“Life is a dream for the wise, a game for the fool, a comedy for the rich, a tragedy for the poor.”
-Sholom Aleichem
"N...nagkakagulo na po sila doon. Inay. Ano pong gagawin natin?" tanong ni Ruth. Agad namang natigil sa paglalaro sina Helena, Jek at Cherry. Napatayo na lamang si Aling Tess.
"Aba'y tara na’t puntahan na natin, hindi na pupwede ang mga ginagawa nila. Aba'y gusto yata nila tayong mamatay sa gutom!" wika ni Aling Tess habang papalapit kay Ruth at papalabas ng pinto.
"Sasama po ako." Tumayo din si Helena at tiningnan naman siya ng matanda.
"H...hindi pwede iha. Makikita nila ang aparato sa bumbunan mo. Baka madamay ka pa sa gulo doon."
"Sasama po ako," sagot muli ng dalaga, "gusto ko pong malaman kung ano ang nangyayari." Nagkatinginan na lamang sina Aling Tess at ang anak niyang si Ruth.
"Hindi ko alam kung ano ang iniisip mo pero ito...kunin mo ito at itakip sa ulo mo."
Kinuha ni Aling Tess ang balabal na nakasukbit sa balikat niya at inilagay niya iyon sa ulo ni Helena. Kapag nakita kasi siya ng mga tao sa supply station na mayroon siyang memory gene ay baka siya ang pagbuntunan ng galit ng mga bid doon. Hangga’t maaari ay ayaw niya sanang palabasin muna ng bahay si Helena ngunit mukhang desidido itong makita kung ano ang nangyayari sa supply station.
"Jek, ikaw na muna ang bahala sa mga kapatid mo ha? Isara niyo ang pinto at kahit na anong mangyari, ‘wag na ‘wag kayong lalabas o magpapapasok nang kahit na sino," paalala ng matanda sa kanyang mga anak. Tumango lamang si Jek at agad na lumabas ng bahay ang tatlo. Suot ni Helena ang tila dumihing puting balabal ni Aling Tess habang siya ay nakaduster na lagpas hanggang tuhod ang palda.
Ganoon din si Aling Tess at si Ruth naman ay nakaitim na palda at nakaputing sando, at niyayakap lamang ng balabal na pula. May dala siyang payong dahil bumabagsak na naman ang niyebe nang mga oras na iyon. Pinapayungan niya ang kanyang ina, gayundin si Helena. Naglakad sila sa tila nagdedeliryong kapaligiran na makalat pa rin at pati ang mga tao ay nakakalat sa iba't ibang parte ng kalsada. Nag-uusap sila tungkol sa kung ano ang nangyayari ngayon sa kabilang kalsada kung saan naroon ang supply station.
"Mareng Tess..." wika ng isang babaeng papalapit sa matanda. Umiiyak ito at akmang yayakap sa kanya.
"Oh bakit napano ka?" tanong ng matanda.
"Ano nang gagawin natin? Kinukuha nila lahat ng pagkain sa supply. Wala man lang dahilan...huu...huu." Patuloy na umiyak ang babaeng iyon at niyakap na lamang ito ng matanda.
"Hindi nila iyon pwedeng gawin! Sumosobra na talaga ang mga bidder na yan!" tila galit na sambit ng matanda. Napaluha na lamang sina Ruth at si Helena ay parang nabibigla dahil sa kaguluhan sa paligid niya. Tila umiikot ang kanyang paningin at sa bawat sulok na makita niya ay may umiiyak, may natatakot at mga batang nagsisigawan.
May iba ring mga kalalakihan ang galit na galit at nagdala ng mga pamalo, kutsilyo at itak. Tila alam nila ang gulo na kahahantungan sa pagpunta sa supply station na iyon.
"Tara na, puntahan natin ang supply. Hindi na maganda ang ginagawa nilang ito. Tayo ang naghihirap at nagtatanim ng mga pagkaing iyon para may makain tayo at kukunin lang nila? Hindi! Hindi ako papayag," wika ni Aling Tess. Patuloy silang naglakad papunta sa kabilang kalye kasama ang babaeng tumatangis at nakayakap lang sa kanyang tabi.
Halos mabangga naman ang balikat ni Helena ng ilang kalalakihang nagtatakbuhan papunta sa supply. Nang makarating sila sa kanto papasok sa supply station ay agad nilang nakita ang dalawang military hover truck at ang Philippine Military na sakay nito. Sa gilid naman ng supply station ay nakita nilang kinakaladkad ng militar ang mag-asawang nagpapatakbo ng supply station. Ang supply station na iyon ay itinayo ng mga bid na taga-Antipolo at nagmistulang kanilang kaisa-isang supply ng pagkain.
