“What is the most resilient parasite? Bacteria? A virus? An intestinal worm? An idea. Resilient... highly contagious. Once an idea has taken hold of the brain, it's almost impossible to eradicate. An idea that is fully formed - fully understood - that sticks; right in there somewhere.”
-Leonardo Dicaprio, Inception
"Basta watch lang kayo mga bidders for more fashion tips and glamour!"
"Tama ka diyan Cindy, and we are taking you to the heights of fame and fortune. Basta tumutok lamang dito sa..."
"LIfe in a Crumb!"
Isang TV show ang pinapalabas sa hologram LCD screen sa hotel unit na tinutuluyan ni Johan. Napatingin lamang si Helena dito habang nakaupo sa malambot na sofa na gawa sa cotton.
Lumabas si Johan mula sa kanyang kwarto, naka shorts at naka-sando lang. Hawak pa rin niya ang sumasakit niyang tagiliran. Umiwas na lamang ng tingin si Helena nang makita siya.
"Oh bakit?" tanong ni Johan.
"W-wala…" May pagkamangha naman ang ekspresyon ng mukha ni Helena. Mamula-mula ito at pilit na iniiwasang tumingin.
Natawa na lamang si Johan habang paika-ikang naglakad papunta sa isang maliit na kusina.
"Maligo ka na, nasa loob ng kwarto ko ang bibihisan mo. Naroon na rin ang tuwalya," utos naman ng binata. "Pasensiya na kung panlalaki ang pamalit mo. ‘Wag kang mag-alala, pagkatapos mong maligo mamimili tayo ng damit."
Tuluyan namang pumasok si Helena sa loob ng kwarto. Nakita niya ang isang malaking estante sa gilid na naglalaman ng mga libro, mga laruang kotse at mga display na robot at ilang disenyo ng mga prototype na maliliit.
Kulay asul naman ang kama at sa kaliwang bahagi naman ay isang tila bakal na kahon na kulay itim--- ang PC ni Johan. Sa kama ay nakalatag ang isang itim na slacks at light blue na polo shirt. Agad naman siyang pumasok sa loob ng CR sa gilid ng estante.
Si Johan naman ay naghanda ng pagkain sa maliit na kusina. Electric stove ang gamit sa hotel na iyon. Touch response ang function at automatic din na namamatay ang kalan na ito kapag nadetect na nitong luto na ang pagkaing iniinit o niluluto. Sa pagkakataong iyon, nag-init lang siya ng carbonara.
Binuksan ni Johan ang drawer sa ilalim na cabinet para kumuha ng sandok. Nakita niya ang isang gunting. Nilagay niya iyon sa bulsa ng kanyang shorts at muling hinanap ang sandok upang ipanghalo sa iniinit.
Nang maluto ang carbonara ay inihanda niya ang ito sa mesa sa may living room. Dito kasi sanay kumain ang binata. Lumabas naman ng kwarto si Helena at kasalukuyang nagpupunas ng basang buhok gamit ang tuwalya.
Nilapitan siya ni Johan. Inilabas ang gunting na nasa bulsa.
"P…para saan ‘yan Johan?" tanong ng dalaga, tila kinakabahan.
"Johan sandali...anong gagawin mo diyan?"
"Tumalikod ka," utos ni Johan.
"Teka bakit?"
"Basta sundin mo na lang ako." Sumunod naman si Helena at dahan-dahang tumalikod.
Napansin ni Johan ang magandang kurba ng katawan ni Helena kapag nakatalikod. Humuhulma ang maluwag na damit na ipinahiram ng binata sa kanya. Napangiti naman si Johan at tila napakagat sa labi.
"A..ano bang gagawin mo?"
Inipon ni Johan ang mahabang buhok ng dalaga sa kanyang palad at saka ito ginupit sa hindi lalagpas hanggang balikat ang sukat.
"B..bakit Johan?" Nagulat si Helena sa kanyang ginawa.
"Tinitingnan ka ng babae kanina sa receiving area. Hindi ko alam kung dahil ba sa memory gene mo o dahil sa lumabas na sa balita ang mukha mo nang magkagulo sa Antipolo," paliwanag ni Johan. "Baka may makakilala sa ‘yo, at baka habulin tayo ng militar kapag nalaman nilang buhay ka pa."
Natahimik na lamang ang dalaga. Si Johan naman ay dumiretso sa basurahan para automatic na sunugin ang mga hibla ng buhok sa trash bin at saka bumalik sa living room.
"Tara, kain na tayo," paanyaya niya.
"Ang bidder, sila lang ‘yong mga taong may memory gene, tama?" tanong ni Helena kay Johan. Naglalakad sila sa loob ng mall, tumitingin-tingin ng pwedeng bilhin habang tinuturuan naman ni Johan ang dalaga ng mga bagay na hindi niya alam.
"Oo tama," sagot ni Johan.
"Eh bakit ikaw, wala kang memory gene?" tanong muli niya na medyo napalakas. Agad namang tinakpan ng binata ang bibig ni Helena. Agad kasi siyang tiningnan ng mga taong naglalakad sa paligid nang marinig iyon.
"Oh bakit ba?" tanong muli ni Helena.
"’Di ba sabi ko sa ‘yo, walang pwedeng makaalam na hindi ako gumagamit ng memory gene. Ikaw lang ang nakakaalam nito, sina Aling Tess at ang pamilya ko."
"Pero bakit hindi nga?" tanong muli ni Helena na sa pagkakataong iyon ay bumulong na lamang.
"Klein ang apelyido ko. Ang pamilya namin ang isa sa mga stockholder ng kompanyang MEMO. Ngayon isipin mo na lang, ano ang iisipin ng mga bidder kung malaman nilang hindi ako gumagamit ng memory gene? Pipilitin nila akong magpakabit ng aparatong kinaaayawan ko. Oh kung hindi man mangyari ‘yon, baka isipin nilang ampon ako," paliwanag naman ni Johan.
"Eh di ‘ba ang mga commoner, hindi sila gumagamit ng memory gene?" tanong muli ni Helena.
"Pwede silang gumamit, pwede ring hindi. Base iyon sa assets and liabilities nila. Kung kaya nilang mamuhay ng katulad sa mga bidder, ihahanay ka nila bilang bidder. Kung hindi naman, may kaya ka lang. Commoner ka lang. Mas mataas ka lang sa mga bid," wika ng binata habang naglalakad nang mabagal. Saglit niyang inayos ang kanyang hood upang hindi bumagsak.
"Ibig sabihin, wala talagang commoner?" tanong muli ni Helena.
Napakamot naman ang binata habang tila napapailing. "Oportunidad ang pagiging commoner. Kung kaya mong itaas ang assets and liabilities mo, may pagkakataon ka nang maging bidder."
"Eh bakit ayaw mong ituring ang sarili mo na commoner na lang? Para hindi ka na nagtatago ng ganyan?" Napabuntong hininga naman si Johan nang marinig niya iyon.
"Dahil may apelyido ako, hindi ako bid, hindi din ako commoner. Dahil kaya kong bilhin ang buong mall na ito kung gugustuhin ko." Tumigil si Johan sa gitna ng mall, tila umikot habang nakataas ang dalawang kamay.
"Ganoon kabigat ang pangalang dala ko, Helena. Kaya kong bumili ng ibat ibang bid o commoner para mapaglipatan ng memory gene ko, kung meron man. Kaya din kitang bilhin kung gugustuhin ko."
Natahimik na lamang si Helena. Hindi niya lubos maisip na makapangyarihan pala ang taong kanyang kasama. Namangha siyang muli at natulala sa binata.
"Pero kapag ginawa ko ‘yon, kapag nagpakabit ako ng memory gene, daan-daang tao pa ang mamamatay. Mas marami ang maghihirap, at ang mga mayayaman ay patuloy sa pagyaman. Mabubuhay kami kahit gaano pa katagal," paliwanag muli ni Johan. Tulala pa rin ang dalaga sa kanya.
"Tara na, mamimili pa tayo ng damit mo," paanyaya naman ng binata at naglakad na silang muli.
Napunta sila sa isang tindahan ng mga damit. Namangha naman si Helena sa mga magagarang damit na nakikita. Magaganda ang mga kulay nito at kakaiba ang disenyo.
Kausap naman ni Johan ang isang sales assistant. Nagpapatulong siyang kumuha ng damit na babagay kay Helena.
"Gusto ko ‘pag dress, hindi ‘yong agaw pansin. ‘Yong sakto lang. Kapag panlakad naman, gusto ko ‘yong madadala niya kahit saan. Medyo rugged nang konti pero alam mo na...may style pa rin. ‘Yong humuhubog sa katawan," utos ni Johan sa sales assistant.
"Okay Sir," sagot naman ng assistant habang nakangiti sa binata.
"Helena..."
Tinawag na ni Johan ang dalaga at napatigil naman si Helena sa paghaplos ng mga magagarang damit na nakahanger sa bawat estante at naglakad patungo sa kanila.
"Siya ang mag-a-assist sa ‘yo sa pagsusukat ng damit. Hihintayin kita sa labas ng dressing room," wika naman ni Johan.
"Tara na po, Ma'am," sambit ng sales assistant at hinawakan ang braso ni Helena na tila hinahatak.
"T…teka lang ano ‘to? Johan?!" Tila pumapalag naman ang dalaga habang dinadala siya ng babae sa dressing room.
"Basta sumunod ka na lang sa kanya," tugon ng binata.
Umupo naman sa isang mahabang upuan na yari sa cotton ang binata. Nasa harapan lamang ito ng dressing room. Lumabas ang sales assistant at nagdala ng iba't ibang klase ng dress.
Pinasukat ng babae ang isang long dress na kulay blue, at may mamahaling bato ito sa kaliwang balikat. Pinakita ng babae kay Johan ang suot ni Helena; binuksan nito ang kurtina. Napangiti naman ang binata ngunit umiling din pagkatapos. Sinara naman agad ng babae ang kurtina.
Pinasuot naman niya sa dalaga ang isang red dress na may kahabaan ang laylayan. Maganda ang ruffles nito na nakalagay sa kanang gilid at napapalibutan ng itim na mga diyamante. Binuksan ng babae ang kurtina ngunit muling umiling si Johan.
Muli namang sinara ng sales assistant ang kurtina. Ipinasuot nito ang isa namang itim na dress. Sakto lamang ang haba nito na may slit sa kaliwang gilid at umaabot hanggang sa ibaba ng bewang ni Helena. Napapalibutan ito ng maliliit na diyamante, kumikinang ito na animo’y mga bituin sa madilim na kalangitan.
Binuksan ng babae ang kurtina, at sa pagkakataong ito ay tila may kausap na sa cellphone si Johan.
"Oo pare, basta mamaya pupunta ako diyan. May ipapaasikaso ako sa ‘yo..." wika niya. Natigilan na lamang ang binata nang makita si Helena. Namangha siya sa suot ng dalaga.
"O…oo sandali lang pare...basta tatawagan kita ulit mamaya," wika niya at ibinaba ang phone.
"Wow…" Iyon na lamang ang nasambit ni Johan habang pinapaikot ng babae si Helena sa kanyang pwesto.
Tinakpan ni Johan ang kanyang bibig at tila hindi mapakali sa kinauupuan. Pinipigilan niya ang kanyang bibig dahil hindi niya mapigilang ngumiti ng sobra.
"Uhhmm. Okay. Ayos na yan. Ehem…" Muli itong bumalik sa seryosong mukha.
Si Helena naman ay tila naaasiwa at hindi sanay sa suot. Ngunit kita sa kanyang mukha ang pagkamangha sa damit, Muling lumabas ng dressing room ang babae. Nagdala naman ito ng mga panlakad na damit. Marami-rami ito; dala ng babae ang iba’t ibang klaseng pang-ibabang pantalon; pang-itaas na mga polo, t-shirt, long sleeves at sleeveless; mga coat, jacket, bolero; pati na rin mga sapatos at heels.
Unang pinasukat ng babae kay Helena ang isang blue jeans, t-shirt na pula, isang black na bolero at isang heels. Hinawi niya ang kurtina at tila naasiwa si Johan sa nakita. Nakasimangot naman ang dalaga nang makita ang kanyang reaksyon. Isasara na sana ng babae ang kurtina ngunit pinigilan ito ni Johan.
"Iwan mo ang bolero jacket," utos niya sa babae.
Pinasuot naman ng babae ang isang itim na medyo glossy ngunit maong na pants, violet na sleeveles at ang bolerong itim. Hinawing muli ng babae ang kurtina. Nakangiwi pa rin si Johan pero hindi na gaya ng kanina.
"Palitan mo yung top. Polo na fit. Kulay pula," utos niya. Si Helena naman ay tila naguguluhan na.
Pinalitan ng babae ang damit ni Helena at sinunod ang sinabi ni Johan. Muli niyang hinawi ang kurtina. Normal lamang ang reaksyon ni Johan na medyo hindi nagustuhan ang suot.
"Uhmm...may mali eh, hindi ko alam kung anong mali pero alam ko meron," sagot nito.
Tiningnan naman ng sales assistant ang suot ni Helena mula ulo hanggang paa.
"Alam ko na, dark fatigue na bolero. ‘Yong medyo rugged," wika ni Johan.
"Saka palitan mo na rin ‘yong jeans niya. Black jeans na lang para simple. Saka leather boots na may heels," dagdag pa nito. Napangiti naman ang babae at lumabas ng dressing room upang kunin ang tinutukoy ng binata.
Nang bumalik siya ay agad niyang binihisan si Helena. Muling bumukas ang kurtina at tila naningkit na napapangiti si Johan. Nakita niya si Helena na nakasuot ng dark fatigue na bolero na walang sleeve at mataas ang kwelyo. Hanging ang laylayan nito na kitang kita ang kanyang hubog sa pulang polo na pambabae at nakaitim na stretchable na maong. Nakasuot siya ng boots na may heels at maliliit na belt ang nagsasara dito. Lahat ito ay bagay sa kanyang maikling buhok na medyo nagfa-fly away.
"’Wag mong i-tuck in ang polo mo," utos ni Johan. Ginawa naman iyon ng dalaga.
"Ah alam ko na ang kulang, Sir," wika ng sales assistant. Lumabas muli siya ng dressing room at agad kinuha ang isang sinturon na disenyong memory gene ang buckle. Nagulat naman si Johan ngunit nagandahan sa disenyo nito.
Sinuot ng babae ang sinturon sa paligid ng bewang ni Helena ngunit hindi niya ito sinikipan. Hanging lang ito at medyo nakatagilid pababa sa kanyang bewang. Namangha naman si Johan.
"Ang...ganda," wika niya na medyo natulala.
"Sir, okay na po ba?" tanong ng sales assistant.
"Ah...ah oo sige, okay na yan. Bigyan mo siya ng mga apat na set ng ganyan. Heto ang ID Pass," wika ni Johan. Iniabot niya ang kanyang ID Pass sa babae ngunit nakatitig pa rin siya kay Helena.
"May problema ba, Johan?" tanong ng dalaga.
"Ah eh wala, wala. Uhmm. Kumportable ka naman ba sa suot mo?"
"Medyo, ayos lang, medyo masikip pero ayos lang," sagot naman ng dalaga.
"Simula ngayon, ganyan na ang porma mo. Tandaan mo bidder ka. Hindi ka na basta-basta," wika naman ni Johan at nagbalik ang seryosong muka.
"Ibig sabihin ito na ang susuotin ko? Simula ngayon?" tanong naman ni Helena.
"Oo, hindi mo na bibihisin ang mga damit mo kanina. Ganyan na ang magiging porma mo," sagot ng binata.
"Sir, ID Pass niyo po oh. Ipapadala ko po ba sa unit niyo o bibitbitin niyo na lang po?" tanong ng sales assistant.
"Ipadala mo na lang sa unit ko."
"Gano’n po ba, Sir? Sige po papirma na lang po saka pakisulat na lang po ang unit number at building." Saglit na nagsulat si Johan sa isang hologram stick at muli iyong ibinalik sa babae.
"Tara na," utos niya kay Helena. Napapakapit naman si Helena sa suot, tila naninibago. Nakita naman ni Johan ang isang pares ng itim na guwantes. May butas ito sa bawat daliri at may mga sinturon itong maliliit.
"Astig ‘to ah? Isukat mo nga ‘to?" Tila nag-astang bata si Johan nang hawakan ang guwantes na iyon at isuot sa mga kamay ng dalaga.
"Miss, pakisama na rin itong guwantes," wika ni Johan at muli niyang ibinigay ang kanyang ID Pass.
"Yon na ‘yon?" tanong ni Helena kay Johan.
"Anong ‘yon na ‘yon?"
"Hindi mo na binayaran? Inabot mo na lang ‘yong ID Pass mo?"
Naglalakad na noon ang dalawa at kalalabas lamang nila sa loob ng bilihan ng damit.
"Accessible ang ID Pass. Lahat ng accounts ko naka-link sa card. Kahit na bank account ko, insurance, statistics, ticket, passport. Lahat, nasa ID Pass," sagot naman ng binata na hindi pa rin maiwasang mapatingin kay Helena.
"Kanina ka pa tingin nang tingin sa ‘kin, Johan. May mali ba sa suot ko?"
"Hindi, wala. Ang ganda nga ng suot mo, eh." Napangiti naman si Helena.
"May pupuntahan nga pala tayo. Sa City Hall ng Makati," wika ni Johan.
"Bakit? Anong gagawin natin doon?"
"Magpapagawa tayo ng pekeng ID Pass mo," sagot naman ng binata.
"B…bakit? Hindi ba ako makakakuha ng totoong ID Pass?"
"Hindi, dahil baka may records ka na sa statistics. Hindi natin alam. Isa pa pag nadetect ng system ng MEMO ang records mo, at nadetect din iyon ng mga sumubok pumatay sa ‘yo siguradong may hahabol sa atin," paliwanag ni Johan.
"Magagamit mo lang ang ID Pass mo para makapasok ka ng solo sa mga Bidder District nang walang aberya. Hindi kita pwedeng bigyan ng bank account dahil madedetect din ng bangko ang joint account na iyon at pwede ring maghanap sila ng records kung totoong nag-eexist ang pangalan mo. Magkakaroon ka lang ng permanenteng pangalan, hangga’t hindi pa natin alam ang tunay na pagkakakilanlan mo," dagdag ng binata. Napatingin na lamang si Helena sa kanya.
Lumabas sila ng mall na iyon at pumunta sa garahe kung saan naroon ang hover bike ng binata. Sa pagkakataong iyon ay tila may kausap siyang muli sa kanyang cellphone.
"Oo tama, pakideliver na lang sa unit 342...sa Makati Exclusive Tower...." wika niya. Nakakasalubong naman nila ang mga bidder na tila nagmamadali na sa paglalakad dahil hapon na. Lahat halos sila ay tila abala at may mga kausap sa cellphone. Lahat sila ay may mga memory gene. Kakaunti lamang ang wala. Nabangga naman si Helena ng isang lalaking nagmamadali. May kausap din ito sa phone at nakasuot ng magarang coat.
"Sorry," na lamang ang nasambit ng lalaki at saka muling naglakad.
"Ganyan talaga dito. Kahit pauwi na ang mga tao akala mo nasa opisina pa rin. Hindi nila iniiwan ang trabaho nila sa opisina. Walang pinagkaiba kay Kuya," wika ni Johan.
"May kapatid ka?"
"Oo."
Kinuha ni Johan ang helmet ni Helena na nakasabit sa upuan ng motor at isinuot iyon sa dalaga.
"Dalawa lang kaming magkapatid, madalas kaming mag-away. Magkaiba kami ng pananaw. Minsan nga iniisip ko, ampon lang siguro ako nila Dad," dagdag pa ni Johan habang isinusuot ang kanyang helmet.
"Pero ako kasi ‘yong paborito ni Dad. Siguro hindi naman ako ampon," pahabol na biro nito.
"Tara, sakay na," wika ni Johan. Pinaandar niya nang mabilis ang kanyang hover bike papunta sa City Hall ng Makati. Nagmamadali si Johan dahil alas-singko na noon ng hapon.
Muling namangha si Helena sa gusali ng City Hall. Tila mukhang colliseum iyon, pabilog na may halos apat na palapag lamang. Kulay puti ang mga pader nito at may mga pulis-Makati, na nakakulay dark green na uniporme, na nakakalat sa lugar. Dumiretso sila sa isang parking space sa gilid ng gusali. Lumalabas naman sa gusali ang hindi mabilang na mga bidder. Tinetiyempohan talaga ni Johan na labasan na ng mga tao sa kanilang mga opisina para walang makaistorbo sa kanilang gagawin.
Pumasok ang dalawa matapos mangonti ang mga taong naglalabasan. Malalaking chandelier na gawa sa diyamante ang nakita ni Helena sa pasilyo pagpasok. Kulay light blue na carpet naman ang nakalapat sa buong floor ng gusali. Lumapit si Johan sa receiving area ng hall.
"Mark Lyndon sa statistics office," wika ni Johan.
"Sir Klein? Hinihintay niya po kayo," sagot naman ng babae.
"Salamat, tayo na Helena," sagot ng binata. Pumunta sila sa elevating platform para umakyat.
"Sino si Mark Lyndon?" tanong ni Helena.
"Kaibigan ko. Siya lang ang masasandalan ko sa mga ganitong bagay," wika ni Johan. Makalipas ang ilang segundo ay tumigil na ang platform sa 4th floor. Bawat opisina na madaanan nila ay mayroong salamin na pader na naghahati sa bawat kwarto. Wala na ring tao sa palapag na iyon ngunit isang opisina lamang sa dulo ang nakabukas ang ilaw.
Kinatok ni Johan ang pintuang gawa sa salamin at agad itong binuksan ng isang lalaking nakasalamin. Maputi ang kutis nito katulad ng kay Johan. Magkasingtangkad lamang sila at nakasuot siya ng long sleeve na may berdeng tie.
"Anong nangyari sa tie mo pre? Ang baduy," bati ni Johan sa kanya. Agad naman silang nagfist pump.
"Minsan na nga lang tayo magkita ‘yan pa ang pambungad mo sa ‘kin," sagot naman ng lalaki.
"Ah siya nga pala Mark, ito si Helena. Helena si Mark. Kaibigan ko since highschool," pagpapakilala naman ni Johan. Napangiti naman si Mark sa dalaga.
"Uhhmm…hi." Iniabot nito ang kamay.
"Ano yung hish chool?" Agad namang napakamot ng batok si Mark. Si Johan naman ay saglit na napangiti.
"Pre pagpasensiyahan mo na. Wala kasi siyang maalala. Medyo natrauma siguro."
"Ah…hmm," ang tanging nasambit na lang ni Mark na medyo natatawa na lang. Tinabig naman ni Johan ang sikmura nito.
"Aray. Haha, sige pasok kayo. Pasok," paanyaya naman niya.
Umupo naman si Helena sa isang office chair. Tumitingin-tngin pa rin sa paligid. Ang kwartong iyon ay naglalaman lamang ng mga PC. Sa bandang likuran naman ng opisina ay may dalawang malalaking hologram LCD screen at iba’t ibang mukha ng tao ang ipinapakita rito. Ipinapakita rin dito ang kanilang memory gene. Si Johan naman ay nakatayo sa likuran ni Mark.
"So pare...alam mo na," wika ni Johan.
"Hindi ko alam pare. Pero sigurado ka ba? Kapag nalaman ng Malakanyang ‘to pare-pareho tayong makukulong," bulong naman ni Mark.
"Pare, eh kung ako lang ang nakaupo diyan ngayon sa kinauupuan mo baka ako na lang ang gumawa eh," sagot naman ng binata.
"Pare, alam mo namang ako lang ang authorized na pumindot dito. Fingerprints ko lang ang tinatanggap ng system sa opisina ko."
"Oo na, maliit na bagay lang naman ang hinihingi ko sa ‘yo eh. Mahirap ba ‘yon? Gagawan mo lang siya ng pekeng ID Pass para makapasok sa mga Bidder District," wika ni Johan. Sumilip naman si Mark sa likuran ni Johan upang tingnan ang dalaga. May pag-aalangan sa mukha niya.
"May memory gene siya. Pero bakit wala siyang ID Pass?" tanong ni Mark.
"Pare, hindi ko rin alam. Wala siyang memorya. Hindi niya rin alam. Kaya nga humihingi ako ng pabor sa ‘yo eh," sagot ni Johan. Agad namang tumayo si Mark at kinuha ang isang blue light scanner.
"Eh bakit hindi na lang natin alamin kung sino siya. Isang scan lang ng mukha niya malalaman na natin," wika ni Mark.
"Pare ‘wag!" hinawakan ni Johan ang braso ng kaibigan.
"Nakaconnect ka sa database ng Malakanyang. Kapag ginawa mo ‘yan lalo tayong malalagot," paliwanag niya. Dahan-dahan namang umupo sa kanyang upuan si Mark.
"Umamin ka nga, pare. May hindi ba ako alam?" tanong ni Mark. Seryoso na siya sa pagkakataong iyon.
"Gusto mo ba talagang malaman?" tanong ni Johan.
"Mukha bang ayaw ko? Eh hindi mo pa nga kinukwento sa ‘kin kung paano mo siya nakilala eh," sagot naman ni Mark. "Cute siya ah. kaya lang..."
"Tama na nga. Hindi siya ordinaryo gaya ng iniisip mo," awat naman ni Johan.
"Ehem...so ano nga ba ang dapat kong malaman?" tanong muli nito.
"Pare, hinahabol kami ng mga taong hindi naman namin kilala. Hinahabol din kami ng militar," paliwanag ni Johan.
"HA?!" Napatayo naman si Mark at napasigaw. Tila umalingawngaw ang boses niya hanggang sa dulo ng hall kaya't napatikom agad ang bibig nito.
"A-ano?" bumulong na lamang siya pagkatapos.
"Pare, iniligtas ko siya. Nilabas siya sa kotse ng may limang lalaki, tapos tinutukan siya ng baril. Papatayin sa pampublikong lugar. Eh ‘yong mga lalaking ‘yon may mga memory gene. Bakit sila papatay ng katulad nila?"
"Baka wanted siya," sagot naman ni Mark. "Ay teka. Wanted na nga siya?! Hinahabol siya ng militar ‘di ba?"
"Paano ko ba ipapaliwanag?" tanong ni Johan. Napagisip-isip ni Johan na baka lalong hindi ito gawan ng ID Pass si Helena dahil sa insidenteng nangyari sa Antipolo. Ngunit nakaisip din siya ng paliwanag.
"May tinulungan kasi siyang bid bago kami pumunta dito. Ayun nakita ng militar. Hinabol kami kaya dito ko siya dinala sa Makati."
"Para ‘yon lang? Tumulong lang sa bid tapos hinabol na? Grabe talagang gobyerno ‘to."
Mukhang naiintindihan na ngayon ni Mark ang kasinungalingang binuo ng binata. Hindi naman talaga iyon kasinungalingan. Sinabi pa rin niya ang totoo. Oo nga at tumulong si Helena sa mga bid na nasa Antipolo, ngunit hindi niya ikinuwento ang mga pagsabog, mga putok ng baril at kaguluhang nangyari doon.
"So, gagawin mo na ba?" tanong muli ni Johan.
"Gagawin ko. Pero hindi ka ba nacu-curious sa ‘kanya? Tinutukan kamo siya ng baril ng mga bidder din? Ayaw mo bang malaman kung sino siyang talaga?" seryosong tanong ni Mark.
"Hindi sa ganyang paraan. May iba sa kanya Mark. Ang memory gene niya, at saka..." Sasabihin sana ni Johan kay Mark ang kakaibang lakas at bilis ng dalaga pero kapag sinabi niya ito ay malalaman din niya ang nangyari sa Antipolo. Si Helena lamang kasi ang may kakayahang gumawa noon. Tila ayaw ring ipakita ni Johan ang kakaibang kulay ng kanyang memory gene.
"Saka ano?" tanong ni Mark.
"Wala, basta. Wala nga kasi siyang maalala, as in zero. Hindi ko alam kung tinanggal lahat ng memory niya o kung san man siya galing," palusot na lamang niya.
"So ikaw na lang ang maghahanap ng records niya? Basta ako pinapaalalahanan kita, Johan. Kapag nalaman ng Malakanyang ito at ng sarili mong tatay, malalagot tayo pare-pareho." paalala ng kanyang kaibigan habang nagta-type sa hologram keyboard nito.
"Anong pangalan?" tanong ni Mark.
"Helena. Helena Cera," sagot naman ni Johan.
"Saan mo naman nakuha ang pangalan niya?"
"Basta isulat mo na lang!" sagot ng binata.
"Okay. Age?"
"19."
"Ah okay, and...siyempre female. Level ng Pass?"
"Maximum," napatingin naman si Mark sa kausap.
"Sigurado ka?"
"Mukha ba akong nagbibiro, Mark?" medyo iritableng tugon ng binata.
"Okay okay, relax ka lang ito na." Patuloy na nagtype si Mark sa isang tila registration form sa PC.
"Ito lang ang problema. Family background, bank accounts, assets and liabilities. Tingin mo meron siya?" tanong ni Mark.
"Gumawa ka," utos naman ng binata.
"Ano?! Johan, sana naiintindihan mo, magma-malfunction ang ID Pass na ‘to kapag wala siyang assets and liabilities," wika ni Mark.
"Magaling ka rin sa computer Mark, dahil magkaklase tayo sa IT Department. Kung tutuusin magaling ka rin mang-hack. Siguro naman hindi na problema ‘yan sa ‘yo. Isa pa hindi involved ang pera para makapasok ka sa Bidder Districts," paliwanag ni Johan.
"Pero assets and liabilities pa rin ang involve dito. Tingin mo gano’n kadali ‘yon?" tanong naman ni Mark.
"Oo." Iyon na lamang ang naisagot ni Johan.
"Okay." Saglit namang napangiti ang binata sa tugon ng kaibigan.
"Kukuha ako ng record ng assets and liabilities ng isang taong patay na. Tapos palit ng date ng kaunti...palit dito...palit doon....palit ng company name."
"Kunwari ka pa Mark, alam ko namang gawain mo talaga ‘yan," biro ni Johan sa kaibigan.
"Ngayon ko lang ito ginawa. Promise. Saka sino namang bidder ang hindi kayang magpagawa ng ID Pass?" tanong niya kay Johan. Si Johan naman ay medyo napasimangot.
"P…pwera na lang kung wala ka talagang maalala," biglang bawi ni Mark.
Tumayo naman si Helena sa kinauupuan. Nag-unat saglit at naglakad-lakad sa paligid ng opisina.
"Ayos ka lang?" tanong ni Johan.
"Oo naman ayos na ayos, pare. Bakit?" Si Mark naman ang sumagot.
"Hindi ikaw, si Helena!" bulyaw naman niya sa kaibigan.
"Ay sorry hehe."
Mahigit isang oras na nagta-type si Mark sa kanyang PC. Palakad-lakad naman sa loob sina Johan at Helena, tila hindi mapakali sa paghihintay ng ID Pass ng dalaga.
"Kaunting ikot ng ganito, kaunting ganyan, presto! Kulang na lang ay picture niya at mayroon ka nang ID Pass," wika ni Mark.
Medyo nag-alangan naman si Johan. Kapag kinunan ng picture si Helena ni Mark ay maaaring maikalat ito sa server ng Malakanyang at madetect ng system.
"Hindi ba pwedeng hindi dumaan sa internet?" tanong ni Johan.
"Pare, lahat dumadaan na sa internet ngayon. Online din ang mga sensors ng bawat gates ng district. Hindi ko pwedeng gawin ‘yon,” paliwanag ni Mark.
"Makikilala siya kung kukunan mo siya ng image," sagot ni Johan.
Natahimik naman si Mark. Totoo ang sinasabi niya. Nagbago nga ang buhok ni Helena pero hindi naman magbabago ang hitsura ng mga mata nito, ang kanyang labi, pisngi, at ng iba pa pwera na lang kung maglipat siya ng memory sa ibang katawan. Kapag nadetect kasi ito ng system ng Malakanyang ay pwedeng habulin pa rin sila ng mga militar at bawiin ang kanilang conclusion na patay na si Helena. Iyon ay kung may record siya sa Malakanyang.
"Buksan mo ang photoshop," utos ni Johan.
"Ha bakit?" tanong naman niya.
"Baguhin mo ang hitsura ng mata niya, pati ang kulay," wika ni Johan. Napangiti naman si Mark.
"Talino mo talaga, pare. Bilib talaga ako sa ‘yo."
Agad iniscan ni Mark ang mukha ni Helena. Inilipat ito sa photoshop at binago nga ang kulay ng mata niya.
"Kung sakaling may records siya, hindi siya madedetect dahil gumagamit ang Malakanyang ng iris analysis," wika ni Johan.
"Paano mo nalaman iyon?"
"Sa kapatid ko, siyempre."
Ilang pagta-type pa ang ginawa ni Mark. Ilang minuto pa ang ginugol niya at naayos din ang hitsura ng mga mata ni Helena, at halos pareho lamang ito. Ang pinagkaiba nga lang ay ang kulay ng mata niya. Mula brown ay tila naging black ang kulay nito. Iniba rin ni Mark ang posisyon ng iris ng imahe.
"Bingo!" wika ni Mark.
"Wag mo kalimutang burahin ang image pagkatapos," paalala ni Johan.
"Walang problema, ikaw pa. Hintayin na lang natin magprint ang ID Pass mo," sagot ni Mark habang inilalagay ang kanyang dalawang kamay sa kanyang memory gene sa bumbunan at tila nagre-relax na. Makikita naman sa screen ng hologram PC na naglo-load na ito.
Mayamaya pa’y lumalabas na ang tila makapal na card sa machine na nasa gilid ng PC.
"Heto na." Nang matapos ay kinuha agad iyon ni Mark.
"Mainit-init pa oh," biro niya at inaabot ito kay Helena.
Namangha naman si Helena, dahil mayroon na siyang sariling ID Pass.
"Tandaan mo Helena, makakapasok ka lang sa iba't ibang bidder district. Hindi ka pwedeng bumili gamit ‘yan. Pinaliwanag ko na sa ‘yo di ‘ba?" tanong ni Johan. Tumango lamang si Helena habang nakangiti at napatingin kay Johan.
"Ang cute niya talaga. pare," bulong ni Mark.
"Umayos ka, Mark!" saway naman ni Johan. Agad namang umismid si Mark sa kanya.
"Nadelete mo na ba ‘yong picture?" tanong ni Johan.
"Uy! Hindi pa hehe, buti pinaalala mo," sagot niya.
"Tandaan mo, ikaw lang ang nakakaalam ng tungkol sa kanya."
"Oo naman," sagot ni Mark.
Lingid sa kaalaman niya ay may iba pa siyang hindi alam tungkol kay Helena. Hindi na ito kinwento ni Johan para maproteksyonan ang dalaga.
"So pa’no, pare?" tanong ni Johan.
"Naku, okay lang. Pizza lang at beer okay na ako hehe," biro naman ni Mark.
"Pizza pa rin ang paborito mo. Hindi ka pa rin nagbago. Mapagbiro ka talaga. Kunin mo ‘yong pizza at beer sa condo mo. Nagpadeliver ako kanina. Baka inaamag na ‘yon do’n," wika ni Johan.
Papalabas na noon sina Johan at Helena sa opisina. Hawak na ni Johan ang door handle.
"Hindi ka nagbibiro ‘di ba, Johan?" tanong ni Mark.
"Hindi ako nagbibiro. Seryoso ako," sagot naman niya.
"Yes!! Yahoo! Nakuha mo talaga eh haha. Salamat sa pizza." Lumabas na ng kwartong iyon sina Johan at Helena.
"Walang anuman, salamat din nang marami," tugon naman ni Johan.
Naglakad sila sa hallway at muling ginamit ang elevating platform para bumaba.
"Paano mo nalamang iyon ang paborito niya?" tanong ni Helena.
"’Yong pizza? Adik kasi iyon sa pizza," sagot naman ni Johan.
"Gusto mo bang matikman ‘yon?" tanong ni Johan. Napangiti naman si Helena.
"Sige."
"Ano ba ang plano mo Johan?" isang tila seryosong tanong ang pinakawalan ni Helena. Gabi na noon at kasalukuyan silang kumakain ng papaubos na pizza sa isang balkonahe ng tila Italian food chain.
"Plano? Tungkol saan?" tanong ni Johan.
"Hinahabol tayo ng mga taong hindi natin kilala. Hinahabol din ako ng militar. Sina Aling Tess, hindi natin alam kung babalikan pa sila ng mga militar na iyon at kukunin na naman ang mga pinaghirapan nila. Ano ang plano mo?" Napalagok naman si Johan ng iced tea at tila nagugulat sa mga sinasabi ni Helena.
"May alam ka na nga sa nangyayari," wika ni Johan. "Siguro dahil na rin sa nagtagal ka kina Aling Tess ng ilang araw. Naunawaan mo rin.”
"Ang mundo ngayon ay may sakit. Nahawa ang Pilipinas ng makabagong sistema. Hindi iyon nakatulong sa mga mahihirap. Hindi rin iyon nakatulong sa ekonomiya. Hinati-hati tayo ng sistema."
Nalungkot naman si Helena sa mga narinig at napayuko.
"Tingnan mo ang mga taong nandito. Ang saya nila, parang wala silang problema. Hindi nila inaalala ang kabuhayan nila dahil pwede pa silang mabuhay ulit sa ibang katawan. Siguro kahit ako masaya rin ako. Pero ayoko ng sistemang nabuo. Noon hati na talaga ang mundo, may mahirap. May mayaman. Sa bagong sistema mas lalong lumala," paliwanag ni Johan na tila nalukot na nang tuluyan ang mukha.
"May balak kang gawin. Alam ko meron," mahinahong sagot ni Helena.
"Gusto mong malaman kung ano ang balak kong gawin?" tanong ni Johan.
"Oo," sagot ni Helena.
"Tara sumama ka sa ‘kin."
Lumabas ng food chain na iyon sina Johan at Helena. Ginamit niya ang kanyang hover bike para pumunta sa pinakamataas na gusali ng Makati-- ang MCH o Makati Central Hub. Business area ito at mayroon ding iba’t ibang opisina. Dito ginaganap ang mga magagarbong pagpupulong kung minsan. Nandito rin ang isa sa mga pinakamayamang TV Network, ang MBF o Makati Broadcasting Federation. Halos umaabot sa 50 square kilometers ang laki nito at mayroon itong halos 700 floors.
"Anong gagawin natin dito, Johan?" tanong ni Helena.
"Basta sumunod ka na lang."
Kinapitan ni Johan ang kamay ni Helena. Namula naman ang dalaga at tila nahihiya.
"Sir, saan po ang tuloy nila?" tanong ng gwardiyang nagbabantay.
"Sa may Zen Garden lang po. Mamamasyal lang." Saka niya inabot ang ID Pass.
"Okay na po, Sir," wika ng guwardya.
Naglakad naman nang mabilis si Johan, kapit pa rin ang kamay ni Helena. Pumasok sila sa elevating platform. May isang computerized audio naman na nagtanong, "Please specify your destination.”
"Roof Deck," wika ni Johan.
"Teka, akala ko ba Zen Garden?" tanong ni Helena.
"Basta, may ipapakita muna ako sa ‘yo," sagot naman ni Johan. Ilang minuto pa ay nakarating na sila sa Roof Deck. Bumukas ang salamin na pintuan nito. Mahangin sa parte ng gusaling iyon. Ito na kasi ang tuktok ng building. Mayamaya pa’y umakyat si Johan sa pinakabubong pa na parte nito.
"Johan, malaglag ka diyan!" saway ni Helena.
"Tara, dito tayo!" wika ni Johan habang nakangiti.
"Tara na bilis..." Iniabot niya ang kamay kay Helena para tulungan siyang makaakyat.
"P…pero Johan. Baka malaglag tayo!"
"Hindi ‘yan, basta magtiwala ka lang sa ‘kin."
Napatingin na lamang ang dalaga sa mga mata ni Johan. Sa mga mata niya ay tila walang pag-aalinlangan, tila magagawa niya lahat basta magtiwala lamang siya sa taong iyon. Inabot ni Helena ang kanyang kamay at hinawakan naman ito ni Johan. Umapak siya sa gilid, sa pader ng roof deck at saka inapak ang isa pang paa nito sa alulod ng bubong hanggang sa siya’y makaakyat.
Namangha si Helena sa nakita. Tila namiyesta ang kanyang mga mata sa bawat ilaw ng siyudad. Isang 360 degree view ang natunghayan niya, umikot siya na tila nanlalaki ang mga mata habang nakangiti.
"J…Johan, ang ganda!" wika ni Helena. Nakangiti lamang si Johan habang pinagmamasdan ang reaksyon ng dalaga. Ngunit nang mapatingin si Johan sa malayong paligid ay napawi agad ang kanyang mga ngiti.
"B…bakit Johan? ‘Di ba maganda?" tanong ni Helena. Umupo si Johan sa bubong ng roof deck na gawa sa semento. Hinila niya ang kamay ni Helena para umupo rin.
"Noong bata pa ako, dinala ako dito ni Mama. Nakikita mo ‘yong mga madidilim na parteng ‘yon? Maraming ilaw din ‘yan dati. Halos mamangha din ako sa nakita ko, punung-puno ng ilaw ang paligid. Pero napansin ko habang lumalaki ako, simula nang magkaroon ng harang na ‘yan, paunti na nang paunti ang ilaw na nakikita ko sa labas ng harang," wika ni Johan. Malungkot ang kanyang mukha habang tinitingnan ang malaking pader na nakapalibot sa buong siyudad ng Makati.
Napansin nga iyon ni Helena. Madilim ang paligid ng Makati. May makita man siyang ilaw ay gawa naman iyon sa apoy na ginagatungan at pinapalaki ng mga bid para magkaroon ng kahit na kakarampot na ilaw. Napawi rin agad ang mga ngiti ng dalaga. Tila nauunawaan na niya ngayon ang gustong mangyari ni Johan. Napatingin na lamang siya sa binata.
Patuloy ang pag-ihip ng malamig na hangin. Natanggal nito ang hood ni Johan. Naunawaan na rin ni Helena kung bakit ayaw gumamit ni Johan ng memory gene. Tila sumpa ito na tinatatakan ang sarili para ihiwalay sa iba. Sumpa ito na nagpapahirap lalo sa mga bid.
"Gusto mong wasakin ang pader na ‘yan?" tanong ni Helena. Tumingin naman si Johan sa kanya at pagkatapos ay ngumiti.
"Hindi lang iyan basta pader. May isang mas malawak, mas mataas at mas makapal na pader na kailangang wasakin. Ang pagkakahati-hati ng mga tao, dahil sa memory gene," wika ni Johan. Nakangiti siya at muling tumingin sa malayo.
"Tutulungan kitang wasakin ang pader na ‘yan, Johan. Naiintindihan ko na ngayon," wika ni Helena habang nakatingin sa binata. May halong tapang ang kanyang mukha. Si Johan naman ay napatingin din at muling ngumiti.
"Gagawa tayo ng isang bagong mundo, Helena. Isang mundo kung saan malaya ang tao na makapagdesisyon sa kung ano ang gusto niyang marating, sa kung ano ang gusto niyang makamit. Isang mundong pantay-pantay. Walang bid, commoner o bidder. Isang mundong walang sakit at walang sistemang gumagapos sa bawat isa. Iyon ang gusto ko," wika ni Johan. Tumayo siya sa kinauupuan at muling tumingin sa pader na nakapalibot sa Makati. Tumayo rin si Helena sa tabi niya at tiningnan din ang pader na iyon.