ELLYSE MARIE ROMANO-DEL PIERRO
Dahan-dahan kong idinilat ang aking mga mata. In-adjust ang aking paningin sa liwanag pagkatapos ay tumitig ako sa mataas na puting kisame.
Ang sarap at ang himbing nang tulog ko. Ganun ba talaga kapag sobrang lambot ng kama at maganda ang kwarto? Ang bango-bango pa.
Dahan-dahan akong bumangon sa kama at nag-indian sit sa ibabaw nito. Muli kong nilibot ng tingin ang buong kwarto. Grabe! Kwarto ko ba talaga ito? Sobra kasi sa ganda at ang laki. Kumpleto pa sa gamit.
Mula sa interior hanggang sa mga gamit na narito sa loob ng kwarto ay masasabi kong pawang mga mamahalin. Haaay! Hindi ko akalain na bago ako mawalan ng alaala, dito ako natutulog. Akalain niyo iyon, mukha akong prinsesa kapag nandito ako? Hahaha!
Napansin ko rin ang isang study table na may nakapatong na mga libro at kung anu-ano pang gamit sa school. Bakit ganun? Natatandaan ko na nag-aaral ako sa isang prestiyosong unibersidad kaya ko nga nakilala si Albie pero hindi ko alam ang dahilan kung bakit ako nakapasok doon at ‘yung mga alaala at pangyayari na kasama ko si Yuri, hindi ko maalala? Pamilya kaya ni Yuri ang nagpasok sa akin doon? Haaay, ewan ko! May tama na yata itong utak ko kaya hindi makaalala kaagad. Napanguso na lang tuloy ako.
Ilang sandali pa ay tumingin ako sa wall clock na nandito rin sa kwarto. Eight-nineteen na pala ng umaga.
Nagpasya na akong umalis sa kama. Umusog ako papunta sa gilid pagkatapos ay hinanap ko ‘yung tsinelas na suot ko bago sumampa kagabi sa kama saka isinuot iyon. Tumayo ako saka lumapit sa maleta ko. Kumuha ako ng twalya. Hanggang ngayon kasi hindi ko pa rin naaayos sa cabinet ang mga dala kong gamit. Kumuha rin ako ng mga damit na susuotin ko ngayon. Pagkatapos ay ipinatong ko iyon sa kama.
Nag-inat-inat muna ako ng mga braso bago ako nagpasya na tumungo na sa banyo bitbit ang twalya ko para maligo. Infairness, may banyo ang kwarto ko.
Pagkapasok ko sa banyo ay namangha ako. Grabe! Ang ganda ng banyo. Ang laki-laki. May bathtub at shower pa na automatic na tumutulo ang tubig. Bigla kasing tumulo ‘yung tubig ng matapat ako. Kaloka! Siguradong ang sarap maligo kasi pwede kang mamili kung malamig o mainit ang tubig na tutulo sa shower at pati na rin sa bathtub. May mga bath essentials rin akong nakita sa rack na nasa loob rin ng banyo. Mukhang galing sa ibang bansa ang mga ito kasi ‘yung mga tatak, hindi ko pa nakikita sa supermarket dito sa Pilipinas.
O siya! Tama na ang pagkamangha, maliligo na muna ako para fresh. Hahaha!
---
“Heto ako!!! Basang-basa sa ulaaannn!!!” pasigaw na pagkanta ko habang nakatingin ako sa full body mirror. May hawak pa akong suklay bilang microphone. Tapos na akong maligo pero hindi pa ako nakakapagbihis. Nakatapis ang katawan ko ng twalya. Basa pa ang aking buhok kasi hindi ko pa napapatuyo.
Pasayaw-sayaw pa ako sa harapan ng salamin. Alam ko na para na akong tanga pero okay lang naman sa akin. Hindi ko naman ikamamatay ang pagiging tanga saka isa pa, ang saya ko kaya. Hahaha! Baliw na talaga ako.
“Good Mor…ning!” Nagulat na lang ako ng may biglang sumigaw niyan kaya napatingin ako sa repleksyon ng salamin. Nakita ko ang pintuan na nakabukas at nakita kong nakatayo roon si Yuri. Tulala na nakatingin sa akin at namumula ang mukha saka pinagpapawisan ang noo. Nakanga-nga pa talaga ang bibig niya. May dala itong tray na naglalaman ng pagkain yata.
Nakatingin rin ako sa kanya. Nagtataka ako kung bakit nakatulala siya. Tiningnan ko ang sarili ko only to realize kung bakit siya nakatulala.
“Waaahhh!!! Labasss!!!” buong lakas kong sigaw sa kanya. Tinakpan ko kaagad ang hinaharap ko gamit ang dalawa kong braso. Pati ako nagulat. Na-realize ko kasing nakatapis lang pala ng twalya ang katawan ko. Kaya pala tulala siyang nakatingin sa akin. Naku! Nakakahiya naman ito!
Nakita ko namang bumalik siya sa reyalidad at walang sali-salita na nilisan ang kwarto ko. Mabilis naman akong tumakbo papunta sa pintuan at isinara kaagad iyon. Napabuga ako ng malakas na hininga pagkasandal ko sa likod ng pintuan.
“Hooo!!!” Nagbuga ulit ako ng hininga.
Nakita kaya niya? Pero nakatapis naman ako ng twalya kaya wala siyang nakita. Pero iyong pagkanta ko? Narinig ba niya? Waaahhh!!! Nakakahiya naman! Alam ko naman sa sarili ko na wala akong talent sa pagkanta kaya walang aasahan sa akin.
Nakakaloka! Ano ng gagawin ko nito? Paano ko siya haharapin?
---
“Pasensya ka na at bigla-bigla akong pumapasok sa kwarto mo ng hindi man lang kumakatok,” narinig kong paghingi ng pasensya ni Yuri na bumasag sa kanina pa naming katahimikan. Kasalukuyan kaming kumakain ng almusal dito sa dining area. Magkaharap kaming nakaupo.
Tiningnan ko siya. Hindi siya nakatingin sa akin at sa plato lang siyang nakatingin. Hindi ako nagsalita. Napayuko ulit ako. Nahihiya ako sa kanya.
“Oo nga pala, may pupuntahan tayo ngayong araw,” narinig ko pang sabi ni Yuri. Ramdam kong nahihiya rin siya.
Tumingin ulit ako sa kanya. Nakatingin na pala siya sa akin. “Saan?” tanong ko. Kung hindi pa kasi ako magsasalita, baka mapanis ang laway ko.
Ngumiti lang ng maliit si Yuri. “Basta,” aniya. Ano ‘yan? Surprise?
Tumango na lang ako ng bahagya. Nagpatuloy na lamang kaming kumain nang tahimik.
---
Maraming nagkalat na stalls na nagtitinda ng bulaklak sa lugar na ito. Marami ring mamimili ang bumibili ng bulaklak. Alam niyo ba kung nasaan kami? Nandito kami ngayon sa Dangwa at naglalakad. Iniwan na muna namin sa pwedeng paradahan ang kotse ni Yuri. Hindi ko nga alam kung bakit niya ako dinala rito. Bibili ba kami ng bulaklak? Sa pagkakatanda ko, minsan na rin akong nagtinda rito lalo na kapag panahon ng Undas at Valentines pero ‘yun lang ang naaalala ko.
“Dito tayo unang nagtagpo noon bago pa tayo naging mag-asawa,” wika ni Yuri. Parang nabasa niya ang tanong sa isip ko.
Tiningnan ko si Yuri. Mataman ang pagtingin ko sa kanya habang nasa daan naman ang tingin niya at mabagal na naglalakad. Sinasabayan ko nga lang ang lakad niya. “Dito tayo unang nagkita?” may pagtataka kong tanong.
Tumango si Yuri bilang sagot sa akin. “Nagtitinda ka noon ng bulaklak sa tabi ng kalsada ng masagasaan ko ng hindi ko alam ang mga paninda mo,” aniya at tumingin sa akin. “Alam mo ba na iyon ang first time na halos mabugbog ako ng isang babae?” pagtatanong niya pa sa akin saka ngumiti ng maliit.
“Mabugbog? Ikaw? Mabubugbog? Ang laki-laki mo kaya,” hindi makapaniwalang sambit ko.
Bahagyang lumungkot ang mukha ni Yuri pero kaagad rin iyong nawala. Ngumiti ito. “Ikaw kaya ang bumugbog nun sa akin,” bulalas niya na ikinalaki ng mga mata ko. “Galit na galit ka kasi nasira ko ang mga paninda mong bulaklak at mas lalo kang nagalit nang hindi kita pinansin sa mga rants mo at hagisan kita ng pera sa mukha kaya halos patayin mo na ako sa sakal at tadyak,” aniya pa.
Talaga? Weh? Di nga? “Ginawa ko iyon?” hindi makapaniwalang tanong ko. Nagawa ko ba talaga ang ganun? Alam ko naman sa sarili ko na may pagkasiga akong babae pero talaga bang magagwa ko iyon sa kanya?
Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni Yuri. “‘Yun ang first time na makakita ako ng isang amazonang babae. Hindi ko akalain na ang isang gaya mo lang ang makakapagpataob sa akin nun. Alam mo kasi, may kagaspangan ang ugali ko. If you know what I mean,” saad niya pa.
“Ahhh…” wala akong maapuhap na dapat sabihin. Wala kasi akong maalala sa mga sinasabi niya.
“Pero alam mo ba? Ramdam ko na rin ng mga panahon na iyon na nakahanap na ako ng katapat ko. Sa tuwing titingnan mo nga ako nun, hindi ko alam kung bakit pero talagang tumitiklop ako. ‘Yun bang para akong naduduwag dahil sa presensya mo,” wika niya pa. “‘Yun pala, simula pa lang noon, ikaw na ang hinahanap ng puso ko na babaeng makakapagpatibok sa kanya ng mabilis na mabilis.”
Hindi ako nagsalita. Napahawak ako sa magkabilang sentido ko. Nakakaramdam kasi ito bigla ng sakit ngayon na hindi ko maipaliwanag.
“Are you okay?” nag-aalalang tanong sa akin ni Yuri na nakaalalay na sa akin. Ramdam ko ang paghigpit nang hawak niya sa magkabilang braso ko.
Tumango ako kahit na medyo masakit pa rin ang ulo ko. What was that? Epekto ba iyon ng pagkakaroon ng amnesia? Alam ko naman na may amnesia ako dahil sinabi iyon ni Alona sa akin.
Ni-relax ko muna ng sarili ko. Pumikit sandali tapos huminga nang malalim saka nag-exhale na rin ng paulit-ulit. Nang maramdaman ko ng nawala na ang p*******t ng ulo ko ay dumilat na ako at tiningnan si Yuri.
“Ano okay ka na ba? May masakit ba sayo?” tanong niya. Bakas sa mukha ni Yuri ang pag-alala.
Ngumiti ako ng maliit. “Okay na ako. Wala ng masakit” sagot ko para hindi na siya mag-alala pa.
“Sure ka? Gusto mo umuwi na tayo?” tanong niya.
Umiling-iling lang ako bilang sagot sa kanya.
Tumango na lamang si Yuri. Binitawan niya rin ako. Mabuti naman at hindi na siya nagpilit pa na umuwi kami. Alam ko naman na pinapaalala niya sa akin ang ilan sa mga nangyari sa pagitan naming dalawa kaya gusto ko rin na ipagpatuloy namin ang paglilibot.
Nagpatuloy kami sa paglilibot sa Dangwa. Ang dami-daming klase ng mga bulaklak na talagang gustong-gusto kong tanawin. I like to see flowers anywhere.
“Ang hilig mo talaga sa mga bulaklak,” narinig kong bulalas ni Yuri ng pabulong. Napatingin ako sa kanya at ngumiti ng tipid.
‘Sana maalala na kita,’ hiling ko sa aking isipan.
Gusto ko siyang maalala. Gustong-gusto. Kung ano nga ba ang mga pinagsamahan namin na nakalimutan na ng isipan ko. Hindi ko man maintindihan pero kasi nasasaktan ako sa tuwing nakikita ko ang lungkot sa mga mata ni Yuri sa tuwing may sasabihin siyang nangyari na sa pagitan naming dalawa na hindi ko naman maalala. Hay! Bakit ba kasi ang mga alaala namin ni Yuri ang nawala sa isipan ko?
Bumalik ako sa aking sarili. Nagulat na lamang ako ng wala na si Yuri sa tabi ko. Nagpalingon-lingon ako. Nakita ko siya na nasa tapat ng isang stall ng tindahan ng bulaklak. Nakita ko siyang bumili ng isang red rose. Pagkatapos nun ay kaagad rin siyang bumalik sa tabi ko.
“For you,” aniya sabay bigay sa akin nang binili niyang bulaklak.
Tinanggap ko ang binigay ni Yuri pagkatapos ay inamoy-amoy ko. Walang amoy.
Tiningnan ko si Yuri. “Salamat,” sincere na sambit ko sabay ngiti. Ngumiti lang rin siya sa akin.
‘Hindi mo lang alam pero sumaya ako. Masaya ako sa mga ginagawa mong ito ngayon,’ sa isip-isip ko pa. Hindi ko mapigilang kiligin ng dahil sa kanya.
---
“Dito sa simbahan na ito tayo ikinasal.”
Nasa loob kami ngayon ng napakaganda at antigong simbahan. Ang ganda ng simbahan na ito at talagang solemn ang ambiance ng lugar.
Tumingin ako kay Yuri. “Ang ganda rito,” sabi ko. Dito pala kami ikinasal noon. Hay! Nakakalungkot lang na pati ang kasal naming dalawa ay hindi ko maalala.
Ngumiti si Yuri. Nilibot niya ng tingin ang paligid ng simbahan. “Pero alam mo ba? Nu’ng ikinasal tayo dito, nang pumasok ka sa loob ng simbahang ito, para sa paningin ko, ikaw na ang pinakamaganda. Natalo mo pa nga ang ayos ng simbahan nun dahil sa sobrang ganda mo. Lalo na’t nu’ng nakita kitang nakadamit pangkasal,” aniya pa saka muli akong tiningnan.
Napaiwas naman ako ng tingin sa kanya. Nakakahiya naman ang mga sinasabi niya. Hindi pa naman ako sanay na masabihan ng maganda kahit alam ko naman iyon. Hahaha!
Nagpatuloy kami sa paglalakad sa gitna. Ilang sandali pa ay naisipan naming maupo ng magkatabi sa mahabang upuan na nasa unahan at nasa harapan ng altar.
“Nagpapasalamat ako kay Mommy at sa Mommy mo dahil ipinakasal nila tayo nun,” wika ni Yuri.
Napatingin ako sa kanya. Kumunot ang noo ko. “Ipinakasal?” nagtataka kong tanong. Tumango ito at umiwas nang tingin sa akin. Doon siya ngayon sa altar nakatingin.
“Alam mo kasi, si Mommy at ang mommy mo, matalik na magkaibigan na noong bata pa sila. Ang sabi sa akin noon ni Mommy, nangako raw sila sa isa’t-isa na kung magkakaanak sila, ipapakasal raw nila ito sa takdang panahon. Natawa nga ako nun kasi paano kung parehong lalaki o ‘di kaya babae ang maging anak nila, ipapakasal pa rin ba nila? Ang sabi lang sa akin ni Mommy, ipinagdasal niya raw sa Diyos na sana daw maging lalaki ang anak niya at babae naman ang sa best friend niya na dininig naman ng Diyos. At iyon, nangyari nga. Ipinakasal nila tayong dalawa kahit noong una hindi natin gusto dahil bukod sa hindi pa naman tayo magkakilala, galit rin tayo sa isa’t-isa dahil nga sa nangyari nun sa Dangwa. ‘Yung first time nating magkita,” pagkwe-kwento ni Yuri.
“Ibig mo bang sabihin, arrange marriage ang nangyari sa ating dalawa?” tanong ko. Tumango si Yuri bilang sagot.
Uso pa pala iyon hanggang ngayon.
“Oo. Arrange marriage ang nangyari. Gusto ko nga nun umatras sa kasal. Marami na akong naisip na paraan para lang makatakas pero hindi ko nagawa. Bukod kasi sa mawawalan ako ng mana oras na umatras ako, may isa ring dahilan kung bakit hindi ako maka-atras,” lahad pa ni Yuri. Huminga siya ng malalim bago nagpatuloy. “Pakiramdam ko kasi, parang may humihila sa akin at talagang isinasaksak sa kukote ko na ituloy ko ang pagpapakasal. Ewan ko ba. Sabi ko nga nun sa sarili ko, pagsisisihan ko habang-buhay ang naging pasya ko,” sabi pa niya. Ngumiti ang labi niya. “Pero ngayon iba na, dahil hindi ko na pinagsisisihan ang lahat. Kung hindi dahil sa kanila, hindi kita makikilala. Hindi ako makakaramdam ng pagmamahal na gaya ng nararamdaman ko ngayon para sayo. Hindi ko mararanasan ang maging masaya kapag umiibig. At hindi ko rin mararanasan na masaktan. Masarap umibig kahit na may kaakibat na sakit. Sabi nga ng iba, mas masarap raw sa pakiramdam ang pag-ibig kapag nasasaktan ka. Doon mo raw kasi mapapatunayan na totoong nagmamahal ka,” madamdamin pa niyang litanya.
Natulala ako sa sinabi ni Yuri. At the same time, nalungkot. Alam ko kasi na nasasaktan siya ngayon ng dahil sa akin. Alam ko naman na masakit sa pakiramdam na hindi ka maalala ng taong mahal mo. Pero anong magagawa ko? Ito kasing utak ko, nagloko.
“Sorry,” mahina at sincere na sambit ko habang mataman siyang tinitingnan.
Tumingin si Yuri sa akin. Kumunot ang noo niya. “Para saan?” nagtatakang tanong niya.
Ngumiti ako ng maliit. “Hindi kasi kita maalala pati ang mga pangyayari sa-” Hindi ko naituloy ang sasabihin ko dahil bigla niyang inilagay sa labi ko ang hintuturong daliri niya sa kaliwa kaya napatigil ako sa pagsasalita.
Umiling-iling si Yuri saka ningitian niya ako. “Wala kang dapat ipag-sorry dahil wala kang kasalanan,” aniya. “Siguro ito ang pagsubok ng Diyos sa relasyon nating dalawa. Saka naniniwala pa rin naman ako na babalik rin ang alaala mo. Maghihintay ako na mangyari iyon kahit abutin pa tayo ng habang-buhay,” sincere na salita niya. Inalis na niya sa labi ko ang daliri niya.
Yumuko ako. Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigilan ang nagbabadyang pagdaloy ng luha mula sa aking mga mata. Nasasaktan ako kapag nakikita siyang nasasaktan. Siguro nga, kahit na nawala man siya ngayon sa isipan ko, hindi pa rin siya nawawala sa puso ko. Tama nga ang sinabi ni Alona, mahal ko si Yuri at kahit na nakalimutan siya ng isipan ko, nanatili namang siya ang nilalaman ng aking puso.
Naramdaman kong marahang hinimas ni Yuri ang likod ko. Tiningnan ko ulit siya. Ngumiti siya sa akin kaya naman pinilit kong ngumiti kahit na mayroon sa loob ko na mabigat at sakit.
Tumingin si Yuri sa altar kaya naman tumingin rin ako doon.
‘Sana maalala ko na siya para hindi na siya malungkot pa,’ panalangin ko sa Diyos na alam kong nakikinig sa akin. Pipilitin ko ang sarili ko na maalala na siya kaagad para hindi na siya mahirapan pa.
---
“Handa ka na ba talagang pumasok sa school? Baka hindi mo pa kaya,” tanong sa akin ni Yuri. Sinabi ko na kasi sa kanya na gusto ko ng pumasok. Marami na rin kasi akong naging absent kaya dapat humabol. Halata ang pag-aalala sa boses niya.
Nakasakay na kami ngayon sa kotse at pauwi na ng bahay. Siya ang nagda-drive at nakaupo naman ako sa passenger seat.
“Oo naman. Ang dami ko na rin kasing na-miss na lesson at ang dami ko na ring absent. Kailangan kong humabol,” sagot ko saka ngumiti.
“Okay. Kung ‘yan ang gusto mo,” wika ni Yuri na nakatingin sa daan. Yes-yes-yes! Pumayag na siya!
“Mabuti at hindi nawala sa alaala mo na pumapasok ka ng school,” sambit pa ni Yuri saka sandali akong tiningnan. Tipid siyang ngumiti saka tumingin ulit sa daan.
“Oo nga. Nakakapagtaka,” sabi ko. Bahagya akong yumuko. ‘Sorry,’ saad ko sa aking isipan.
Natahimik kaming dalawa. Tumingin ako sa bintana at tiningnan ang view sa labas. Hindi na rin nagsalita si Yuri. Tahimik na lang naming binabaybay ang daan pauwi ng bahay.