KABANATA 3

1186 Words
IKATLO: “Maling akala.” IMBES na matinag ay ngumiti pa siya at kitang-kita ko kung paano niyang isinara ang seradura ng silid-aralan na tila ba'y kinukulong ako dito sa loob kasama siya! Hindi na magkamayaw ang puso ko sa labis na takot at kaba! Sino ba siya at paano siyang nakapasok dito sa akademya ng mga babae! Bakit niya sinarado ang pinto at anong gagawin niya sa akin?! "Nandito ako para ipaghiganti ang isa na naman sa mga kaklase kong napaluha mo... Sabihin na lang nating tuturuan ko ng leksyon ang isang kagaya mong walang ibang ginawa kundi samantalahin ang kahinaan naming mga lalaki..." aniya habang unti-unting lumalapit sa akin. "Ano?!" tanging naibulalas ko at napailing-iling na lang. Ano bang sinasabi niya't hindi ko siya maintindihan! "Ngayon ay nagmamaang-maangan ka, señorita!" Tumawa siya ng marahan ngunit naroon ang sarkasmo sa tono. "Ano bang sinasabi mo at hindi kita maintindihan!" Totoo naman talagang hindi ko maintindihan ang pinagsasasabi niya! Anong pinaglaruan ko ang kaklase niya! Anong sinasamantala ko ang kahinaan ng mga lalaki para saktan ang mga ito?! Ano?! Hindi ko maintindihan dahil wala naman akong naaalalang ginawa ko ang mga paratang niya! 'Ni hindi ko nga siya kilala! Nakalapit siya sa akin at wala pa rin siyang humpay sa pag-abante kaya wala sa sariling napaatras ako. Pakiramdam ko'y pinanghihinaan ako ng mga tuhod habang malakas ang pintig ng dibdib sa kaba at sa iba pang pakiramdam na hindi ko mapangalanan! "Totoo nga talaga ang sinasabi nilang napakaganda mo kaya lahat halos sila ay nababaliw sa kagaya mo..." mahina at halos pabulong niyang pahayag. Sa lapit niya sa akin ay nalanghap ko ang mabango niyang hininga. Ngayong sobrang lapit niya sa akin ay mas nabigyang diin ang kakaibang karismang mayroon siya. Aaminin kong napakaganda at napakatikas niyang lalaki. Ngayon lamang ako nakakita ng lalaking kasing-gwapo niya't napakalakas ng dating. "Ngunit ibahin mo ako, señorita, dahil ako, hinding-hindi mo ako malilinlang at maloloko gamit ng ganda mong 'yan," patuloy pa niya. Napalunok ako at hindi na namalayang napabalik-upo ako ng wala sa oras sa aking upuan. Siya nama'y kaagad na ipinatong ang mga kamay sa aking mesa, parang kinukulong ako sa pagkakaupo ko tapos inilapit pang maigi ang mukha sa akin. Tinitigan kong maigi ang kanyang mukha, wala akong makitang maipipintas sa kanya sa tantiya ko'y nasa beinte anyos niyang edad. Naghahalo ang pantay na kaputian at kulay kayumanggi sa kanyang makinis na balat kaya masasabi kong moreno siya. Marahil may kaunting dugong banyaga siya dahil sa matangos na ilong pero mas malakas ang kanyang pagiging Pilipino dahil sa morenong kulay. Perpekto din sa kanya ang munting biloy niya sa mukha na nadedepina lalo kapag siya'y nakangiti, ang matangos niyang ilong ay mas lalong nagpapadagdag ng kanyang dating pati na ang natural niyang mahahabang pilik-mata. Kahit ang suot na kulay-kayumangging amerikana ay bumagay sa tindig niya't taglay na kakisigan. Hindi ko maintindihan ang abnormal na pagwawala ng aking puso sa pinaghalong kaba at sa lapit niya ngayon sa akin, ng kanyang mukha sa mukha ko... Siguro kung nakita at nasilayan ko lamang siya sa ibang pagkakataon, siguradong makukuha din agad niya ang pansin ko. "Bakit ngayo'y nagmamaang-maangan ka? Bakit ka umaaktong inosente at walang alam? Ipakita mo sa akin ang taglay mong galing sa pang-aakit at pambobola kagaya ng pinaggagagawa mo sa lahat ng mga lalaking pinaasa at sinaktan mo..." Ngayon ay nanghahamon siya. Nagsisimula na akong mainis. Kung anu-anong ipinaparatang niya sa akin na hindi ko naman ginawa at kahit kailan ay hindi ko rin yata makakayang gawin! "O baka naman isa iyan sa iyong mga taktika sa pang-aakit? Ang magmaang-maangan at magkunwaring inosente?" Ngumisi siya na lalo lamang nakapagbigay diin sa kanyang taglay na kagwapuhan. Tumuwid siya't umayos sa pagkakatayo. "Kung gayo'y napakagaling mo nga talagang umakto para maakit kaming mahihinang mga lalaki... Dahil aaminin kong kahit ako'y parang nadadala rin sa pagpapanggap mo, ha señorita Kiara!" Mapaglaro siyang ngumiti at bahagyang tinagilid ang ulo. Nagulat ako sa pangalang kanyang binanggit. Ang akala ba ng lalaking ito ay ako si Kiara?! Ngayon ay mas naiintindihan at napagtatagpi-tagpi ko na ang mga nangyayari... Tinalikuran niya ako't naglalakad-lakad siya pabalik-balik sa aking harapan na animo'y siya ang aking guro! "Napakagaling mo, señorita! Ngayo'y bilib na ako sa kakaibang abilidad at talento mo sa pang-aakit sa aming mga lalaki!" patuloy pa rin niya sa pang-iinsulto at pangmamaliit sa akin, o sa kaibigan kong si Kiara na inaakala niyang ako. Nag-iinit na ang ulo ko sa mga insulto at paratang niya't dinagdagan pa nang hindi nakaligtas sa paningin ko ang marka ng halik ng babae sa kanyang batok. Aba't kung makapagsalita'y akala mo kung sinong santo pero bastos din naman pala! Naikuyom ko ang mga kamao ko nang wala sa oras. Ang kaninang takot at kabang nararamdaman ko ay napalitan na ngayon ng labis na pagkainis sa kanya. "Bakit hindi mo ako subukan? Alam mo bang masarap din akong magmahal..." aniya habang ngiting-ngiti at tumalikod ulit sa akin. "Lalo pa't mga magagandang señorita at mga dilag na rin ang mga kusang lumalapit sa akin..." Hindi lang pala bastos, antipatiko rin, at makapal ang mukha! Punong-puno sa kanyang sarili! "Bakit? Sino ka ba sa inaakala mo?" sa wakas ay nagsalita rin ako, gamit ang mahinahon ngunit matalim na tinig. Awtomatiko siyang napatingin muli sa akin. Nag-angat ako ng tingin sa kanya at matapang na sinalubong ang kanyang mga mata. Kitang-kita ko naman ang gulat sa kanyang reaksyon sa pag-iibang tono ko na naging mas palaban na. Ang buong akala niya siguro'y tatahimik na lamang akong parang kuting at tatanggapin na lamang ang mga pang-iinsulto niya! "Sino ka para pangaralan ako sa dapat at hindi ko dapat na gawin? Bakit ikaw, ano bang tingin mo sa iyong sarili, ha ginoo? Katataas-taasan at kagalang-galang na lalaki?" tanong ko sa nakangiti ngunit mapagmataas na tono. Hindi siya nakasagot. "Sino ka sa inaakala mo para pagsabihan ako at insultuhin sa mga kapintasan ko sa pakikipagbolahan sa mga lalaki gayong ikaw itong malakas ang loob na pinasok ng walang pahintulot ang akademya ng mga babae na alam mong labis at mahigpit na ipinagbabawal!" Ngayo'y gusto niyang magsalita ngunit mukhang hindi makaapuhap ng sasabihin kaya nilubos ko na ang pagkakataon at hindi siya hinayaan. "Isa pa, ginoo, hapon pa lamang at mataas pa ang sikat ng araw ngunit 'yang marka ng halik ng labi ng babae diyan sa batok mo'y nagmamalaki na!" "Teka, anong..." Napahawak siya sa kanyang batok at natantong tama ako. Kita mo na? Hindi lang antipatiko, bastos, babaero din ang loko! Ngayo'y nayuyuko siya sa hiya at halos wala nang mukhang maiharap sa akin. "Sino ka para pangaralan at pagsabihan ako? Bakit? Isa ka ba sa mga nabiktima ko, ha ginoo?" "Hindi pero-" "'Yon naman pala! Hindi naman pala! Kung ang pinangangamba mo'y baka isali rin kita sa mahabang listahan ko'y huwag kang mag-alala..." Ngumiti ako ng pagkatamis-tamis tapos ay lumapit sa kanya. Para siyang inurungan ng dila sa aking ginawa. "Wala sa plano ko ang idagdag ka sa listahan ko dahil hindi papasa ang katulad mo sa akin." Sumeryoso ulit ako at nagtaas ng kilay saka nagtaray. "Hinding-hindi ako papatol sa katulad mong antipatiko, ubod ng bastos, babaero at punong-puno sa iyong sarili!" 'Yon lamang at inis na inis akong nagmartsa paalis at palabas ng silid-aralan. "Señorita, teka-" Malakas ko pang binagsak pasarado ang pinto ng silid-aralan na iyon! Ang lakas ng loob niya't ang kapal ng mukha niya! Bastos at antipatikong lalaki!  

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD