KARARATING lang namin ni Azenzo rito sa tapat ng mansion. Siya na lang ang nagpresenta na maghatid sa akin dahil wala naman daw akong kasamang uuwi. Kahit papa'no ay nag-aalala rin daw ito sa kalagayan ko.
Ang sweet pero nakakainis.
"Pagbuksan mo na 'ko ng pinto," walang ganang sambit ko nang makahinto iyong kotse niya. Sinulyapan ko siya ng walang emosyon.
"Ikaw na nga 'tong inihatid, ikaw pa 'tong mag-uutos sa akin na pagbuksan ka ng pinto,"
Pinagtaasan ko siya ng kilay. "Nag-iinarte ka ba?"
Sinamaan niya ako ng tingin bago ito makababa ng kotse. Pasimple akong natawa dahil sa inasta kong iyon. Hindi ko ba alam kung bakit natutuwa ako sa tuwing naaasar ito. Wala lang, gusto ko lang siguro siyang pag-trip-an. Maliban sa slow ito, ay maiinisin din ito.
Bumaba na ako nang pagbuksan ako nito ng pinto. Hindi kami tumigil sa mismong front gate ng mansion dahil alam kong mapapansin kami ng mga guwardya roon.
"Aalis na 'ko, bahala ka na riyan..."
"Hoy! Teka lang... Wala ka bang balak samahan ako rito?" nakangusong tugon ko.
"Ang usapan, ihahatid lang kita... kung mapapagalitan ka, problema mo na 'yon!" Nginisian niya ako at sumakay na sa kotse niya. Agad nitong ibinarurot ang sasakyan hanggang sa makaalis ito.
Napakamot ako ng ulo ko. Ano naman ang gagawin ko rito sa labas? Baka mamaya... mahuli na naman ako ng lolo ko. Mahirap na, masesermunan ako nang wala sa oras.
Inilabas ko 'yong cellphone ko at itinext si Chicha na narito na ako sa labas ng mansion. Hindi lang ako makalakad sa tapat ng gate dahil mapapansin ako ng mga guwardya.
"Psst! Hoy! Dalian mo!"
Napalingon ako sa nagsalita. Si Chicha iyon. Agad akong tumakbo papasok ng gate nang buksan niya iyon. Sabay kaming tumakbo hanggang sa makarating kami sa gilid ng mansion. May pinto na malapit doon papasok sa loob.
"Pa'no mo naman nalito 'yong mga guwardya sa labas?" mahinang tanong ko kay Chicha habang pumupuslit patungo sa hagdan.
Medyo malalim na rin ang gabi kaya wala ng gaanong tao rito sa ibaba.
Naramdaman ko ang paghatak nito sa buhok ko.
"Aww!"
"King saan-saan ka na naman nagpupupunta! Ano ka ba naman?! Buti na lang hindi ka nila hinanap kanina..." panenermon nito na ikina-buntong-hininga ko.
Habang dahan-dahang pumupuslit dito sa sala ay hindi ko sinasadyang matamaan 'yong isang lata ng soft drinks na nakapatong malapit sa vase. Nagdulot iyon ng ingay sa buong sala.
Nanlaki ang mga mata ko.
"Sino 'yan?!"
Nagkatinginan kami ni Chicha nang marinig namin ang boses ni lolo. Ramdam kong papalapit ito sa amin. Buti na lang ay may nakita akong pader malapit sa kinatatayuan ko kaya agad akong tumakbo ro'n at nagtago. Hinayaan ko na lamang si Chicha na humarap kay lolo, tutal magaling naman itong magpalusot.
"What was that noise? Alam kong may narinig akong ingay mula rito..."
Umiling si Chicha at saka nito pinulot 'yong lata ng soft drinks sa sahig. "Wa-Wala po, President. Hindi ko po kasi sinasadyang matamaan 'tong lata..." Iniangat pa nito 'yong lata na animoy ipinapakita kay lolo. "Kaya 'yon... nahulog po."
