EPISODE 2

2883 Words
THIRD PERSON Nasa living room ng bahay si Yuri. Nakaupo siya ng pambabang dekwatro sa sofa. Naka-on ang TV ngunit wala doon ang atensyon niya. Nakatulala lang siyang nakatingin sa screen ng TV at malalim ang iniisip. Makikita sa mukha ni Yuri ang pagod at puyat. Bukod sa pumapasok siya sa school araw-araw, siya rin muna ngayon ang nagbabantay sa kumpanya ng daddy niya sa kadahilanang gusto muna magpahinga nito kahit na ilang araw lang. Gusto rin nito na magkaroon ng oras sa mommy niya na alam niyang malungkot ngayon dahil sa pinagdadaanan nila ni Ellyse. Nakakapagod rin kasi ang mamahala ng isang kumpanya. Maraming dapat isipin at gawin. Pagdating naman ng gabi, napupuyat naman siya dahil hindi maalis sa isipan niya si Ellyse. Hindi niya mapigilang malungkot. Miss na miss na ni Yuri ang asawa. Sobra. Siguro nga, nababaliw na siya sa pagka-miss dito. Gustuhin man kasi niya na iuwi na rito sa bahay at makasama ang asawa, hindi naman niya magawa. Ayaw naman niyang pilitin itong iuwi rito dahil baka magalit ito sa kanya o mas lalong lumayo ito sa kanya. Malalim na huminga si Yuri. “Ang hirap pala ng ganito, ‘yung hindi ka maalala o kilala man lang ng sarili mong asawa,” bulong niya. Nagkakasya na lang si Yuri sa mga impormasyon na ibinibigay sa kanya ni Alona. Kung nasa mabuti ba itong kalagayan. Kung ano ang pinagkakaabalahan nito. Sapat na rin sa kanya na makita ang asawa kahit na sa malayo. Minsan nga, kahit saan man pumunta ang asawa, sinusundan niya ito. Nagmimistula siyang stalker ng sarili niyang asawa. Kagaya na lamang ng ginawa niya nung isang araw na sinundan niya ito. Mabagal na naglalakad si Yuri sa kaliwang sidewalk. Nasa kanang sidewalk naman ang tingin niya kung saan sinasabayan niya ang bawat paghakbang ng mga paa ni Ellyse. Kasama ni Ellyse si Alona at nagkwe-kwentuhan ang dalawa. Hindi siya napapansin ng mga ito dahil abala ang mga ito sa pagdadaldalan. Napapangiti ng maliit si Yuri habang tinitingnan si Ellyse. Natutuwa siya na nakikita niyang nakakangiti at nakakatawa na ito ngayon. Gumagaan ang pakiramdam niya kahit papaano kahit na ang bigat-bigat na para sa kanya ng bawat araw na lumilipas. Patuloy lamang sa mabagal na paglalakad si Yuri. Inilagay niya ang kanyang mga kamay sa likod. Panaka-naka lang siyang tumitingin sa dinaraanan tapos matagal kapag kay Ellyse. Sinusulit niya ang oras na ito para makita ang asawa kahit na sa malayo lang. ‘Kailan kaya tayo muling sabay na maglalakad? ‘Yung tipong walang kalsada na papagitan sa ating dalawa,’ sa isip-isip ni Yuri. Napahinga na lamang siya ng malalim. Idinadaan na lang ni Yuri sa pag-inom ang lungkot na nararamdaman para maibsan kahit papaano ang lungkot niya. Sa palagay naman niya, nakakatulong ang alak sa kanya para makalimutan kahit sandali ang lungkot. Ngunit alam din niyang kinabukasan paggising niya sa umaga ay bukod sa sakit na ng ulo ang aabutin niya dahil sa dami rin ng nainom na alak, malulungkot rin muli siya sa katotohanan na hindi niya kasama si Ellyse ngayon. “Bakit ba kasi nangyari ito? Ito na ba ang karma ko sa lahat ng nagawa kong pagkakamali? Ang hindi ako maalala ng sarili kong asawa? Kung oo, napakatinding karma naman nito sa akin. Napakasakit. Naaalala ko ang lahat ng nangyari sa pagitan namin ni Ellyse samantalang siya, ni katiting na alalaala tungkol sa akin, wala man lang siyang maalala.” Mahinang sambit pa ni Yuri. Bumanaag ang lungkot sa mga mata niya. Aaminin ni Yuri, minsan naiiyak rin siya kapag naiisip si Ellyse. Sobrang miss na miss na niya ito. Hinihiling nga niya na sana, bumalik na kaagad ang alaala nito para manumbalik na rin sa ayos ang lahat. Hindi naman masama sa isang tunay na lalaki ang paminsan-minsang pagluha. Kahit naman ang lalaki ay nasasaktan rin. Mabuti na nga lang at nandyan sila Drew at Philipp na mga kaibigan niyang nagta-tyaga pa rin sa kanya. Kahit papaano’y naiibsan ang pangungulila niya kay Ellyse kapag kasama niya ang mga ito. Lumipas ang ilang minuto, tumingin si Yuri sa malaking wedding picture nila ni Ellyse na nakasabit sa pader. Napangiti siya ng maliit. Halata sa picture nilang dalawa na pilit lang ang ngiti na ipinapakita nila. Ipinapakitang masaya sila nung araw na iyon kahit hindi naman. “Hindi rin magtatagal, mapapalitan na rin ‘yan ng bagong wedding picture. Wedding picture na kung saan totoong nakangiti kaming dalawa ni Ellyse. ‘Yung totoong masaya kami na nagpakasal. Picture na puno ng pagmamahal namin ni Ellyse sa isa’t-isa. Sana manumbalik na sa ayos ang lahat para mapalitan na ang wedding picture naming dalawa,” litanya ni Yuri sa kanyang isipan. Biglang sumagi sa isipan ni Yuri ang naging usapan nila ng doktor noon. “Doc, ano pong nangyari sa asawa ko? Bakit hindi niya po kami maalala?” pagtatanong ni Yuri sa doktor. Kasalukuyang nasa loob sila opisina nito. “Oo nga po, Doc. Ano pong nangyari sa kanya?” nag-aalalang tanong naman ni Mommy Ji na kasama ni Yuri sa opisina ng dkctor. Pati si Daddy Erick ay kasama. Si Alona ang naiwan sa room ni Ellyse at nagbabantay doon. Huminga ng malalim ang doktor bago siya nagsalita. “Based on our examinations conducted to the patient, Ms.Ellyse is suffering from selective amnesia. This type of amnesia remembers only selected parts of events that occurred in a defined period of time,” paglalahad ng doktor na siyang sumuri kay Ellyse. “Pero Doc, bakit kami lang ang hindi maalala ni Ellyse? Bakit ‘yung iba, naaalala niya?” tanong muli ni Yuri. Bakas ang kalungkutan sa awra niya. Sino ba naman kasi ang hindi malulungkot kapag nalaman mong ang mahal mong asawa ay nakalimutan ka na sa isang iglap lamang? “It’s because of the accident, Mr. Del Pierro. Amnesia is most commonly associated with brain damage through injury caused by an accident, fall or a blow to the head,” wika pa ng doktor. “Malakas ang pagkakatama ng ulo ng asawa niyo sa isang matigas na bagay kaya naka-apekto ito sa utak niya at nag-resulta sa pagkakaroon niya ng amnesia. Mabuti na nga lang at hindi namuo ang dugo sa utak niya kasi kung nangyari iyon, mas magiging malala ang kondisyon ng pasyente,” saad ng doktor. ‘Mabuti?’ sa isip-isip ni Yuri. Pagak siyang natawa sa utak niya. ‘Walang mabuti sa aksidente. Dapat nga walang nangyaring hindi maganda sa kanya,’ saad niya pa. Bahagyang napailing na lang si Yuri. “Kailan naman niya kami maaalala?” pagtatanong na lamang niya ulit. “Hindi ko pa sa ngayon masasagot ang tanong niyong ‘yan. Ang mga tao kasing nakakaranas ng pagkakaroon ng amnesia, umaabot ng linggo, buwan o taon bago ulit sila makaalala. Depende na rin sa response ng utak nila na makaalala,” kalmadong lahad pa ng doktor. “Anong dapat naming gawin para manumbalik agad ang alaala niya?” tanong ulit ni Yuri. Sa kanilang lahat, siya ang pinakanag-aalala sa asawa. “Ang pinakamabisang paraan bukod sa araw-araw na pag-inom niya ng gamot, makakatulong rin na kayo mismo ang magpaalala sa kanya ng mga alaalang nawala sa kanya. Magpakilala kayong muli. Pero huwag niyo siyang pilitin na kaagad na makaalala. Dahan-dahan lang kasi minsan, nakakaapekto rin sa pasyenteng may amnesia ang too much information sa mga alaalang nawala sa kanya na nagreresulta ng pagsakit ng kanyang ulo. Sabi nga, one step at a time. Hayaan niyo siya na ma-absorb ng utak niya ang lahat ng alaalang nawala sa kanya,” mahabang sagot ng doktor. Nagbaba na lamang ng tingin si Yuri. Humugot siya ng malalim na hininga. Nanumbalik sa reyalidad si Yuri nang marinig niyang may nagpapatunog ng doorbell mula sa labas ng bahay nila ni Ellyse. Kumunot ang noo niya at nagsalubong rin ang kilay. Nagtataka siya kung sino iyon kasi wala naman siyang inaasahang bisita ngayong araw na ito. Kung may inaasahan man siyang pumunta rito sa bahay, ‘yun ay ang asawa niyang si Ellyse. Kahit na tinatamad si Yuri na pagbuksan ng pintuan ang taong nasa labas ngayon ay dahan-dahang tumayo na siya mula sa sofa at tinungo ang pintuan. Dahan-dahan niyang binuksan ang pintuan. “Ellyse?” Gulat na gulat at hindi makapaniwalang patanong na sambit ni Yuri sa taong nabungaran niya pagkabukas ng pintuan. Parang nabuhay ang buong diwa niya nang makita ang asawa na nasa harapan niya ngayon. ELLYSE MARIE ROMANO-DEL PIERRO “Ellyse?” nanlalaki ang mata niya na nakatingin sa akin. Halatang hindi siya makapaniwala na nandito ako ngayon sa harapan ng bahay niya dahil gulat na gulat siya. Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang ngitian o hindi. Ewan ko ba. Pero ang sigurado ako ngayon, nagsisimula na namang kumabog ang puso ko. Asawa ko ba talaga siya? Nagulat na lamang ako ng bigla niya akong yakapin ng mahigpit. Grabe! Talagang nanigas ang buong katawan ko sa ginawa niya. Ang higpit nang yakap niya sa akin na parang ayaw na niya akong pakawalan. Halatang sabik na sabik na mayakap ako. “I miss you.” Narinig kong bulong niya. Ramdam ko ang pagbuga niya ng hininga sa parteng leeg ko. Nakapatong kasi ang baba nito sa balikat ko. Literal na tumayo talaga ang balahibo ko sa batok. Hindi ako gumagalaw. Pakiramdam ko, lalabas na sa ribcage ko ang puso ko dahil sa tindi ng pagtibok nito. Hindi ako gumanti ng yakap sa kanya dahil hindi ko alam kung dapat ko ba iyong gawin. Ilang sandali pa ang nagtagal bago niya ako bitawan mula sa pagkakayakap. Kitang-kita sa mukha nito ang saya na makita ako. Nanlalaki naman ang mga mata ko na nakatingin sa kanya. “Pasensya ka na sa ginawa ko. Nadala lang ako. Miss na miss na kasi kita,” wika niya saka ngumiti. Ang cute ng ngiti niya. Hindi ako nagsalita bagkus pilit ko na lang rin siya nginitian. “Oo nga pala, anong ginagawa mo rito?” tanong ni Yuri sa akin. Tumingin ito sa likuran ko kung saan nandun ang mga dala kong maleta na naglalaman ng aking mga gamit. “Dito ka na ba ulit titira?” sumigla ang tono niya. Tinaasan ko siya ng kanang kilay. “Bakit? Ayaw mo ba?” tanong ko. Lumaki ang ngiti sa labi ni Yuri. “H-hindi. I mean… syempre gusto ko,” nauutal na sambit nito na parang bata. “Miss na miss na nga kita at gusto ko na makasama kang muli rito sa bahay,” aniya pa ng pabulong pero narinig ko naman. Napaismid na lang ako. “Hindi mo ba ako papapasukin?” tanong ko na ikinagulat na naman niya. Magugulatin ba siya? “Uh… eh… sige pasok ka,” aniya sabay bigay sa akin ng daan para makapasok na ako sa loob. Si Yuri na ang kumuha ng mga maletang dala ko. Nilibot ko nang tingin ang buong loob ng bahay. Infairness, maganda. Halatang pang-mayaman. Talaga bang nakatira ako dito? Parang hindi ako nababagay na tumira sa ganitong klase ng bahay. Hay ewan! Napatingin ako sa isang malaking picture na nakasabit sa wall. Picture naming dalawa na nakasuot ng damit pangkasal. Kapwa kami nakangiti pero mapapansin mong pilit lang iyon. “Wedding picture nating dalawa ‘yan,” wika ni Yuri sa akin. Napansin pala niya akong nakatingin doon. Tumango na lang ako. Nagtungo kami sa living room. Kasalukuyan pala siyang nanunuod ng TV. Nakabukas kasi ito. Grabe! Ang laki ng TV at kumpleto sa gamit ang bahay na ito at mukhang mamahalin pa. “Mukhang na-istorbo yata kita sa panunuod mo-” “Hindi. Hindi. Hindi ka nakaistorbo sa panunuod ko,” mabilis na litanya ni Yuri at kaagad na nilapitan ang TV at pinatay ito. Bakit ba siya natataranta? Dahil ba sa akin? Infairness, ganito pala mataranta sa isang babae ang gwapo at nakaka-flatter naman kasi ako ang dahilan. Hahaha! Tumango na lang ako. Naupo ako sa mahabang sofa kahit hindi niya sinasabing maupo ako. Kapal ng mukha ko. Naupo na rin siya sa sofa katabi ko pero medyo malayo lang kami sa isa’t-isa. “Kumusta ka na?” tanong niya na parang nag-aalangan pa kung ‘yun ba dapat ang tinanong niya sa akin. Tiningnan ko siya. “Okay naman ako. Mukha bang hindi?” tanong ko. Ningitian ako ni Yuri ng maliit. “Mabuti naman kung ganun,” aniya saka bahagyang yumuko at huminga ng malalim. “Ako… hindi ako naging okay nu’ng wala ka pero ngayon, okay na okay na ako dahil nandito ka na,” sabi niya ng pabulong pero narinig ko ulit. Hindi ako nagsalita. Mataman lang akong nakatingin kay Yuri. Nahahalata kong kinakabahan siya. Dahil ba sa akin? “Natulog ka ba kagabi?” tanong ko. Tiningnan ulit ako ni Yuri. Nagsalubong ang kilay niya. “Bakit mo natanong?” nagtatakang tanong niya. Umismid ako. “Mukha kasing puyat ka at hindi natulog,” sabi ko. Nag-aalangang napangiti lang si Yuri. Namayani ang sandaling katahimikan. “Dito ka na ba ulit titira?” tanong niya na bumasag sa katahimikan. Nakatingin na ulit ito sa akin. Mukhang nilakasan na niya ang loob niya na tanungin ako. Marahan akong tumango. “Oo. Bakit ayaw mo ba? Gusto mo babalik ulit ako-” “Hindi-hindi! Gustong-gusto ko nga na nandito ka,” wika kaagad ni Yuri na pumutol sa sinasabi ko. Mahina naman akong natawa. “Pero bakit naisipan mo na bumalik dito?” tanong pa niya. “Hmm… dahil nandito ka? Asawa kita, ‘di ba?” pagtatanong ko. Nanlaki ang mga mata niya. “Naalala mo na ako?” masaya nitong tanong. Umiling naman ako. Lumungkot muli ang mukha niya. “Akala ko pa naman naaalala mo na ako,” bulalas niya ng pabulong pero narinig ko naman. Bubulong lang kasi ang lakas lakas pa, ‘yan tuloy naririnig ko. “Sinabi kasi sa akin ni Alona na ikaw ang asawa ko,” saad ko. Tumango lang si Yuri sa sinabi ko. “Gusto kong maalala ang lahat ng tungkol sa ating dalawa,” wika ko. Nanlaki ang mga mata ni Yuri sa mga sinabi ko. “Talaga?” masaya nitong tanong pero lumungkot muli ang mukha niya. “Pero sabi ng doktor, masama raw sa kalagayan mo ang mabilis na maalala ang lahat,” aniya na may pag-aalala saka nagbaba nang tingin. “Edi dahan-dahanin natin. Let’s say, one step at a time mo lang ipaalala ang lahat sa akin,” suggestion ko. Tumingin ulit siya sa akin. Diretso sa mga mata. “Bakit gusto mo maalala ang lahat?” tanong niya. Napaiwas ako ng tingin sa kanya kasi hindi ko makayanan ang titig niya sa akin. “Dahil asawa kita. Hindi ka man magsalita. Hindi mo man sabihin sa akin ang nararamdaman mo pero alam kong malungkot ka. Ang ayoko sa lahat, may nalulungkot na tao ng dahil sa akin. Sorry kung nasasaktan man kita ngayon.” Totoong sambit ko. “Gusto kong maalala ang lahat ng tungkol sa ating dalawa para hindi ka na malungkot. Saka gusto ko rin naman makaalala. Ang hirap rin kasi ng nangangapa at maraming tumatakbong tanong sa isip ko. Sinabi man sa akin ni Alona ang lahat pero alam mo ‘yon? Parang hindi sapat sa akin ang salita lang. Dapat naaalala rin ng isipan ko iyon. Naaalala kong nangyari ba talaga ang lahat ng ‘yun,” mahabang litanya ko pa at muling tumingin kay Yuri. Tumango si Yuri sa mga sinabi ko. “Ang isa pang dahilan kung bakit gusto kong maalala ang lahat ng tungkol sa ating dalawa ay dahil sa may nararamdaman akong kakaiba sayo. Gusto kong maalala ang lahat para hindi na ako nagtatanong sa sarili ko kung bakit ganito ang nararamdaman ko para sayo. Para masabi ko sa sarili ko na talagang minahal kita at hanggang ngayon ay minamahal ka pa rin ng puso ko,” sa isip-isip ko. “Salamat,” sincere na sambit ni Yuri. Kumunot naman ang noo ko. “Bakit ka nagpapasalamat?” nagtataka kong tanong. Sa halip na sagutin ako ni Yuri, ningitian lang niya ako. “Hayaan mo, ipapapaalala ko sayo ang lahat. Pero hindi biglaan. One step at a time,” wika na lang niya matapos manahimik sandali. Kahit papaano’y umaliwalas na ang mukha niya at naging masaya. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon sa kanya. “Oo nga pala, nakalimutan kong alukin ka ng makakain,” bulalas bigla ni Yuri. Natawa naman ako. Mahinang natawa din si Yuri. “May gusto ka ba? Sabihin mo lang sa akin at ihahanda ko,” aniya. Umiling-iling ako. “Huwag ka nang mag-abala. Kumain na ako bago ako pumunta rito,” sabi ko. “Ganun?” patanong na sambit ni Yuri. Tumango naman ako. “Hindi rin ako nauuhaw,” dagdag ko pa sa sinabi ko kanina. “Ahhh…” ang nasabi na lang ni Yuri. Ningitian ko na lang siya. ‘Ang gwapo niya talaga,’ sa isip-isip ko. Ngayong mas nakikita ko siya ng malapitan at medyo matagal, masasabi kong magandang lalaki nga siya. Iniisip ko nga tuloy na baka panaginip lang ito na asawa ko siya. Pero hindi, hindi ito panaginip. Asawa ko nga si Yuri na tinitingnan ako ngayon ng mataman kaya itong puso ko, nagwawala na naman dahil tinitingnan siya ng gwapo. Kalokang puso ito! Mas malandi pa sa akin!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD