Chapter 8: Deus Ex Machina (God of Machines)

5426 Words
“The wise are instructed by reason, average minds by experience, the stupid by necessity and the brute by instinct.” -Marcus Tullius Cicero   Philippines: Year 2300. Ang panahon kung saan ang buong mundo kasama na ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong paksyon na caste system. Ang mga bid, commoner, at bidder. Ito rin ang panahon kung saan laganap ang paggamit ng memory gene, isang aparato na inilalagay sa likuran ng ulo ng bawat bidder upang mabuhay nang matagal kahit daan-daan pang siglo ang lumipas. Taong 2216, nang lumaganap ang isang nuclear war laban sa China. Gumawa ng isang kasulatan ang karamihan sa mga bansa sa Asya upang lagdaan ng United Nations para supilin ang mapaminsalang imperyo. Ilang bansa ang sinubukan nitong sakupin,kabilang na rito ang Pilipinas. Nilagdaan ang kasulatang iyon ng lahat ng leaders ng United Nations at dahil sa kasulatang ito. Tuluyang pinakawalan ng America ang isang nuclear bomb upang wasakin ang bansang China. Lubhang naapektuhan ang mga karatig-bansa nito. Dahilan din ito ng pagbaba ng lifespan ng mga tao sa buong mundo. Isang physiologist at bihasa sa human brain, si Dr. Welder Freuch ang nag-imbento ng isang aparatong kung tawagin ay memory gene. Isa itong proseso ng paglipat ng memorya sa isa pang buhay na katawan para mabuhay ang isang tao ng napakatagal na panahon. Tinawag ito ng maraming bid na killing machine at mass murderer. Nangailangan kasi ito ng isang katawang malusog upang mailipat ang memorya ng isang taong mamamatay na. Nagkaroon ng bentahan ng katawan sa black market. Talamak na rin ito at naging legal. Ang mga bid ay walang magawa kundi ibenta ang kanilang mga anak para mabuhay. Wala silang magagawa dahil sa makabagong sistema, mas marami ang naghirap. Si Johan Klein, 21 taong gulang--- isang bidder ngunit hindi siya gumagamit ng memory gene. Naniniwala siya sa halaga ng buhay at ayaw niya ng makabagong sistema. Ang kanyang ama na si Dr. Levine Klein, na isang IT expert ay isang CEO sa kompanyang MEMO. Nais niyang sundan ng kanyang anak ang kanyang mga yapak. Ngunit tila nagbago ang pananaw ni Johan nang makilala si Helena, isang babaeng iniligtas niya isang gabi na hindi niya akalaing may kakaibang lakas, bilis, at estado ng pangangatawan ngunit walang memorya ng nakaraan.   Isang pag-aaklas ang nangyari sa Antipolo at doon natunghayan ng buong Pilipinas ang delubyong ginawa ng dalaga. Nakagawa ng paraan si Johan upang isipin ng mga militar at ng gobyerno na patay na siya. Nagpahabol siya sa bangin ng Antipolo at hinayaan niyang tadtarin ang lugar na iyon ng mga rocket ng militar. Nailigtas ni Helena si Johan na sinuwerteng nabuhay. Nagpunta sila sa Makati, ang nag-iisang bidder district city. Ito ang lugar ng mga mayayaman at bawal dito ang mga bid. Pinalitan ni Johan ang pagkakakilanlan ng dalaga upang makaiwas sa banta ng militar at ng gobyerno. Ipinakita ni Johan ang marangyang pamumuhay ng mga bidder habang ang mga bid na nasa labas ng isang malaking pader ay naghihikahos sa hirap. "Tutulungan kitang wasakin ang pader na iyan, Johan." Ito ang pangako ni Helena kay Johan na nagbigay naman ng pag-asa sa binata. Ngunit natuklasan ni Johan ang isang bagay kay Helena. Isa siyang eksperimento, ngunit hindi pa matukoy kung bakit siya ginawa, kung saang bansa at anong gobyerno ang nagpasa ng eksperimentong ito at kung bakit sarili niya pang ama ang gumawa noon sa kanya. ******   "Ang pangalan niya ay Dr. Matthews Konning, isang American scientist na bihasa sa genetics. ‘Yon lang ang nakalagay dito. Confidential na ang ibang information. Nakakainis!" Binato ni Johan ang hologram stick na hawak. Ini-scan niya kasi dito ang mukhang nakita sa panaginip ni Helena. Tulala lamang ang dalaga at mugto ang mga mata nito. Nasa loob sila ng kwarto ni Johan na hindi mapakali sa isang tabi. Si Helena naman ay nakaupo lamang sa malambot na kama ng binata habang yakap ang mga binti. "Lagi na