Gumawa ang pamayanang ito ng kooperatiba upang hindi magutom ang mga bid na naghihirap sa pagsasaka, pagtatanim at pag-aani ng kanilang sariling mga pananim. Noong nakaraang taon ay pinutol na nila ang kanilang ugnayan sa gobyerno ng Pilipinas. Binibili kasi ng gobyerno ang kanilang mga ani sa mababang halaga lamang.
Resulta ng patuloy na kahirapan sa mga bid dito. Nagkaroon pa ng madugong pag-aaklas sa lugar na ito kaya kung mapapansin ang mga lumang gusali ay may mga tama pa ito ng baril. Mga lugar na binutas ng bomba at halos maguho ng mga nagtataasang gusali.
"Hoy, ano sa tingin niyo ang ginagawa niyo, ha?!" sigaw ni Aling Tess habang tumatakbo papunta sa supply.
Kinapitan siya ni Ruth para pigilin dahil baka kung mapano ang kanyang ina ngunit dumulas lamang ang braso nito. Si Helena naman ay napatulala, nakita niya kasi ang ilang prototype na nasa kabilang hover truck. Biglang sumakit ang ulo niya at napasalampak sa sementong kanyang kinatatayuan.
Hawak ang kanyang ulo at tila namimilipit sa sakit, ilang imahe ang nagpapakita sa kanyang isip. Isang madilim na kwarto ang kanyang nakikita. Nakaupo siya sa isang mechanical chair at pinipigilan ang kamay niya ng dalawang prototype. Isang tao naman ang nakikita niyang may hawak na injection na bigla itong itinutok sa kanyang mata.
"Ayos ka lang ba, Ate?" tanong ni Ruth.
Tila natatakot ito sa reaksyon ng mukha ni Helena dahil dilat na dilat ang mga mata niya at pumapatak ang kanyang luha.
"Ate!" ani Ruth. Ngunit ganoon pa rin ang kanyang reaksyon. Ang babae namang kasama nila kanina ay napatakbo sa nagkakagulong mga tao para habulin si Aling Tess.
"Hoy, itigil niyo ‘yan! Hindi kayo ang naghihirap niyan bakit niyo kinukuha ang mga pagkain namin?" sigaw ni Aling Tess.
"Oo nga sa amin ‘yan! Wala kayong karapatan diyan! Dugo at pawis namin ang ibinuwis namin diyan!" sigaw naman ng isang lalaki sa gilid na tila may hawak na pamalo, na nakatago sa kanyang likuran.
"Ibalik niyo samin ‘yan!" sigaw ng isa pa.
"Sa amin ‘yan, maawa naman kayo!" wika naman ng isang babaeng umiiyak. Ayaw silang palampasin sa bilog na kurdon na kulay dilaw.
Palakad-lakad ang mga nakaitim at naka-helmet na natatakpan ang buong mukha ng mga militar na iyon sa loob ng kurdon, bitbit din nila ang ilang matataas na kalibre ng baril. Hindi nila pinapansin ang mga bid na nagsisigawan. Kinukuha lamang ng iilang militar ang mga bigas, gulay, gatas, karne at ilan pang mga produkto ng mga bid.
"Pahirap kayo sa amin kaya umalis na kayo dito!" sigaw ng isang lalaking nasa harapan na ng kurdon at akmang puputulin ito.
Agad naman siyang nilapitan ng isa sa mga sundalo at tinutukan siya ng shotgun sa mukha. Pinagpawisan na lamang siya nang malamig at natahimik. Wala nga namang kalaban-laban ang mga bid na iyon kung tutuusin. Ganito ang scenario noong nakaraang taon nang kunin ng mga militar ang supply ng mga bid, magulo’t marahas kung tutuusin pero kung titingnan sa huli ay wala naman silang kalaban-laban.
‘Di gaya noong unang nag-aklas sila, mayroon silang mga matataas na uri ng baril na kayang makipagtapatan sa militar ng Pilipinas. Noon ‘yon. Pero ngayon iba na. Halos mga daga na lang silang pinaglalaruan ng militar at kung gugustuhin nila ay kukunin ang kung anumang naipon nila.
"Tama na, itigil niyo ‘yan!" sigaw ng isang babae din na akmang papasukin ang loob ng kurdon habang tumatangis.
Agad din itong tinutukan ng baril ng isang militar at sinabing, "Huwag kang makikialam dito. Trabaho namin ito at iniutos sa amin ito ng presidente."
Patuloy na nakahandusay sa semento si Helena. Tinatakpan niya ang kanyang tenga dahil tila ayaw niyang marinig ang kung anumang sigawan sa paligid. Si Ruth naman ay hindi makaalis sa kinatatayuan. Hindi niya alam kung susundin niya ang kanyang ina o babantayan na lamang ang dalaga. Marami-rami pa rin ang nagtatakbuhan patungo sa nagkakagulong supply station. Ang iba ay may dala nang mga bato at boteng tila may lamang gaas at ang ilan ay tirador at sumpak.
Natakot bigla si Ruth at napaiyak. Napayakap siya kay Helena at sumalampak din sa semento habang tinititigan ang mga kalalakihang nagtatakbuhan.
"Pahirap kayo sa amin! Kami na ‘tong naghihirap tapos kayong mga bidder wala naman kayong ginawa kundi nakawin ang kabuhayan namin!" sigaw ng isang lalaki.
Nagpatuloy ang tensyon hanggang sa nagsalita sa tila megaphone ng truck ang kanilang commander.
"Kung maaari lamang po ay lumayo kayo sa kurdon. Inuulit ko lumayo po kayo sa kurdon kung ayaw niyong masaktan!" wika nito.
"Talagang magkakasakitan tayo kapag pinagpatuloy niyo ‘yan!" sigaw ni Aling Tess. Nagpatuloy ang ingay. Ang ibang nasa likuran ay sinisindihan na ang dala nilang bote na may lamang gaas.
"Ate...Ate, tumayo ka naman diyan, oh. Mapapahamak tayo dito. Kailangan na nating umalis," pagmamakaawa ni Ruth kay Helena, ngunit ganoon pa rin ang reaksyon nito. Nakadilat pa rin ang kanyang mga mata. Tila siya’y may nakikita at lumuluha pa rin.
"Kung hindi po kayo aatras, hindi kami mag-aatubiling barilin kayo. Sumusunod lang po kami sa utos!" wika ng commander na nasa gilid ng truck at gumagamit ng mic.
"Wala kaming pakialam sa bulok niyong sistema! Ibalik niyo ang pagkain namin kung ayaw niyong magkagulo dito!" banta ng isang lalaki.
Nagpumilit namang pumasok ng kurdon ang isang lalaki. Naputol ito at agad nakipag-agawan ng baril sa isa sa mga militar. Pinalo naman ang ulo nito ng hawak na baril at napahandusay sa hilo ang lalaking iyon. Tumayo pa rin ito at inagaw ang baril sa militar. Sinuntok ito ng militar at hindi ito nakapagpigil. Naiputok niya ang baril sa lalaki.
Agad natahimik ang lahat. Napatigil sa pagronda ang ibang militar at napatingin sa kabaro nila. Ang mga bid naman ay napatingin din sa lalaki. Tumulo ang luha ng iba habang nakatulala dahil sa lubos na pagkagulat.
Patuloy ang pag-alingawngaw ng putok ng baril na iyon. Tatlong balang sunud-sunod ang lumabas kung tutuusin. Ikinagulat naman iyon ni Helena at tila bumalik muli sa kanyang ulirat at napatingin sa pinanggagalingan ng putok.
"Ate? M-mukhang may nangyari po. Natatakot po ako," wika ni Ruth.
"Mga hayop talaga kayo!" Isang lalaki ang nagbato ng molotov sa mga militar, at agad itong sumabog sa isang sundalo.
Nagliyab ito agad at pagulong-gulong itong dumapa sa semento at nagsisigaw. Sinundan pa ito ng isang molotov at naglipana na rin ang mga batong lumilipad papunta sa mga sundalo.
"Ibalik niyo sa amin ‘yan!" sigaw ng isang binatang galit na galit at nagbato ng malaking parte ng bakal. Ang ilan namang bata ay umakyat sa mga lumang gusali at pinagtitirador ang mga sundalo. Nagkagulo na. Nagsigawan at nagtakbuhan ang ilang kababaihang walang kakayahang lumaban.
Ang iba naman ay pinutol na ang kurdon at hinataw ng mga pamalo at kutsilyo ang mga sundalo. Tinutok naman ng commander ang kanyang pistola sa isa sa mga bid at ipinutok ito. Umagos ang dugo nito sa semento. Hudyat na iyon ng paglaban ng mga militar.
"Execute 5th freedom! I repeat! Execute 5th freedom!" wika ng commander.
Ang Fifth Freedom ang pinakahuli sa four freedoms ng military. Ito ay ginagawa ng mga militar upang protektahan ang apat na kalayaan na ito. Una, ang freedom of speech and expression; pangalawa, ang freedom of religion; pangatlo, ang freedom of want at ang pang-apat, ang freedom of fear. Ang fifth freedom ang nagpoprotekta sa mga kalayaang ito. Kung kinakailangan nilang pumatay para maprotektahan ito ay gagawin nila. Kahit pumatay pa sila ng kapwa nilang kababayan, katrabaho, kaibigan at maski kadugo ay gagawin nila para lang maprotektahan ito. Ngunit nasaan ang kalayaan sa pagkakataong iyon? Hindi na makatao.
Nilabag na rin nila ang freedom of expression, ang freedom of want at ang freedom of fear. Tila isa na lang ang pinoprotektahan ng militar ngayon---ang mga tao sa Malakanyang at ang mga bidder.
Nakakuha ng ilang baril ang mga kalalakihang bid at saka ipinutok iyon sa mga sundalo. Magulo na ang sitwasyon. Dumadapa na lamang ang mga ayaw matamaan ng bala at masugatan. Tinitirador ng mga bata mula sa itaas ang mga sundalo at patuloy ang nagliliparang mga gamit papunta sa lugar kung nasaan ang supply.
Patuloy ang pagratrat ng mga baril. Sa pagkakataong iyon ay pinagana na ng commander ang apat na prototype na kanilang dala. Delikado na ang sitwasyon sa pagkakataong ito dahil kapag pinagana na ang mga ito ay tuluy-tuloy lamang sila sa pagsunod sa kung anuman ang iuutos ng may master key sa prototype. Wala itong sense of reasoning at hindi rin ito marunong maawa.
Kakaunti lamang din kasi ang mga sundalong iyon kaya't nanigurado ang commander at nagdala ng apat na prototype. Nakita iyon ni Helena. Hindi niya alam kung bakit ngunit may nararamdaman siyang matinding galit sa mga prototype na iyon. Lumundag ang dalawang prototype na lalaki ang hitsura, at ang dalawa pang babaeng prototype ay lumundag ng mataas sa iilang gusali. Kinapitan ang kung anuman ang makakapitan nito at hinanap ang mga kalalakihang naninirador at namamaril mula sa itaas. Ihinuhulog nila ang kung anuman ang makitang tao na nasa itaas at lumalagapak na lamang ang kanilang mga katawan sa semento sa ibaba. Patuloy ang gulo at ang putukan ng magkabilang pwersa.
Ang iba ay nagtago na lamang ngunit lumalaban pa rin.
"Magtago ka Ruth!" utos ni Helena.
"Eh Ate, paano ka?" Punong puno na ng takot noon ang bata at umiiyak.
"Hahanapin ko ang nanay mo dito ka lang."
Tinulak ni Helena si Ruth sa gilid nang may makitang balang papunta sa kanila.
'Paano ko iyon nakita?' tanong niya sa sarili. Nagtaka siya saglit. Si Ruth naman ay agad na napahiga sa sahig at gumapang papunta sa isang gusali. Tila mauulit na naman ang nangyari noon.
Itinali ni Helena ang suot na balabal sa kanyang ulo para hindi ito malaglag. Tumakbo siya nang mabilis patungo sa sundalong nagpaputok. Mas mabilis pa ang takbo niya kaysa sa mga lalaking nagtatakbuhan. Papuputukan na sana siya ng sundalong iyon ngunit nakailag siya nang mabilis. Bigla-bigla ay nakapunta siya sa likod nito.
"Paanong?!" wika ng sundalo. Sinipa naman ni Helena ang batok nito at agad humagis sa semento ang sundalo, halos mabali ang leeg niya sa lakas ng sipa ng dalaga.
"Paano ko nagawa ‘yon?" tanong ni Helena sa sarili, nagtataka at tila hindi makapaniwala. Parang mas malakas pa ang katawan niya kaysa sa normal.
"Sino ba ang babaeng ‘yan?" tanong ng isang bid sa kasama dahil nakita nila ang ginawa ni Helena. Napatingin lamang si Helena sa kanila, hindi maipinta ang mukha at kahit na siya ay hindi niya alam kung ano ang ginawa niya. Isang mortar naman ang agad niyang nakitang papalapit sa mga lalaking iyon. Agad siyang tumakbo papunta sa kanila at itinulak ang mga ito.
Umilag naman kaagad ang dalaga, tumalon siya nang mataas at muling bumaba na nakalapat ang isang tuhod sa lupa, kaharap ang mga sundalo at nasa likuran naman nila ang mga lalaking iniligtas.
"Anong klaseng bid ‘to?" tanong ng isa.
"H-hindi ko alam. Kung gumalaw siya ay parang prototype," sagot ng isa. Hindi na lamang pinansin ni Helena ang kaya niyang gawin.
Ang nararamdaman niya lamang ay matinding galit. Tila ayaw na niyang mangyari muli sa kapwa niya tao ang kanyang naranasan noong isang gabi. Ayaw na niya ng kaguluhan. Ayaw na niya ng karahasan at sa pagkakataong ito ay kailangan niya itong pigilan.
"Huwag, maawa ka sa ‘kin. May mga anak pa ako!" sigaw ng isang matandang babae. Narinig iyon ni Helena at pamilyar ang boses na iyon sa kanya.
"Umalis na kayo dito bilis!" utos niya sa dalawang lalaking iniligtas. Agad naman silang nagtakbuhan palayo para magtago. Sa kabilang dulo ng kaguluhan ay nakita niya si Aling Tess, nakadapa siya kasama ng iba pang nahuli ng militar at tinututukan sila ng baril ng iba pa.
Agad na tumakbo nang mabilis si Helena patungo sa mga sundalo at ibang bid na nakikipaglaban sa kanila. Nilalagpasan niya lamang ang iba pang mga bid na kalalakihan, na tumatakbo rin patungo sa mga sundalo dala-dala ang mga kahoy nilang pamalo. Ikinagulat lamang nila iyon at kapag nadadaanan niya ang mga kalalakihan ay napapatigil lamang sila.
"Ano ‘yon?!" tanong ng isang lalaki.
"Ang bilis! Prototype ba ‘yon?" tanong ng isa pa.
"Bid ‘yon ‘di ba?!" Walang pakialam si Helena sa mga naririnig.
Ang gusto lamang nito ay iligtas ang matandang babaeng tumulong sa kanya. Utang na loob niya ang buhay niya sa matandang ito at kung wala siya, siguro ay nalagutan na rin siya ng hininga. Ito lamang ang iniisip niya sa ngayon. Ang mailigtas si Aling Tess at mapatigil ang kaguluhang ito.
Nilagpasan niya ang ilang sundalong nagpapaputok ng baril, iniilagan niya lamang ang mga ito at tinatalunan ang bawat bombang makasalubong niya. Napansin siya ng commander at ikinabahala niya ito.
"Prototype 1, ang target mo ay patakbo at papalapit sa front base! Uulitin ko! Ang target mo ay nasa harapan, papunta sa base!" utos ng commander sa isang prototype.
Ang prototype na wangis lalaki naman ay agad lumingon sa kinaroroonan ni Helena. Kasalukuyan pa nga itong may sakal na bid at nakataas ang kamay na animo’y binibigti ang kanyang biktima. Agad niya itong binitiwan. Buhay pa naman ang bid na iyon ngunit masuka-suka ito gawa ng pagkakasakal sa kanya. Tumakbo ang prototype patungo kay Helena. Patuloy naman si Helena sa pagtakbo patungo kay Aling Tess. Inapakan niya ang isang sundalo at tumalon nang mataas para malagpasan ang mga truck na nakaharang.
Lumagapak sa semento ang sundalong iyon ngunit may napansin siya sa kanyang kanang gilid. Isang prototype ang tumalon at akmang hahablutin ang kanyang balabal. Iniwas niya ang kanyang ulo at agad na sinipa papunta sa kaliwa ang prototype. Bumagsak ito sa isang gusali na hanggang dalawang palapag ang taas. Gumuho ito sa lakas ng sipa. Nag-landing naman sa ibabaw ng truck si Helena. Ikinagulat iyin ng mga sundalo at pati ng commander.
"Anong klaseng tao ‘yan?" pagtataka nito.
Ang mga sundalo naman ay gulat na gulat at bahagyang nagkaroon muli ng katahimikan. Tiningnan ni Helena ang commander. Masama ang tingin nito sa kanya na tila papatay ng tao.
"Ha..ha...HALIMAW KA!" sigaw ng commander. Agad namang pinaputukan si Helena ng mga sundalo at agad niya namang nailagan at tila nag-aacrobat pa sa ere.
"Commander, hindi po namin siya matamaan. Masyado siyang mabilis!' wika ng isang sundalo.
"Paputukan siya! Kung kailangang ubusin niyo ang mga bala niyo sa kanya gawin niyo!" utos naman ng commmander. Kitang-kita naman ni Ruth ang ginagawa ni Helena mula sa malayo. Nakatitig lamang siya kasama ng iba pang bid. Nanlalaki ang mata nila sa nakikita habang si Ruth ay maluha-luha pa ang mga mata. Maging si Aling Tess ay hindi makapaniwala at ang mga sundalong nagbabantay sa kanila ay napatingin din. Sinamantala naman ito ng isang bihag na lalaki. Inagaw nito ang kanyang baril at ipinutok sa sundalo.
Pinaputukan niya rin ang iba pa at pinatayo ang mga bihag.
"Tara na po! Tumayo na kayo bilis!" wika niya habang inaabot ang kamay ni Aling Tess para makatayo. Tumayo naman agad ang matanda at tumakbo papalayo sa gulo. Agad namang nagdatingan ang ilang taga-media na nakasakay sa heli ship. Helicopter ito kung titingnan ngunit wala itong propeller. Jet engine lamang ang gamit nito upang umandar at umangat.
"Heto po! Live na live po tayo. Nandito na tayo sa pinanggagalingnan ng usok dito sa Higher Antipolo. Makikita po nating nagkakagulo na rito. Nandito ang mga militar at tila nag-aaklas na naman ang mga bid na taga-rito. Gaya din ito sa nangyari noong isang taon kung saan daan-daang tao ang namatay. Mukhang naulit na naman ito ngayon!"
******
Agaw pansin kay Johan ang balitang iyon. Kasalukuyan siyang nasa lab kasama ang kanyang ina, na nakahiga sa isang mechanical chair. Nakaupo si Johan sa tabi nito kaharap ang PC dahil tinitingnan nito ang kalagayan ng memory gene ng kanyang ina. Nasa gilid naman ng kwartong iyon ang kanilang wide screen hologram TV. Napatayo lamang siya nang makita ang balita at pagkatapos ay tiningnan ang kanyang ina.
"O, anak may problema ba?" tanong ng kanyang ina.
Nalukot lamang ang mukha ng binata at muling napatingin sa pinapanood. Kitang-kita roon ang gulong nangyayari. Ang pagsabog ng bawat lumang hover car na nasa gilid ng daan at ang madugong pakikipaglaban ng mga bid.
"W-wala po, Ma," sagot niya.
"At ano ito?! Isang bid ang nasa ibaba at ang bilis niyang kumilos! Halos sa kanya lang nakatutok ang baril ng mga militar na ito ngunit hindi naman siya tinatamaan!" Muling napatingin si Johan sa TV at nakita niya kung sino ang tinutukoy ng reporter.
Nanlaki ang kanyang mga mata. "Helena?" bulong niya.
"Ano ‘yon anak?" tanong ng kanyang ina.
"Ah.. w-wala po," tugon naman niya. Agad niyang inangat ang kanyang kamay at isinara ang palad nito. Nagsara naman agad ang power ng TV. Tila ayaw niyang ipakita sa kanyang ina ang nangyayari sa labas.
"Oh bakit mo pinatay, anak?"
"Ah. Walang kwentang balita lang po. Lagi naman silang gano’n. Hindi na lang sila sumunod sa gobyerno para walang gulo," wika niya pero sa loob-loob niya ay nag-aalala siya.
"Maayos naman po ang kalagayan niyo, Ma. Kailangan niyo lang po magpahinga at huwag masyadong ma-stress. Hangga’t maaari po. Papalitan niyo na rin ang memory gene niyo," wika niya at akmang lalabas ng lab.
"Tapos na ba, anak?" tanong ng kanyang ina.
Lumingon si Johan habang naglalakad pa rin.
"Opo tapos na po, Ma. Pwede na po kayong magpahinga at makapagluto ng masarap niyong chicken curry," sagot ni Johan na nakangiti ngunit may bahid ng pag-aalala.
Napangiti na lang din ang kanyang ina at tumayo mula sa mechanical chair. Agad pumasok ng kwarto si Johan. Binuksan ang kanyang hologram TV at pinanood ang buong pangyayari habang nagbibihis ng pantalon, polo, at jacket na may hood. Dinala niya rin ang t-shirt ni Bobby, ang kanyang cellphone at ang baril na may silencer. Sinukbit niya itong muli sa kanyang bewang. Pinatay niya ang TV at tila kabadong lumabas ng kwarto.
Naglakad siya sa hallway at nakasalubong ang kanyang ina. "Oh anak, saan ka pupunta? Kararating mo lang tapos aalis ka na naman?" tanong niya.
"Si Kuya Ma, nasaan?"
"Bumalik sa Malakanyang, may inaayos na naman daw na gulo." Naisip agad ni Johan na may kinalaman na naman ang kanyang kuya sa gulong nangyayari sa Antipolo.
Naglakad muli si Johan papunta sa elevation platform.
"Bakit anak? Saan ka ba pupunta?" tanong muli ng kanyang ina.
"Diyan lang po, sa Blue Rig."
Ang Blue Rig ay isang lugar sa The Fort na nasa Taguig. Ito ang dating SM Aura at Market Market. Pinag-isa na ang dalawang mall na ito at tinawag na Blue Rig. Makabago ang disenyo ng building nito na tila puro ilaw ang makikita at malalaking hologram billboards ang nakapaligid.
Karamihang naglalagi dito ay ang mga bidder upang mamasyal at mag-good time pero sa ngayon, ito lamang ang naisip na paraan ni Johan para makaalis siya nang maayos na hindi nagtatanong ang kanyang ina kung ano ang gagawin niya dahil madalas naman din siya doon.
Hindi na nagtanong ang kanyang ina at tiningnan niya na lamang ang kanyang anak habang umaangat ang platform na inaapakan ng binata papunta sa Basement 1. Nakita niya doon ang kanyang paboritong hover bike. Hindi ito dinala ng kanyang kuya. Buti na lamang. Mas mabilis kasi ito kaysa sa mga hover car. Pinaandar niya iyon agad at nang makarating na sa taas ang platform ay agad niyang pinaharurot ang kanyang motor.
*****
"Anong klaseng tao ba siya?!" wika ng isang lalaking nasa likuran ni Ruth. Hindi pa rin ito makapaniwala sa nakikita. Tila isang prototype kung gumalaw si Helena ngunit tao siya at sa pagkakataong iyon ay marami na siyang galos sa katawan.
"Mapapagod din ‘yan! Ituloy niyo lang! ‘Wag niyo siyang hahayaang makalapit sa supply station!" utos ng commander.
Tila hinihingal na nga si Helena sa pag-ilag sa mga balang iyon. Hangga’t maaari ay ayaw niyang kitilan ng buhay ang kahit na sinuman, kahit na ang mga sundalong naroon.
"Umalis ka na diyan!" napatingin si Helena sa sumigaw at nakita niya doon si Aling Tess.
"HELENA!" sigaw muli ng matanda. Tinamaan si Helena ng bala nang marinig niya ang sigaw na iyon. Pinapailag pala siya ng matanda ngunit tinamaan siya sa kanyang braso. Hindi tumigil si Helena, inilagan niya pa rin ang ilang bala at sinugod ang sundalong bumaril sa kanya.
Sinakal niya ito at inangat. Punung-puno ng galit ang kanyang mukha at sa pagkakataong iyon, hindi niya napigilan ang kanyang sarili. Piniga niya ang leeg ng sundalo. Tumapon ang dugo nito sa mukha ni Helena at nabigla naman ang ibang kasamahan nito at napatigil sa pagpapaputok. Nag-iba bigla ang mga mata ni Helena. Napuno ito ng poot at parang wala na rin itong nararamdamang sakit nang tamaan siya ng bala.
Pinagpawisan nang malamig ang commander na noon ay nasa loob na lamang ng truck upang mag-utos.
"Halimaw..." bulong ng isang bid. Nagulantang ang buong squad nang makita ang pangyayari. Walang awa ang makikita sa mga mata ng dalaga nang patayin niya ang sundalong iyon gamit ang kanyang kamay. Agad namang ibinato ni Helena ang patay na katawan na iyon sa heli ship na nasa himpapawid. Hindi naman iyon umabot ngunit napailag pa rin ang heli ship
Tinitigan niya ito nang masama at nakuhanan siya ng camera.
"Ang..ang mga matang iyon...s-sanay na sanay pumatay..." wika ng reporter.
"UMALIS NA TAYO NGAYON NA!" sigaw ng reporter sa piloto ng heli ship. Takot na takot ito at halos maiyak. Halos maligo na rin ito ng pawis matapos matunghayan ang mga pangyayari. Agad namang umalis ang heli ship na iyon.
Natahimik ang bawat bid at ang mga sundalo. Si Ruth naman ay dahan-dahang napapaatras sa takot. Hindi niya alam kung tao pa ba ang kanina lang ay tinatawag niyang ate. Punung-puno na ng dugo ang mukha ni Helena, pati na ang kanyang balabal at damit ay napuno ng kulay pula. Blangko ang kanyang utak at sa pagkakataong iyon ay nakatitig na siya sa commander na nasa loob ng truck. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa kanya.
"AAHHH...aahh!" sigaw ng commander na tila takot na takot.
"LAHAT NG NATITIRANG PROTOTYPE! SUGURIN SIYA!!" sigaw niya sa mic ng hover truck. Ang kanina lang na tatlong prototype na abala sa pagwasak sa iillang katawan ng mga bidder ay natuon ang pansin kay Helena.
Lumundag ang dalawang babaeng prototype papunta sa kanya at sumugod naman ang lalaki na animo’y binabangga ang kung sinuman at kung anuman ang humarang sa daraanan nito.
"TAMA NA!" sigaw ni Aling Tess. Napaiyak na lamang siya nang makita ang tatlong prototype na papalapit sa dalaga.
Ikaw ang magbibigay ng liwanag at pag-asa sa mundong ito...Helena.
Umaalingawngaw lamang sa utak ni Helena ang mga sinabing iyon ni Johan. Tulala pa rin siyang naglalakad papunta sa commander.
"BILISAN NIYO!" sigaw ng commander.
"ANO BANG GINAGAWA NIYO?! MGA SUNDALO BA KAYO? PAPUTUKAN NiYO SIYA!" sigaw niyang muli. Ngunit hindi na makagalaw sa sobrang takot ang mga sundalong iyon.
Helena...ikaw ang liwanag at pag-asa. Ito na lamang ang naririnig ni Helena ngayon, at tila gusto niyang kitilan ng buhay ang commander na nag-uutos. Hindi niya alintana ang tatlong prototype na papalapit sa kanya hanggang sa may sumigaw, "HELENAAAA!"
Napatingin siya sa itaas ng building at doon ay nakita niya si Johan. Nakatayo siya doon at sa likuran niya ay ang sinag ng papalubog na araw. Namangha si Helena sa ganda ng nakita--- ang tagapagligtas niya. Tila naging maamo bigla ang mukha ng dalaga nang makita niya si Johan.
"UMILAG KA!" Agad naging seryoso ang mukha ni Helena at inilagan ang dalawang babaeng prototype na papalapit.
Tumakbo ito papunta sa mga truck kung saan nasa kabila naman ang lalaking prototype na patungo din sa kanya. Tumayo siya sa itaas ng truck. Agad namang lumabas ang commander sa loob. Hinintay niyang bangguin ng lalaking prototype ang truck at sa kabila naman ay humahabol ang dalawa pa at nang naglapit na silang tatlo sa gitna,
“BOOOM!!!”
Sumabog ang sasakyang iyon. Nagliwanag ang buong lugar. Isang malakas na pagsabog ang naganap at napuno ng usok ang paligid.
"He-Helena," bulong ni Johan.
"A…a-ate," sambit naman ni Ruth na noon ay nakatitig pa rin sa malayo mula sa kinaroroonan ng pagsabog. Tuloy pa rin siya sa pagluha. Hindi na maaninag ng mga tao ang nangyari. Nasaan si Helena? Ang commander at ang tatlong prototype na humahabol sa kanya?
"Ayun siya!" wika ng isang bid. Nakangiti ito ngunit nang maaninag ang lumabas mula sa usok ay napangiwi din agad. Lumabas mula sa usok ang commander ng squad na iyon.
Takot na takot ito at tila nakatitig na lamang sa kawalan. Agad namang naglakad nang dahan-dahan papalapit sa kanya ang mga galit na galit na bid. Napaupo ito sa semento at kumaripas ng takbo palayo.
"FALL BACK! FALL BACK!" sigaw nito. Ang iilang sundalong natira naman ay agad nakitakbo palayo. Nang humupa ang usok ay nakita ni Johan ang tatlong prototype.
Wasak na wasak ang mga ito at tila hindi na malaman kung anong parte ang nakakalat sa ibaba.
Nasaan ka na ba? Sumagot ka? bulong niya sa sarili.
"Helena?" wika ni Aling Tess na tila may naaaninag na katawan ng tao sa gilid ng isang gusali.
"Helena!" Nilapitan niya ito. Nakita naman iyon agad ni Johan at dali-daling bumaba ng gusali upang alamin kung buhay pa ba ang dalaga. Nang makababa na siya ay nakita niya si Aling Tess, yakap nito ang walang malay na katawan ng dalaga.
"Helena!" Lumuhod siya sa kinaroroonan ng matanda at ng dalaga. Napaligiran naman sila ng mga bid na tila nalulungkot sa nangyari. Ang iba ay mangiyak-ngiyak pang nagpupunas ng luha. Ang ilang kabataan naman ay tuloy lang din sa pag-iyak dahil sa mga nasawi nilang mga magulang. Nakita ni Aling Tess na wala na ang balabal ng dalaga sa ulo nito at nakalugay na lamang ang kanyang mahabang buhok. Bahagya itong nag-alala dahil baka makita siya ng mga bid na siya ay may memory gene. Ngunit niyakap pa rin niya ang babae.
"Ayos lang po ba siya?" tanong ni Johan.
Tiningnan lamang siya ng matanda at umiyak.
"Bayani siyang maituturing..." wika ng isang lalaki. Napaluha naman si Johan. Hindi pa niya nakikilala ng lubusan ang babaeng iyon at ang kayang gawin ng kanyang katawan at memory gene. Marami pa siyang kailangang malaman sa nakaraan nito, kung sino ba siya at kung bakit wala siyang maalala. Ngunit tila huli na ang lahat.
Hinawakan ni Johan ang kamay ng dalaga ngunit biglang gumalaw ang kanyang mga daliri at iminulat ang kanyang mga mata. Nagulat ang mga tao sa paligid. Yakap pa rin ni Aling Tess ang katawan ng dalaga at nang makita niya itong buhay ay bigla siyang napahagulgol. Pinahid ni Johan ang kanyang luha at ngumiti.
"Ayos ka lang?" tanong niya sa dalaga.
"Oo..." wika ni Helena. Hinang-hina pa ang katawan niya. Saglit niyang ipinikit ang mga mata na animo’y natutulog.
"Humihinga na siya...magiging maayos siya," wika ni Aling Tess habang nakangiti.
Tumakbo naman si Ruth sa kinaroroonan ng mg tao. Hinahawi niya ang mga ito para makalapit at napaiyak siya habang nakangiti nang makitang ayos lang si Helena. Ngunit hindi niya naman nagustuhan ang mga reaksyon ng ilang mga bid na nasa kanyang paligid dahil tila nag-uusap ang mga ito at nakasimangot. Alam niyang may mali sa pinag-uusapan nila.