Chapter-2

1211 Words
"Ziyah!" Tawag sa kanya ng kaibigang si Glaiza. Kumakaway pa ito sa kanya habang nakaupo sa may dulo ng kilalang coffee shop. Kumaway din siya sa kaibigan saka ngumiti. Si Glaiza ang nag-iisang kaibigan niya. Kapag kailangan niya ng makakausap tinatawagan niya ito. Ganoon pa man wala siyang lakas loob na sabihin sa kaibigan ang totoong pinagdadaanan nilang mag-ina sa loob ng pamamahay ni Julio. Tinawagan niya ang kaibigan, dahil nais muna niya ng makakausap. May problema na naman kasi silang mag-ina. Tatakbong Mayor si Julio at wala itong makakalaban na mas malakas rito. Panigurado ang panalo ni Julio kung sakali, kaya problemado na naman siya. Magkakaroon na naman kasi ng kapangyarian si Julio para lalong masaktan ang Mommy niya. At siya naman ay tuluyang makukulong sa pangangalaga nito. Isama pa ang hustisya para sa ama ay lalong malabong makamit kung uupong Mayor si Julio. "Kanina ka pa?" Nakangiting tanong niya sa kaibigan. Magaling siyang magtago ng problema, kaya hindi halata ng kaibigan na may problema siya sa pamilya nila. Ni minsan wala siyang pinagsabihan ng problema, kahit madalas halos sasabog na siya. Ganoon siya katindi magtago ng problema. Ayaw kasi niya ng kinaaawaan siya ng iba. Mas ok na para sa kanya ang mag isang naaawa sa sarili, kesa kinaaawaan siya ng iba. "Medyo lang naman, pero ok lang," malalim na ngiting sagot nito. "Ganda ng ngiti mo ah. Naka order ka na ba?" "Hindi pa. Ako na ang o-order," sabi nito at agad na tumayo mula sa kinauupuan. Nag-ayos pa ito ng buhok at damit. "Maganda na ba ako?" Tanong nito. "Glaiza, maganda ka naman lagi," "I need to be extra beautiful ngayon," "Why?" "Tumingin ka sa kaliwa may dalawang gwapong nagkakape, at kung hindi ako nagkakamali, sina Liam Villanueva iyan at si Zandro De Guzman," bulong ng kaibigan sa kanya habang naroon ang hindi mapigilang kilig nito. "Ah. Zandro De Guzman?" Tanong niya at mabilis na napalingon sa sinabing nakaupong dalawang lalake. Hindi naman siya nabigo ng makita ang sinasabi ng kaibigan. Totoo nga mga gwapo nga na umaagaw ng atensyon ng mga kababaihang naroon. "Yes. Sila ang mga hottie single sa bayan na ito," kinikilig pang sabi ni Glaiza. Pinakatitigan niya ang dalawang lalake na seryosong nag-uusap. Hindi naman namamalayan ng mga ito ang presensya nila ni Glaiza at nang iba pang nakatingin sa mga ito. "Liam Villanueva iyung gwapong naka long sleeve, successful engineer iyan and businessman. And next the one is Zandro De Guzman. He is a big time businessman as well, plus, nag-iisang anak na lalake ni Mayor Fernan De Guzman," "Siya ang anak ni Mayor?" Mahinang tanong niya. "Yes. Ang gwapo no," sagot ni Glaiza at nagpaalam na sa kanya na o-order na muna ng kape nila. "Zandro De Guzman," bulong niya sa pangalan ng lalake habang nakatingin rito sa di kalayuan. Ang lalaking ito ang kailangan niya. Ito ang lalaking pwedeng kumalaban kay Julio sa pagka alkalde. Ang lalaking ito ang tatalo kay Julio. "Here," sabi ni Glaiza nang makabalik at inilapag sa harapan niya ang kape. "Salamat," pasalamat niya. At napansin ang pagtayo ng dalawang lalakeng tinitignan nila ng kaibigan. Parehong matangkad at may magagandang katawan ang mga ito. Hindi lang naman silang dalawa ng kaibigan ang nakakapansin sa dalawang gwapong lalake. Halos mga kababaihan sa loob ng coffee shop pasimpleng sinusulyapan ang dalawang lalake. Hindi nakaligtas ang pagsulyap ng isa sa mga ito sa dako nila. Si Zandro. Nagtama ang kanilang mga mata. Malalim ito kung tumingin. Hindi naman siya nagbawi ng tingin rito hanggang sa makalayo na ito at kinailangan lumabas na ng pintuan ng coffee shop nakasunod pa rin siya ng tingin sa lalake. "Ziyah!" Sabay tapik pa ng kaibigan sa kamay niya. "Ah?" "Kanina mo pa tinititigan si Zandro. Ano type mo?" Nakangiting tanong nito. Ngumiti lang siya sa kaibigan. May ibang pakay siya kay Zandro. Kailangan niyang paghandaan ng husto ang gagawin niya. "Hindi ka ganoon tumingin sa isang lalake. Isa pa si Zandro palang yata ang lalaking pumukaw sa atensyon mo," sabi pa nito. Ngiti lang ang sinagot niya sa kaibigan. Saka humigop sa mainit na kape. Sa edad niyang bente dos wala pang lalaking nakalapit sa kanya. Wala pa din ni isang lalaking pumukaw sa atensyon niya. Matapos nilang magkape ni Glaiza naglakad-lakad pa sila sa Tragora Mall. Panay biro ng kaibigan sa kanya kay Zandro. Ngiti lang at iling ng ulo ang tanging sagot niya sa kaibigan. Kung ano man ang plano niya kay Zandro ay sasarilinan muna niya. Isa pa wala pa siyang alam na pwedeng paraan para malapitan ito at makausap ng maayos. Pero dahil anak ito ng Mayor madali lang siguradong hanapin kung saan ito nakatira. Problema lang kung paano niya ito malalapitan para kausapin. Pag-uwi ng bahay. Maingay na naman si Julio. Sumisigaw na naman ito, habang kausap ang ilang kasambahay. Ganoon naman talaga tratuhin ni Julio ang mga kasambahay nila parang hindi tao kung mura-murahin nito. Paano mo iluluklok at bibigyan ng kapangyarian ang isang tulad ni Julio na mala demonyo ang ugali, para mamahala sa bayan nila. Walang dudang madudungisan ang magandang imahe ng bayan ng San Miguel. Umakyat siya sa hagdan. Hindi na lang pinansin ang boses ni Julio. May mas kailangan siyang pagtuunan ng pansin, si Zandro De Guzman. Nagtuloy siya sa silid, agad na humarap sa laptop para maghanap ng impormasyon tungkol kay Zandro. Kailangan pag-aralan muna niya ng mabuti kung paano niya malalapitan ang isang Zandro De Guzman at maihahayag ang pakay niya rito, na hindi ito tumatanggi. Ayun sa mga nabasa niyang impormasyon walang karelasyon si Zandro. May mga bali-balita na mahilig ito sa mga babae. Well, lahat naman yata ng lalake mahilig sa babae. Si Zandro ang nagpapatakbo ng De Guzman Farm. Ito ang nagsu-supply ng mga gulay at prutas sa bayan nila at ilan pang mga karatig bayan. May export din ang mga produkto nito, kaya marahil masasabing isang matagumpay na negosyante si Zandro sa edad nitong bente otso. Pinakatitigan niya ang gwapong larawan ng binata sa screen ng laptop. Zandro is a handsome man. Malakas ang appeal. Walang dudang titilian at pagkakaguluhan ito ng mga kabataang may kakayahan ng bumoto. Tiyak ang magiging panalo ni Zandro sa mga kabataan, at natitiyak niya ang magiging panalo ni Zandro laban kay Julio na wala namang kwenta talaga. "Kailangan makausap ko si Zandro sa lalong madaling panahon," bulong niya habang titig na titig sa larawan ni Zandro. "Handa kong gawin lahat mapapayag ko lang siyang labanan si Julio. Handa kong isakripisyo ang lahat para mapanalo ni Zandro ang kadidatura," mariing bulong niya sa sarili na puno ng determinasyon. Kailangan niyang isipin ngayon ay kung paano makakaharap si Zandro, at paano niya ito mapapayag na tumakbong Mayor sa bayan nila. May nabasa kasi siyang article na ayaw daw ni Zandro na pumasok sa pulitika. Mas nais daw kasi nitong mag focus sa negosyo nito. Wala daw sa isip nitong sumunod sa yapak ng ama nito na kasalukuyang nakaupong Mayor. Mas nais daw kasi ng binata nang tahimik at simpleng pamumuhay lamang. Kung sa bagay kung isa na rin naman itong matagumpay na negosyante, wala na ngang dahilan pa para pumasok ito sa magulong mundo ng pulitika Kaya kailangan niyang kumbinsihin si Zandro nang todo-todo para mapapayag itong labanan ang demonyong si Julio Alcaraz.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD