UNA: “Nagustuhan.”
Ika-5 ng Hunyo, taong 1955
(MONICA)
"SEÑORITA!"
Humahagikhik ako habang tumatakbo sa enggrandeng hagdanan ng aming mansyon at hawak-hawak ko ang laylayan ng suot kong kulay gintong saya.
"Señorita, sandali lamang po!"
Hindi ko pinapansin si Nana Selo na aking personal na tagapagsilbi at patuloy lamang ako sa magiliw na pagtakbo.
Nasa huling limang baitang na ako ng hagdan nang mamataan ko ang aking ama, nakatingala ito sa akin at magiliw ang kanyang ngiti na tila ba sinadya talaga akong hintayin.
"Papa!" natutuwang naibulalas ko.
"Magandang umaga, aking prinsesa!" malambing niyang bati at nagpalapad ng kanyang mga braso para hintayin ang pagyakap ko.
"Magandang umaga ho, señor Gonzalo," magalang na bati ni Nana Selo sa aking ama saka yumuko. Tumigil na siya sa paghahabol sa akin at nanatili sa kanyang kinatatayuan.
Tinanguhan ito ng papa.
"Papa!" tatawa-tawa kong sinabi bago nasasabik na pinutol ang distansya namin at sinalubong siya ng yakap. "Papa!"
"Kumusta ang iyong tulog? Nasasabik ka na bang bumalik ulit sa eskwela?"
"Hindi halos ako makatulog sa sobrang kasabikang bumalik sa eskwela at muling makita ang aking mga kaibigang sina Rosalle at Kiara."
Marahang natawa siya. "Natutuwa akong marinig na nasasabik kang muling bumalik sa eskwela ngayong pasukan kaya lamang ay nag-aalala akong wala kang tulog halos, baka ika'y mahimatay niyan?" biro pa niya.
Parang bata akong ngumuso. "Papa naman!"
Tumawa ulit siya. "Nagbibiro lamang ang iyong papa, Monica!"
Marahang tumawa din ako. "Alam ko po!"
"Ngayong ikatlong baitang mo na sa sekondarya, tanggapin mo itong munting regalo ko sa iyo bago ka pumasok ngayong unang araw sa akademya," aniya at inabot sa akin ang isang maliit ngunit enggrandeng kahon bilang kanyang regalo.
Isa pa ito sa kinasasabikan ko tuwing unang araw ng eskwela pagkatapos ng dalawang buwan na bakasyon sa Abril at Mayo, alam ko kasing nakaugalian na niyang bigyan ako ng regalo kada taon. Regalo na simbolo ng paghahangad niya ng kabutihan sa aking pag-aaral sa buong taon ng aking klase.
"Hangad ko ang kabutihan mo sa buong taon ng iyong klase ngayong pasukan, anak ko."
Marahan at nagpapasalamat akong tumango. "Alam ko po at salamat, papa. Hayaan ninyo at hindi ko po kayo bibiguin, kayo ng mama."
"Aba'y dapat lamang, Monica!" si mama na kabababa lamang din ng hagdan.
"Mama!" Yumakap ako rito at humalik sa pisngi.
"Magandang umaga ho, señora Chiquita," binati rin ito at niyukuan ng Nana Selo para magbigay galang.
Tiningnan ng mama ang aking may edad na alalay saka tinanguhan.
"Huwag kang mag-alala, kahit kailan ay hindi ko pa naman naaalalang binigo tayo ng unica hija natin, aking Chiquita," nakangiti at malambing na ani papa kay mama.
Totoo naman ang sinabi ng papa. Nangunguna ako sa eskwela bilang may pinakamataas na grado at marka sa aking mga aralin at akademika. Hindi naman ako pinipilit na gawin ito lalo na ng papa, si mama lamang ay oo pero kahit na ganoon ay natural na sa akin ang mag-aral ng maigi at makakuha ng matataas na grado. Kahit hindi ko pa sadyain ay likas nang masipag ako sa pag-aaral at talaga namang ikinatutuwa ko ang bawat bagay na natututunan ko sa mga klase.
"Syea, alam ko din naman iyon," marahan nang sagot ng mama saka nginitian na rin ako. "Bakit hindi mo pa buksan ang regalo sa iyo ng iyong papa?" aniya at tiningnan ang hawak kong kahon.
Tiningnan ko rin ito at binuksan na nga. Nanlalaki ang mga aking mata sa surpresa nang makitang napakagandang palamuti ito. Isang gintong kwintas!
Kinuha ko ito sa kahon at manghang-manghang binalingan ang ama. "Napakaganda naman po nito, papa!"
Tumango siya't ngumiti. "Nagustuhan mo ba, hija?"
"Sobra po kaya lamang ay baka napakamahal ng bili ninyo nito, gumastos pa talaga kayo ng malaki."
"Ano ka ba naman, Monica! Huwag mo na nga'ng intindihin ang ginastos, marami pa tayong pera kaya wala kang dapat na ipag-alala, ang importante'y napasaya ka ng papa mo sa regalo niya sa iyo!" kaagad namang salag ng mama sa akin.
Pilit akong ngumiti. "Ah eh kasi, mama-"
"Tama naman ang iyong mama, hija. Ang importante ay masaya ka. Hindi ka ba masaya sa natanggap mo?" si papa.
Agaran akong umiling sa huli. "Hindi po sa ganoon. Masaya po ako, papa. Maraming salamat po!"
"Walang anuman, basta para sa aming unica hija!"
"Tama ang papa mo. Akin na't isusuot ko sayo, hija," si mama na magiliw na kinuha ang kwintas sa akin at ibinigay ko rin.
Pumuwesto siya sa aking likuran at maingat na sinakop ang buhok ko para maisuot sa akin ang kwintas pagkatapos ay hinayaan ulit ang buhok ko. Bumalik siya sa harap ko para tingnan ang kwintas na ngayon ay suot-suot ko na.
"Ang ganda nga at bagay na bagay sa iyo, hija!" natutuwa pa niyang komento.
"Talaga po, mama?"
Tumango siya't binalingan ang papa. "Diba, Gonzalo?"
"Siyempre naman!" natutuwa ring sagot ng aking ama.
Tiningnan ko ang suot na kwintas at hindi ko maiwasang mamangha din at matuwa. Ang ganda nga!
"Maraming salamat po ulit, papa. Mama."
"Kahit ano para sa aming unica hija!"
Matapos ng sandaling iyon sa aking mga magulang, hinatid na ako ng aming tauhan sa eskwelahan gamit ng isang behikulong awto at kasama ko pa rin si Nana Selo. Nang makarating sa pintuang-bayan ng paaralan ay tumigil ang sasakyan at saka ako bumaba na.
"Pa'no ba 'yan, Nana Selo? Alam n'yo na po kung anong oras akong susunduin matapos ng klase, hindi ba?" magiliw kong paalam sa aking tagapagsilbi na halos tumayo na ring pangalawang ina ko sa buhay.
"Oo, señorita Monica."
"Hihintayin ko na lamang po ulit kayo rito sa pintuang-bayan, Nana."
Tumango siya. "Sige po, señorita."
Tumalikod na ako at magiliw na ngumiti saka nasasabik na pumasok sa loob ng eskwelahan. Nang makarating sa silid-aralan ng pangatlong baitang ay nakita ko na kaagad sina Rosalle at Kiara.
"Rosalle! Kiara!" tuwang-tuwa na tinawag ko sila at kumaway ako.
"Monica!" tuwang-tuwa din silang nagkorus nang sa wakas ay namataan ako.
Lumapit ako sa kanila at ganoon din sila sa akin.
"Matagal-tagal din ang dalawang buwang hindi natin pagkikita-kita. Kumusta na kayong dalawa, ha Rosalle at Kiara?"
"Maayos naman, Monica," si Rosalle ang naunang sumagot. "Ikaw, kumusta ka na at kumusta rin ang bakasyon mo?"
"Sobrang maayos, Rosalle!" tipid ngunit masigla kong pahayag.
"Ako? Hindi n'yo man lamang ba ako tatanungin kung kumusta rin ang aking naging bakasyon ngayong taon?" si Kiara habang maawrang nakangisi.
"Kanina ko pa nga tinatanong, Kiara!" tumatawa kong sabi rito.
"Hay naku! Ako, hindi ko na tatanungin dahil kalat na ang balita at naikuwento mo na rin sa akin kanina na may bagong napaglaruan ka na naman noong bakasyon kaya ano pa bang bago 'diba!" marahan ngunit prangka namang sinabi ni Rosalle sa kaibigan.
"May napaglaruan ka na naman? Siguradong napaiyak mo na naman ang kaawa-awang lalaki na iyong nabiktima!" salita ko na nakangiti ngunit naroon ang simpatya para sa lalaking napaiyak na naman ng malupit kong kaibigan.
"Siyempre! Parang hindi ka pa nasanay dito sa kaibigan nating ito, Monica!"
-----
Ang mga pangalan, tauhan, negosyo, lugar, kaganapan at insidente ay alinman sa mga produkto ng imahinasyon ng may akda o ginamit sa isang kathang-isip na pamamaraan. Ang anumang pagkakahawig sa aktwal na mga tao, buhay o patay, o tunay na mga kaganapan ay pulos nagkataon.
Walang bahagi ng aklat na ito ang maaaring kopyahin, ipamahagi, o mailipat sa anumang anyo o sa anumang paraan nang walang paunang pahintulot ng may-akda.