"Be careful next time. Baka sa susunod, mga vase ko na ang matamaan mo, okay?"
Awtomatiko itong tumango. "Ye-Yes po, President."
"Sige,"
Tumango si lolo at saka ito tumalikod. Naglakad na ito kaya nakakuha ako ng tiyempong makalapit kay Chicha. Makakalapit na sana ako sa kanya nang biglang humarap ulit si lolo, kaya muli akong nagtago.
Umay!
(─.─||)
"Teka lang... bakit gising ka pa?" tanong ni lolo.
"Ahh... ka-kasi po... Hindi po ako makatulog. Kaya nagpahangin lang po ako sandali sa labas. Baka po kasi, dalawin na 'ko ng antok..." Nagpeke pa ito ng tawa sabay kamot ng batok.
Tumangong muli si lolo. "I see. Umakyat ka na, ipahinga mo na 'yan..."
"Yes po, President. Salamat po..."
"Sige..."
Tuluyan na ngang umakyat ng kuwarto si lolo. At nang mawala na ito sa paningin ko ay saka na 'ko lumabas mula sa pinagtataguan kong pader. Nakahinga na rin ako sa wakas ngunit agad din akong kinurot ni Chicha sa braso.
"A-Awwww! Chi-Chicha!" mahinang daing ko.
"Ikaw talaga... binibigyan mo na naman ako ng problema! Kung hindi ako nakalusot kanina, malamang nasita ka na!"
"Aray! Ang sakit!" Hinipan ko iyong braso kong kinurot ni Chicha. Hinaplos-haplos ko iyon sa sobrang sakit.
"Dapat lang sa iyo 'yan... Dalian mo na, kargo pa kita kapag nahuli ka..." Sinamaan ako nito ng tingin at saka naunang nagmartsa paakyat ng kuwarto.
Minsan talaga, kapag gusto nating makalusot, kailangan talaga natin ng isang taong tutulong sa atin. Pero ang kapalit niyon ay sakit galing sa taong tumulong sa atin.
Umay talaga!
Okay na rin 'yon. Pasalamat nga ako at nailigtas niya na naman ako mula kay lolo. Okay na 'yong si Chicha lang ang nanenermon sa akin, h'wag lang si lolo.
Kasi ibang usapan na 'yon.
Katatapos ko lang maligo kaya lumabas na 'ko ng banyo. Sa isang kuwarto ay kasama ko si Chicha. Ako sa kama, at siya naman sa sahig. Hindi naman totally sa sahig siya natutulog, meron namang kama na hinihila rito sa ilalim ng kama ko kaya iyon ang hinihigaan niya.
"Sa'n ka na naman ba galing kanina? Hindi na kita nahagilap nang makalabas ka ng office ni Mr. Carlos."
Umupo ako sa harap ng salamin habang pinupunasan iyong basa kong buhok.
"May nakilala ako kanina. Azenzo ang pangalan niya,"
"Oh! Si Azenzo 'yon, ah. Siya 'yong bagong taga-timpla at taga-hatid ng kape sa mga empleyado. Ano namang mayroon sa kanya, ha? At paano naman kayo nagkakilala, aber?"
Sinulyapan ko siya at nginitian. "Cute siya..."
Pinagtaasan niya 'ko ng kilay. "Ahysus! Crush mo ba?"
Umiling ako at bumalik sa salamin iyong atensyon ko. "Hindi, 'no. Pero cute siya. Muntikan na niya kasi akong matapunan ng kape kanina. Saka nalaman ko rin kasing... Pilipino siya kaya 'yon... kinausap ko,"
"Kinausap mo?" Natawa ito ng nakakaloko. "Kailan ka pa nagkaro'n ng interes na lumandi, ha, Ziana?"
Inirapan ko ito ng tingin. "Kapag ba kinausap lang... landi na agad?!" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Gano'n na rin 'yon!"