lang! Laging dead end!" bulyaw ng binata. "Johan..." wika ni Helena ngunit nakayuko pa rin siya habang kayakap ang dalawang binti. "Normal ba ako? Tao ba ako?" tanong niya. Unti-unting naaalala ni Helena ang mga pangyayari sa Antipolo. Agad siyang pumikit, at tila hindi niya gustong makita sa kanyang isipan ang mga naganap. Wala siya sa sarili nang mangyari iyon. Napatingin naman si Johan at napabuntong-hininga. "Tao ka Helena, Nasusugatan ka, nakakaramdam ka ng sakit, nakakaramdam ka ng lungkot at may sarili kang desisyon. ‘Wag mong isiping iba ka," sagot naman ni Johan. "P-pero bakit iba ako sa ‘yo? Iba ako kina Aling Tess?" tanong niyang muli. Umupo si Johan sa isang upuan malapit sa kanyang computer.   "Tao ka Helena. Hindi ko man maipaliwanag kung bakit mas mabilis at malakas ka kaysa sa iba. Basta ang alam ko tao ka." "Kung tao ako, bakit ginawa ‘yon ng sarili kong ama sa akin?" Napatulala naman si Johan. Ilang segundo din siyang nanahimik. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa dalaga. "May mabigat na dahilan. Kailangan natin iyon alamin." Napayuko na lamang ang binata. Muli niyang pinulot ang memory stick na inihagis kanina lamang. Binuksan niya ang kanyang computer at doon ipinasok ang mga data na nakuha niya mula sa panaginip ng dalaga. Nilagay niya din doon ang imahe ng memory gene ni Helena. Kakaiba talaga ang disenyo nito. Mas maganda at kulay asul. Pinaglapat niya ito sa kanyang hologram screen, ang mukha ng doktor at ang memory gene niya. Napakapit siya sa kanyang baba, tila malalim na nag-isip. Mayamaya pa’y muli niyang tiningnan ang video ng panaginip ni Helena. Itinigil ni Johan sa parte kung saan nakalagay sa tray ng doktor ang asul na memory gene. Muli siyang napakamot sa ulo dahil wala ring nakasaad na clue dito. "No, don't shoot her please!" wika ng doktor sa video. Wala pa rin siyang clue. Ngunit tila may napansin siya sa mga prototype nang pagbabarilin nila si Helena. May nakatatak sa kanilang mga balikat: “Force Militaire.” "Military Force? French?" bulong niya. Napatingin naman si Helena sa ginagawa ng binata. Muli niyang ibinalik ang video kung saan hawak ng doktor ang isang tray na naglalaman ng memory gene ni Helena. "Asul na memory gene. Asul na tubig?" Isinara ni Johan ang video at binalikan ang isa pa kung saan nasa loob ng tangke si Helena habang nag-uusap ang kanyang ama at isang lalaki. Wala siyang nakitang kakaiba. Sinubukan naman niyang magbukas ng browser sa hologram upang magsearch. Sinimulan niya ang pagta-type: blue liquid compound. Lumabas dito ang mangilan-ngilang resulta. Binuksan niya ang isa. Oxygenated Blue Liquid. A compound used by LINEL Industries; it is said that it can make faster regeneration in the body within a time limit. Though it was just an experiment and has never been proved, it has been a threat to MEMO for its potential. LINEL Industries was shut down by the European government due to the incident on March 25, 2294.' "2294? Anim na taon na ang nakakaraan," wika ni Johan. Wala nang sumunod pang impormasyon. Sunod niya namang binuksan sa browser ay ang impormasyon tungkol sa insidenteng nangyari sa LINEL Industries noong March 25, 2294. The Incident killed hundreds of people in the research facility of LINEL Industries, including 54 doctors and almost 200 military personnel. It is still currently unknown to the people what or who did it. The European Government and MEMO took action on this brutal incident, but the people of France believed that they are hiding something. News spread that a series of experiments were held on the said facility and that one subject who survived is the only suspect and is still at large. Nanlalaki ang mga mata ni Johan habang binabasa ang mga nakasulat sa hologram screen. Napatingin siya kay Helena. Tila kinakabahan at mabilis ang t***k ng kanyang puso. "Johan bakit?" tanong ni Helena. Tumayo na lamang ang binata at lumabas ng kwartong iyon. Nagtungo siya sa kusina upang maghanap ng maiinom. Nakita niya ang isang bote ng beer at nilagok iyon. Napapapikit si Johan at tila pinagpapawisan nang malamig. Mag-isa niyang ginawa ‘yon?! bulong niya sa sarili at saka lumagok pa ng isa. Patuloy na uminom ng beer si Johan hanggang sa kumalma ang kanyang pakiramdam. Nang medyo nakakahinga na nang maluwag ay bumalik siya sa kwarto. Natagpuan niya si Helena na binabasa ang impormasyong nasa hologram screen. Gulat na gulat din ang dalaga sa nabasa. Naglakad siya patalikod at palayo sa computer ni Johan at akmang tatakbo palabas ng kwarto. "Helena sandali!" wika ni Johan. Kinapitan niya ang braso ng dalaga. "Ako ‘yon, Johan. Ako ang gumawa noon ‘di ba? Hindi ako tao," wika niya habang umiiyak. "Helena noon ‘yon, matagal na ‘yon! Iba ka na ngayon. Hindi pa rin tayo sigurado kung bakit ginawa iyon ng tatay mo!" sagot ng binata. Patuloy sa pag-iyak si Helena at napaluhod na lamang sa sobrang pagkadismaya sa natuklasan. "Halimaw ako, Johan. Hindi ako tao. Naiintindihan mo ba ‘yon?!" bulyaw ni Helena. "Hindi ka halimaw, Helena. Please ‘wag mo naman isipin yan!"sagot naman ng binata. "Pero paano mo maipapaliwanag ang mga nakasulat diyan ha?! Ako yan, Johan! Hindi mo ba naiintindihan?! Hindi ka ba natatakot sa kung ano ang pwede kong gawin sa ‘yo?! Hindi ako katulad niyo!" Binitiwan naman ni Johan ang braso ng dalaga at lumayo sa kanya. "Sige! Gawin mo! Kung naniniwala kang halimaw ka patayin mo ako! Ngayon na. Para malaman mo kung ano ang totoo!" bulyaw naman ng binata. May halo nang galit at poot sa kanyang mukha at si Helena naman ay tila natakot sa kanyang sinasabi.   Paano niya papatayin ang isang taong nagligtas sa kanya? Paano niya kikitilan ng buhay ang taong alam niyang may prinsipyo at alam niyang naghahangad ng mabuti para sa nakararami? Napaurong na lamang si Helena at naupo malapit sa pintuan ng kwartong iyon. Hindi niya alam kung ano ang mga mangyayari sa susunod. Tila balisa siyang nag-iisip, hindi niya alam kung ano ang saysay niya sa mundo at kung bakit pa nangyari ang mga bagay na iyon. "D-doktor ang tatay ko, ‘di ba? Doon siya nagtatrabaho sa kompanyang iyon. Posible kayang..." "Hindi," pinutol ni Johan ang sasabihin ng dalaga. "Hindi tayo sigurado doon. Confidential lang ang nakalagay sa impormasyon ng tatay mo. Walang nakalagay doon kung patay na ba siya." Nagkaroon ng katahimikan. Hindi umiimik si Johan. Tila wala na siyang maisip na paraan kung paano pahuhupain ang lungkot at pagkadismaya na nararamdaman ng dalaga. Si Helena naman ay natahimik na lang din habang nakasandal sa gilid ng pinto ng kwartong iyon. "P-pasensiya na, Johan. Sorry sa inasal ko," pagbasag ni Helena sa katahimikan. "Kung ako rin naman ang nasa kalagayan mo, siguro ganoon din ang magiging reaksyon ko. Sino ba namang ama ang gagawa ng ganoong klaseng eksperimento sa sarili niyang anak?" wika naman ni Johan. "Hmm. Nagagalit ka ba sa kanya? Kinamumuhian mo ba siya?" pahabol niyang tanong. Ilang segundo ring hindi nakapagsalita si Helena. Batid naman ng binata ang galit na gumuguhit sa kanyang mukha. "Nagagalit, pero kailangan ko ng sagot. Para saan ba ako? Bakit niya ginawa sa akin ito? Bakit niya ako ginawang halimaw?" Muli siyang napakapit sa kanyang ulo. "Isa lang ang malinaw. Kung ano man ang mga kaya mong gawin, isipin mo nalang na regalo niya ‘yon sa ‘yo. Kasi kung hindi niya ginawa iyon, malamang siguro ay hindi ka nabubuhay ngayon," wika ng binata. "Naalala mo ba noong dinala ka sa parking lot ng convenience store? Nang hatakin ka ng isa sa mga lalaki galing sa hover car?" tanong niya sa dalaga. "Ang naalala ko lang, nanghihina ako noon. Nakatakip lang ang mukha ko ng itim na tela. Tapos tinanggal nila iyon at hinatak ako palabas ng kotse. Saka ka dumating, ‘di ba?" "Kung tutuusin kasi, dead end na naman tayo. Pero malalaman din natin ‘yan unti-unti. Maghahapunan na, siguradong pauwi na si kuya." Tumayo si Johan at inabot ang kamay ng dalaga; dahan-dahan naman siyang tumayo. Lumabas sila ng kwartong iyon para pumunta sa dining area. Doon ay natagpuan ni Johan ang kanyang ina na nag-aasikaso. "Wala pa ba si kuya?" tanong ni Johan. "Nandiyan na. Oh iha…" Napuna ng ina ni Johan ang pamumugto ng mata ng dalaga. "May problema ba? Nag-away ba kayo?" Natawa na lamang bigla si Helena sa sinabi ni Mrs. Erlinda Klein. "Hindi po, nagkakwentuhan lang po kasi ng kaunti," sagot na lamang niya. Si Johan naman ay agad hinatak ang isang upuan at pinaupo ang dalaga. Agad din siyang umupo sa kanyang tabi. Mayamaya pa’y naglakad na papalapit ang kanyang kuya. "Oh, buti naman at dito mo naisipang maghapunan," wika niya. "Uhmm. Kaibigan ko nga pala Kuya, si Helena. Helena ang Kuya ko," pakilala naman ni Johan. Agad namang inabot ni Jonas ang kamay ng dalaga. "Jonas Klein," wika niya. Inabot naman ni Helena ang kamay ni Jonas. Ngunit tila may hindi tama sa kanyang nararamdaman. Ramdam ni Helena ang tensyon sa pagitan ng magkapatid at tila may kakaiba rin sa paraan ng pagtingin nito sa kanya. Si Jonas ay nakatitig na lamang sa mga mata ng dalaga. "Parang nakita na kita. Hindi ko lang maalala," wika ni Jonas, masama ang tingin nito sa kanya. "Baka matunaw, Kuya," wika naman ni Johan. Saglit na napangiti si Jonas at binitiwan ang kamay ng dalaga. "So ano, Johan? Kailan mo ba balak gawing progresibo ang buhay mo?" painsultong tanong naman nito. "Jonas, itigil mo nga ‘yan! Nakakahiya sa bisita natin," bulong naman ni Mrs. Klein. "Seryoso ang tanong ko, Ma. Kung magpapakilala ka sa amin ng babae, sana naman ginawa mo munang progresibo ang buhay mo." Nakayuko lamang si Johan at nagsimula nang kumain ngunit unti-unti ay nakakaramdam na siya ng pagkayamot. "Alam mo ba na wala siyang memory gene ha, Helena? Na ikinakahiya niya ang trabaho ng aming ama?" tanong ni Jonas. Sa pagkakataong iyon ay hindi na nakasubo ng pagkain ang binata. "Hindi naman po siguro sa ikinahihiya. Ayaw niya lang po talaga ng maraming namamatay na mga tao at naghihirap dahil sa sakim na sistema," pagtatanggol naman ni Helena. Agad namang napatigil sa pagkain si Jonas. Natawa ito makalipas ang ilang segundo. "Alam mo Johan, siguro kailangan mo nang itigil ‘yang kalokohan mo. Tanggapin mo na lang ang katotohanang nasa bagong mundo na tayo ngayon," wika ng kanyang kapatid. "Bagong mundo? Ang pumatay ng maraming tao? Hindi ko kasi gawain ang mga ginagawa mo, Kuya," sagot naman ni Johan. Naging matalim ang tinginan ng magkapatid. "Nasa harapan tayo ng pagkain. Galangin niyo naman, kahit ‘wag na lang ako!" sambit ng kanilang ina na sa pagkakataong iyon ay naiinis na. Umiwas na lamang ng tingin si Johan. Tila hindi makakain nang maayos si Helena dahil sa tensyong nararamdaman. Inubos na lamang ni Johan ang kinakain at saka tumayo mula sa kinauupuan. "Oh tapos ka na? Marami pang ulam anak," pagpigil ng kanyang ina. "Hayaan mo siya, Ma," sagot naman ni Jonas. Agad ding tumayo si Helena at sinundan ang binata. "Oh pati ikaw, iha?" "Uhmm. Pasensiya na po." Yumuko si Helena sa harapan ng kanilang ina at agad tumakbo papunta sa kinaroroonan ni Johan. "Johan." "Oh bakit hindi mo na tinapos ang pagkain mo?" tanong ng binata. "Bigla ka kasing umalis eh. Bakit mo naman ginawa ‘yon?" "Sino ba ang gaganahang kumain kung ganoong tao ang kaharap mo?" tanong niya. Natahimik na lamang ang dalaga. Nagtungo si Johan sa kanyang kwarto. Agad kinuha ang panlakad na damit at nagbihis sa banyo at pagkatapos ay lumabas suot muli ang isang jacket na may hood. "Saan tayo pupunta, Johan?" tanong ni Helena. "Sa labas. Doon tayo kakain."     "Bakit gano’n Johan? Parang hindi ako kumportable sa kuya mo?" tanong ng dalaga. Nagmamaneho noon ng itim na hover car si Johan.   "Sino bang magiging kumportable sa ganoon kabastos na tao. Kapag may mga bisita siya sa condo hindi ko siya pinapakialaman. Pero ako ngayon lang ako nagdala ng tao doon kung anu-ano na ang sinasabi," wika ni Johan. "Hindi, may mali talaga eh. Hindi ko maintindihan," sagot naman ni Helena. "Pabayaan na natin siya." Nagtungo sila sa convenience store kung saan iniligtas ni Johan ang dalaga. Marumi pa rin ang paligid at tila mas marami ang mga bid na nagkalat sa lugar na namamalimos, at ang iba ay halos mahiga pa sa kalsada. "Pamilyar ang lugar na ito," wika ni Helena. "Dito kita iniligtas, Helena. Dito ka hinatak ng mga lalaking iyon," sagot naman ng binata. "Pero bakit dito tayo pumunta? Baka may nag-aabang sa ‘yo dito, Johan?" "’Yon nga ang gusto kong mangyari eh. Ang bumalik ang mga lalaking iyon dito. Para malaman na natin kung sino sila at kung bakit ka nila balak patayin sa lugar na ito," nakangising sabi ng binata. Pumasok sila sa loob ng convenience store at bumili ng dalawang cheeseburger at dalawang soda. Tumitingin-tingin na lang si Helena sa mga binebentang produkto ng tindahang iyon. Magulo ito kung titingnan ngunit malinis naman. Dito ay pwedeng bumili ang kahit na sino man maski bidder, commoner, o bid. Sakop pa rin kasi ito ng free district ng Maynila. Agad inabot ni Johan ang burger at soda kay Helena. Umupo sa gilid sa salamin na pader kung saan makikita ang kotse ng binata na naka-park sa labas. Tinatalasan niya ang paningin sa kahit na sinumang lalapit sa kotseng iyon. Umupo rin si Helena sa kanyang tabi. "Johan, delikado itong gagawin natin. Baka ikamatay natin ito," wika ng dalaga, na tila nag-aalala sa kung anong pwedeng mangyari. "Ako mamamatay. Ikaw hindi," wika ni Johan habang nakangiti. "Kaya kung anuman ang gusto mong gawin kapag dumating sila, hindi na kita pipigilan Helena. Gawin mo ang gusto mo. Basta magtira ka lang ng isa." Tumingin si Johan kay Helena at ngumiti. Si Helena naman ay tila nagugulat sa sinabi ng binata. Napangiti rin siya nang kaunti at muling tumingin sa kinaroroonan ng kotse. "Seryoso ka talaga, Johan?" "Hindi ako nagbibiro, Helena. Tingin ko ay hawak ng isang malaking tao ang mga lalaking nagdala sa ‘yo dito. Kung pumatay man sila ng tao sa pampublikong lugar, siguradong walang makakaalam. Kaya kung magkagulo man dito. Ikaw na ang bahala. Basta ‘wag mo lang idadamay ang iba at ang mga bagay na nasa paligid natin," tugon ni Johan. Lumipas ang ilang minuto. Walang dumadaan ni anino ng isa sa mga lalaking iyon kahit na ang sasakyan na ginamit nila. Patuloy ang matalas na pagtingin ni Johan sa malayo. Dumating ka na, kung may tao ka man dito palapitin mo na, bulong ni Johan sa sarili. Isang babae naman na may tattoo ang mukha ang pumasok sa gusaling iyon. Nakaitim na glossy na sleeveless, itim ang eyeliner nito at pati na rin ang lipstick. Mahaba ang kanyang buhok at nakalugay, animo’y lapat na lapat ito sa kanyang likuran. Kasama niya ang isang lalaking may tattoo rin. Malaki ang katawan nito at naka-mohawk ang buhok. Agad napatingin si Helena sa mga ito. Bumili lamang sila ng dalawang hotdog sandwich at tumabi kay Johan. Saka lamang niya napansin ang mga ito nang tumabi sa kanya ang babae. Parehong may memory gene ang mga ito, at tila naghihintay lamang din ng oras. Hindi na ito tiningnan muli ni Johan. Napansin naman ni Helena na panay ang tingin ng lalaki sa kanya. Kinukutuban siya ng masama kaya agad siyang nagmatyag. Mayamaya pa’y isang itim na kotse ang pumarada sa kabilang dulo ng parking lot. Tinitigan ni Johan ang kotseng iyon. Naghihintay siya sa kung sinuman ang lalabas sa hover car. Naaalala niya pa kasi ang mukha ng ibang mga kalalakihang nakipaghabulan sa kanya. Tinapik ni Helena ang binata upang balaan na may kakaiba sa paligid. Agad namang kinapa ni Johan ang baril na may silencer sa loob ng kanyang jacket. Tila napakatagal na pakiramdaman ang nangyayari. Paikot-ikot lang ang mga mata ni Johan mula sa katabi, papunta sa kotseng nakaparada sa kabilang dulo at muli ay titingin kay Helena. Inubos ni Johan ang soda na kanyang iniinom. Ubos na rin ang burger. Ilang segundo ay napansin ni Johan ang biglang pagtahimik ng dalawang katabi. Agad tumayo ang babaeng may tattoo. Umamba agad ito ng suntok sa binata ngunit naging alerto naman si Johan. Nakaiwas siya, itinutok niya ang baril sa noo ng babae at pumalag naman ang lalaking kasama nito. Naglabas siya ng baril ngunit mabilis si Helena. Agad niyang kinapitan ang kamay ng lalaki at binalian ito. "AAAAAHHH!" sigaw ng lalaking may tattoo. Nagulat naman ang mga tao sa loob ng convenience store at napatingin sa kanila. Ang babae naman ay tila hindi nakapalag sa kinatatayuan. Napansin ni Johan na umatras nang mabilis ang kotseng itim papunta sa kanila. Kinapitan ni Johan ang babaeng iyon ngunit pumapalag ito at agad na tumakbo palabas ng convenience store. Agad na napatakbo palayo sa salamin si Johan. Nabasag ito gawa ng pagkakabangga ng hover car sa salaming pader. Agad nagpaputok ng baril ang mga taong iyon at unt-unti ay lumabas sa kanilang kotse. Nagtago naman si Johan sa estante ng mga bilihin. Nagtilian ang mga crew ng convenience store na iyon at agad yumuko.   Hinabol naman ni Helena ang babaeng tumatakas at naiwan si Johan sa loob. Nakikita naman ng binata sa gilid na hinahatak nila ang lalaking binalian ni Helena. Tinutukan niya ito ng baril at agad nagpaputok. Tinamaan naman ang lalaking umaakay sa kasama nito sa paa. "’TANG INA AH!" sigaw ng lalaki. Pareho silang natumba sa kalsadang iyon. Tumigil ang putukan at muling nakiramdam si Johan. Ilang segundong katahimikan ang muling bumalot sa lugar. Tumingin si Johan sa kabilang estante. Nakatutok pa rin ang baril ng mga lalaking iyon. "Puntahan niyo. Kailangan ko siya nang buhay. Ako ang tatapos sa kumag na ‘yan," wika ng isang lalaki. Dahan-dahan namang naglakad ang dalawang lalaki papunta sa kanyang pinagtataguan. Narinig niya ang utos ng lalaking iyon at agad naman niyang kinuha ang isang de lata. Ibinato niya iyon sa kabilang gilid. Agad naman itong tinutukan ng baril ng isang lalaki. Itinutok ni Johan ang kanyang baril sa memory gene ng lalaking iyon. Tila wala na siyang pakialam kung mapatay niya ang mga kawatang nakapaligid sa kanya. Ipinutok niya ang baril at agad na humandusay sa sahig ang katawan nito. "Anak ng...!" sigaw ng isa niyang kasama. "Uulitin ko ako ang papatay sa kanya!" sigaw muli ng lalaki sa labas. Tinutukan si Johan ng baril ng lalaking iyon. Isang machine gun ang hawak nito. "Sige subukan mong pumalag, at kakalat ang utak mo dito!" banta ng lalaki. May tattoo rin ito ngunit sa leeg naman. Nakaitim itong coat na animo’y nagbabalat-kayo bilang marangal na tao. "Sige tayo! Akin na ‘yan!" Kinuha niya ang baril ng binata. Nakangiti lamang ang binata habang nakataas ang magkabilang kamay. "Lakad!" utos ng lalaki. Lumakad siya nang marahan, at itinutulak na lamang ng baril ng lalaking iyon si Johan patungo sa iba pang mga kasama. Paika-ika naman ang lalaking binaril niya at hinabol niya ng suntok ang binata. "Mamamatay ka, gago ka!" Ngumiti lamang si Johan at tila dinilaan ang pumutok na labi. "Tama na ‘yan, Vince," wika naman ng isang lalaking may hawak na handgun. Nakatutok lamang ito sa lupa. Ito marahil ang nag-utos sa kanila na huwag patayin si Johan at siya ang gagawa noon. "Hindi mo na siguro ako natatandaan. Marahil natatandaan mo ang ibang mga nandito pero ako hindi. Alam mo kung bakit?" tanong ng lalaking iyon. Inumbagan naman niya ng suntok sa tiyan ang binata. Naramdaman naman ni Johan ang pagtama ng kanyang kamao sa kanyang tagiliran. Tila muling bumulwak ang sugat niya at ininda nang matindi. Napaluhod siya sa kalsada at namilipit sa sakit. Nagtawanan naman ang mga kasama nito. "Patay na ako bata. Patay na ang katawan ko pero ang pagkakamali mo eh binuhay mo ang memory gene ko, at alam mo ba? Ramdam na ramdam ko pa rin ang sakit ng ginawa mong pagbaril sa dibdib ko! Huh!" Sinipa niya sa mukha ang kawawang binata at napatihaya naman siya. "Ngayon, may itatanong ako sa ‘yo." Umupo ang lalaking iyon at tumitig kay Johan. Tinutok niya naman ang baril na hawak sa dibdib ng binata. "Bago ko iparanas sa ‘yo ang sakit na ginawa mo sa ‘kin...nasaan na ‘yong babaeng itinakas mo ha?! SAGOT!" bulyaw ng lalaki. "B-bago ko rin sagutin ‘yan, may itatanong din ako," wika ni Johan. Nagtawanang muli ang ibang mga kalalakihang nasa paligid. "A-ano ang kailangan niyo sa babaeng iyon?" Namimilipit pa rin siya sa sakit na nararamdaman. "Alam mo, masyado kang pakialamero eh. Pero magiging patas ako sa ‘yo, bata. Nakikita mo yung CCTV na ‘yon?" Tumingin naman ang lalaking iyon sa CCTV na nasa isang poste malapit sa pinagparadahan nila noon. Hindi napansin ni Johan na may CCTV pala ang parteng iyon. Hindi nito hagip ang kanyang hover car nang mangyari ang insidente. "Alam mo balak na sana naming tapusin ‘yong babaeng ‘yon sa harap ng buong sambayanan eh. Para makita nilang salot lang ang pinaggagawa ng gobyerno natin. Pero ikaw, pakialamerong bata. Anong ginawa mo?!" Pinalo niya ng baril sa mukha si Johan. Agad na nalaglag ang hood ni Johan at tumagilid ang kanyang ulo. Nagulat naman ang lalaki nang wala siyang makitang memory gene sa ulo ng binata. Nakita rin ito ng iba at tila nagtaka. "Boss, walang memory gene ang isang ‘to, ah?" sambit ng isa. Tumayo ang lalaking iyon at hinugot ang jacket ni Johan paitaas para itayo. Pinatalikod niya ang binata. Malinaw, wala nga siyang memory gene. Agad niyang binitiwan ang binata. "Bakit hindi ka gumagamit ng memory gene?" tanong ng lalaki, na sa pagkakataong iyon ay nakatutok na ang baril sa mukha ng binata. "Pareho pala tayo ng ipinaglalaban. Akalain mo nga naman," wika ni Johan at humarap siyang muli sa mga kawatan. "Hindi niyo pala ako kaaway kung gano’n. Hindi ako naglalagay ng memory gene pasensiya na. Ayoko rin kasi ng sistemang ito. Pero nagtataka lang naman ako sa inyo. Bakit kayo gumagamit ng memory gene kung ayaw niyo naman ng sistema ng gobyerno?" tanong ng binata. Napangiwi naman ang lalaking iyon. "Haha, masyado mo akong pinapaniwala bata. Madaldal ka rin eh ‘no? Tingin mo maniniwala ako sa ‘yo? Commoner ka lang bata! At ano ‘tong kotse mo? Ninakaw mo?" wika ng lalaki. "Ang mahalaga lang naman sa amin eh ‘yong babaeng iyon. Siguro naman naging patas na ako sa ‘yo at masasagot mo na ang tanong ko. Ang masama nga lang no’n eh hindi ka na mabubuhay pagkatapos. Wala ka namang memory gene eh," wika ng lalaki. "Gusto niyo siyang makita? Ayan, sa likod niyo." Tumingin naman ang lalaki sa kanyang likuran. Nakatayo lang doon si Helena. Agad siyang tumakbo nang mabilis papunta sa lalaki at ilang segundo lang, lumusot ang kamay ng dalaga sa kanyang dibdib. Bumuhos ang dugo niya sa kalsada na ikinagulat naman ng mga lalaking nakapaligid. "BURRWAHK!" Sumuka siya ng dugo. Natulala lamang ang mga lalaking nakapaligid at tila hindi nakagalaw ang mga ito sa sobrang takot. "Alam mo hindi na sana ako magtataka sa mga ipinaglalaban niyo. Kaso mukhang kasinungalingan din ang sinabi mo sa ‘kin eh. Pasensiya na, pero tingin ko hindi ka naging patas," wika ni Johan at muling isinuot ang kanyang hood. Lumingon lamang ang lalaking iyon nang dahan-dahan sa binata. Tinutok pa rin niya ang baril kay Johan ngunit kinuha ito ng binata. Tinanggal niya ang magazine nito at ikinasa ang baril para lumabas ang natitirang bala sa barrel at saka ito inihagis palayo. Humarap naman niya sa isa pang kasama; hindi pa rin siya makagalaw. Kinuha niya ang baril na may silencer sa bewang ng lalaki at saka naglakad palayo. "Tama na ‘yan, Helena. Tara na," utos ng binata. "P-pero, sabi mo ubusin ko sila? Magtira lang ako ng isa?" Ikinagulat lalo ng mga lalaking iyon ang sinabi ni Helena. Lalong hindi nakagalaw ang mga ito sa takot. Napaupo na lamang ang mga ito at nabitiwan ang kanilang mga baril. Hinugot ni Helena ang kanyang duguang braso mula sa dibdib ng lalaki. "Nakakatuwa ka talaga, Helena. Alam ko namang itinira mo ‘yong isa ‘di ba? Nasaan siya?" tanong ni Johan. "Nasa taas ng building na ‘yon. Nakatali," sagot naman ng dalaga habang nakaturo sa ‘di kalayuang gusali mula sa kinatatayuan nila. Hindi mataas ang gusaling iyon at tila luma na rin ito. Tumingin naman si Johan sa itaas ng building. Kitang-kita mula sa kinatatayuan niya ang babaeng may tattoo sa mukha. Nakatali siya sa isang lumang tangke ng tubig. "Tara na," utos muli ni Johan. Agad namang sumunod si Helena sa kanya. "MGA HALIMAW KAYO!" sigaw ng isang lalaki. Tinutok niya ang machine gun kay Helena at pinaputok. Iniwasan naman ni Helena ang mangilan-ngilang bala nito habang nakatayo sa kanyang pwesto. Muling nagulat si Johan sa ginawa ng dalaga. Agad namang tumakbo si Helena patungo sa lalaki, at kinapitan niya ang baril nito. Itinaas ni Helena ang kanyang kanang braso, at akmang sasaksakin ang lalaki gamit muli ang kanyang kamay. "Helena, tama na!" wika ni Johan. Tumingin naman siya sa binate. Tila iba na naman ang hitsura ng kanyang mga mata. Bahagya siyang natakot sa dalaga ngunit muling bumalik ang itsura ng maamo niyang mata at binitiwan ang lalaking iyon. Muli siyang lumapit kay Johan. Umalingawngaw naman ang sirena ng mga pulis. Sandaling naalarma ang mga natitirang kawatan. Naglakad na lamang ang dalaga papunta sa kotse ng binata. Agad namang sumakay ng kanilang hover car ang mga lalaking iyon. Iniwan nila ang mga walang buhay na kasama at pinaharurot ang kotse palayo. "Kunin mo ang babaeng iyon. Paaandarin ko ang hover car," utos naman ni Johan. Tumakbo naman si Helena patungo sa gusali, inakyat niya iyon at pinatakbo naman ni Johan ang kanyang hover car. Inihinto niya ito sa harapan ng lumang gusali. Sakto namang bumaba si Helena kasama ang babae. Binuksan ni Johan ang pinto, ipinasok ni Helena ang babae sa likurang upuan ng sasakyan at saka sumakay na rin sa passenger seat. Pinaandar ni Johan ang sasakyan nang sakto lamang para hindi siya mahalata ng mga dumadaang pulis. Limang mobile hover car ang kanyang nakasalubong. Pinagpawisan siya nang malamig ngunit nang makaalpas na ang mga ito ay nakahinga na si Johan ng maluwag. Tahimik naman ang babae sa likurang upuan. Nakatali kasi ang buong katawan niya at nakatakip ng tela ang kanyang bibig. Kita naman ni Johan sa rearview mirror ng sasakyan ang pagpalag ng babaeng may tattoo sa mukha.     "Johan," binasag ni Helena ang katahimikan sa loob ng sasakyan. Tinatahak nila ngayon ang North Expressway. Nasa 2nd highway sila sa itaas ng pinakaunang daan ng expressway. Kung titingnan ay malinis at malawak ang daang iyon ngunit napapalibutan na ang expressway ng mataas na pader. Binahayan na rin kasi ng mga bid ang paligid nito. Nang hindi pa nagagawa ang mahaba at mataas na pader ay talamak ang nakawan sa lugar. Nanghaharang ang mga bid ng mga kotse upang makapagnakaw o makapanlimos sa mga dumaraan. Hindi rin maiwasan ang aksidente dahil sa mga pangyayaring iyon noon kaya't naglagay ng mahabang pader ang gobyerno na tumutumbok mula Maynila hanggang Pampanga. Isang mahabang gate na rin ito kung tutuusin dahil may mga entrance at exit points sa bawat kantong lilikuan ng sasakyan kung gugustuhin nilang pumunta sa mga lugar bago pa makarating ng Pampanga. "Kanina ka pa nagmamaneho, saan ba tayo pupunta?" tanong ni Helena. Patingin-tingin lamang siya sa paligid ngunit wala siyang makita kundi ang mataas, mahaba at tila walang hanggang pader. "Sa Pampanga. May rest house kami doon. Doon ko muna dadalhin ang isang ‘yan. Maswerte siya kung hindi siya magsasalita agad kung bakit binalak kang patayin ng mga taong iyon. Baka makalibre siya ng bakasyon," biro ni Johan. Ngunit kitang-kita sa mukha ng dalaga ang pag-aalala. Hindi niya kasi alam kung saan sila pupunta. Natatakot din siya sa malaking pader na nakapaligid sa kanila, tila isang mahabang kawalan ang kanilang tinatahak. Dumaan naman ang isang tren ng NMRT o Neo Metro Rail Transit sa riles nito sa pangatlong level ng highway. Siguradong papunta ito ng Pampanga. Nagulat naman si Helena sa ginawang ingay nito. Mabilis ang takbo ng tren na halos ilang segundo lang ay nawala na ito sa kanilang paningin. "Magiging maayos ang lahat Helena. Malalaman din natin kung bakit ka nila gustong patayin." Tiningnan ni Johan ang babae sa rearview mirror, at tila natutulog na ito. Marahil ay napagod sa pagpupumiglas niya.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD