Chapter 5: A New World (Isang Bagong Mundo)

5317 Words
“It is not enough to say we must not wage war. It is necessary to love peace and sacrifice for it.” -Martin Luther King, Jr.   Gulong-gulo ang isip ni Helena nang makita niya ang sunud-sunod na pagpapakawala ng mga rocket ng militar. "Helena, pumasok ka na dito, parang awa mo na," wika ni Aling Tess habang kapit-kapit ang braso ng dalaga. Lumuluha na naman siya, ngunit tila tanggap niya na sa kanyang sarili na hindi na mabubuhay ang isang tao sa ganoong klaseng pag-atake. Pinapapasok niya ito upang hindi sila makita ng iba pang heli ship na patungo sa lugar kung saan nangyayari ang sunud-sunod na pagsabog. Tinatakpan naman ng mga bata ang kanilang mga tenga at binabalot pa nila ang kanilang mga sarili sa damit na suot. Tila lamig na lamig at takot na takot ang mga ito. Kasama nila ang dalawa pang pamilyang iniligtas din ni Helena. "Helena, pumasok ka na sa loob," marahang utos muli ni Aling Tess. Hinahaplos na ng matanda ang mukha ng dalaga dahil punung-puno na ito ng alikabok, niyebe, dugo at luha. "H…hindi, hihintayin ko si Johan. Babalik siya!" wika ni Helena. Nakatitig pa rin ito sa mga pagsabog na nagaganap sa ‘di kalayuan. "H-hindi na siya babalik anak, pumasok na tayo sige na..." nagmamakaawa na ang matanda. Nakasalampak na ito sa maalikabok na sahig at pilit ihinaharap sa kanyang mukha ang dalaga habang lumuluha. "Hindi ako naniniwala. Buhay siya. Siya ang nagligtas sa ‘kin. Hindi maaaring..." sagot niya habang mulat na mulat ang mata. "Tama na anak..." Hinahaplos na ng matanda ang kanyang buhok at balikat at akmang yayakap sa kanya. "Hindi! Hindi ako papayag!" sigaw ni Helena. Tumayo siya at tumakbo sa kinaroroonan ng pagsabog. "HELENA ‘WAG!" pigil ng matanda sa dalaga ngunit nakalayo na ito nang tuluyan. Napaiyak naman ang mga bata.   "Ate, ‘waaag… ATE!!" sigaw ni Jek. Tumakbo si Helena nang mabilis at palundag-lundag sa bawat madaanan niya. Nakikita niya sa paligid ang mga katawan na naging biktima ng karahasan. Hiwa-hiwalay ang parte ng ibang katawan ng mga ito. Ang iba ay tila sunog, nag-aapoy at inaapula na lamang ng bawat butil ng niyebeng pumapatak.                 Nakita niya rin ang isang duguan na katawan ngunit gumagapang pa ito; gumagapang papunta sa isang malaking tipak ng semento na nahulog mula sa isang gusali para makapagtago. Naisip niya agad si Johan, ayaw niyang mangyari ito sa kanya. Hindi niya lubos maisip kung ano na ang nangyari sa binata. Sa pagsabog na nagaganap ay siguradong pira-piraso na ito ngayon. Hindi...hindi pwede...Johan, bulong niya sa kanyang sarili. Patuloy siya sa pagtakbo, patuloy rin sa pagpapasabog sa lugar na iyon ang mga sundalo ng militar. Nang malapit na si Helena ay biglang tumigil ang mga pagsabog at mga putok ng baril. Sinubukan niyang tumigil sa pagtakbo ngunit sa sobrang bilis ay napahiga siya sa lupa at tila dumausdos. Agad siyang nagtago sa isang madilim na parte ng gumuhong gusali. "HOLD YOUR FIRE!" sigaw ng heneral. "Falcon 1, pakihalungkat ang katawan niya!" utos nito sa mga sundalong kasama. "Pero sigurado namang wala na kayong makikita riyan kundi mga abo!" Ikinagulat ni Helena ang narinig. Tila blangko na naman ang pagkakahulma ng kanyang mga mata. Naglakad siya nang marahan papunta sa pinanggagalingan ng boses. "Hindi sa ganitong paraan!" Napatigil siya at muling bumalik sa kanyang ulirat. Tumingin siya sa paligid ngunit wala naman siyang nakita. Hindi sa ganitong paraan? tanong niya sa sarili. Ito ang mga katagang sinabi ni Johan nang muntik niya nang atakihin ang isa sa mga heli ship nang magsimula ang gulo. "P…pero bakit hin…hindi?" tanong niya. Muli siyang umatras sa dilim. Tuluyan namang nag-rappel pababa ang mga sundalo ng isang heli ship. Apat sila at may mga dalang matataas na kalibre ng baril. Mausok sa kanilang binabaan dahil sa sunod-sunod na pagsabog na nangyari. Nagtago sa gilid si Helena dahil humarap ang isa sa mga ito kung saan siya naroroon. Sumilip muli siya nang bahagya at nakitang papunta na sa bangin ang mga sundalo. Kailangang may gawin ako.   Sa pinagtataguan niya ay nakakita siya ng eskinita. Pumasok siya sa loob. Balak niyang pumunta sa banging iyon na hindi napapansin ng mga militar na rumoronda sa himpapawid. Maraming ilaw ang nakakalat kaya't siguradong mahihirapan siyang makapunta sa bangin. Pasaglit-saglit ay lumilipat siya ng gusali. Hinihintay niyang mawala ang mga ilaw na nakatutok sa lupa at muli siyang magtatago sa kabilang eskinita. Natunton niya ang isang lumang hover truck na tila kinakalawang at nabubulok na, kaya’t nagtago siya sa gilid. Muli siyang tumingala para makita ang mga heli ship, nakaharap pa rin ito sa pinanggagalingan ng mga sundalong bumaba. Nakatutok na rin noon ang kanilang mga ilaw sa mga sundalong iyon Isang ilaw pa ang lumampas at tumakbo si Helena sa bangin, nagpadausdos siya sa lupa, kumapit sa iilang sanga na makapitan at muling yumuko. Makapal pa rin ang usok na tumatabon sa buong lugar, at malikot naman ang bawat ilaw ng heli ship habang sinusuyod ang bawat sulok nito. Seryoso ang mga piloto nito sa paghalungkat sa katawan ng kanilang target. Nasaan ka na ba Johan? bulong ni Helena. Ginalugad niya ang malawak at madilim na bangin. Nagpapadausdos siya sa lupa pababa at pagkatapos ay nagtago sa mga puno. Kung titingnan ay kaunti lamang ang layo niya sa lugar na pinagpaulanan nila ng rocket. Naroon pa rin ang mga sundalong naghahanap sa bangkay ng binata. Sinubukan niyang tumingin-tingin sa paligid. Umaasa na sana’y wala doon si Johan. Kapag lumapit kasi siya sa pinagsabugan ay baka makita siya ng mga sundalo. Makikita ang tila isang malawak na crater sa lugar na umaabot ng 150 square meters na laki. Umuusok at tila nag-aapoy pa rin ang paligid nito. Nasa paligid naman ang mga sundalong naghahanap. "Ayun! May nakikita ako sa banda roon!" sigaw ng isang sundalo. "Sunog na sunog na 'to. Hindi na makilala." Johan..,bulong ni Helena. Nagulat siya sa sinabi ng sundalo. Agad naman nilang nilapitan ang itinuturo ng kasama. Agad ding nagtungo si Helena sa itinuturo ng mga sundalo. Hindi niya naisip ang panganib na kakaharapin niya, makita lang kung katawan nga ba ito ni Johan. Tumakbo siya, ngunit isang kamay ang humatak sa kanya at tinakpan ang kanyang bibig. Agad din siyang dinala nito sa isang malapad at nasunog nang puno upang makapagtago. Tinanggal niya ang kamay na nakatakip sa kanyang bibig at humarap. Nakita niya ang isang lalaking nakahood. May sugat siya sa noo at tila iniinda ang sakit na nasa kanyang tagiliran. "Jo…Johan," wika ng dalaga na tila nangingiti at parang nabuhayan ng pag-asa. Napangiti naman si Johan ngunit umubo ito ng dugo. "A…ayos ka lang ba?" tanong ni Helena. Hindi naman nakapagsalita si Johan dahil kapag ginawa niya ay siguradong uubo siya lalo ng napakaraming dugo. Nakita ni Helena ang tama ng bala sa kanyang tagiliran. Umaagos na rin noon ang dugo sa jacket nito at napapansin niyang nanghihina na rin ang binata. "Kailangang madala kita kay Aling Tess," wika ni Helena. Tumayo siya at sinubukang buhatin si Johan ngunit hinatak naman siya nito at umiling. Kinapitan niya ang kanyang ulo para yumuko. "Johan bakit? Kapag hindi tayo nagmadali baka hindi mo na kayanin," wika ng dalaga. "M…maghint…maghintay pa tayo ng k…kaunti," sagot ni Johan. Nakahiga pa rin siya sa likod ng malaking punong iyon at tila nakatitig sa iilang dahong nagliliyab. Napakaganda nitong pagmasdan dahil sa maliliit na apoy na gumagapang sa mga sanga nito. Sa harapan niya naman ay si Helena. Nakaupo habang nakayakap sa binata. Pasaglit-saglit din niyang tinitingnan ang mga sundalong iyon. "Confirmed Sir! Abo na nga lang ito," wika ng sundalo. Nakatingin sa halos naaabong buto na kanilang nakita. Napatingin ulit si Helena at si Johan naman ay tusong napangiti. "Bumalik na kayo sa mga ship niyo! Back to base tayo!" sigaw ng heneral sa mga sundalong nasa ibaba. Muling nag-rappel ang mga ito pataas, pabalik sa ship na kanilang sinakyan. Unti-unting umalis ang mga ship sa lugar na iyon. Natatawa na lamang si Johan sa nangyari pero iniinda niya sa bawat hinga ang sakit na nararamdaman. "K…kaninong katawan iyon, Johan?" tanong ni Helena. "Isa sa kanila. Nakita ko kasi kaninang hinihiwalay nila ang mga katawan ng mga sundalong namatay. Dito nila iyon itinatapon. Kaya dito ako pumunta,"paliwanag ng binata. Sadyang matalino at mabilis mag-isip si Johan. Noon pa man ay ganito na talaga siya mag-isip, tuso kung tutuusin ngunit ang pagiging tuso niya ang nagdadala sa kanya sa kaligtasan. Kaya nga siya ang paborito ng kanyang ama. Mabilis siyang makapag-isip marahil dahil sa kanyang mga natutunan sa pag-aaral ng database at trouble shooting. Dahil na rin marahil sa karanasan niya at ang laging ipinapayo ng kanyang ama, na dapat ay lagi siyang alerto at handa sa kung anumang problemang kanyang kakaharapin. Ang pagkakaiba nga lang ay sa computer niya ginagawa ang mga iyon. Ngayon lang niya siguro nagamit ang mga bagay na ito sa kanyang personal na buhay. "Bumalik na tayo, Johan," wika ni Helena ngunit nang tingnan niya ang mga mata ni Johan ay nakapikit na ito. Humihinga pa naman ang binata at nawalan lamang ng malay.     Hingal na hingal si Johan sa pagtakbo sa madilim na gubat. Masakit pa rin ang sugat niya sa tagiliran. Napapansin niyang ang bawat dugong pumapatak sa lupa ay tila apoy na nagliliyab sa kadiliman. "Hayun siya!" Patuloy naman ang pagsunod sa kanya ng mga sundalo, marahil dala ng mga patak ng dugo na tila nagiging apoy at liwanag sa madilim na paligid kaya siya nasundan ng mga ito. "Lintik!" sambit na lamang ng binata. Patuloy pa rin siya sa pagtakbo. Napapaubo siya ng dugo; lasang-lasa niya ito sa kanyang bibig ngunit hindi niya na lamang ito pinansin. Unti-unti, ang mga puno ay napapalitan ng mga nagtataasang gusali, luma na ang mga ito na umaabot sa kalangitan. Sa dulo ng daan ay makikita ang araw na papausbong. Nagmadali siyang tumakbo patungo sa liwanag na iyon. Ipinutok niya ang dalang baril sa isa sa mga sundalo. Nagtaka naman siya nang gumuho ang kinatatayuan ng mga sundalong iyon at natabunan ang kanyang binaril. Dumami ang mga sundalong sumusunod sa kanya. Binaril niya ang mga ito nang walang tigil. Tuloy naman sa pagguho ang mga nagtataasang gusali, at maaabutan na siya ng pagguho. Mabigat ang kanyang mga paa ngunit nakarating siya sa liwanag at nakaiwas sa tiyak na kamatayan.   Dumilat siya at nakita ang lumang kisame ng isang gusali. Naririnig niya ang mga tawanan ng mga batang naglalaro. Tumingin siya sa kanyang kaliwa at nakita ang mga batang nagtatakbuhan. Bumaling siya sa kanan at nakita niya ang papasikat na araw. Mainit ito at hindi na ito natatakpan ng makulimlim na ulap. Tumigil na rin ang pag-ulan ng niyebe. Dumadampi na lamang sa kanyang mukha ang malamig na simoy ng hangin. Ngunit napansin niya rin ang iilang mga taong naghihinagpis, buhat-buhat ang ilang wasak na katawan. Isang bata naman ang kanyang napansin, umiiyak ito habang tulak ang isang karitong naglalaman ng tatlong bangkay. Muli siyang pumikit. Hindi niya alam kung nananaginip pa siya. "Johan? Maayos na ba ang pakiramdam mo?" Isang boses ang kanyang narinig mula sa dulo ng kwartong iyon, si Aling Tess. Agad itong nagsalin ng mainit na tubig sa batya na sinamahan ng kakaunting dahon ng eucalyptus.   Kumuha din ang matanda ng tela, pinilas niya ito sa gitna at lumapit sa sugatang binata. Pinilit namang bumangon ni Johan ngunit hindi niya kinaya dahil iniinda pa rin niya ang kanyang sugat sa tagiliran. Kinapa niya ang kanyang tagiliran ngunit wala na ang kanyang jacket. Tanging telang nakabalot sa kanyang tiyan na lamang ang kanyang nakapa. "Dahan-dahan at baka bumuka pa ang sugat mo," wika ng matanda. Tinulungan naman siya ni Aling Tess para umupo. Ang mga bata naman na sila Cherry, Jek, Bobby, at ang iba pa ay lumapit. "Wala na ang bala sa tagiliran mo. Tinanggal ko na kanina habang wala kang malay," ani Aling Tess. Dahan-dahan niyang tinanggal ang benda at pinahiran ng maligamgam na tubig na may eucalyptus. "Para maibsan ang sakit. Malamig ang hagod nito kaya hindi mo gaanong mararamdaman ang hapdi," paliwanag ng matanda. "Nasaan po si Helena?" "Nasa labas kasama si Ruth, nagluluto ng makakain," sagot ng matanda. Natahimik na lang si Johan at muling tumingin sa labas. Kakaunti ang mga taong naglalakad sa daan, marami ang namatay at halos lahat ay may bitbit na patay na katawan. Isang bata na naman ang nakita niyang lumuluha. Sa pagkakataong iyon ay nakatitig ito sa kanya. Tila nagtatanong ang mga mata nito kung bakit nagkaroon ng ganoong klaseng gulo sa kanilang lugar. Napatingin na lamang sa paparating si Johan. "Gising ka na pala," wika ni Helena, dala niya ang isang malaking kaldero ng instant noodles. "Woooow," sabay-sabay naman ang mga bata sa pagpuna sa dala nito. "Pahingi ako, Ate," wika ng isang batang babae. "Hindi! Ako muna kasi ate ko siya!" sagot naman ni Cherry. "Ako muna!" "Hindi! Ako sabi!" "Sabing ako eh!" "Oh tama na ‘yan, lahat naman kayo makakakuha," awat ni Ruth. Agad kumuha ng tatlong mangkok si Helena at nagsalin ng noodles. Binigay niya naman ang malaking kalderong iyon kay Ruth para hati-hatiin ng iba pa. "Aling Tess, kain na po kayo," alok niya sa matanda na noon ay binebendahan na lamang ang sugat ni Johan. "Sige salamat, anak." Itinabi nito sa gilid ang mangkok. Susubuan na sana ni Helena si Johan ng noodles ngunit pumaling ang kanyang mukha. "Bakit?" tanong niya. "Ayoko kasi ng instant noodles," sagot ng binata. Napatingin naman ang mga bata at pati na si Aling Tess sa kanya. "Ngayon ko lang naalala haha! Bidder ka nga pala," wika ng matanda. "Siguro hindi ka sanay sa mga pagkaing mahihirap. Pagpasensiyahan mo na kung hindi ako makapagluto ngayon." "Pero sana kahit ngayon lang, kumain ka para para lumakas nang kaunti ang katawan mo," pahabol ng matanda. Pinatong niya ang palanggana sa ‘di kalayuan at muling lumapit kay Johan. Nahiya naman si Johan at sinubukang tikman ang mainit na sabaw ng noodles. Hindi naman pala ganoon kasama ang lasa nito. Agad naman iyon sinundan ni Helena ng isa pang kutsara. "May ipinagtataka lamang ako Johan. Bakit wala ka no’ng aparatong nasa ulo ng mga bidder. Katulad ng kay Helena?" tanong naman ng matanda. "Ang tawag po diyan ay memory gene, nagii-store ng data galing sa ating utak. Ginawa po ‘yan para mailipat ang memorya nila...sa ibang katawan," paliwanag niya. Hindi gaanong pamilyar si Aling Tess sa memory gene. Madalas ay nakikita niya lamang ang mga ito sa mga sundalo at mga turistang dumadaan sa kanilang lugar ngunit hindi niya alam ang kayang gawin nito. "Hangga’t maaari, ayoko gumamit ng memory gene. Hindi ko matanggap, na kailangan kong bumili ng katawan ng iba para mapaglipatan ng sarili ko." "Eh ano naman ang nangyayari sa mga memorya ng taong napaglipatan ng memory gene?" tanong muli ng matanda. "Binubura nila ang alaala nito, parang pinapatay pero buhay ang katawan. Ang katawan ang nagsisilbing bagong bahay ng memorya ng isang gumagamit ng memory gene." Nakatulala na lamang si Aling Tess habang nakikinig sa kwento ng binata. Ang mga bata naman ay tila nagkakagulo sa kabilang sulok dahil sa pagkain ng instant noodles. Si Ruth naman ay nakatingin kina Johan at nakikinig din. "Hindi makatao ang prosesong ginagawa nila. Hindi ko kasi maisip, paano kung katawan ko ang gagamitin para maging bahay ng bagong memorya? Saan ako mapupunta? Patay ang utak ko pero buhay ang katawan ko," pagpapatuloy ni Johan. Napatigil naman sa pagpapakain si Helena. Alam niyang may memory gene siya. Unti-unti ay nagiging malinaw ang lahat sa kanya. Napatingin si Johan sa kanya. "Hindi tayo sigurado kung ibang katawan nga ang gamit mo Helena. ‘Wag kang mag-alala malalaman din natin ang lahat," wika ni Johan. "Pupunta tayo sa Metro."   Tumingin na lamang si Aling Tess. "Sigurado akong iyan na talaga ang desisyon mo. Isa pa kapag itinago mo pa siya dito ay baka mas marami pang taong mapahamak," wika naman ng matanda. "Hindi na babalikan ng mga militar ang lugar na ito. Sa ngayon naghinuha na agad sila na patay na ang inakala nilang si Helena." Napangiti na lamang si Aling Tess sa binata at tumayo. Patuloy naman sa pagpapakain si Helena kay Johan ngunit kinuha niya ang mangkok at hinigop ang sabaw ng noodles. Sinubuan niya naman sa pagkakataong iyon ang dalaga.     Patuloy pa rin ang pagliligpit ng iilang tao sa harap ng kapitolyo ng Antipolo. Mahangin ang panahon na iyon na halos nagliliparan ang mga buhangin sa natutuyo na nitong daan. Halata ni Johan na nangonti nga ang mga residente ng Higher Antipolo. Marami sa mga ito ang namatay at inulila ang ilang mga mahal sa buhay. Sa di-kalayuan ay gabundok na mga patay na bid ang nagpatong-patong. Isa-isa nila itong kinikilala para ilibing sa maayos na lugar. Delubyo kung titingnan. Muling pumikit si Johan at tumalikod. "Pagpasensiyahan mo na iyan iha, iyan na lamang kasi ang natitirang maayos na damit sa supply. Marami kasing nasirang paninda doon," wika ni Aling Tess habang inaayos ang suot na bagong damit ni Helena. Naka-slacks na itim na siya at naka-long sleeves na pula. Napatingin naman si Johan na parang napapangiti. Maganda si Helena kung aayusan at sa pagkakataong iyon ay sakto lamang ang suot niya para makibagay sa mga bidder na nasa Metro Manila. "May problema ba?" tanong ni Helena sa binata. "Ahh eh. W…wala," sagot naman ni Johan na medyo namumula pa ang pisngi. "Uuyy si Kuya Johan," puna naman ng mga bata. Ang iba ring kalalakihan ay napatingin sa ganda ni Helena. Kahit sa kaunting saglit ay nakalimot sa delubyong nangyari, tila napangiti rin ang mga ito. "Aalis na ba talaga sila, Aling Tess?" tanong ng isa sa mga bid. "Kung anuman ang tatahakin nila, siguradong may patutunguhan iyon. Alam ni Johan ang ginagawa niya, matalino siyang bata. Kaya magtiwala na lang tayo sa kanila. Sila na lang ang pag-asa natin," wika ni Aling Tess. Karamihan naman sa mga bid na iyon ay napatigil sa kanilang pag-aasikaso nang makitang handa na sa pag-alis ang dalawa. Ngumiti naman ang isang lalaki sa kanya. Namumugto pa ang mga mata nito at tumango nang marahan na tila nagsasabing suportado siya nito sa kung anuman ang kanilang gagawin. Nilagay naman ni Johan ang kanyang kamao sa kaliwang dibdib. Ginaya naman ito ng mga bid. Napaluha na lamang sila habang nilalagay nila ang kanila ring kamao sa dibdib. Ginaya rin iyon ni Helena at pati na rin ni Aling Tess at ng mga bata. Ngumiti naman si Johan, na tila nagbibigay ng bagong pag-asa sa bawat bid na naroon. Umihip ang malamig na hangin. Maliwanag ang sinag ng araw, animo’y nagbibigay ng bagong simula sa mga bid ng Antipolo. Isinuot ni Johan kay Helena ang dalang helmet, sinuot niya rin ang dala niya pang isa at saka sumakay sa kanyang hover bike na nakapwesto sa kapirasong tipak ng kalsada. Butas-butas na ang kalsadang iyon ngunit kahit papaano ay napapagana pa rin naman dito ang mga hover vehicles. Pwera na lamang kung pumunta pa sila sa kinatatayuan nila Aling Tess. Wala na kasing magnetic field sa lugar na iyon. Sira-sira na rin kasi ang kalsada gawa ng gulong nangyari. "Mag-iingat kayo Johan, Helena!" sigaw ng matanda habang kumakaway. Patuloy pa rin ang mga bid sa pagsaludo; ang paglagay ng kamao sa kanilang kaliwang dibdib. Kumaway naman si Johan at sinimulang paandarin ang kanyang hover bike. Patuloy sa pagluha habang nakangiti ang mga bid sa papaalis na bisita. Nagsimulang lumutang ang hover bike at umandar. Nakatitig sila hanggang sa mawala ang sinasakyan nila Johan sa kanilang paningin.      Tinahak nila Johan ang daan papuntang Marcos Highway. Kung susuriin ay halos malubak na ang gilid nito at tinitirahan na ng mga bid. Nang unang makapunta dito si Johan ay hindi niya ito napansin; madilim kasi dito. Mabilis ang pagpapatakbo ng binata sa kanyang hover bike. Napakapit nang mahigpit si Helena sa kanyang bewang na ininda naman ng binata. Napaungol ito at bumagal ang kanilang takbo. "Ay sorry, nakalimutan ko. Pasensiya na," wika ni Helena. Inilagay naman ni Johan ang kamay ni Helena sa balikat nito at muling pinaandar ang motor. Ininda na ni Johan ang sakit na kanina lang ay hindi niya pa nararamdaman. Nagmadali siya sa pagpapatakbo ng kanyang motor nang makarating sa EDSA. Sa panahong iyon, masakit na talaga ang tagiliran niya. Nagpatuloy na lamang siya sa pagmamaneho hanggang sa makarating ng Metro. Ito ang tawag ngayon sa kabuuan ng Metro Manila, Maynila ang tawag sa pinakasyudad nito at Metro naman ang tawag sa mga kalapit na iba pa. Tinatawag ding Metro ang isang lugar kung nakakapag-ambag na ito sa ekonomiya ng Pilipinas, kung kaya na nitong magpatayo ng matataas na gusali at iba pang distrito na puro opisina lamang ng iba’t ibang business ang makikita. Napapatingala na lamang si Helena habang tinatahak nila ang highway ng EDSA. Dumadaan kasi ang isang tila mahabang tren sa itaas. Ito ang NMRT o Neo Metro Rail Transit. Ang tren na ito ay nagkokonekta hindi na lamang sa Taft hanggang sa North EDSA. Dumadaan na rin ito ngayon sa Novaliches, Bulacan, hanggang sa Pampanga para sa north at kung sa South Bound Lane naman ay umaabot na ito hanggang Tagaytay, Cavite at Batangas. Mayroon na ring subway ang NMRT. Dumadaan ito sa dating ruta simula Taft hanggang North Avenue. Ang mga treng ito sa ibabaw at sa subway ay parehong gumagamit ng magnetic technology. Nakakabit ang dalawang magkabilang gilid nito sa bakal para hindi madiskaril ang tren ngunit nakalutang lamang ito sa riles. Ang subway ay tumatakbo ng hanggang 100 kilometers per hour lamang samantalang ang tren sa itaas ay tumatakbo ng 200 hanggang 250 kilometers per hour. Malayuan kasi ang byahe nito, at tumitigil ito sa bawat siyudad. Namangha rin si Helena sa mga nagtataasang gusali. Makabago ang mga disenyo nito at tila mga hologram LCD na ang mga nakakabit sa gilid ng bawat gusali upang mag-advertise. Ang dating lumang malalaking tarpaulin ay napalitan na rin ng 3D imaging kung saan halos makikita mo sa bawat kanto ang detalye ng bawat nag-aanimate na patalastas. Tunay na kamangha-mangha nga na tila dinala siya sa bagong mundo matapos ang ilang araw. Hindi niya kasi ito natunghayan nang pumunta sila ni Johan sa Antipolo, wala kasi siyang malay noon habang nasa byahe. Nakarating sa isang business district sa Makati sina Johan. Uso dito ang mga walkway kung saan automatic kang dadalhin ng mga tila overpass na tulay papunta sa iyong destinasyon. Tila isang walang katapusang escalator pero flat ito. Ang gagawin mo na lang ay apakan ang platform at tingnan kung saan ito papunta. Hindi nga alam ni Johan kung bakit pa ito tinawag na walkway gayong hindi naman naglalakad ang mga tao sa itaas. Napailing na lang si Johan nang makita niyang muli ang mahabang walk way na iyon. "Good afternoon po, Sir. ID lang po natin." Hinarang siya ng gwardya. Normal lang ito sa Makati ngayon. Hindi kasi makakapagmaneho dito ang kahit na sinong driver kung wala itong ID Pass. "May problema ba, Johan?" tanong ni Helena sa kanya. "Wala, ganito talaga dito." Kasabay nito ay inilabas ni Johan ng isang blue card na may apat na butas sa gilid. Walang anumang nakaprint dito pwera na lang ang logo ng Makati. "Ok na po, Sir," wika ng gwardiya. Agad naman niyang ibinulsa ang ID Pass na iyon at patuloy na nagmaneho. "Bakit kailangan ng ganoon?" tanong ni Helena. "Ang mga may ID Pass lang kasi ang nakakapasok sa loob ng Makati. Karamihan ng mga nandito ay bidder. Kakaunti lang ang commoner," paliwanag ng binata. "Pero bakit kailangan ng ID?" tanong muli ni Helena. Napabuntong-hininga naman si Johan. "Bawal kasi ang mga bid dito. Ang ID Pass na nilabas ko kanina ay nagkakahalaga ng half million. Ginawa ito ng dating mayor ng Makati para hindi makapasok ang mga bid. Lugar kasi ito ng mga bidder." Hindi na nagtanong si Helena. Kitang-kita naman kung anong klaseng mga tao ang namumuhay sa lugar na ito. Malalaking bato ng alahas ang makikita sa kanilang mga leeg. Mamahalin at kumikintab na relo sa kanilang mga braso at mamahaling damit na kakaiba ang istilo. Hindi pa rin mapawi ang pagkamangha ni Helena sa lugar na kanilang pinasukan. Malinis at walang bahid ng dumi ang makikita rito. Nakangiti ang mga tao na para bang wala silang inaalala. Maaliwalas ang lahat. Tila walang gulong nangyayari ngunit nakakalat sa ‘di kalayuan ang mga pulis ng Makati na nakaputing uniporme, nakajacket na blue at itim na pantalon. Maayos din ang daloy ng trapiko dahil sinusunod ng bawat driver ang tamang bigayan sa daan. Tila walang problema. Mamoroblema na lang siguro ang kahit na sinong bidder dito kung saan nila lulustayin ang kanilang mga pera. Isa lamang ang Makati sa mga saradong distrito at eksklusibo lamang ito sa mga bidder. Ito lang din ang tanging siyudad sa Pilipinas na naging sarado nang tuluyan sa mga bid. Sa iba kasing lugar katulad ng Pasig, eksklusibo lamang ang parte ng Ortigas para sa mga bidder ngunit ang mga nasa paligid nito ay tila kabahayan na ng mga bid. Sa Quezon City naman, eksklusibo lang ang Eastwood para sa mga bidder, at pati na ang Kamuning. Bawat distrito na eksklusibo lang para sa mga bidder ay tila may harang na pader na hanggang 40 feet o higit pa. Hindi ito halata kung nasa loob ka ng distrito ng mga bidder dahil tinatakpan ito ng mga magagarang restaurants, jewelry shop, clothing line at iba pa. Pero sa labas ay makikita mo kung paano ihiniwalay ng gobyerno ang mga lugar na iyon sa kanila. Pangit ang gawang pader na iyon. Hindi maayos ang pagkakagawa na parang hindi tinapos. Hindi man lang sinemento para maging makinis. Sa Bay City sa Roxas Boulevard, Manila nakatira sina Johan. Sa lugar na iyon, nasa loob ng bawat condominium ang mga bidder at nasa labas naman ang mga bid. Kahit na sabihing mayaman ang ekonomiya ng lugar na ito, hinahayaan lang ng mayor na maging bukas ito sa kahit na kaninong tao. Para kay Johan sakto lang ang ganoon. Bukas ang isang lugar para sa lahat, maging bid ka man, commoner o bidder. Patuloy na pinaandar ni Johan ang kanyang hover bike hanggang sa makarating sa isang mataas at tila gintong gusali. May malaking pangalan ito sa harapan. The Golden Heritage. Pumasok sila sa underground garage sa Basement 1. "Anong lugar ito, Johan?" tanong ni Helena na kabababa pa lang sa motor ng binata. "Hotel. Dito ako pumupunta kapag gusto ko mapag-isa. Kapag naiinis ako sa bahay," sagot naman ni Johan. "Ibig sabihin hindi ka dito nakatira?" tanong muli ni Helena. Napatigil si Johan, tinanggal ang kanyang helmet at nakangiti. "Hindi. Sa Bay City ako nakatira. Pero hindi pa kita pwedeng dalhin doon dahil may ilang bagay pa akong kailangang ituro sa ‘yo," sagot ulit ni Johan habang tinatanggal naman ang helmet ng dalaga. Binuksan niya ang maliit na compartment ng motor at kinuha ang isang ball cap. Tumungo sila sa elevating paltform upang umakyat, sinuot naman ni Johan ang ballcap para hindi makita ng iba kung may memory gene siya o wala. Nagulat si Helena nang biglang umangat ang platform na kinatatayuan niya. "Elevating platform ang tawag dito," wika ni Johan. Napatingin naman si Helena na tila nakasimangot. "A,,,alam ko." Tumayo siya nang maayos habang umaakyat ang platform. Sa pagkakausisa ni Johan ay parang sanay sa pagsakay ng elevating platform si Helena. Hindi ito nao-off balance o nahihilo man lang. Tiningnan niya na lamang ang dalaga habang seryoso ang kanyang mukha. "May problema ba, Johan?" tanong ng dalaga. "Ah wala. Tara na." Bumukas ang glass door at lumabas sila sa platform, naglakad sila sa front desk at kinausap ni Johan ang babaeng receptionist. "Yung keycard ko, sa Room 652," wika ni Johan. Patuloy naman sa pagtingin-tingin sa paligid si Helena, namamangha pa rin sa ganda ng disenyo ng receiving area ng hotel na iyon.                 Mayroong limang malalaking chandelier sa mataas na kisame nito. Sa paligid naman ay mga totoong halaman. Kita ng kahit sino ang labas sa tinted na glass wall nito at ginto halos lahat ang kulay ng pader. Mayroon ding makikitang ilang sculpture at mga paintings, at tila may fountain sa gitna na ang disenyo ay isang sculpture na Aquarius. Pinapalibutan naman ang buong sahig ng kulay pulang carpet. Dahan-dahan siyang lumapit sa fountain at umikot sa paligid nito. Napangiti na lamang si Johan habang pinagmamasdan ang inosenteng dalaga. "Sir, ID Pass niyo po?" Muling kinuha ni Johan ang card mula sa kanyang wallet. Nag-swipe naman ang babae mula sa mounted scanner ng nakakabit sa kanyang mesa. "Heto na po ang key card nyo, Sir," wika ng babae. Napapansin naman ni Johan na panay ang tingin ng babae sa memory gene ni Helena. Saglit itong nakalimot. Oo nga pala, naiiba pala ang memory gene ni Helena. "Uhhmm…Helena tayo na." Sinubukan niyang takpan ang babae para hindi niya makita nang tuluyan ang memory gene ng dalaga. "Salamat ulit." Ngumiti nang matipid si Johan ganoon din ang babae na curious sa memory gene ng dalaga. Muli silang umakyat sa elevating platform. "Bakit ka nakasimangot. May mali ba akong ginawa?" tanong ng dalaga habang papaakyat ang platform "Ah w…wala naman," sagot ni Johan. "Kanina nakangiti ka, ngayon nakasimangot ka na," puna naman ni Helena. Nangiti na lamang ulit si Johan. Bumukas ang glass door ng platform at naglakad sila sa isang malawak na hallway. Ang paligid ay puro sculpture at painting pa rin. Halos nagmumukha na nga itong museum sa dami ng paintings na nakakabit sa bawat pader ng gusali. "Hindi bababa sa  300,000 pesos ang isa sa mga paintings na nandito," wika ni Johan. "At itong isang ito ang pinakapaborito ko." Tumigil sila sa harap ng isang painting. Painting ito ng isang lumang jeep. Nakasakay dito ang mga taong nakangiti at sa background nito ay makikita ang buo pang imahe ng Luneta Park. Makulay ang painting na ginamitan ng oil pastel. Napangiti at nanlaki naman ang mga mata ni Helena sa nakitang obra-maestra. "Bakit ito ang paborito mo?" tanong ni Helena. "Wala na kasing ganyan ngayon. Jeepney ang tawag diyan. Naalala ko pa noong bata pa ako, may laruan ako dati na ganyan. Regalo sa akin ng mama ko. Noon daw ‘yan ang public transportation ng mga Pilipino. Hindi ko na ‘yan naabutan," paliwanag ni Johan. "Kapag sumakay ka diyan, parang ang saya. Makakatabi mo ang mga taong hindi mo kilala, pero ngingitian ka at pwede pa kayong makapagkwentuhan. ‘Yan ang naiisip ko tuwing makikita ko ang painting na ito," dagdag pa niya. "Wala na bang ganyan ngayon? Kahit isa?" tanong muli ng dalaga. "Meron sa National Museum. Pero hindi pa ako nakakapasok doon. Mahigpit kasi. Nakikita ko na lang ‘yan sa mga pictures at paintings." Napatigil ng ilang segundo ang dalawa sa harapan ng painting hanggang sa basagin ni Johan ang katahimikan. "Tara, doon ang unit ko," wika niya. Nagtungo sila sa harap ng isang kwarto. May nakapaskil dito na number 652. Agad kinuha ni Johan ang keycard para i-scan sa blue light na nasa bandang gilid ng door knob. Bumukas ito at may computerized audio na bumati sa kanya. "Welcome, Mr. Klein." Agad pumasok ang dalawa sa loob. Malawak ang living room, may isang mahabang sofa sa gilid, makinis na kahoy na mesa sa gitna at isang malaking hologram stick na nakadikit sa pader. Tila naninibago na naman si Helena sa kanyang nakikita. Si Johan naman ay agad binuksan ang power ng hologram stick. Lumabas dito ang isang malaking hologram screen. "Diyan ka lang, maupo ka sa sofa. Magbibihis lang ako," utos ni Johan at dumiretso sa kanyang kwarto. Nanlalaki pa rin ang mga mata ni Helena. Umupo siya sa itim na mahabang sofa. Napapikit siya at tila ninanamnam ang bagong mundong ginagalawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD