Hindi ko na masikmura ang mga sinasabi niya. Ganunpaman ay nilawakan ko pa ang pang-unawa. Maaaring ganito ang asal na ipinakita ko sa kanya noon, kaya ibinabalik niya lang ito. Masakit man kung iisipin, wala rin naman akong magagawa.
Iyon ako eh, ito ang pagkakakilala niya sa akin.
“Bumaba ka na. Narito na tayo.”
Agad akong napatingin sa labas ng bintana ng sasakyan. Tama siya. Pumasok na ang sasakyan sa garahe ng napakalaking mansyon nang hindi ko namamalayan. Huminto ito sa tapat mismo ng main door. Walang sabi-sabing binuksan ko ang pinto ng kotse at dahan-dahang lumabas doon. Akala ko ay tutulungan niya ako gaya ng pag-alalay niya sa akin kanina habang papalabas kami ng ospital, pero nagkamali ako. Hindi.
Matapos tumapak ang mga paa sa lupa ay pinaharurot agad ni Israel ang kotse palayo. Wala akong ideya kung saan siya pupunta. Sa trabaho niya sa opisina? Siguro. Ewan ko.
“Dito ba kami nakatira?”
Ilang beses kong tinignan ang anggulo ng malaking mansyon mula sa kinatatayuan. Hindi pa rin ako makapaniwala na dito nga ako nakatira, kasama ang pamilya. Katulad ng naramdaman ko kanina, parang first time ko lang mapunta sa lugar. Wala rin akong koneksyon sa pakiramdam ng vibes sa mansyon.
“Pumasok ka na sa loob, Eloise at baka nakalimutan mo lang iyong feeling na nandito ka.” utos ko sa aking sarili, baka lang naman.
Baka iyon ang sulosyon hindi ba?
Dahan-dahan at may pananantiya ang mga paa kong tumungo sa bulwagan ng mansion. Sinalubong ako ng mga maid, na hindi nagulat sa pagdating ko—ako pa nga ang nagulat sa hitsura nila. Nakayuko ang lahat na para bang takot na takot silang mag-angat ng tingin.
Tumikhim ako. Kinukuha ang atensyon nila na ni isa ay wala pa ‘ring nag-angat ng tingin. Nang muli akong umubo ay napilitan na silang tingnan ako. Sinubukan kong ngumiti. Nabalot ng takot ang mga mata nila. May mga iilang sinuklian iyon at nagbigay sa akin ng makahulugang tingin na para bang ito ang pinakaunang beses na ganun ang naging trato ko sa kanila. Gustuhin ko mang makipag-usap sa kanila ay hindi ko alam paano ko sisimulan.
Duda ako na ipinaalam sa kanila ni Israel ang sitwasyon ko dahil hinala pa niya ay nagsisinungaling ako. Dahan-dahan akong pumasok sa mansyon. Iyon ang dahilan para pumasok na rin ang mga maid. Tahimik na iginala ko na ang mga mata.
Ang una kong napansin ay ang larawan ng aming buong pamilya. Buhay doon ang ngiti naming mag-asawa kasama ang aming anak. Sa picture, magkatitigan kami na feeling namin ay kami ang nagmamay-ari ng buong mundo. Sa pamamagitan ng imahe, ang aming pagsasama ay tila puno ng pagmamahal na walang kahit na anong kulang.
“Kung mahal na mahal namin ang isa't isa, bakit ko siya niloko? Mukha namang nasa kanya na ang lahat. Isa pa, makikita sa mga mata ko dito na mahal ko siya katulad ng kanyang mga mata.”
Paano ko nagawang magkamali?
Saan nagsimulang magkalamat ang relasyon at pagsasama namin?
May ginawa ba si Israel na kabalbalan para piliin kong maghiganti?
Huminga ako ng malalim. Sa sulok ng utak ko ay wala pa rin akong mahanap na siyang dahilan.
Pinapatunayan lang ba ng family portrait natin na almost perfect tayo o palabas lang lahat?
Sa sobrang lalim ng iniisip ko at pagkakatitig sa family picture ay hindi ko napansin ang paglapit ni Lilo. Kung hindi niya pa niyakap ng mahigpit ang binti ko, hindi ko malalaman na narito siya.
“Welcome home, Mommy!”
Titig na titig siya sa akin habang nakatingala, yakap pa rin ang dalawa kong hita. Nagniningning ang mga mata sa sobrang saya.
“Hi, Lilo.”
Kahit ang paraan ng pagbanggit ko sa pangalan niya, parang first time ko lang na ginawa.
“Mommy, since you forgot everything because of the unexpected accident. Gusto mong i-tour kita sa mansion natin?”
Nawala ang masayang ngiti sa labi ko. Parang mata ng tutang nagmamakaawa siya. Ayokong pisilin ang malambot niyang pisngi, pero hindi ko napigilan ang aking sarili.
“Gagawin mo ba iyon para sa akin, Lilo?” tanong ko na bahagyang yumuko upang maging magka-level ang mukha namin.
“Siyempre naman, Mommy!”
Hinawakan niya ang kamay ko at sinimulan akong hilahin kung saan. Ilang hakbang lang ang ginawa namin bago kami huminto ng may nakita siyang tao sa likod. Lumapad pa ang mga ngiti niya.
“Daddy, gusto mo bang sumama sa amin?”
Noon ko nalaman na nasa likod pala namin si Israel. Sa sobrang busy kay Lilo ay nalimutan ko siya pansamantala. Akala ko ay umalis siya.
“Sure, Lilo. Sabay nating ipapaalala kay Mommy ang lahat ng mga nangyari dito sa mansyon na hindi niya matandaan.” sarkastiko niyang tugon sabay hawak sa isang kamay ni Lilo.
Nanigas ang katawan ko doon. Nakalimutan na nasa gitna namin si Lilo ngayon.
“Thank you so much, Daddy. Ang saya ko po sa araw na ito!” bulalas ni Lilo na tumatalon-talon.
Nagsimula na kaming maglibot sa mansion. Habang ginagawa namin iyon ay isa lang ang masasabi ko. Genius ang bata. Ipinapaalam niya sa akin kung para saan ang lugar ng mansyon na dinadaanan namin. I must admit na kinikilig ako habang ginagawa niya iyon. Hindi ko mapigilang maramdaman na ang swerte ko na nagkaroon ako ng ganitong buhay, pero heto na naman ako sa tanong kung bakit ko nagawang lokohin ang asawa gayong parang nasa akin na ang lahat.
“At iyon ang pinakamahalagang lugar sa mansyon, Mommy na lagi nating pinupuntahan.”
Hindi ko na nagawang sundan ang mga lugar na aming pinuntahan dahil abala ang utak ko kakaisip. Kakaisip ng mga posibilidad na dahilan kung bakit ako nagloko.
“Mommy, gusto mo bang pumunta sa kwarto ko at makipaglaro sa akin? Ang tagal na rin noong huli mo akong pinagbigyan na makalaro ka.”
Bago pa ako makasagot ay sumingit na si Israel. Lihim akong nagpasalamat dahil masakit na rin ang mga paa ko. Gusto ko ng magpahinga at matulog. Hindi ko lang iyon masabi.
“Lilo, I'm sorry to say this pero hindi lang naman ito ang araw na makakapaglaro kayo ni Mommy. Hindi ba alam mo naman na may sakit siya at ilang buwan siyang nag-stay sa ospital?”
Napipilitang tumango ang bata pero halatang hindi niya ito gusto.
“Kailangan ni Mommy ng pahinga para tuluyang gumaling. Sa ibang araw na lang anak.”
Bakas sa mukha ni Lilo ang pagtutol. Paulit-ulit siyang umiling. Naiintindihan ko naman siya; baka sabik lang siyang makasama ako.
“No, Daddy! Gusto kong makipaglaro kay Mommy!”
“Huwag matigas ang ulo, Lilo—”
Natigilan ako nang bigla siyang maglupasay at mahiga sa sahig. Napahawak ako sa dibdib dahil nagulat ako sa inasta niya. Sa kabila ng malakas na pag-iyak ay hindi pa rin siya pinagbigyan ng ama sa gusto niya. Tinawagan na ni Israel ang kanyang Yaya at ipinapasundo na siya. Sa aking nasaksihan ay parang gusto ko na lang pagbigyan ang hiling ni Lilo para tumigil na.
Ganito siguro kapag nanay ka na. Ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ako ng ganitong koneksyon sa kanya bilang ina niya.
“Magpahinga ka na, Eloise. Doon ang kwarto natin.”
Pagkaalis ng nagkukumahog na Yaya ni Lilo ay sinabihan ako ni Israel kung ano ang gagawin at kung saan ako dapat na pumunta.
“Sandali, pwede bang sa kwarto muna ako ni Lilo matulog ngayong—”
“Hindi, Eloise!” mariin na pagputol niya, “Sa kwarto ka lang natin matutulog at hindi sa silid ng anak natin.” pagkasabi noon ay agad siyang nag-walk out.
Hay naku, ang ugali niya!
Ang kwartong gusto kong tulugan ay hindi naman sa ibang tao kundi sa anak namin.
Ang sama ng ugali niya!
“Israel, sandali lang!”
Sinubukan ko siyang habulin, pero sa laki ng mansion sa bandang huli ay naligaw lang ako. Hindi ko siya naabutan. Wala na akong nagawa kundi ang pumasok sa kwarto namin gaya ng gusto niya.
Ilang minuto akong nahiga sa kama. Iniisip pa rin ang nangyari sa akin, pero kahit anong gawin at subok ko, wala pa rin akong maalala. Binuksan ko ang closet ng mga damit namin para mailabas sana ang frustration ko. Nang hindi pa rin iyon nawawala, pinili kong ibabad ang katawan sa bathtub para makapagpahinga. Nagdagdag pa ako ng petals ng sa tingin ko ay paborito kong mga bulaklak dahil nasa loob iyon ng cabinet.
“Give me peace of mind or remind me of the past para naman matahimik na ang loob ko,” bulong ko habang nakababad ang hubad na katawan sa bathtub.
Hindi ko namalayan kung ilang oras na akong naliligo. Napilitan lang akong tumayo nang marinig ko ang malakas na pagbukas ng pinto ng kwarto. Baka si Israel na iyon at tinitingnan kung nasa loob ako. Nagtapis na ako ng tuwalya at binilisan ang paglalakad nang makarinig pa ako ng biglang malakas na kalabog na parang may mabigat na bumagsak sa sahig ng kwarto.
“Putragis naman, Israel!”
Napatakip na ako ng palad sa bibig sa labis na gulat ng makita siyang nakahandusay sa sahig.