito sa pagtatalo, basta ako sa ngayon, habang wala pang nababanggit sa akin ang aking mga magulang ay igugugol ko muna ang aking oras at panahon sa pag-aaral kaya hali na kayong dalawa at magsipag-aral muna tayo ng maigi!" pag-iiba ni Rosalle para pagaanin na ulit ang atmospera.
Ngumiti ako at tumango. "Yan naman ang marapat at sang-ayon ako diyan."
"Kung gayon, ano pang hinihintay ninyo? Tara na!" magaan na ring sinabi ni Kiara at ngumiti na rin ulit.
Natapos ang buong klase at ako'y nagsusulat pa rin ng tula sa aking upuan. Sa totoo lamang ay takdang aralin namin ito na gagawin dapat sa bahay at bukas pa ipapasa ngunit naumpisahan ko na kasi kanina dahil wala naman akong ginagawa saka sayang ang ideya baka mawala pa sa aking isip kapag hindi ko pa sinulat kaagad.
"Monica, tayo na," pagyayaya nina Rosalle at Kiara para umuwi na.
Nag-angat ako ng tingin sa kanilang dalawa upang ngitian sila. "Mauna na kayo't tatapusin ko na muna ito."
"Monica naman! Bukas pa naman 'yan ipapasa kaya sa bahay ninyo na lamang tapusin 'yan!" si Kiara.
"Hindi na, Kiara, kasi naumpisahan ko na. Sayang naman ang ideya baka mawala pa sa isip ko kapag ipinagpaliban ko at hindi isinulat kaagad," marahang paliwanag ko.
"Hay naku! Ikaw na talaga ang masipag at pinakadakilang mag-aaral, Monica!" tatawa-tawang biro naman ni Rosalle.
Maliit na ngumiti ako sa huli. "Hindi naman, Rosalle."
"Bueno. Ikaw ang bahala, Monica, at mauuna na kami sayo ni Rosalle."
Tumango ako kay Kiara. "Sige, Kiara. Mag-iingat kayo."
"Parang hindi pa tayo nasanay, Kiara! Magmula nang makilala natin itong si Monica, palagi nang nagpapaiwan ito dito sa silid-aralan upang tapusin ang mga takdang-aralin na nakatakdang ipasa kinabukasan," opinyon ni Rosalle at magiliw na nakangiti sa akin, pinahihiwatig na kilalang-kilala at kabisado na ang mga gawi ko.
"Oo nga't alam ko din iyon!" nakangiti na ring sang-ayon ni Kiara. "Nga pala, Monica, bago ko makalimutan, ikaw na lamang pala ang hindi ko nabibigyan nitong pulseras."
Lumapit siya sa akin at inilagay ang magarang kulay rosas na pulseras na gawang marmol sa aking palapulsuhan.
"Ang ganda naman nito, Kiara!" tuwang-tuwa at namamangha kong naibulalas nang masyadong bumagay sa aking kamay ang pulseras.
"Mero'n din ako niyan!" masayang itinaas ni Rosalle ang kamay upang ipakita rin sa akin ang pulseras na kagaya ng nasa kamay ko.
"Sinadya kong magpagawa ng tatlong pulseras na magkakatulad para lamang sa ating tatlo tanda ng ating pagkakaibigan! Siyempre, mero'n din ako!" ani Kiara at magiliw ding ipinakita ang pulseras na suot.
"Ang ganda talaga! Maraming salamat dito, Kiara!" sabi ko.
"Walang anuman. Nagustuhan mo ba, Monica?"
"Oo naman! Sobrang nagustuhan ko, Kiara!"
"Syea. Tapusin mo na muna iyang isinusulat mo dahil mauuna na kami ni Rosalle sa iyo. Paalam, Monica."
"Paalam, Kiara at Rosalle! Maraming salamat ulit sa pulseras!"
Nakalayo na ang dalawang mga kaibigan ko nang magiliw akong nagpatuloy sa aking sinusulat. Ilang minuto pa bago ako natapos.
Nililigpit ko na ang aking papel at pluma para sa paghahandang umalis nang biglang... malakas na nagsarado ang pinto ng silid-aralan! Agaran akong napalingon doon at halos lumabas ang puso ko sa kaba nang makita ang isang lalaki na nakapasok dito sa akademya naming mga babae!
"Pangahas ka! Sino ka at anong ginagawa mo dito sa akademya ng mga babae?!" kaagad kong sigaw rito.