DINALA ako ni Tads sa isang open space kung saan tanaw mula rito ang kagandahan ng dagat. Inabot na kami ng dilim dito sa labas habang nagkuwe-kuwentuhan. Ang ganda ng mga ilaw na nakasabit sa mga puno, kitang-kita ang kulay ng mga ito lalo na't madilim na rin. "Sino na naman 'yang Dana na 'yan? Another kontrabida na naman sa life mo?" Saka pa nagtaray si Tads at nilagok ang wine sa baso na hawak niya. Ibinaba ko sandali 'yong baso ko at sumandal sa kinauupuan ko. Hindi ko halos maisip na sa kabila ng maganda kong buhay ay naro'n pa rin ang pagpapahirap na dala ng tadhana. "Isa rin 'yong babaing 'yon na nagpapahirap sa akin. Ihulog ba naman niya ang sarili niya sa pool para ako ang pagbintangang nanulak sa kanya?" Umiling-iling ako. "Ibang level ang kaartehan ng Dana na 'yon, 'no?"