Nilingon ko siya. "Malaki pinagkaiba niyon." Ibinalik kong muli ang tingin sa salamin. Kinuha ko 'yong brush ko at nagsimulang magsuklay. Bumuntong-hininga ako. "Cha... may tanong ako,"
"Hhmm..."
"Kapag ba, walang bakante sa kumpanya at may mga bagong empleyado... ipinalilipat ba sila sa Pilipinas?"
Napansin kong napahinto sa pagtupi ng mga damit si Chicha at tumingin sa akin. Kitang-kita ko kung paano ito huminto sa repleksyon ng salamin.
"Ano bang sinasabi mo?"
"Kasi, Cha... si Azenzo, hindi raw siya riyan nakadestino, eh. Ililipat daw siya sa Pilipinas. Kaya kapag na-approve na 'yong kontrata niyang 'yon, makakauwi na siya."
"Oo gano'n na nga. Pero bakit mo naman nasasabi sa akin 'yan? Ano bang paki mo kay Azenzo? Kung wala kang gusto sa tao, bakit siya ang pinag-uusapan natin ngayon?" sunod-sunod na aniya. "Umamin ka nga sa akin. Straight me to the point! May ibinabalak ka na naman ba?"
Ako naman ang napahinto sa pagsusuklay ko. Dahil tapos na rin naman ako ay tumayo na 'ko sa kinauupuan ko at naupo sa kama. Kinuha ko 'yong unan at humarap kay Chicha.
"Cha... naka-usap ko na kasi si Azenzo tungkol dito."
"Ano?!" nagtatakang tanong niya.
"Itatakas niya 'ko."
"Ha?!"
"Shhh! Ano ba, Chicha? Ang ingay mo!" pabulong kong tugon sa kanya.
"Te-Teka... a-ano? Itatakas ka ni Azenzo? Yo-You mean... magkasama kayong uuwi ng Pilipinas, gano'n ba?"
Tumangu-tango ako. "Parang... gano'n na nga. Naisip ko kasi na kailangan ko ring magpahinga dahil sa nangyayari dito sa mansion. At saka, miss na miss ko na si mommy. Akalain mo 'yon... dalawang taon?" Umayos ako ng upo at niyakap iyong unan. "Minsan napapaisip ako kung bakit hindi namin siya kasama ngayon," nakangusong dugtong ko.
"Bakit sa akin mo sinasabi ang mga 'yan?"
Sinamaan ko ito ng tingin dahil sa tingin ko ay hindi niya nakukuha ang gusto kong sabihin sa kanya. Kung hindi ko papatulan iyong desisyon namin ni Azenzo, habang buhay na 'kong maghihirap dito. At saka, para na rin makaiwas sa mag-inang umaapi sa akin dito.
"Naririnig mo ba 'yang mga sinasabi mo? Malamang sa iyo ko lang sasabihin 'to. Sa tingin mo papayag silang umuwi ako ng Pilipinas? Kaya nga tatakas 'di ba? Para walang maka-alam..."
Tumayo ito at kinuha iyong mga damit na natapos niyang naitupi. Nagtungo ito sa cabinet at iniayos ang mga iyon doon.
"Hindi mo man lang ba 'ko naisip na baka maipit ako sa gagawin niyong 'yan ni Azenzo?" mahinang aniya habang nakatalikod sa gawi ko.
Natahimik ako sa sinabi niyang iyon. Hindi na lang ako umimik pa.
Tama siya, ni hindi ko man lang naisip kung madadamay siya sa gagawin kong pagtakas o hindi. Alam kong siya ang maiipit sa sitwasyong iyon kung nagkataon. Si Chicha ang may hawak sa akin, kaya dapat lang na alam niya kung ano ang mga ginagawa ko. Kapagkuwan ay kargo niya rin ako.
Nagdadalawang isip tuloy ako kung itutuloy ko pa iyong binabalak ko. Ayoko namang makasama ako sa kanya. Sobrang dami ko nang nagawang mali, pero nariyan pa rin si Chicha para pagtakpan ang mga iyon. Kaya dapat ay huwag kong abusuhin ang mga mabubuti niyang ginagawa para sa akin.
Kapapasok ko lang galing kusina dahil kumuha ako ng isang basong gatas. Hindi ko na ginising si Chicha dahil mahimbing na ang tulog nito. Nakapatay na rin ang mga ilaw. Tanging ang liwanag mula sa labas ang nagsisilbing ilaw ko. Naupo ako sa sofa at inilapag sa mesa iyong baso ng gatas. Kinuha ko 'yong laptop ko at binuksan iyon.
Madalang akong nagbubukas ng mga social media ko, depende na lang din kung wala akong masyadong ginagawa. Habang nag-i-scroll sa f*******: ay iniinom ko iyong gatas na tinimpla ko kanina.
Wala sa sarili akong napangiti nang makita ko iyong ilan sa mga picture nina Jervice at Tads. Iba ang saya sa kanilang mga labi. 'Yon bang mahal na mahal talaga nila ang isa't isa. I'm happy for them. Lalo na sa kaibigan kong si Tads, alam ko namang kahit anong pagbabangayan nila ni Vice, sila at sila pa rin talaga ang magkakatuluyan.
Ang suwerte kaya ni Taddiah dahil nagbago itong si Vice para sa kanya.
Sa kalagitnaan ng pag-i-scroll ko ay nahinto ako sa pag-inom ng gatas. Dahan-dahan kong ibinaba 'yong baso mula sa tapat ng bibig ko. Nahinto ako sa isang picture na nakita ko.
Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko sa mga ora na 'to.
Picture iyon ni Yuji. Naka-upo ito sa sofa ng office niya habang mahimbing na natutulog ang kanyang anak na si Leo sa gilid niya. Hindi ito nakatingin sa camera kaya sa tingin ko ay si Chary ang kumuha ng litratong iyon.
Pilit akong napangiti.
Siguro sobrang saya nila ngayon. Akalain mo iyon, may pamilya na 'yong dati kong...
Mundo...
:)
Hindi ko namamalayan ang pagtulo ng mga luha ko. Agad kong isinara iyong laptop ko at sumandal sa kinauupuan ko. Mabilis kong pinunasan iyong pisngi ko.
It's been 2 years... but still I can't get you off my mind...
CARLOS's POV
(Ziana's Father)
INAAYOS ko 'yong kuwelyo ko habang pababa ng hagdan. Panibagong araw ngunit hindi na 'ko magtataka pa dahil trabaho na naman. Nagkakaproblema sa kumpanya kaya kailangan naming ayusin iyon agad.
"Good morning, dad,"
"Morning, Clynt. Nasa'n kapatid mo? Hindi ko yata siya nakita kagabi, ah?"
Nagkibit-balikat ito. "I don't know. Buong gabi na 'kong nasa loob ng kuwarto, eh."
"Ang grandpa, mo?"
"Nauna na po, kasama niyong driver niya... Siya nga pala, dad, I have to go na rin, marami pa 'kong aasikasuhin sa office."
Tumango ako. "Sige, mag-iingat ka..."
Tinapik ko ang balikat nito. Pagkatapos ay nagtungo ako sa sala upang kuhanin 'yong mga gamit ko. Isinukbit ko 'yong coat ko sa braso ko. Aalis na rin sana ako nang biglang tumunog iyong telepono ko.
Sandali akong napahinto at sinagot iyon.
"Good morning, Mr. Wang..."
Napairap ako sa kawalan nang marinig ko ang isang boses ng babae. Hindi lang ito basta nagsalita. Ang boses nito ay may halong tamis na animoy nang-aakit sa kabilang linya.
Bago pa man ako makasagot ay agad ko nang napansin ang anak kong si Ziana na pababa ng hagdan. Agad kong ibinaba 'yong cellphone ko at ibinaling ang tingin sa kanya.
Lumapit ito sa akin at hinalikan ako sa pisngi. "Hello, dad,"
"Morning, sweetheart. Have you decided to accept the contract?" tanong ko.
Ipinagtutulakan ko ito sa puwestong hindi niya naman gusto. Kilala ko ang anak ko, at alam kong hindi niya tatanggapin ang kung ano mang puwesto sa kumpanya. Ang buhay nito ay nasa larangan ng Photography at kailanma'y hindi ko na mababago iyon.
Pero ito lang ang alam ko para makabawi sa kanya. Dahil hindi naman na gano'n katagal ang buhay ko rito sa mundo.
"Dad, No. Hindi ko pa rin tatanggapin 'yon. Alam niyo naman siguro kung anong gusto ko, 'di ba?" walang emosyong aniya.
"I still want you to be part of the company, Ziana. Sa ngayon, ako muna ang susundin mo..."
"Pero, dad—"
Pinutol ko ang sasabihin nito. "Sa'n ka pupunta? Tara na... ihahatid na kita,"
Iniisip ko lang naman kung ano ang makukuha niya sa pamilya. Hindi pa gano'n katagal ang pamamalagi niya rito sa pamilyang ito, kaya hindi na 'ko magtataka kung bakit may mga kakumpitensya siya.
Sandali kong sinulyapan si Ziana sa tabi ko. Nakatingin ito sa malayo na animoy malalim ang iniisip. Mula kanina ay hindi ko rin maintindihan ang emosyon niya. Kahit sa biyahe ay nanatili itong walang imik.
"Do you want to have dinner later" pambabasag ko sa katahimikan.
Nilingon ako nito at agad umiling. "It's okay, dad. Sa bahay na lang po..." walang ganang sagot nito at ngumiti ng pilit.
Hindi talaga ako kumportable sa tuwing nagkakaganito ang anak ko. Pakiramdam ko ay may nagagawa na 'kong mali.
"Your birthday is coming... what's your plan? You want a big party?" nakangiting tugon ko.
"I want to celebrate my birthday with mom. I want to go back to the Philippines."
Nahinto ako sa sinabi niyang iyon. Nag-iwas ako ng tingin. Tumikhim ako at inayos 'yong coat na suot ko. May dahilan ako kung bakit hindi ko pa ito pinapayagang makasama ang mama niya. Saka ko na lang ito sasabihin kapag naayos ko na lahat ang dapat kong ayusin.
Sa ngayon, masyado pang magulo ang lahat. Kaunting buwan pa o 'di kaya taon. Ayoko siyang mahirapan sa sitwasyon namin.
"Dad... I really miss mom. Hindi niyo ba siya namimiss? Dad, it's been two years pero hindi pa rin tayo bumabalik. Hindi niyo ba naiisip si mommy na nag-iisa ro'n?"
Hindi ko ito nilingon. Nanatiling nasa daan ang atensyon ko.
"Dad... mahal mo pa ba si mommy—"
Awtomatiko ko itong nilingon. "Of course, yes!" Hindi ko naiwasang magtaas ng boses. "Ano ba 'yang mga sinasabi mo, Ziana? I love your mom, and I will always love her 'till my last breath..."
Nag-iwas ito ng tingin. "Then... let's go back to see mom..." mahina nitong tugon.
Napabuntong-hininga ako at napa-iling. Inaasahan ko na ito. Hindi na bata si Ziana. Naiintindihan na nito kung anong nangyayari sa paligid niya. Napapansin na nito kung may mali ba sa sitwasyon o wala.
"AHH... dad, sasama na lang po ako kay Chicha," aniya nang makarating kami sa loob ng gusali.
Tinanguan ko ito. "Sige. Take care. Just text me kung may kailangan ka,"
Hindi ko na ito pinansin at dire-diretso akong pumasok sa loob ng office ko.
Nakakunot-noo akong nagtungo sa mesa ko dahil may nadatnan akong isang kahon at isang bote ng wine na nakapatong doon. Nang tingnan ko iyong kahon ay isa pala 'yong kahon ng cake.
Napalunok ako ng ilang beses.
Sino naman kaya ang magbibigay sa akin ng mga ganitong bagay?
ZIANA's POV
ABALA si Chicha sa department niya kaya hindi ko muna ito mapupuntahan ngayon. Nagsinungaling ako kay papa. Si Azenzo talaga ang pupuntahan ko ro'n sa coffee and tea making facility.
Nang makarating ako rito ay wala ako gaanong nadatnang empleyado. Hinanap ko ang katawang lupa ni Azenzo ngunit hindi ko ito mahagilap. Kahit sa counter ay wala ito. Napanguso na lang ako dahil do'n.
Dahil hindi ko ito mahagilap ay nag-iiikot muna ako. Kunwari akong nagsu-supervise at ichini-check kung nagtatrabaho ba sila ng maayos. So far, wala pa namang nangyayaring kaaiba rito sa loob ng kumpanya. Makikita mo talaga kung gaano sila kadeterminadong magtrabaho. Kahit saan ka lumingon ay abala silang nakatutok sa kanya-kanya nilang kompyuter.
Habang naglalakad ako ay may napansin akong lalaki sa hindi kalayuan. Wala namang katao-tao sa puwesto nito dahil abala ang mga empleyado. Mag-isa siyang naglalampaso ng sahig.
Wala sa sarili akong napa-irap sa kawalan.
"Narito ka lang pala... kanina pa ako naghahanap sa iyo. Hindi ko alam na pati pagja-janitor dito ay tinahak mo na rin, nakain mo? Panis na sushi?" reklamo ko.
Napahinto ito sa ginagawa niya at nilingunan ako. "Puwede ba... umagang-umaga h'wag kang nanenermon diyan!"
"Umagang-umaga nagsusungit ka! Gusto mong dukutin ko 'yang mga mata mo, ha?!'
Sinamaan niya lang ako ng tingin at nagpatuloy muli sa paglalampaso ng sahig.
"Ano nga pala ang balita?"
"Wala!"
"Umayos ka ng sagot! Ano ngang balita sa kontrata mo, na-approve na ba?" pag-uulit ko.
Huminto ito at binitiwan 'yong map na hawak niya. Isinandal niya iyon sa pader.
Mayamaya pa ay seryoso itong lumapit sa akin at hinila ako sa braso.
"Ho-Hoy! Sa-Sa'n mo 'ko dadalhin? Ikaw, ahh... bakit 'di mo naman agad sinabi na may pagnanasa ka pala sa akin?!" Pambibiro ko sabay nang pagkunot ng noo ko.
Dinala ako nito sa isang Janitor's room. Mga gamit at stocks ang mga narito. Tinulak niya ako papasok at agad nitong ikinandado 'yong pinto.
"Anong gagawin mo sa akin, ha?" Pinaningkitan ko pa ito ng tingin.
Ang seryoso ng hitsura niya, hindi yata ito marunong kumalma. Lagi na lang siyang nagsusungit.
Napa-ayos na lang ako ng tayo nang dahan-dahang itong lumapit sa akin. Hindi ko na rin alam ang gagawin ko dahil mukhang seryoso nga talaga siya.
"Hi-Hindi magandang biro 'yan, Azenzo! Ka-Kaya kitang tanggalin sa trabaho! Hu-Huwag mo kong lalapitan!" sunod-sunod na pagbabanta ko.
Umatras ako nang umatras hanggang sa mapasandal na 'ko sa isang cabinet. Seryoso ang titig nito sa mga mata ko. Saka lang ito huminto sa harap ko nang makalapit ito ng malapitan sa mukha ko.
Ramdam ko ang buga ng hininga nito sa sobrang lapit ng mukha niya sa mukha ko. Isang maling galaw ko lang ay baka mahalikan ko na ito nang wala sa oras.
"Pu-Puwede bang... u-umatras ka na!" inis na sambit ko sa kanya. "A-Ano?!"
"Try to move... or I'll kiss you..." Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niyang iyon. "Torridly..."
Napa-awang ang bibig ko.
Hindi ko alam kung anong pinagsasasabi ng lalaking 'to.
"Na-Nababaliw ka na ba?!"
"Crazy for you..."
Iaangat ko na sana iyong kamay ko nang hawakan niya 'yon. Mayamaya pa ay bigla niya 'kong nginisian at sinungitan.
Aba!
Binitiwan din ako nito at lumayo sa akin. Kitang-kita ko kung paano niya ako pagtawanan.
"Hahaha! Sa tingin mo papatol ako sa iyo? Asa kang hahalikan kita!" natatawang aniya na ikinainis ko.
I just rolled my eyes on him. Nilapitan ko ito at tinadyakan sa gitna ng mga hita niya.
"Aawwwww—"
Nag-krus ako ng mga braso. "Masakit ba? Kulang pa ba?"
Namimilipit ito sa sakit habang nakahawak sa hita niya. Kaunti na lang ay baka mapa-upo na ito sa sahig.
"Sh-Sh*t! Aawwwww—"
Sumandal ako sa mesa at nag-iwas ng tingin. "Ang init pala rito sa quarter niyo. Wala bang electric fan?"
"Eh 'di lumabas ka... problema ba 'yon?!" pabalang na sagot niya.
"Hinila-hila mo 'ko rito tapos palalabas mo lang din pala ako... How dare you! Sinasayang mo lang ang oras ko!" pagsusungit ko.
Umayos na rin ito ng tayo nang medyo kumalma na ang sakit na nararamdaman niya. Huminga ito ng malalim at nakapameywang na humarap sa akin.
"Okay..." Bumuntong-hininga ito. "My contract has been approved by your brother. Bukas na bukas din, makakabalik na 'ko ng Pilipinas..."
Walang emosyon ko itong nilingon. "So what's the plan?"
"Nakakuha na 'ko ng dalawang ticket. At sa airport na lang tayo magkikita... makakalusot ka ba?"
Nag-iwas akong muli ng tingin. Sa totoo lang, hindi pa ako sigurado kung makaka-alis ako ng bansa o hindi. Dahil nga si Chicha ang iniisip ko. Pagdating kay lolo at papa, wala naman akong pinoproblema. Once I have landed at NAIA, wala na silang magagawa. At alam ko na ring sesermunan pa rin nila ako kahit na nakauwi na 'ko ng Pinas.
"I haven't made up my mind yet..." mahinang tugon ko.
"Ano?!" hindi makapaniwalang bulalas niya. "Ang lakas ng loob mong magplano pero ikaw naman pala 'tong hindi pa sigurado..."
"Hindi mo kasi naiintindihan ang sitwasyon ko..."
"Basta! I'll wait for you at the airport... nine o'clock sharp!" diin nito at saka lumabas ng Janitor's room.
Sinundan ko ito hanggang sa makalabas ako.
"Pa'no kapag hindi ako dumating..."
Napahinto ito sa paglalakad at nilingon akong muli. "Bayaran mo 'yong ticket na binili ko sa iyo! Ang mahal kaya niyon..." nginusuan niya ako at saka nagpatuloy sa paglalakad.
Kuripot ammp!
Sinamaan ko siya ng tingin. Napahawak ako sa noo ko.
Naiinis ako hindi dahil sa hindi ako sigurado para bukas. Naiinis ako dahil sa asta ng lalaking iyon. Kung puwede ko lang banatan ng buto si Azenzo, ginawa ko na.
Pero dahil may pakinabang naman siya... pagtitiisan ko na lang kung anong ugali ang ipinapakita niya sa akin.
Maiba tayo kay Chicha, hanggang ngayon ay may tampo pa rin ito sa akin. Kaninang umaga ay hindi ako nito ginising o tinawag man lang para sa agahan. Hindi niya ako pinapansin.
Pero sana... makapag-desisyon ako ngayon nang naayon sa kabutihan ng lahat.