Chapter 4: Fire in the Midst of the Cold (Apoy sa Gitna ng Lamig)

4711 Words
“Mankind must put an end to war before war puts an end to mankind.” John F. Kennedy   "Commander Gregor!" wika ng isang lalaking nakaupo sa kanyang office chair. Umikot ito at humarap sa kausap nang dumating ang commander. Nakasuot siya ng itim na coat at light blue na long sleeve, itim na slacks at leather na sapatos. Pormal na pormal ito kung titingnan at nasa loob ng isang opisina ng Malakanyang. May kadiliman ang kwartong iyon, tila hologram screen lamang sa kanyang likuran ang nagbibigay liwanag sa buong kwarto at pinapalabas dito ang mga pangyayari kanina sa Antipolo. Ikinagulat naman iyon ng commander. Pinagpawisan siya nang malamig at nakaramdam ng kaba. Nang humarap ang taong nakaupo sa silya ay sumaludo kaagad ang commader sa kanya. "Sir!" wika ng commander, animo’y nagulat at tila kinakabahan. "Ano ang mali dito ha?" tanong ng lalaking iyon kay Commander Gregor. Naglakad siya papalapit sa commander habang dala sa kaliwang kamay niya ang isang baso ng red wine.               "Sir, m…masyado po siyang malakas!" wika ng commander. "Hindi po namin siya mapigilan." Patuloy na naglakad ang lalaking iyon papunta sa kanya. Kinuha ng lalaki ang isang tila maliit na remote at iniharap sa mukha ni Helena nang ibato niya ang isang katawan ng sundalo papunta sa camera ng heli ship. Naka-repeat ito at paulit-ulit ang eksena kung saan makikita ang kanyang mukha na galit na galit. "Sir, k…kitang-kita niyo naman po sir!" sagot ni Commander Gregor. "Hindi ako tanga at hindi ako bulag para hindi makita ang nangyari dito commander," wika ng lalaki na tila paikot-ikot sa kinatatayuan ng commander. Nakatayo naman sa magkabilang gilid ng pinto ang dalawang bodyguard na lalaki. Nakaitim din silang coat at tila my earphone sila sa kaliwang tenga. Hindi naman nakapagsalita ang commander at patuloy lamang na pinagpapawisan. "Hindi ako bulag! Para hindi makita ang kaduwagang ginawa mo rito!" bulyaw ng lalaki. "Pero sir kapag ipinagpatuloy pa namin ang operasyon baka lahat kami ay..." "WALA AKONG PAKIALAM KUNG MAMATAY KAYONG LAHAT, ‘YAN ANG TRABAHO NIYO!" sigaw ng lalaki. Ang kanyang mga bodyguard at ang commander ay nagulat naman sa reaksyon nito. Isinigaw niya kasi ang mga katagang iyon sa tenga ng commander. Bumalik ang lalaking iyon sa kanyang office desk, nakatayo pa rin siya saka lumagok ng kakaunting wine. Huminga siya nang malalim at muling tumingin sa mukha ng babae sa hologram screen. Lumingon din siya sa iba pang screen upang matunghayan lamang ang ginagawa ng dalaga at ang ilan pang mga pagsabog. "Umalis ka sa harapan ko," wika ng lalaki. "Jino, pakikontak si General Viduya," utos niya pa sa isang bodyguard. "Yes sir!" Agad naman itong lumabas ng kwarto. "Pero sir..." sagot naman ng commander. "Ang sinabi ko lumabas ka na dito..." sagot ng lalaki. "Pero Sir, magagawan ko pa po ito ng paraan!" kontra ng commander. "Ang sinabi ko...UMALIS KA NA DITO!!" sigaw muli ng lalaki. Wala namang nagawa ang commander kundi ang umalis. Lumakad siya nang dahan-dahan palabas ng kwarto. "At Commander Gregor..." pahabol ng lalaki bago lumabas ang commander. Umupo na rin siya sa kanyang silya at muling nagsalin ng red wine. Napaharap naman ang commander, tuliro at tila malungkot. "Kung pwede lang magretiro ka na kung ayaw mong ako pa ang magtanggal sa ‘yo sa pwesto mo," dagdag ng lalaki. Lumabas ang commander na iyon na tila luhaan habang nagpapahid ng pawis. "Eric," wika ng lalaki. "Yes Sir?" sagot naman ng isa pang bodyguard. "Kailangan ko ng records ng babaeng ito. I-scan niyo ang mukha niya, at kailangan kong malaman kung sino siya," sambit niya sabay lagok ng wine. "Opo Sir." Lumabas din ang isa niyang bodyguard. "Malalaman ko rin kung sino ka at sisiguraduhin kong hindi ka na makakahadlang sa mga proyekto ko," sambit ng lalaki at muling tinitigan ang screen. Makikita pa rin dito ang galit na mukha ni Helena na naliligo sa dugo habang tila nakatingin sa kanya. *****   "Ang sinasabi ko lang tao pa rin siya! Kahit na anong mangyari hindi natin siya pwedeng pabayaan!" wika ni Aling Tess, nakikipagtalo sa isang babaeng kaedaran niya. "Pero Aling Tess bidder siya!" sagot naman ng babae. "Hindi kayo nakasisiguro kung bidder siya!" wika naman ni Johan. "Wala siyang maalala, wala siyang memorya!" Patuloy lamang sa pakikinig ang iilang mga bid sa debateng nangyayari ukol kay Helena. Nakapalibot lamang ang taong bayan sa isang malaking apoy na ginagatungan ng mga marurupok na kahoy. Naroon sina Aling Tess, Johan, at Ruth na nakatalukbong na lamang ng kumot upang hindi lamigin dahil sa niyebeng bumabagsak mula sa madilim na kalangitan. Ang ibang kalalakihan naman sa ‘di kalayuan ay abala sa pagiipon ng mga patay na katawan ng kanilang mga kapitbahay, kamag-anak at kaibigan. Si Helena naman ay natutulog sa likuran ni Johan. Gumawa siya ng tila maliit na tolda para kay Helena, sa matanda at para na rin kay Ruth. Tila pagod na pagod si Helena at hindi magising kahit na nagkakaroon na ng sigawan sa kanyang paligid. "Ngunit nakita niyo naman po kung ano ang ginawa niya! Kahit sabihin natin na iniligtas niya tayo, bidder pa rin siya! Paano na lang kung sa atin niya gawin ‘yon?" wika ng isang lalaki. "Hindi niya magagawa ‘yon sa inyo! Dahil sa ngayon, sa akin lang siya nakikinig," pagtatanggol naman ni Johan. Hindi niya na nagugustuhan ang usapang iyon. Ang gusto kasi ng mga bid ay umalis na siya agad dahil nag-aalala ang mga ito na mag-iba bigla ang pananaw ng dalaga at maging kaaway ito sa kanila. Naiintindihan nila ang nagawang pagtatanggol ng dalaga sa kanila ngunit sa kanilang pananaw, bidder pa rin siya. "At bakit ka ba nakikialam dito ha?" tanong ng isang lalaki kay Johan. "Sa pagkakaalam ko hindi ka tagarito! ‘Di ba? Bidder?!" dagdag pa nito. Ikinagulat iyon ni Johan at napatingin siya sa lalaki. "Akala mo hindi namin alam? Oo nga wala kang memory gene, pero ikaw ang nagdala ng babaeng ‘yan dito sa lugar namin! Dala ang magara mong kotse noong isang gabi. Akala mo hindi namin alam?" "Oo nga..." "Tama, tama." "Bidder ka rin eh!" wika naman ng iba pa. "Sandali lang po, sandali lang," kontra ni Aling Tess. "Ang punto dito ay tao pa rin siya at iniligtas niya tayo! Tanggalin ninyo sa mga isip niyo na bidder siya!" paliwanag niya. "Hindi nga natin alam kung tao siya eh. Paano niyo maipapaliwanag ang mga ginawa niya kanina? Paano kung prototype siya?" tanong ng isa pa. Patuloy ang pag-ulan ng niyebe. Malamig ngunit tila mainit ang ulo ng mga tao dahil sa debateng nagaganap. "Hindi siya prototype dahil nasusugatan siya! Kitang-kita niyo din ang mga sugat niya kanina hanggang ngayon," sagot ni Aling Tess. Napatingin naman si Johan at nagulat nang makita niyang unti-unting nagsasara ang ilan sa mga sugat ng dalaga. Agad naman itong nakita ni Ruth. Napatingin siya kay Johan na tila nag-aalala. Agad tinakpan ni Ruth ang mga sugat ni Helena ng kumot na hinihigaan nito. Napaungol naman sa sakit si Helena at muling bumalik sa pagkakatulog. "Kahit na Aling Tess. Hindi niyo masasabi ‘yan sa ngayon. Mas malala pa nga at wala siyang maalala. Paano kung pagkagising niyan eh gawin niya sa atin ang ginawa niya sa mga sundalong iyon?" wika ng isang babae. Tikom naman ang bibig ng katabi nito. Tila ayaw makialam sa nangyayaring papupulong sa plaza sa labas ng Simbahan ng Antipolo. Alam kasi nila na kahit papaano’y iniligtas ni Helena ang kanilang mga buhay. "Paano naman ang karapatan niya bilang tao? Hindi niyo man lang iyon inirespeto!" bulyaw ng matanda. Natahimik naman ang babae at napayuko. "Gumagamit pa rin siya ng memory gene! Paano mo masasabing iyan pa rin ang katawan niya? Paano kung pumatay na siya ng ibang tao para ilipat ang memorya niya! Nasaan ang karapatang pantao roon?!" sigaw ng isang lalaki. Napatingin na lamang si Johan sa kanya. Mukhang hindi na niya nagugustuhan ang tabas ng dila ng lalaking iyon. "Dapat diyan pinapatay na rin para hindi na makapanggulo kung sakali mang magising siya!" wika ng isang lalaki habang hawak sa kanyang kamay ang isang baril na inagaw sa isa sa mga sundalo. Lumapit ito kay Helena at itinutok ang baril na dala nito sa ulo ng dalaga. "Mauuna ka munang mamatay kung gagawin mo yan!" Tumayo si Johan. Binunot ang dalang baril at itinutok sa lalaking iyon. Ikinagulat naman iyon ng lalaki at pati ng mga taong naroon. Napatayo naman si Aling Tess, hinawakan nito ang kamay ng binata at ibinaba ang baril. "Huminahon kayo!" sigaw ng matanda. Napatingin na lamang si Johan sa matanda at tuluyang ibinaba ang baril nito. "Kung ganyan na lang din ang iniisip niyo sa kanya, mas maigi pang umalis na lang kami!" bulyaw ni Johan. Napatigil na lamang ang mga tao at natahimik. "Pero paano kung bumalik sila? Sino na ang magtatanggol sa amin?" tanong ng isang babae. "Problema niyo na ‘yan ngayon." Nilapitan ni Johan si Helena. Akmang gigisingin ang dalaga. "Babalik sila, sa laki ng gulo na nangyari babalik sila. Hindi mo ba ‘yon maintindihan?!" tanong muli ng babae na noon ay napatayo sa kanyang pwesto. "Naiintindihan ko po ‘yon! Pero kung ganyan din lang po ang gagawin ninyo sa kanya mas mabuti pang umalis na lang kami," sagot ng binata. "Mas maigi pa ngang umalis na lang kayo! Kung hindi rin naman siya nakialam hindi mangyayari ito, ‘di ba mga kasama?" "Oo nga, tama," wika ng lalaking may dalang baril na lumapit kay Helena. Sinang-ayunan naman ito ng karamihan sa kanila. "At ano? Hayaan na maubos kayong lahat? Kung hindi siya lumaban tingin mo buhay ka pa ngayon?" tanong ni Johan. Natahimik naman ang lalaking iyon at tila napahiya sa isinagot ng binata. Gigisingin na sana ni Johan si Helena ngunit nakita niyang nakadilat na ang dalaga at nakatingin sa bawat niyebe na bumabagsak sa plaza. "Hindi ko masisisi si Johan!" wika ni Aling Tess. "Kung ako rin ang nasa kalagayan niya, sa mga naririnig ko sa inyo, tingin ko hindi na rin ako gaganahan pang manatili rito." Kitang-kita naman sa mukha ng bawat bid na iyon ang panghihinayang, takot at lungkot. Iniisip nila marahil ang kanilang kaligtasan. Malala nga ang nangyari ngayong araw lamang. Kung ganoon kadaling natalo ang mga militar, siguradong magpapadala ito ng pwersa na marahil ay hindi nila kakayanin. "Ano na lang ang mangyayari sa atin kung wala siya?" bulong ng isang babae. "Hindi, hindi natin kaya, imposible. Mas marami pa ang mamamatay," sagot naman ng isa na tila maluha-luha sa takot. Muling naglipana sa paligid ang paisa-isang mga bulungan hanggang sa dumami ito. Ang lalaki naman na may hawak na baril ay dumura sa lupa at saka lumayo kina Johan. Tinitigan na lamang siya ng binata nang masama. Dahan-dahan namang bumangon si Helena at binalutan agad ni Johan ang kanyang katawan ng kumot. Wala na siyang takip sa kanyang ulo. Hindi na naman niya kailangang itago ito dahil nakita na ito ng mga tao sa paligid. "Desidido ka na ba sa desisyon mo, Johan?" tanong ni Aling Tess. Saglit namang napatigil ang binata para mag-isip. Ilang segundo pa ay tumingin ito sa matanda. "Kung ganito lang din naman ang magiging kalagayan ni Helena dito, mas magiging maayos po siguro kung ilalayo ko na lang siya," sagot ni Johan. Nalukot ang mukha ni Ruth at ng matanda. Niyakap na lamang ni Ruth ang kanyang ina. "Isa pa po, ayokong maging instrumento o maging armas na lamang si Helena. Kung magiging ganoon man siya. Hindi pa rin nararapat na mamulat siya sa pagiging brutal. Tao pa rin siya. Nakakaramdam ng awa, sakit, at lungkot," paliwanag ng binata. Narinig ng iilang bid ang kanyang mga sinabi. Napayuko na lamang ang mga ito. Ang iba ay napahagulgol na lamang. Kitang-kita sa paligid kung paano maghinagpis ang mga bid sa mga namayapa nilang kamag-anak. Maswerte si Aling Tess dahil walang napahamak kahit isa sa kanyang mga anak. Nakatulala pa rin si Helena. Napapangiti siya tuwing may dadamping malamig na niyebe sa kanyang mukha. Tinitingnan lamang siya ni Johan at tila napapangiti rin. "Aalis na tayo Helena," wika ng binata at napatingin naman sa kanya ang dalaga. "B-bakit?" tila inosenteng tanong naman nito. "Hindi na kasi ligtas ang lugar na ito," sagot ni Johan. Ngumiti naman sa kanya si Helena. "P-pero, ang mga taong ito? Paano sila?” tanong niya. Napatingin naman sa mga bid si Johan. Kitang-kita sa mga mukha nila ang awa sa sarili. Napabuntong-hininga na lamang siya at muling tumingin kay Helena. "Dahil hindi lahat ng tao na nandito ay naiintindihan ang ginawa mo kanina," wika ni Johan na tila ikinalungkot naman ni Helena. Napatingin si Helena sa mga taong iyon. Tila nagtataka ito sa tingin nila sa kanya. Masama ngunit nakakaawa. Matulis tumingin ngunit tila humihingi ng tulong. Mapagmata ngunit naghahanap ng hustisya. Ito ang kanyang nakikita. Napatingin na lamang ang dalaga sa mga niyebeng bumabagsak, pilit na itinatago ang luhang nangingilid sa kanyang mga mata. Hindi niya malaman kung ano ang mali sa kanyang ginawa. Tila nakokonsensiyang tumulong pa sa kanila. Naring niya marahil ang mga usapan kanina na dahil sa kanya, baka magpadala pa ang militar ng mas malakas na pwersa. "Helena?" wika ni Johan at iniaabot ang kanyang kamay sa dalaga. Kinapitan naman iyon ni Helena at tumayo. "Aalis na ba talaga kayo?" tanong ni Aling Tess, tila palihim na pinipigilan sina Johan. "Opo Aling Tess," sagot ng binata. Tumayo naman ang dalaga at naglakad palayo. Naririnig ni Johan ang kanyang paghikbi habang naglalakad. "Maraming salamat po sa lahat ng tulong, Aling Tess. Wala na pong makahihigit sa ginawa ninyong pagtulong sa amin. Hindi ko po alam kung paano kayo mababayaran," wika ni Johan. "Sobra-sobra na ang pagtulong na ginawa ninyo, Johan. Kung wala si Helena kanina at hindi napigilan ang mga sundalong iyon, malamang ay laman na kami ng balita kinabukasan--- na naubos na ang bawat residenteng tagarito," sagot ni Aling Tess habang yakap pa rin ang anak na si Ruth. Inilabas naman ni Johan ang dala-dalang t-shirt ni Bobby para isauli. Patuloy na naglalakad sa malamig at nagyeyelong sira-sirang daan si Helena, at sa pagkakataong iyon, malayo-layo na ang kanyang narating. Agad tumakbo si Johan papunta sa kinaroroonan ng dalaga. "Ano ‘yon?!" puna ng isa na tila nakatingin sa dulo ng himpapawid. "A...anong!" "Mga militar!" sigaw naman ng isa, biglang nagkagulo sa kinaroroonan ng mga bid. Napatingin sa kalangitan si Johan at natunghayan niya ang hindi mabilang na mga heli ship na nasa himpapawid. Halos mamula ang kalangitan dahil sa ilaw na kumukutitap sa kanilang mga heli ship. Namutla si Johan at nanlaki ang mga mata. Nanginig din sa takot ang kanyang katawan. Si Helena naman ay napatingin din. Agad nagtakbuhan ang mga tao palayo sa malaking bonfire na kanilang ginawa. Sigurado kasing ito ang unang naaninag ng mga militar at malaki ang porsyento na ito ang una nilang aatakihin. Napatakbo naman si Johan sa kinaroroonan nila Aling Tess. "Aling Tess! Kuhanin natin ang mga bata! Umalis na kayo dito!" utos nito sa matanda. Natulala lamang ang matanda habang nakatitig sa kalangitan. Umiiyak siya at tila nagdadasal.  "O Diyos ko, tulungan niyo po kami parang-awa niyo na!" "Inay! Inay, tara na umalis na tayo!" sigaw naman ni Ruth. Inalalayan niya na lamang ang kanyang ina dahil hindi ito makakilos nang maayos dahil sa takot. "Diyos ko po, tulungan niyo kami!" paulit-ulit na sambit ni Aling Tess. Patuloy ang mga sigawan at tulakan. Tila magulo na naman ang paligid. Tumakbo nang mabilis sila Johan, Aling Tess, Ruth at Helena. Ngunit dahil mabilis tumakbo si Helena, nauna itong makarating sa bahay. Agad niyang inilabas ang dalawang bata, sina Jek at si Cherry. Ayaw kasing sumama ni Bobby dahil natatakot pa rin ito sa kanya. "Bobby, ano ba lumabas ka na diyan!" bulyaw ni Ruth. "Bobby...lumabas ka diyan, anak ko!" sigaw naman ni Aling Tess. Inilayo naman ni Johan ang mga bata sa kanilang bahay at patuloy ang pag-iiyakan ng mga ito. "Ako na ang kukuha," wika ni Johan. Pumasok siya sa lumang gusali, na tahanan na rin ni Aling Tess. Doon ay nakita ni Johan si Bobby. Takot na takot at umiiyak. "Ku…kuya," sambit niya. "Halika na dali! Lumabas na tayo dito!" bulyaw ni Johan. Inabot naman ni Bobby ang mga bisig ng binata at nagpakarga ito sa kanya. Kinarga palabas ni Johan ang mapayat na batang iyon ngunit bago pa man makalabas ay isang malakas na pagsabog ang muli nilang narinig. “BOOOOOOMMM!!!” Isang rocket ang tumama sa gusaling kinatatayuan ng bahay nila Aling Tess. "Johan!" sigaw ni Aling Tess. Agad gumuho ang gusaling iyon ngunit maswerteng nakatakbo ang binata habang nakapasan sa kanyang likuran si Bobby. Napatingin naman  si Helena sa heli ship na nagpakawala ng rocket. Masama na naman ang tingin nito at napansin iyon ni Johan. Susugurin na sana ni Helena ang heli ship na iyon pero pinigilan siya ni Johan. "Helena ‘wag! Kapag ginawa mo ‘yan, baka gunawin na nila ang lugar na ito!" bulyaw ni Johan. Nagulat na lamang si Helena. "Tara na, tumakbo na tayo at magtago. Hindi tayo lalaban ngayon! Hindi sa ganitong paraan!" wika ni Johan. Agad silang nagtakbuhan palayo sa gumuguhong mataas na gusaling iyon. Muntikan pang maabutan ng malalaking bato si Johan. Si Helena naman ay bitbit ang dalawang batang babae sa kanyang magkabilang balikat. "Doon dali!" wika ng binata. Pumunta sila sa Simbahan ng Antipolo. "Bakit dito?!" tanong ni Helena. "Hindi nila papasabugin ang lugar na ito. Kahit na hindi na ito pinapangalagaan ng gobyerno, antigo na ang lugar na ito. Hindi nila ito gagalawin dahil matagal nang nakatayo ang strukturang ito..." paliwanag ni Johan. Mukhang tama siya. Hindi nga ito tinatarget ng militar. Pinapaulanan lamang nila ng bala at rocket ang paligid ng simbahan, ngunit ikinabahala niya ang bawat shockwave na tumatama dito. Nababasag kasi ang mga salamin ng simbahan, nayayanig at nagbibitak-bitak ang marmol na sahig at naglalaglagan ang mga imahe sa pulpito. Agad pumunta sa gitna si Aling Tess. Lumuhod at nagsimulang magdasal. Tila ang pagdarasal na lamang ang kanilang tanging pag-asa. Nalungkot na lamang si Johan sa kalagayan ng matanda. Umiiyak siya habang naglalakad nang nakaluhod papunta sa pulpito. Patuloy pa rin ang pagsabog sa paligid at ramdam nila ang pagyanig at pagguho ng bawat gusali sa paligid ng simbahan ng Antipolo. "Takpan niyo ang mga tenga niyo! Pumikit kayo!" utos niya sa mga bata at sinunod naman nila iyon. Naaaninag kasi ni Johan ang mga bid na tinatadtad ng mga sundalo ng bala sa labas ng simbahan. Walang kalaban-laban ang mga ito. Ang iba naman ay nasasabugan ng rocket at tila manikang humahagis ang kanilang mga katawan sa kung saan-saan. Natulala si Johan. Gulat na gulat sa mga pangyayari. Hindi siya sanay sa ganitong klaseng eksena. Lumaki siya na walang gulo sa paligid niya. Bakit ba ako nandito? wika niya sa sarili. Gulong-gulo ang kanyang isip at halos mapaupo na siya sa kanyang kinatatayuan. "Ayos ka lang ba Johan?" tanong ni Helena sa kanya ngunit tinitigan lamang siya nito. Nagpatuloy ang pagpapasabog at pagratrat ng mga militar mula sa himpapawid. Si Aling Tess ay patuloy pa rin sa pagdarasal. Umiiyak na noon ang mga bata. Mangilan-ngilan namang mga bid ang nakaisip din na pumunta sa loob ng simbahan. Galing sila sa likuran at nagtago sila sa bawat gilid ng gusali. "Mamamatay na tayo. Diyos ko po!" sigaw ng isang babae. Tila panaginip ang lahat ng nangyayaring ito para kay Johan. "Johan?" muling sambit ni Helena. Tila hindi ito naririnig ng binata. "Johan!" sigaw muli ng dalaga. Muling bumalik ang ulirat ni Johan at tumitig sa kanya. "Ano nang gagawin natin?" tanong nito. "Maghintay," iyon na lamang ang nasabi ng binata. K             ung tutuusin ay wala nga naman silang magagawa kundi ang maghintay. Tila hindi titigil ang mga putok at pagsabog hangga’t may nakikita silang buhay at gumagalaw sa paligid. "Ano na?! Patunayan mo na kaya mo kaming iligtas!" sigaw ng isang lalaki habang nakatingin kay Helena. Ikinagulat naman ito ng dalaga. "Gawin mo ulit ang ginawa mo kanina!" sagot ng isa pa. Tila naguluhan si Helena at muling napatingin sa binata. "Wala kang gagawin Helena kundi ang maghintay. Malinaw ba?" wika niya. Nakaupo na ito at yakap ang mga bata. Nakaluhod naman sa tabi nito si Helena. Si Aling Tess ay patuloy pa rin sa paglakad nang nakaluhod habang nagdadasal. Inawat naman siya ng isang bid dahil napansin nito na gumuguho na ang bubong na parte ng pulpito. "Hahayaan mo na lang kaming mamatay ng ganito ha?!" sigaw muli ng lalaki at lumapit sa dalaga. Tumayo naman si Johan. Akmang kakapitan ng lalaki ang mga braso ni Helena ngunit napigilan ito ni Johan at sinuntok sa mukha ang lalaking iyon. Napaupo ang lalaki at ininda ang nagdurugong ilong. "Matapos mong manghusga saka ka hihingi ng tulong? Ganyan ba talaga kayong mga bid ha?!" bulyaw ni Johan. Napatingin naman ang iba sa kanya. Muling napahinahon ang binata nang maisip niyang may mali sa sinabi niya. Napatingin naman si Ruth at ang mga bata, tila nagulat din ang mga ito sa kanyang sinabi. "P…pasensya na," wika nito. Muli niyang binalikan ang mga bata, lumuhod at niyakap niya ang mga ito. Natauhan naman ang lalaki at bumalik na lamang sa pwesto ng kanyang pamilya. Napapansin ni Johan na nababawasan ang bawat putok ng baril at ang pagpapaulan ng mga rocket. Ilang minuto pa at tumigil na rin ang putukan ngunit nakikita niya pa rin ang ilaw na nakatutok sa kalupaan mula sa mga heli ship. Tila sinusuyod nila ang bawat sulok at naghahanap ng mga bid. Sumilip si Johan sa malaking bintana. Nakita niya ang mahigit sa dalawampung heli ship na paikot-ikot lamang sa lugar. Napatingin siya kay Helena. Ngayon ay tila alam niya na ang pakay ng mga militar na iyon. Hindi ang mga bidder na nag-aklas, kundi si Helena. Tila sinusubukan nilang palabasin ang dalaga para patayin o kung hindi man ay mahuli. Muling sumilip si Johan sa bintana ngunit napansin niyang papunta ang ilaw sa kinaroroonan nila. Agad siyang yumuko at hinawakan ang ulo ng mga bata hanggang sa lumagpas ang ilaw na iyon. 'Bakit gano’n? Bakit walang sundalo na bumababa sa mga heli ship?' pagtataka ng binata. Sinubukan namang lumapit ni Aling Tess sa kinaroroonan nila Johan. Sumenyas naman si Johan; nilagay nito ang kanyang hintuturo sa labi upang sabihing huwag mag-ingay. Dahan-dahan namang lumapit ang matanda sa kanila at agad yumuko. "Anong gagawin natin?" tanong ni Helena. Cornered na sila kung tutuusin ngunit iisa na lamang ang paraang naiisip ni Johan para makaalis sa ganoong sitwasyon. "Lahat kayong nandito! Lumapit kayo sa ‘kin," wika niya. Dahan-dahan namang lumapit ang mga nasa loob ng simbahang iyon. "Makinig kang mabuti, Helena. Ikaw ang magdadala sa kanila sa labas. Tumakbo kayo nang mabilis, Hindi kayo pupwedeng magkamali sa gagawin natin," wika ni Johan. "Nasa lumang kapitolyo ang hover bike ko. Kahit anong mangyari. Doon mo sila dadalhin at doon mo ako hihintayin." Tila kinabahan naman si Helena at ang iba pa sa balak gawin ni Johan. "At ikaw? Anong gagawin mo?" tanong naman ni Aling Tess. "Dadalhin ko sila sa kabilang dulo. Kapag napansin nila ako. Tumakbo na kayo agad!" sagot ng binata. "P..pero, mapapahamak ka sa gagawin mo," pag-aalala naman ni Helena. "Makinig ka sa ‘kin!" wika ni Johan. "Ito na lang ang paraan. Wala na tayong matatakbuhan. Sigurado akong may mga dalang prototype ang mga ‘yan at nagbibilang na lang sila ng oras!" Natahimik sila ngunit kitang-kita sa kanilang mga mukha ang bahid ng pag-aalala. "Pero paano kapag nagpakawala nga sila ng prototype? Siguradong ikaw ang hahabulin nila!" sagot naman ng dalaga. "Wala na tayong oras, Helena. Basta sumunod ka na lang!" Muling natahimik si Helena. Sa pagkakataong iyon ay tila nagdadalawang-isip kung siya nga ba ang papalit sa kalagayan ni Johan. "Mabilis kang tumakbo, kung eestimahin. Makakarating kayo agad doon ng higit limang minuto lang!" dagdag pa ni Johan. "Please, Helena. Gawin mo ‘to, ito na lang talaga ang paraan." Saglit na natahimik ang lahat. "Mag-iingat ka, Johan," paalala ng matanda. "Bitbitin mo ang mga bata, Helena. Kailangang mauna kayo roon at pagkatapos ay sunduin mo ulit dito ang iba pa," utos ni Johan. "Pero Johan, imposible!" kontra naman ng dalaga. "Walang imposible!" sagot ng binata. "Hindi ka makakaligtas sa dami ng mga nakabantay na ‘yan," dagdag pa ni Helena. "Wala akong memory gene oo, hindi ko maililipat ang memorya ko sa kahit na kaninong katawan. Pero wala na talagang ibang paraan. Mas okay nang mabuhay kayong lahat at isa lang ang mamatay sa ‘tin." Napaluha na nang tuluyan si Helena sa sinabi ng binata. Mukhang wala na ngang ibang paraan kundi ang naisip nya. Nakapalibot na kasi sa paligid ng Antipolo Church ang mga heli ship na iyon. "Kumilos ka na, Helena. Sa kabila kayo dadaan, kapag diniretso niyo ang daan na iyan ay makakatawid kayo agad sa kapitolyo. Sa kabila ako dadaan." Mukhang desidido na si Johan. Naglakad siya sa kabilang dulo ng simbahan, tinanggal niya ang silencer ng kanyang baril. Inipit niya ito sa kanyang bewang at inilagay ang hood sa kanyang ulo. Nang makita niyang handa na sila Helena sa kabilang dulo ay lumabas siya sa pinto. Naglakad lamang siya at pinaputukan ang isang sundalong sakay ng isang heli ship. Tinamaan ito at tinutukan naman siya ng ilaw ng mga heli ship. Tama ‘yan. Nandito ako, mga gago! bulong niya. "Doon! PAPUTUKAN SIYA!" sigaw ng heneral mula sa isang heli ship. Agad namang tumakbo nang mabilis si Johan. Mabilis para magmistulang si Helena ang tumatakbo. Tinatadtad naman siya ng bala ng mga sundalo. Pinakawalan na rin ang ilang rocket at nang natuon ang pansin nito sa kanya ay agad tumakbo si Helena habang bitbit ang tatlong bata. Dalawa sa kanyang magkabilang balikat at sa likuran niya naman ay si Bobby. Lumiko si Johan sa mga gusaling hindi pa gaanong nawawasak para lang maiwasan ang mga rocket na papunta sa kanya. Balak niyang pumunta sa kabilang gilid ng Antipolo, kung nasaan ang bangin. Wala na siyang ibang iniisip kundi ang makaligtas ang mga taong nagtago sa simbahan. Patuloy ang pagratrat ng mga sundalo sa kanya. Muling nagkaroon ng ingay sa paligid ng Antipolo. Iilang bid naman ang nakita niyang nagtatago sa ilang mga gusali. "Diyan lang kayo!" sigaw niya sa mga ito. Patuloy siyang nagpahabol hanggang sa makita niya sa kabilang dulo ang bangin.     Tumakbo si Helena, naluluha na lamang siya sa ipinakitang tapang at lakas ng loob ng kanyang tagapagtanggol na si Johan. Alam niyang ordinaryong tao lamang siya at wala siyang kakayahan para gawin ang kanyang mga ginawa kanina lamang. ngunit wala siyang magawa kundi sundin ang utos ng binata. Mabilis siyang tumakbo habang karga-karga ang mga bata. Hindi naman makapaniwala ang mga batang iyon na ganoon pala kabilis tumakbo ang kanilang ate. Nang makita ni Helena ang munisipyo ay agad niyang itinago ang mga bata sa sulok. Tumakbo siya ulit nang mabilis patungo sa simbahan habang tila patalon-talon sa mga gumuhong gusali. Agad niyang pinasan ang matanda sa kanyang likuran. Kapit naman sa kabilang bisig niya ang babaeng tumulong kay Aling Tess upang hindi mabagsakan ng gumuguhong bubungan ng simbahan.   Tumalon si Johan sa ‘di kataasang lumang hover car na nakakalat sa daan. Balak niyang magpatihulog sa bangin. Mapuno ang parteng iyon at kung swertehin siyang mabuhay sa pagkakatalon ay mas madali siyang makakatakas. Malapit na siya sa bangin ngunit isang bala ang agad na tumama sa kanya. Tinamaan ang kanyang tagiliran. Bahagyang bumagal ang pagtakbo niya at tila nag-free fall nang makarating sa dulo ng bangin. "Eagle 3 has been launched," wika ng isang piloto ng heli ship. Nagpakawala ito ng rocket. Target nito ang pinaghulugan ng binata, at agad naman itong sumabog. Napuno ng nagliliwanag na apoy ang lugar na iyon.   Nakita ni Helena ang malakas na pagsabog na nangyari sa ‘di kalayuan. Naihatid niya na ang lahat ng kailangang iligtas mula sa simbahan. Nanlaki na lamang ang mga mata niya nang sunud-sunod na pagsabog ang naganap.   "PASABUGIN NIYO PA! AYOKONG MAKAKITA NG KAHIT NA KATITING NA PIRASO NG ABO NG BABAENG IYON!" bulyaw ng heneral sa mikropono ng heli ship.                   Napaluhod na lamang si Helena sa sobrang gulat. "Jo…Johan..." marahang sambit nito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD