Chapter 7: A Dark Past (Isang Madilim na Nakaraan)

5511 Words
“Our deepest fear is not that we are inadequate. Our deepest fear is that we are powerful beyond measure. It is our Light, not our Darkness, that most frightens us.” -Marianne Williamson   Madilim ang paligid, at tila nalulunod sa isang tangke ng tubig si Helena. Malamig ang kanyang pakiramdam at tila wala siyang saplot na suot sa katawan. Lumulutang lamang ang lahat sa isang tangke ng salamin na puno ng kulay asul na likido. "Sir, I assure you that this is the last among them." Isang boses ang narinig niya. Iba ang lengguwaheng sinasambit nito. Saglit na napadilat si Helena ngunit wala siyang nakikita kundi ang asul na tubig na nakapalibot sa kanya at ang isang anino ng lalaki na tila may kausap na isa pa. "You've made a promise, doctor," wika ng isa pang lalaking kausap. "Y-yes Sir, but the others are just a failure. I assure you that th-this one is the final," sagot naman ng doktor. Nakadilat pa rin si Helena nang bahagya. May kung anong aparato ito sa kanyang bibig at tubong nagkakabit mula sa itaas na maya't maya naman ang pagbula kaya’t hindi niya makita nang malinaw ang dalawang nag-uusap. "Are they? Or is it you who is a failure?" tanong ng lalaki. "S-sir, but i assure y-you. This is the..." "If the government finds out what we’re doing, we’re f****d up!" bulyaw naman ng lalaki. Hindi maidilat ni Helena nang maayos ang kanyang mga mata. Nakakaramdam siya nang panghihina ngunit patuloy pa ring nakikinig sa mga nag-uusap. "But s-sir, th-this thing, this creation...I thought that our government..." sagot naman ng doktor na tila mautal-utal pa at nanginginig ang boses. "It will be terminated as soon as the people knew about this! The government will no longer be concerned about your proposal!" wika naman ng lalaki. "B-but Sir...the tests show that this subject is more likely to succeed 100 percent. She's different from the others. H-her brain is very functional that a n-normal memory gene can't even handle it!" sagot ng doktor. "I need result,  not tests!" wika ng lalaki na sa pagkakataong iyon ay tila naiirita na sa kausap. Tumalikod siya sa doktor at naglakad palayo. Naiwan naman ang doktor, napaluhod siya sa sahig at tila hinahagod ang kanyang ulo. Muling napapikit ang dalaga.     Muling iminulat ng dalaga ang kanyang mga mata, ngunit sa pagkakataong iyon ay nakita niya na ang sarili na nakaupo sa isang mechanical chair. Hawak ng dalawang prototype ang kanyang dalawang braso. Sinubukan niyang magpumiglas ngunit nanghihina siya. "Just hold her still," utos ng doktor na tila may inilalagay na likido sa isang injection. "Uhh..." mahinang ungol naman ni Helena. Napapapikit pa rin siya sa sobrang panghihina at tila nagdidilim ang kanyang paningin. Mayamaya pa’y lumapit ang doktor, hawak sa kanang kamay ang injection. Binuksan niya ang kaliwang mata ng dalaga at pagkatapos ay itinurok ang injection na hawak. "AAAAAHHH!!!" Napatili naman si Helena sa sakit na naramdaman. "J-just calm down, calm down!" wika ng doktor. Tila napaluha ng dugo si Helena at napapikit; namimilipit siya sa sakit. Hinugot ng doctor ang injection matapos niyang mailipat ang likidong nasa loob ng hiringgilya     "AAAAAHHHHHHH!" sigaw ni Helena. Napabalikwas siya sa kama. "Helena?!" wika ni Johan na kapapasok pa lamang sa kanyang hotel unit. May mga dala siyang pinamili, nilapag niya ang dalawang malalaking supot ng paper bag sa sofa at agad tumakbo patungo sa kanyang kwarto. "Helena!" pagtawag niya muli ang dalaga. Nakaupo na noon si Helena sa kama ni Johan. Nakayuko, nakahawak sa kanyang ulo at tila dilat na dilat na naman ang mga mata habang lumuluha. "Anong nangyari?" tanong ni Johan. Umupo siya sa tabi ni Helena at hinawakan ang braso ng dalaga. Matigas ang pagkakakapit nito sa kanyang ulo. Hindi niya maibaba ang kanyang mga kamay. "Sumagot ka Helena, anong nangyayari?!" tanong muli ng binata. Patuloy pa rin sa pag-iyak si Helena. Niyakap na lang siya ni Johan para kumalma. "N-natatakot ako," bulong niya. "’Wag ka nang matakot, nandito ako." Napansin ni Johan na tila nanginginig na ang katawan ng dalaga. "Nanaginip ka ba?" tanong ni Johan. Tumango lamang si Helena habang nakayuko. "Ano bang nakita mo?" Umiling si Helena. Tila ayaw ikwento kung ano ang mga nakita niya sa kanyang panaginip. "Shhh tahan na, ‘wag ka nang umiyak." Hinawakan ni Johan ang mukha ng dalaga. Nang medyo kumakalma na ay inangat niya ang ulo ng dalaga para mapatingin ito sa kanya. Dahan-dahan namang ibinaba ng dalaga ang kanyang mga kamay. Yumakap siya kay Johan at ikinagulat naman iyon ng binata. "Uhmm…tahan na. Pasensiya na kung umalis ako, umuwi kasi ako saglit. Tapos bumili na rin ako ng gamit at pagkain," wika ni Johan. Iniwan kasi nito ang dalaga kagabi sa kanyang hotel matapos nilang pumunta sa mataas na gusali ng Makati Central Hub at ipakita ang natatanging ganda ng Makati sa loob ngunit tila delubyo namang kalagayan nito sa labas. Patuloy pa rin sa pag-iyak si Helena ngunit sa pagkakataong iyon ay unti-unti nang humihinahon. Mayamaya pa’y tinanggal na ni Johan ang mga kamay na nakapalibot sa kanya. Marahil ay hindi ito sanay sa mga ganoong scenario. Tinanong niyang muli si Helena. "May naaalala ka na ba?" Ilang segundo naman ang hinintay ng binata para sa kasagutan nito. "M-magulo, h-hindi ko maintindihan. Nakakatakot." Iyon na lamang ang nasambit ni Helena at tumingin na siya sa mga mata ni Johan. Maluha-luha pa rin ang kanyang mga mata. Agad namang pinunasan ng binata ang mukha ni Helena ng panyo mula sa kanyang bulsa. Napabuntong hininga naman si Johan. "Kailangan kitang dalhin sa bahay." "Bakit Johan?" tanong ng dalaga. "Nandoon kasi ang memory gene lab ni Dad. Malalaman natin ang kasagutan doon tungkol sa panaginip mo," paliwanag ni Johan. Natahimik na lamang si Helena nang makita niyang ngumiti ang binata. "Tahan na, ngiti ka naman diyan. Hindi bagay sa ‘yo ang umiyak." Pinunasan naman ni Helena ang natitirang luha at pinilit na ngumiti. Napatalikod na lang si Johan dahil iba na naman ang kanyang ngiti. Pinilit niyang bumalik sa seryosong mukha at saka tumayo. "Tara na, kakain na tayo. Napagod ka siguro sa pamamasyal kagabi kaya tinanghali ka na ng gising." Naglakad siya palabas ng kwarto at agad na naghanda ng kakainin sa kusina. Sa pagkakataong iyon ay nagluto na si Johan. Hindi na lang basta ininit. "Bakit mo ako iniwan kagabi?" tanong ng dalaga, nasa likuran niya pala ito. Nakapantulog lamang noon si Helena. Jogging pants na manipis at ang kapares nitong polo. Damit iyon ni Johan na pinahiram niya muna sa dalaga. "Pasensiya na, hinintay kitang makatulog kagabi. Kailangan kasing hindi ako mawala nang matagal sa bahay. Hindi ko kasi pwedeng iwan si Mama. Sumasakit kasi ‘yong ulo niya dahil sa memory gene," paliwanag ni Johan. Inaasikaso naman nito ang mga rekado ng adobong manok. Naamoy naman ni Helena ang aroma ng niluluto ng binata, at tila natatakam siya. Napansin naman iyon ni Johan. "Kumakain ka ba ng adobo?" tanong niya. Napailing lamang si Helena. "Hindi ko alam." "Alam mo sabi ng mga psychologist, kapag nakalimot daw ang isang tao pakainin mo ng kahit anong pagkain. Baka may maalala sila," wika ni Johan habang tila naggigisa at naghahalo ng mga rekado sa kawali. "Kaya ba nagluluto ka ngayon?" "Oo, baka kasi alam mo ang pagkain na ito. Pamilyar ba sa ‘yo?" tanong naman ni Johan. "Hindi ko alam, pero parang naamoy ko na siya dati. Hindi ko alam kung kailan dati ‘yon." Napayuko naman si Helena. "Malalaman din natin ‘yan, Helena. Nagkakaroon ka na ng mga glitch ang memory mo," wika ni Johan. "Ano ‘yong glitch?" tanong naman ng dalaga. Lumapit siya kay Johan para tumulong sa paghahanda. Kumuha siya ng malaking mangkok at nilagyan iyon ng kanin. "Memory glitch, ibig sabihin no’n may mga naiiwang parte ng memorya na nawala," paliwanag ni Johan. "Ang isang maliit na memory glitch ay pwedeng lumaki hanggang sa maalala mo na ang lahat.” "Paano mangyayari ‘yon?" "Hindi ka aware, pero ang mga pangyayaring naganap na pero nakalimutan mo ay maaaring hindi ayon sa pagkakasunud-sunod sa tunay na nangyari kapag naalala mo na. Ang memory glitch mo, halimbawa, na doon ang panaginip mo kanina kung anuman iyon. Doon magsisimula ang lahat," paliwanag muli ni Johan. "Sumasakit ba ang likod ng ulo mo? Sa may memory gene?" tanong ng binata. Naglakad siya papunta sa sala, dala-dala ang mga pinggan at ang adobong manok na nakalagay sa isang malaking mangkok. Sumunod naman si Helena sa kanya. "H-hindi na, kanina pagkagising ko. Masakit," sagot ni Helena. Naisip agad ni Johan ang kanyang ina. Sumasakit din ang ulo nito sa bandang memory gene kapag naii-stress. Nakita na rin kasi ni Johan ang kalagayan ng kanyang ina. Normal naman ang katawan nito ngunit tila may problema sa kanyang memory gene. Simula nang ilipat ang memorya niya sa ibang katawan, matapos ang isang taon ay palagi na itong sumasakit. "Pareho kayo ni Mama, sumasakit din ang ulo. Pero siya naman lagi, kapag stressed siya," wika ni Johan. "Ano ba ang dahilan bakit sumasakit?" tanong ni Helena. "Sumasakit ang parte na may memory gene kapag intense ang pangyayari o nararamdaman mo. Mas malala ang pangyayari habang inaalala iyon, mas sumasakit ang ulo ng may memory gene at mas mataas ang memory na nakokonsumo nito." Napaisip saglit si Johan at natahimik. “Hindi kaya…” "Bakit  Johan?" tanong ni Helena nang mapansing hindi na nito itinuloy ang kwento. "A-ah wala, may naalala lang ako." "Ano nga ‘yon?" Uminom muna ng tubig si Johan. "Sumasakit kasi ang ulo ni mama kapag nag-aaway kami ni Kuya. Ang masama noon eh madalas kaming mag-away," paliwanag niya. "May problema ba ang memory gene niya?" tanong muli ng dalaga. "Noong iniwan kita kina Aling Tess, umuwi noon si Kuya. Nag-away kami. Sumakit bigla ang ulo niya at nahilo. Nang tingnan ko naman eh wala namang problema ‘yong memory gene niya," sagot ni Johan. "Hindi kaya may nangyari noon sa Mama mo?" tanong ni Helena. Napaisip naman ang binata. "Bukod sa lagi naming pag-aaway ni Kuya. Wala naman. Hindi ko alam. Siguro masyado niya lang dinidibdib ‘yon," wika niya pero sa loob-loob niya ay tila may mali. "Magkaiba naman kayo ng sitwasyon kaya ‘wag kang mag-alala. ‘Yong sa ‘yo kasi may naaalala ka na kahit kaunti. Normal lang iyon Helena," wika ni Johan. "Magbihis ka pagkatapos nating kumain. Pupunta tayo sa building namin.”   Muling namangha ang mga mata ni Helena. Siguradong may makikita na naman siyang bago sa paningin.     "H-hindi mo ba gagamitin ang motor mo, Johan?" tanong ng dalaga. Nasa walkway kasi sila. Nakatayo lamang ang dalawa habang umaandar pasulong ang platform. "May kukunin muna ako, baka sakaling gawa na siya," sagot ni Johan. "Sino?" tanong muli ni Helena na medyo na-curious. "P-prototype ba ‘yan ha Johan?" "Ha? Bakit mo naman naisip ‘yan?" Tila natatawa naman si Johan ngunit nang makita ang reaksyon ni Helena ay naging seryoso ang kanyang mukha. "May problema ka ba sa mga prototype?" tanong niya. "’Yong panaginip ko kasi, saka yung nangyaring gulo sa Antipolo. Hindi siguro ako magkakaganoon kung hindi ako nakakita ng prototype," sagot ni Helena. Tinitigan naman niya ang dalaga. "Ano bang napanaginipan mo kanina?" seryosong tanong ni Johan. "M-may...may mga nag-uusap. Dalawang lalaki. Tapos hawak ako ng dalawang prototype. Nagpupumiglas ako pero. Hindi ko kaya eh. Tapos may doktor..." Napaluhang muli si Helena, hindi na niya itinuloy ang kanyang kwento. "Tahan na, ako na lang ang titingin kung ano nga bang nangyari," wika ng binate. Nakangiti siyang muli habang hawak ang ulo ng dalaga. Napatingin na lamang si Helena sa ibaba mula sa walkway na sinasakyan at nagpunas ng luha. "Paano mo makikita ang panaginip ko, Johan?" tanong niya. "Magagawa ko lang ‘yon sa laboratory ni Dad. Sa memory reader. May standard plug kasi ang bawat memory gene ng mga gumagamit nito. Mahal nga ang machine na iyon dahil eksklusibo lang na nagagamit sa mga may memory gene. Iyon lang kasi ang sineserbisyohan ng aparatong iyon. Mahal din ang memory reader. Kasing-mahal ng bibilhin mong katawan sa black market at ng memory gene na ikakabit. Kung tutuusin sa World Trade Center, Sa Davao at sa Cebu lang may ganoon," paliwanag niya. "Eh bakit may ganoon kayo?" tanong naman ni Helena. "’Di ba nga sinabi ko sa ‘yo? Isa sa CEO ng MEMO ang tatay ko. British siya at nasa London siya ngayon. Lagi naman siyang wala dahil sa trabaho niya," paliwanag ni Johan.   "Kaya pala medyo maputi ka," sagot naman ni Helena. Ngumiti na lamang ang binata sa kanya. Nagpatuloy sa pag-andar ang walkway hanggang sa tumigil ito sa isang gusali na may mga magagarang hover car na nakaparada sa labas. Bumaba ang escalator nito at dumiretso sa loob ng gusali. Agad naman siyang nilapitan ng isang lalaking may panyo sa kanyang ulo at tila marumi ang damit na suot. May kalakihan ang kanyang katawan at parang gawa naman sa bakal ang kanyang kanang paa. "Pare! Ayon kakaayos lang ng baby mo. Haha," wika niya. "Salamat, Max. Siya nga pala, si Helena. Helena, ang mekaniko ng mga sasakyan ko, si Max," pakilala naman ni Johan. "Uy hello," sabay abot ng marumi niyang kamay sa dalaga. Medyo naasiwa naman siya. "Oops sorry, hehe next time na ang shake hands," wika ni Max. "Sira ka talaga," sambit naman ni Johan habang nakangiti. "Ang ganda ng chiks mo ah? Ngayon ka lang yata nagpakilala," biro naman niya. "Pasensiya na. Haha. Ngayon ko lang nadala eh," sagot naman ni Johan. Tiningnan nito si Helena at tila kumindat pa. Namula naman ang mukha ng dalaga na medyo naiinis. "So? Nasaan na ‘yong baby ko?" tanong ni Johan kay Max. "Naku ‘yong baby mo? Ayun nasa likod. Tinakpan ko muna at maraming gustong bumili. Akala siguro for sale," sagot ng mekaniko. Naglakad silang tatlo papunta sa likurang garahe ng store. Hindi naman magkamayaw si Helena sa pagtingin ng magagarang sasakyang nakaparada sa loob at labas ng tindahang iyon. Napapanganga siya sa ganda ng mga disenyo at kulay na kumikintab pa at kitang-kita ang kanyang repleksyon. Hinimas niya ang isa sa mga hover car na kulay blue habang sila ay naglalakad. Umbok ang bumper nito at kitang-kita ang tikas ng disenyo. "’Yan ang Bugatti model ZX 3000. Isa sa mga pinakamabibilis na hover car na makikita mo sa buong planeta. May Mak 3 Jet Engine na halos tumatakbo ng 350 kapag pinaharurot mo. Walang katulad. Wish ko nga lang akin ‘yan eh," biro ni Max. "Bakit may iba na bang may-ari niyan? Noong isang linggo ko pa nakita ‘tong kotseng ito dito ah?" tanong ni Johan. "Hayun, sa kasamaang palad, hindi pa binabalikan ng may-ari. Malapit na nga i-auction ‘yan. Kapag nangyari ‘yon baka kunin ko ‘yan," sagot ni Max. Halata sa kanya ang pagka-engganyo sa mga hover car kaya ito ang naging business ni Max---ang magbenta ng mga mamahaling kotse. Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa huminto sa isang hover car na natatakpan ng kulay itim na tela. "Alam ko namiss mo ‘tong baby mo. Inayos ko na ‘yan. Subukan mo namang ingatan," wika ni Max. "Pasensiya na, pare. May nangyari lang talaga no’ng dinala ko ‘yan dito. Pero may itatanong ako Johan. ‘Wag kang mag-alala ako lang naman ang nakakita eh," ani Max na tila seryoso. Agad namang nahulaan ni Johan ang sasabihin nito kaya't inunahan na niya. "’Yong dugo sa passenger seat?" wika niya. Ngumiti naman si Max habang tumatango. "Sa kanya ‘yon. Noong iligtas ko siya." "Niligtas saan?" tanong niya. "Mahabang kwento, pare. Haha."                 "Ay naku, ano nga bang pakialam ko do’n? O siya eto na ang baby mo." Tinanggal ni Max ang kumot na nakatakip sa hover car na iyon at tila namangha naman si Helena sa itim na kotse na mukhang bago pa. "Wooow..." sambit ng dalaga. "Yan ang pinakabagong Audi R50. ‘Di hamak na mas maganda ang disenyo pero wala pa ring tatalo pagdating sa paborito kong kotse; ‘yong kanina." Natawa si Max. "Kapag nabili mo na ‘yong kotse mo, magkakarera tayo para magkaalaman," biro naman ni Johan. Agad hinaplos ni Helena ang kotseng iyon. Nanlalaki ang mga mata niya at tila nananalamin sa sobrang kintab ng katawan ng hover car. Binuksan naman ni Max ang isang malaking gate. "Dito mo na idaan ‘yan," wika niya. Binuksan naman ni Johan ang passenger seat para kay Helena. "Natatandaan mo ba ito?" tanong niya sa dalaga. "H-hindi. Nakasakay na ba ako dito?" "Oo, wala ka kasing malay noon. No’ng pumunta tayo sa Antipolo," sagot ni Johan. Pumasok naman sa loob ng kotse ang dalaga. Pumunta sa kabilang pintuan si Johan upang umupo sa driver's seat. Hinagis naman ni Max ang susi sa kanya. "Pare basta ah, wala na sanang masisira diyan. Bago ‘yong mga ipinalit ko diyan." "Oo pare, salamat. Sa uulitin," biro naman ni Johan. "Anong sa uulitin ka diyan? Haha, sige na mamasyal na kayo ng chiks mo." Pinaandar ni Johan ang hover car, at umangat naman ito mula sa platform. Pinatakbo niya ang jet engine, at umandar ito nang bahagya palabas ng gate ng shop. "Salamat talaga, pare," wika ng binata. "Salamat ka diyan.Haha, tandaan mo magkakarera pa tayo kaya ‘wag mo sirain para hindi mapalitan ‘yong engine. Walang dayaan!" pahabol na biro ng mekaniko.     "Mag-seatbelt ka Helena," utos ni Johan. Sinunod naman ito agad ng dalaga at pinaharurot ni Johan ang kotse papunta sa exit gate ng Makati. "Dito mo mapapansin ang pinagkaiba ng mga bagay sa loob at labas ng bawat bidder district," wika ni Johan. Hindi siya nagkamali. Sa labas ng gate na iyon ay agad sumalubong ang napakaraming mga bid, madungis ang kanilang hitsura at kinakatok nila ang bintana ng bawat hover car na papalabas ng gate. Hindi rin nakalusot ang kotse ni Johan. Pinagkaguluhan ito ng mga bid at tila kinatok nang kinatok ang windshield nito. Tila natakot naman si Helena sa pagkatok sa pinto ng mga bid na iyon. "Ang laki ng pinagkaiba nila kina Aling Tess ‘di ba?" wika ni Johan habang dahan-dahang pinapaandar ang kanyang kotse. "Kung tutuusin, mas naghihirap ang mga bid na nandito sa siyudad kaysa kina Aling Tess. Sila kasi, nakakapagtanim nang maayos. May sarili silang imbakan ng mga pagkain. Ang mga bid dito sa siyudad, wala silang mapagtataniman. Wala rin silang kakayahang magtrabaho nang maayos. Maswerte sila kung may mahanap silang trabaho. Kung wala naman silang mahanap, ayan. Namamalimos na lang sila," paliwanag ni Johan. Patuloy pa rin ang pagkatok ng mga bid na iyon sa windshield ng kotse. Hindi sila magkamayaw sa sobrang dami at halos maitulak na ang bawat kotse na nilalapitan nila. Huminto saglit si Johan dahil baka makasagasa siya. "Ito ang problema. Mapapahinto ka talaga sa dami nila. at asahan mo na ang susunod na mangyayari..." Nagdatingan ang ilang mga pulis-Makati. May mga dala-dala silang electric rod at sinimulang pagpapaluin ang mga bid na nakapalibot sa bawat kotse na kanilang kinakatok. Nakita ni Helena kung paano iyon gawin ng mga pulis; brutal, walang awa, at hindi makatao. Kahit mga maliliit na bata ay walang takas sa kanilang paghagupit. Napatingin naman si Helena kay Johan. Tila nagtatanong kung wala ba siyang balak gawin. Napailing na lamang si Johan. "Hindi ko pwedeng gawin iyon, Helena. Pasensiya na. Kapag lumabas ako ng hover car na ito siguradong kukuyugin nila ako. Kukunin nila lahat ng kung anuman ang pwede pa nilang magamit," paliwanag ng binata. "Hindi ko rin masisisi ang mga bidder kung bakit madalas nilang tawaging magnanakaw ang mga bid. Desperado na sila sa buhay. Tulad ng mga bidder, tila handa na rin silang kumuha ng ibang buhay para lang mabuhay ang nakararami sa kanila," dagdag pa niya. Naging maluwag ang kalsada ngunit mangilan-ngilan ang tila nawalan ng malay na nakahandusay sa kalsadang iyon. Hinihila na lamang sila ng iilang mga bid din na umiiyak at namamalimos pa rin kahit sa mga pulis ng Makati.           Muling pinaandar ni Johan ang kanyang hover car at pinaharurot ito sa highway. Napansin ni Helena ang ibang nagtataasang gusali. Halos mawawasak na ito. Ganito rin ang mga gusali sa Antipolo na nakita ni Helena. Ang iba naman ay halos makabago ang disenyo. May parte rin kung saan sira-sira ang daan at halos malubak. Ang iba kasing mga bid ay tinitibag ang mga kalsada para lang makuha ang mga bakal na parte ng magnetic field na nasa ilalim nito para ibenta at magkapera. Mabilis ang pagpapatakbo ni Johan. Halos lumipad na ang sasakyan niya sa highway at kung may butas naman ang kalsadang iyon ay bumabagal ito ng takbo. Nakarating sila sa isang mataas na gusali. Hindi namalayan ni Helena na nasa Maynila na pala sila. Makikita sa gusaling iyon ang malaking pangalang nasa itaas. “KLEiN.” "Sa inyo ‘yan?" tanong ni Helena habang papalapit ang kotse sa gusaling iyon. "Oo, sa amin ‘yan. Mga opisina ang nasa itaas na pinapatakbo ng MEMO. Mga bangko, insurance, at kung anu-ano pa," sagot ng binata. Nang makarating sila sa gilid ng gusali ay nagulat si Helena nang bumaba ang platform na tila parte ng kalsada. Nakita niya ang Basement 1 na halos nakakasilaw ang pagkaputi ng pader. Nakita rin niya ang iba’t ibang klase ng kotse. Halos lahat ay magaganda ang disenyo. "Sa ‘yo ‘yan lahat?" tanong ni Helena. "Hindi lahat. ‘Yong iba diyan kay Mama, ‘yong iba kay Kuya. ‘Yong kay Dad naman nasa Basement 2. Siya ang nangongolekta talaga ng mga hover car," sagot ni Johan. Agad pinarada ni Johan ang kanyang itim na hover car sa isang gilid. Pinatay niya ang makina at lumabas ng kotse para pagbuksan ng pinto ang dalaga. "Nandiyan siguro si Mama. Ipapakilala kita," wika ni Johan. Napansin ni Helena ang isang makinang nakadikit sa bawat kanto ng malaking garaheng iyon. Sinusundan kasi siya nito. "A-ano ‘yong mga ‘yon Johan?" "Ah wag kang matakot, mga CCTV camera yan. Nakakonekta ‘yan sa system ng computer ko," paliwanag muli ng binata. Nagtungo sila sa elevating platform at saka bumaba sa Basement 3 kung saan naroon ang living room na madalas paglagian ng kanyang ina. Nakita ni Helena ang isang tila maliit na green garden bago pumasok ng living room. Nilapitan niya ang isang halaman ng rosas. "Ang ganda ‘di ba?" tanong ni Johan. "Mahilig sa mga halaman si Mama. ‘Yan lang ang hobby niya." "Nakikita mo ‘yong ilaw na ‘yon?" Tinuro ni Johan ang isang malaking ilaw na nasa kisame. Bilugan ang hugis nito. "’Yan ang artificial sunlight ng garden kaya napapatubo niya ang mga halaman dito." Ngumiti na lamang si Helena habang hinahaplos ang talulot ng pulang rosas. "Mag-ingat ka, matinik ‘yan," babala naman ni Johan. Agad na silang tumuloy sa living room pagkatapos. Wala roon ang kanyang ina kaya tumuloy sila sa kusina. Doon ay naabutan niya ang kanyang ina na nagluluto. "Oh Johan," wika ng kanyang ina. Ibinaba naman ng binata ang kanyang hood at agad siyang yumakap at humalik sa ina. Nagulat naman si Helena. "A-ang bata naman ng Mama mo," wika niya. Natawa na lamang ang mag-ina. "Pangalawang katawan ko na ito, iha. Pasensiya na kung nagulat ka," sagot ni Mrs. Erlinda Klein. "Ah, Ma si Helena. Kaibigan ko." Dumilat naman ang mga mata ng kanyang ina habang nakangiti. "’Di nga Ma, kaibigan ko lang." Si Johan naman ay napapangiti rin. "Hmm. Sigurado ka ba? Alam mo iha, ikaw pa lang ang dinadalang babae dito ng anak ko. Napakamapili talaga nitong batang ‘to. Proud naman ako kasi napakaganda at siguradong napakabait mo." Lumapit ang ina ni Johan at agad yumakap sa dalaga. Nagulat naman si Helena at napangiwing ngumiti. Kalaunana’y yumakap na rin siya. "Nagluluto nga pala ako ng kare-kare. Uuwi kasi ang kuya mo mamayang gabi.” Napatingin naman si Johan at tila nalukot ang mukha. Hinimas naman ng kanyang ina ang kanyang balikat. "Anak, sana naman magkaayos na kayo," wika ng kanyang ina. Ngumiti naman si Johan para hindi na mag-alala pa ang ina. "Maayos kami Ma, ‘wag po kayong mag-alala. Uhmm…pupunta lang kami sa lab ni Dad. May titingnan lang po ako," paalam naman ng binata. Naglakad na sila palayo. Napansin naman ni Helena na muling nagsalubong ang mga kilay ni Johan. "Ayos ka lang ba?" tanong ni Helena. "’Wag mo akong intindihin. Kung anuman ang maririnig mo mamaya kapag dumating si kuya, pabayaan mo na lang. Mahilig kasing kumuwestyon iyon ng bawat hakbang ko," sagot niya. Nang makarating sila sa lab ay nakita ni Helena ang isang mechanical chair. May kung anu-anong kable ang nakapalibot sa ulunan nito. Napakapit siya nang mahigpit kay Johan. Tila nakaramdam siya ng takot nang makita ang aparato. "Ganito ba ang napanaginipan mo?" tanong ni Johan. "Oo Johan. G-ganyan nga ‘yon," sagot ng dalaga. "’Wag kang mag-alala, walang mga prototype dito. ‘Wag kang matakot." Ngumiti si Johan sa kanya at naging kalmado naman nang kaunti ang dalaga. Inalis niya ang kanyang bolero jacket na suot at humiga sa mechanical chair na iyon. Binuksan naman ni Johan ang ilang mga switch ng aparato pati na ang computer na katabi. "Makakaramdam ka ng kaunting surge sa katawan mo kapag kinabit ko na itong wire. Sinasabi ko lang para hindi ka magpanic, Helena. Hindi ito masakit. Pagkatapos mo iyong maramdaman ay magiging normal na ulit ang pakiramdam mo," paliwanag niya. Hinatak ni Johan ang dalawang wire mula sa kable sa bandang ulunan ng dalaga. Una niyang kinabit sa kaliwang bahagi ng memory gene niya ang isang pahabang port, tinanggal niya ang isang takip nito sa pamamagitan ng electric screw driver. Sinunod niya naman ang kabila. "Helena. Heto na ah. ‘Wag kang mabibigla." Napakapit naman sa kanyang braso si Helena. Sinaksak niya na ang isang port at tipong napaigtad nang kaunti si Helena mula sa pagkakaupo. "Nangyayari ang surge na ‘yan dahil kumokonekta ang utak mo mula sa makina. Nagkakaroon ng maliit na electric shock. Kumusta ang pakiramdam mo?" tanong ni Johan. "Hmm. Hindi ko alam. Parang nagulat lang ako," sagot ng dalaga. "Titingnan ko na ah? May ilang detalye kang makikita o maiisip. ‘Wag kang matatakot, okay?" wika ni Johan. Binuksan niya ang isang program sa computer. Iba’t ibang glitches naman ang kanyang nakita. Tila isang DNA ang kabuuan noon at hiwa-hiwalay ang mga DNA na iyon.   Pumunta siya sa isang DNA na tila nagkakaroon ng white noise. Iyon ang tinatawag na glitch. Tila video itong nag-play sa screen ng hologram LCD ng computer. Makikita ang first person view sa video. Hinahawakan ng dalawang prototype na wangis babae ang magkabilang braso nito. "Uhhmm," napaungol naman si Helena na sa pagkakataong iyon ay dilat na dilat. "Helena, magiging maayos ang lahat," wika ni Johan, sinusubukang pakalmahin ang dalaga. Isang doktor naman ang nakita ni Johan sa hologram, may takip ang bibig nito at may hawak na injection. "Just hold her still," wika ng doktor na iyon. Nagpupumiglas ang katawan na iyon at nagulat na lamang si Johan nang makitang wala siyang saplot. Saglit siyang napatingin kay Helena at saka bumalik sa hologram screen. Mayamaya pa’y itinurok ng doktor ang injection sa mata ng dalaga. Napayuko na lamang si Johan habang nakapikit at umiiling. Hindi niya matukoy kung tao pa ba ang doktor na iyon para mag-inject sa mata ng tao. Lalo pa siyang napailing nang marinig ang sigaw ni Helena. Napapaungol naman si Helena sa kinauupuan. Hinawakan na lamang ni Johan ang kanyang balikat. "J-just calm down, calm down!" wika ng doctor. Nang hugutin na ng doktor ang injection mula sa kanyang mata ay nagpatuloy sa pagsigaw si Helena. "Just hold her!" utos ng doktor sa dalawang prototype. Ang sumunod na scenario ay ikinagulat naman ni Johan. Tila nagalit dito si Helena. Agad niyang hinagis ang prototype na nasa kanyang kaliwa. Sinubukan ulit nitong kapitan ang kamay ni Helena ngunit nang lumapit na ito ay kinapitan niya ang ulo ng prototype at saka ito’y binali. Nagulat naman ang doktor sa ginawa ng dalaga. "What the?!" Napahiga na lamang siya sa takot habang hawak ang isang tray at sa ibabaw nito ay ang kulay asul na memory gene. Sinunod nito ang prototype na nasa kanan. Binalian ito ni Helena ng braso at saka kinapitan ang bibig nito. Tinanggal nito ang panga ng prototype at kumalat naman ang langis nito sa buong paligid. Tumayo na nang tuluyan si Helena. Lumapit siya sa doktor nang dahan-dahan. Tumakbo naman ang doktor palayo at pinindot ang alarm ng gusali. Tila naging kulay pula ang ang ilaw ng buong gusaling iyon. Agad na nagdatingan ang maraming prototype mula sa entrance ng lab at pinagbabaril si Helena. "No don't shoot her please!" wika ng doktor. Nawalan siya ng malay at nagblackout na ang hologram screen. Napailing na lamang ang binata sa nasaksihan. Tiningnan niya si Helena. Tila mulat na mulat pa rin ang kanyang mga mata at sa pagkakataong iyon ay lumuluha na. "Helena?" Hinawakan ni Johan ang kanyang kamay. "N…nata..natatakot ako, Johan." Basag na ang boses ni Helena sa pagkakataong iyon. "Nandito lang ako, kasama mo ako. Magtiwala ka lang sa ‘kin," wika ni Johan. Muling tumingin si Johan sa hologram screen. Hinanap niya ang iba pang glitch sa memory ni Helena. Hindi siya nabigo at nakita niya pa ang isa. Binuksan niya ito at animo’y isang video na naman ang lumabas. Tila nasa loob ng isang tangke ng tubig si Helena. Kulay asul ang paligid at mayroon itong oxygen sa bibig. May pumasok na isang lalaki sa kwartong iyon. Madilim kaya't hindi niya makita ang mukha nito. "Sir, I assure you that this is the last among them," wika ng doktor. Nakaputi itong uniporme kaya't alam niyang siya rin ang doktor na nagturok ng kung anong likido sa mata ng dalaga. "You've made a promise, doctor," wika ng lalaki na tila nakauniporme nang maayos. Naka-coat ito at animo’y businessman ang tindig. "Y-yes Sir, but the others are just a failure. I assure you that th-this one is the final," sagot naman ng doktor na tila kinakabahan. "Are they? Or is it you who is a failure?" "S-sir, but i assure y-you. This is the..." "If the government finds out what we’re doing, we’re f****d up!" Ikinagulat ni Johan ang kanyang narinig. "But s-sir, th-this thing, this creation...I thought that our government..." sagot ng doktor. "It will be terminated as soon as the people knew about this! The government will no longer be concerned about your proposal!" wika ng lalaki. Tila kinabahan si Johan sa kanyang narinig at muling ni-replay ito. A-alam ito ng gobyerno?! bulong niya sa kanyang sarili. "B-but Sir...the tests show that this subject is more likely to succeed 100 percent. She's different from the others. H-her brain is very functional that a n-normal memory gene can't even handle it!" Tama ang hula ni Johan nang una niyang makita ang memory gene ni Helena. Highly functional nga ang memory gene nito. Pero binanggit din ng doctor na very functional ang kanyang utak na kahit ang ordinaryong memory gene ay hindi ito kayang suportahan. Hindi pwede, hindi ka ordinaryong tao, Helena, bulong niya. "I need results not tests!" Umalis ang lalaking iyon at naiwan ang doktor na nakaluhod. Mayamaya pa’y lumapit ito sa tangkeng gawa sa salamin. Nagulat siya nang makita ni Helena nang malinaw ang kanyang mukha. Hinahaplos nito ang tangke at animo’y nakatawa habang napapaluha. Pinindot ni Johan ang pause at nag-screen shot. Automatic na nai-save nito ang imahe sa computer. Pagkatapos noon ay pinindot niya ang play. Nagsalita naman ang doktor at sa pagkakataong iyon ay lumuluha at nalulukot na ang mukha. "You're not a failure. You're never a failure to me. Forgive me..." Hinihimas pa rin ng doktor ang tangkeng iyon. "Forgive me for what I did to you. Forgive me...my daughter." Napahawak sa kanyang bibig si Johan. Nagulat siya at tila halos lamutakin ang kanyang bibig sa sobrang galit. Napaluhod siya at tumakbo papunta sa banyo ng lab. Sumuka siya, dala na rin siguro sa halo-halong emosyong naramdaman. Umakyat na sa kanyang katawan ang naghalong nerbiyos, pagkagulat, lungkot at galit. Napakapit naman siya sa kanyang tagiliran. Tila napwersa ang kanyang sugat sa pagsukang ginawa. Napapikit si Johan habang naghihilamos ng mukha sa lababo. Napakagat siya sa labi sa sobrang galit at nagdugo ito. Naghilamos siya at dahan-dahang lumapit sa memory reader. Nakadilat na noon si Helena. Umiiyak siya habang nakatingin nang malamlam kay Johan. Agad niyang niyakap si Helena. Siguradong nakita rin niya ang pangyayaring iyon sa kanyang memorya. Yumakap naman nang mahigpit ang dalaga. Hindi pa rin makapaniwala si Johan sa kanyang napanood. Paulit-ulit naman sa pag-play ang video na iyon. "Forgive me for what i did to you. Forgive me...my daughter."  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD