Chapter 2: A New Born Memory (Isang Bagong Silang na Memorya)

4550 Words
Those who do not remember the past are condemned to repeat it. -George Santayana   Alas-siyete na ng umaga nang makita ni Aling Tess si Johan na nakatayo lamang sa harapan ng kanyang hover car at tila namomroblema.                 "O, akala ko iniwan mo na ‘yong kasama mo eh," wika ni Aling Tess. "Ay, pasensiya na po, babalik din po ako sa loob. May aayusin lang po ako dito," sagot ni Johan. "Ganoon ba?" sambit ni Aling Tess habang nakatingin kay Johan. "Itago mo ang kotseng ‘yan doon sa gilid. Baka kasi manakaw kung anuman ang nasa loob. Alam mo naman siguro kung anong klaseng mga tao ang nandito," ani Aling Tess. "Sige po, salamat po." Binuksan ni Johan ang hover car. Pinaandar ito nang marahan papunta sa abandonadong building na katabi lamang ng pinagparadahan niya. Napansin niyang tila may sira ang kanyang kotse dahil sa tunog at mabagal na pag-andar nito. Pinatay niya ang makina at dahan-dahan naman itong naglapat sa semento. Binuksan niya ang pintuan ng kotse at akmang bababa. Ngunit may napansin siya sa dashboard ng kanyang kotse--- ang kanyang cellphone at ang handgun na may silencer na inagaw niya sa isa sa mga lalaki kaninang gabi lamang. Naalala niya ulit ang nangyari at hindi siya makapaniwala. Nakabaril siya ng tao at sa sarili niya ay parang nagugulumihanan siya. Marami na namang tanong sa isip niya. Napatay niya ang lalaking iyon.  Sigurado siya doon, ngunit hindi niya alam kung nakaligtas ba ang memory gene nito. Pwedeng mamatay ang pisikal na utak ng taong iyon ngunit hindi ang memorya nito lalo na at gumagamit ito ng memory gene. Pwede niya pa ring ipalipat ang kanyang memorya sa isa pang katawan kung gugustuhin niya at kung hindi natamaan ng bala ang kanyang memory gene. Ang mas malubhang mangyari ay hanapin siya nito upang maghiganti. Ang isa pa niyang nabaril ay hindi naman siya sigurado kung tinamaan niya. Umiwas lamang kasi ito nang itinutok na ni Johan ang baril habang yakap niya ang babaeng iniligtas. Nakaramdam siya ng takot. Kinuha niya na lamang ang kanyang cellphone at ang baril na iyon at inilagay sa kanyang bewang. Maliit lamang ang baril na iyon kaya't kasyang-kasya sa bewang niya at hindi mahahalata. Bumaba siya ng kotse at muling lumapit kay Aling Tess.   "Gising na po ba siya?" tanong ni Johan. "Oo...gising na." Ikinagulat ni Johan ang sinabi ng matanda. Siguradong nakita niya ang memory gene ng babae kaya't napatingin siya sa matanda. "May itatanong ako sa iyo, iho." Tila alam na ni Johan ang itatanong ng matanda kaya't inunahan niya na ito. "Nakita niyo na po pala," wika ni Johan. Nakatingin lamang ang matanda sa kanya. Hindi naman galit ang mukha nito ngunit parang maraming tanong ang nababakas sa kanyang nangungulubot nang mukha. "Kung lalabas kayo, takpan mo na lang ang bumbunan niya," paalala ng matanda. Nagkaroon ng kaunting pag-asa si Johan na kung sakaling makita siya ng ibang tao ay ipagtatanggol ito ni Aling Tess at siguradong hindi niya ito sasabihin kahit na kanino. Unti-unti namang naglalabasan ang mangilan-ngilang tao mula sa kanilang mga tent. Ang iba ay nagluluto at nagsasaing na. Ang iba naman ay abala sa pag-iigib ng tubig sa pinakamalapit na gawang bukal. Ang iba ay abala sa pagpapaligo ng bata at ang iba naman sa paglalaba. Ginagawa nila ito ngunit iisa lang ang napansin ni Johan--- lahat sila ay nakatingin sa kanya. "Pumasok ka na sa loob, may mainit na kape doon at tinapay. Baka nagugutom ka na," wika ng matanda at pagkatapos ay tumalikod na ito kay Johan at nagsimulang maglakad pabalik ng kanilang tahanan. "Aling Tess..." wika ni Johan. Tila may gustong sabihin. Napatigil naman si Aling Tess at humarap sa kanya. "Maraming-maraming salamat po sa lahat. Utang ko po sa inyo ang kaligtasan namin," wika ng binata habang nakangiti nang matipid sa matanda. "Pinalaki ka nang maayos ng mga magulang mo kahit na bidder ka. Hindi mo dapat kalimutan ‘yan hanggang sa mga susunod na panahon pa," sagot ng matanda. Alam na rin pala ni Aling Tess kung anong klaseng tao siya. Hindi siya nito hinusgahan kahit na magkaiba sila ng estado ng pamumuhay. "Paano niyo po nalaman?" tanong ng binata. "Dahil sa kotse mo, sa kutis mo, at sa pananamit mo. Ngunit tandaan mo iho. Materyal lang ang lahat ng mga bagay na iyan. Ang mahalaga ay kung ano ang kalooban mo," wika ng matanda sabay ngiti sa kanya. Yumuko siya nang marahan at patuloy na naglakad papunta sa kanilang tahanan. Agad namang sumunod si Johan. Naabutan nilang nakaupo ang babae sa harap ng mesa. Tulala ito. Ang mga bata naman ay tila pinagmamasdan ang kanyang memory gene. Si Jek, ang isa sa mga bata ay sinubukang hawakan ang bagay na nasa ulo ng babae.                 Dahan-dahan niyang inilapit ang kamay niya sa aparato ngunit nakita ito ni Aling Tess. "Jek!" saway ni Aling Tess sa bata. Agad namang bumalik sa pagkakasalampak ang bata kasama ng iba pa. Si Ruth naman ay agad na lumabas ng bahay habang dala-dala ang ilang labahin. Nakasimangot ito.                 "Gising ka na pala," wika ni Johan sa dalaga. Napatingin lamang ang babae sa kanya at muling bumalik sa pagkakatitig sa mesa. "Anong pangalan mo?" tanong ni Johan. Hindi sumagot ang babae. "Hindi kayo magkakilala?" tanong ni Aling Tess. "Iniligtas ko po siya kagabi. Babarilin na sana siya ng mga lalaki sa labas ng convenience store na binibilhan ko. Pero napigilan ko," paliwanag ni Johan. Agad na nagtakip ng tenga ang babaeng iyon, umiiyak at tila takot na takot. "Huu...huuu..." Umuungol ito at nanginginig sa kanyang kinauupuan. Tila naaalala nito ang mga nangyari kagabi. Ang magkakapatid naman ay nagkatinginan na lamang. "Mga anak pumasok muna kayo sa kwarto," wika ni Aling Tess. "Okay ka lang?" tanong ni Johan. Tila hindi nito alam ang gagawin. Kinuha niya ang upuan at umupo sa tabi ng babae. "May napansin ako sa memory gene mo kagabi. Halos walang laman ang memory specs," wika ni Johan. Ang memory specs ay isang diagnosis na nakalagay sa kaliwang gilid ng memory gene. Identification ito kung ang memory ay puno o walang laman. Ang bawat memory gene ay may kaukulang laki ng memory size---- kung ilang gigabyte na datos na ba ang naipapasok dito. Sa pagkakakita ni Johan sa memory gene ng dalaga kagabi, nakita niyang halos wala itong laman o walang naka-store na memorya pwera na lang ang basic memory nito. Dito naka-istore ang mga basic na kaalaman katulad na lang ng pagkain, pagsasalita, pagkuwenta, paglalakad, pagtayo, pag-upo at kahit na ang pagkurap at paghinga. Malaki rin masyado ang size ng memory gene na iyon na umaabot ng 500 terabyte. Masyado itong malaki kaysa sa ordinaryong 50 terabyte o 100 terabyte. Ang mga gumagamit lamang nito ay ang mga taong nabuhay ng halos 100 hanggang sa 150 taon. Depende pa ito kung masyadong mabigat ang isang pangyayari sa kanyang buhay. Mas komplikado ang pangyayari sa buhay ng taong may memory gene dahil mas malaki ang capacity nito. Napansin din ni Johan na kulay asul ang memory gene ng babaeng ito, hindi tulad ng sa karamihan na silver ang kulay. Kahit kailan ay wala pa siyang nakitang ganitong klaseng memory gene. Mas maganda ang hitsura nito, mas maganda ang disenyo at tila mas functional. Kumbaga ay mabilis magpick-up ng memory o pangyayari sa buhay. Ngunit ang pinagtataka niya ay wala itong laman. "May naaalala ka ba kagabi?" tanong ni Johan. Tumingin lamang ang babaeng iyon sa kanya at pagkatapos ay umiyak. "May naaalala ka ba? Ang edad mo naaalala mo ba?" tanong ulit ni Johan. Yumakap lamang ang babaeng iyon sa kanya habang umiiyak, nagulat si Johan at tiningnan lamang nya si Aling Tess na nakatayo sa kabilang gilid ng mesa. "May naaalala ka ba kagabi?" tanong muli ng binata. Tumango-tango lamang ang babae, na animo’y nagsasabi ng oo, may naaalala siya. Patuloy pa rin sa pag-iyak ang babaeng iyon. Kinapitan siya ng binata sa balikat at inilayo sa kanya. "May naaalala ka ba kung ilang taon ka na?" tanong ni Johan. Pumikit ang babae, umiiyak pa rin at umiiling-iling. "Eh ang pangalan mo? Alam mo ba kung ano ang pangalan mo?" tanong niya ngunit siya’y umiling pa rin. Ang ibig sabihin ay wala siyang maalala sa kanyang nakaraan. Ang kagabi lamang na mga pangyayari ang kanyang naaalala. Kinuha ni Aling Tess ang basong pinag-inuman ng babae at dinala sa madilim na kusina. Patuloy lamang sa pag-iyak ang dalaga, pinaupo ito ng maayos ni Johan. Bumalik si Aling Tess dala ang malinis na basong pinag-inuman ng dalaga at saka nagtimpla ng panibagong kape. "Tingnan mo ang balikat niya. Hindi ko maipaliwanag pero..." Hindi na itinuloy ni Aling Tess ang sasabihin. Tiningnan naman ni Johan ang sugat ng dalaga ngunit nagulat siya nang makitang halos patuyo na ang sugat nito. Wala na ang butas sa kanyang balikat gawa ng bala na tumama sa kanya kagabi. "Magaling na agad ang sugat niya?!" gulat na reaksyon ni Johan. "Hindi ko maintindihan. Pero nang makita ko ‘yan kanina pagkagising ko, natakot ako. Hindi ko alam kung anong klaseng katawan ang mayroon siya. Ngayon lang ako nakakita ng ganyan. Kaya ako'y lumabas kanina para hanapin ka. Para hanapin ang kasagutan kung bakit siya ganyan pero, mukhang hindi mo rin alam," paliwanag ni Aling Tess. Hindi na lamang nakapagsalita si Johan.                 "O siya, maiwan ko muna kayo at maglalaba na muna ako," paalam ni Aling Tess. Pagkalabas ay agad kinuha ni Johan ang kanyang cellphone at kinuhanan niya ng picture ang memory gene ng babae. "Naaalala mo ba ako?" tanong niya sa babae. Tumango naman ang babae. "Nakakapagsalita ka ba?" tanong muli ng binata. "O...o...o...oo," sagot ng babae ngunit parang hirap siya. Napangiti naman si Johan. Maganda ang babaeng iyon. Mahaba ang kanyang buhok, maliit ang kanyang labi at may kasingkitan ang kanyang mga mata. Sa ngayon ay awa lamang ang nararamdaman ni Johan sa babaeng iyon. Maya't maya ay nagkakaroon ng iba't ibang katanungan sa sarili ang binata. Sino kaya ang babaeng ito? At kung gumagamit siya ng memory gene, sa kanya kaya ang katawan na ito o nailipat na lang din ang memorya niya sa ibang katawan katulad ng katawan niya ngayon? Bakit mabilis maghilom ang kanyang mga sugat? Ngayon lamang napansin ni Johan, pati ang mga pasa sa katawan at mukha ng babae ay wala na rin. Anong klaseng katawan kaya ito? Ngunit ang mga tanong na ito ay siguradong hindi niya masasagot dahil walang maalala ang dalaga. Ang tanging kasagutan niya lamang sa ngayon ay ang kanyang memory gene. Ang naiibang disenyo nito. Kahit kasi ang mga bidder na nabubuhay halos ng isandaang taon ay hindi gumagamit ng ganitong klaseng memory gene. Nagpapadagdag lamang sila ng memorya ngunit hindi nila pinapalitan at tanging iisa lang ang disenyo ng memory gene sa buong mundo. "Ano bang gusto mong itawag ko sa ‘yo?" tanong nito sa dalaga. Tumingin lamang ang dalaga sa kanya at tila maluha-luha pa ang mga mata nito. Agad itong pinunasan ni Johan. Parang sanggol lang ang babaeng iyon kung umasta. Walang kibo, umiiyak at tila walang alam sa kung ano ang nangyayari. Pwera lang ang mga pangyayari kagabi. "I-inil..iniligtas mo ak..ako k-kagabi," wika ng babae. Napangiti lamang si Johan. "Magaling! Nakikilala mo pala ako. Akala ko kasi hindi mo ako natatandaan." Tumitig lamang ang dalaga kay Johan. "Ayos lang ba sa sa iyo kung tawagin kitang Helena?" tanong ni Johan.                 "B...bakit?" tanong naman ng dalaga sa kanya. "Dahil ikaw ang magbibigay ng liwanag at pag-asa sa madilim na mundong ito," sagot naman ng binata. Napangiti naman ang dalaga. Isang kakaibang ngiti na tila nagbigay buhay sa kanyang natutulog na ulirat. Helena. Iyon ang pangalan niya. Lumabas si Johan at hinanap si Aling Tess. Ang matanda naman ay patuloy na naglalaba kasama ang kanyang anak na si Ruth. Medyo kuba na si Aling Tess kaya't iniinda niya ang maya't mayang pagpiga at pagsasampay. "O, aalis na ba kayo?" tanong ng matanda. "May hihingiin po sana akong pabor Aling Tess...pero hindi ko po alam kung papayag kayo," wika ni Johan.   "Eh ano ba ‘yon, iho?" "Puwede po bang dumito muna ang kasama ko ng mga ilang araw? Kung pwede lang po pero kung hindi po pwede ay ayos lang naman," sagot ni Johan. Saglit na natigilan si Aling Tess sa sinabi ng binata. "Masyado nang magulo ang mundong ito. Kung dadalhin mo siya sa labas ay baka makita pa kayo ng mga humahabol sa inyo. Wala akong magagawa kundi tanggapin siya kung iyon ang nararapat. Pero tandaan mo sana iho, mga bid lamang kami. Ni minsan ay hindi kami kumakain ng tatlong beses sa isang araw kaya baka mahirapan din siya," paliwanag ni Aling Tess. "Naiintindihan ko po. Babalik po ako bukas o sa makalawa. May ibibigay nga po pala ang kasama ko sa inyo. Tanggapin niyo na rin po bilang pasasalamat ko." Ngumiti nang matipid si Johan at saka naglakad palayo papunta sa kinaroroonan ng kanyang hover car. Napatigil lamang sa paglalaba si Aling Tess pati na ang anak na si Ruth. "Siya nga po pala..." wika ni Johan. "Helena po ang pangalan niya." Nagkatinginan ang matanda pati ang kanyang anak at nagpatuloy na sa paglalakad si Johan palayo. Nakita niya ang kanyang cellphone at tadtad na ito ng missed calls galing sa kanyang ina at kapatid. Marahil ay nag-aalala na ang mga ito sa kanya.   Alas-onse na nang makauwi si Johan sa kanilang condo. Hindi niya dala ang kotse dahil pinaayos niya ito sa gawaan para hindi makita ng kanyang kuya at ina ang nangyari sa kanyang sasakyan. Kapag nakita kasi nila iyon ay siguradong mahabang paliwanagan na naman ang mangyayari. Unang pumunta sa Basement 1 si Johan at nagulat siya nang makita ang kanyang hover bike na pula. Mula roon ay agad siyang bumaba sa Basement 2 at pumasok sa automatic sliding door diretso sa kanilang sala. Nakita niyang nakaupo ang kanyang ina na si Erlinda Klein at ang kuyang si Jonas Klein. Tumayo ang kanyang kuya at tila mapait ang guhit sa mukha nito. Ang kanyang ina naman ay tumayo din at may pag-aalala sa kanyang mukha. "Kuya..." wika ni Johan habang nakabukas ang mga bisig na akmang yayakap sa kanyang kapatid upang batiin ito nang nakangiti. Ngunit isang suntok mula sa kanyang kapatid ang kanyang natanggap. Napahiga si Johan sa sahig dahil sa lakas ng suntok na iyon. Agad umagos ang dugo sa bibig ni Johan. "Tama na anak!" Tumakbo ang kanyang ina upang pigilin si Jonas dahil animo’y uumbagan pa niya ng tadyak ang binata.                 "Tama na! Magkapatid kayo at hindi dapat kayo nagkakaganyan," wika ng kanyang ina habang nag-aalala. "Mabuti nga at ‘yan lang ang nakuha mo eh!" sagot ng kanyang kuya. Hindi na lamang sumagot si Johan at tumitig na lamang nang masama sa kanyang kapatid. "Ano lalaban ka na ha?!" hamon ni Jonas. "Tama na, ano ba?!" wika ng kanyang ina ngunit bigla itong nahilo at napakapit sa kanyang memory gene. "Ma?" tanong ni Jonas. Si Johan naman ay biglang nag-iba ang aura at tila nalungkot. Madalas na ganito ang kanyang ina simula nang ilipat ang kanyang memory gene sa ibang katawan. Hindi ito ang tunay na katawan ng kanilang ina. Pangalawa na niya itong katawan at kung mapapansin ay mas bata pa nga ito nang kaunti sa katawan ni Jonas. Hindi pa kasi ito naglilipat ng memory gene kaya't kung minsan ay napagkakamalan silang mag-asawa at si Johan ang kanilang anak. "Ayos lang ako. Kailangan ko lang magpahinga," paliwanag ng kanilang ina habang hawak ang kanyang memory gene at papaupo sa sala. "Hindi magkakaganyan si Ma kung hindi dahil sa ‘yo Johan!" wika ni Jonas. "Tama na sabi, Jonas," sagot ng kanilang ina. Nakasalampak pa rin sa sahig si Johan at hawak ang labi niyang nagdurugo. "Noon pa ganyan si Ma, kaya ‘wag mo akong sisihin. Wala akong ginagawang kung ano sa ‘yo Kuya para ganyanin mo ako!" "Wala? Anong wala?!" Naglakad papunta si Jonas sa maliit na mesa at kinuha ang isang hologram stick na naglalabas ng holographic image sa lapat na dulo nito. Dahan-dahan namang tumayo si Johan. "’Yan ba ang sinasabi mong wala ha?!" Ibinato ni Jonas ang hologram stick sa ulo ng kanyang kapatid at bumagsak ito sa carpet na kinatatayuan ni Johan. Makikita sa hologram ang isang video na paulit-ulit. Tila kuha ito ng isang CCTV camera sa highway ng C5 road kung saan nangyari ang habulan kagabi. Kita sa video ang pagbagksak ng isang mahabang cargo hover truck at ang paglusot ng kotse ni Johan sa ilalim. "Akala mo hindi ko malalaman? Akala mo hindi ko makikilala ang kotseng ‘yan? Wala sa garahe ‘yan, at alam kong ikaw ang nagmamaneho niyan," bulyaw ng kanyang kapatid. Hindi na lang nagsalita si Johan. Ano pa nga ba ang saysay ng pagdadahilan kung may pruweba nga namang katapat? Malas lang talaga at ang daming kapit ng kuya niya. Hindi niya akalaing malalaman pa ng kanyang kapatid ang mga pangyayari kagabi. Pero hula ni Johan ay hindi niya alam ang totoong nangyari bago ang habulan na iyon. Ngumiti na lamang siya na tila nang-aasar. "Oo ako ‘yan. Masaya ka na?! Simpleng bagay lang iyan kung tutuusin kaysa sa mga mali mong nagawa...Kuya!" Malaman ang mga sinabing iyon ni Johan. Hindi nakapagpigil si Jonas at muli nyang sinuntok ang kapatid ngunit inunahan na siya ni Johan at sa ilong nito dumapo ang kamao ng kapatid. "Hindi mo matanggap, Kuya? Na mas marami ang naghirap simula nang umupo ka sa senado? Masyado kang pabida, Kuya. O siguro masyado ka lang naghahangad na mapuri ni Dad?" Napatingin na lamang si Jonas sa kanyang kapatid habang nagsasalita. Tila tumatagos ang mga salitang iyon hanggang sa buto. Simula kasi nang umupo ito sa senado, wala na itong ibang ginawa kundi pataasin ang kaledad ng buhay ng mga bidder kaya't mas maraming bid ang naghihirap. Isa pa ang issue ng magkapatid na matagal na nilang pinag-aawayan ay ang tiwala ng kanilang ama. Mas madalas pa kasi nitong purihin si Johan kaysa sa nakatatandang kapatid. Tuwing umuuwi ito galing New London ay puro pressure lamang ang inaabot ni Jonas mula sa kanyang ama. Bunso si Johan sa magkapatid, at hindi na bago ito. Mas nakukuha ng bunso ang gusto niya kaysa sa panganay. Mas pinapaboran din siya at madalas ay sila ang may pagkakataon upang pasunurin sila sa kanilang yapak. Tumalikod na lamang si Johan pagkatapos sabihin ang mga katagang iyon at naglakad papunta sa kanyang kwarto. "Hindi ka karapat-dapat na pagkatiwalaan ni Dad...sakit ka lang ng ulo sa amin," wika ni Jonas habang nagpupunas ng dugo sa kanyang ilong. "Tama na sabi, mga anak..." wika ng kanilang ina. Nahihilo pa rin siya at sa pagkakataong iyon ay nakapikit na siya sa sandalan ng sofa. Napatigil muli si Johan at nagpamulsa sa kanyang jacket. "Kaya pala mas pinipili niya ako, ‘di ba, Kuya? Huh!" At sabay naglakad muli ang binata papasok sa isang sliding door patungo sa kanyang kwarto. Tinitigan na lang ni Jonas ang kapatid habang umaalis. "May araw ka rin sa akin, kapatid," bulong nito habang matalas ang pagkakatitig. Agad binuksan ni Johan ang kanyang PC. Ang mga computer sa panahong ito ay ginagamitan na lamang ng holographic images. Ang bawat PC ay nakalagay lamang sa isang tila maliit na kahon at kapag binuksan ang power nito ay magbu-boot ito at maglalabas ng holographic keyboard at monitor na pwedeng iadjust sa kahit na gaano kalaking size. Mayroon din itong scanner at built-in printer na kapag itinapat ang image sa blue light ay ipapasok ang imahe nito sa system at saka pwede nang iprint ang imahe. Nagbihis muna si Johan. Tinapon nito sa automatic elevated trash can ang kanyang jacket kung saan diretso itong maitatapon sa nagliliyab na furnace upang makadagdag sa init sa loob ng kwarto. Nilagay naman niya ang t-shirt na pinahiram sa kanya ni Bobby sa automatic laundry at saka nagbihis ng panibago. Nilabas ni Johan ang kanyang cellphone. Balak niya kasing siyasatin nang mabuti ang memory gene ni Helena. Kinuhaan niya ito ng picture kanina at ito na talaga ang balak niyang gawin simula pa lang nang dumating siya dito. Inilabas nito ang imahe at tinapat sa blue light. "Scan!" wika ni Johan at agad ini-scan nito ang imahe. Nagbukas ng browser si Johan at nagpipindot sa holographic keyboard. Kinuha niya ang imahe ng memory gene ni Helena at inilapat sa “search related image.” Nagulat siya nang tumunog ang buzzer sa speaker at ang nakalagay ay “HIGHLY CONFIDENTIAL.” Napatigil siya sa pag-type. Pwedeng maglabas ang browser na iyon ng “NO RELATED IMAGE FOUND,” ngunit iba ang nakalagay. Ito raw ay isang confidential na imahe na hindi pwedeng buksan ng sinuman. Ngunit may pumukaw sa kanyang mga mata-- ang logo ng MEMO at ito'y nasa ibaba ng malalaking pulang sulat. "Hindi pwede ito," wika ni Johan. Inulit niya ang proseso ngunit umulit lang din ang pagtunog ng buzzer at ang nakasulat na “HIGHLY CONFIDENTIAL” at ang logo ng MEMO sa ibaba. Tila nagtanong na naman ang kanyang isipan. Siguradong may kinalaman nga si Helena sa MEMO dahil may memory gene siya, ngunit ang pinagtataka lang ni Johan ay kung bakit siya lamang ang mayroong kakaibang memory gene. Ni wala man lang impormasyon kung ano ang mga functions ng memory gene na ito. Ni hindi man lang sinabi kung sino ang gumawa, ang nagdisenyo at kung kailan ito ginawa. Dead end. Wala agad ang sagot. Hindi naman niya pwedeng tanungin ang babaeng iyon dahil wala naman siyang isasagot sa kanya. Isa lang ang malinaw sa kanya. Maaaring delikadong malaman ng publiko ang memory gene na ito. Hindi pa ito inilalabas sa market, hindi rin ito siguro dapat gamitin ng kahit na sinong bidder, o sadyang may sikretong nakatago sa likod ng memory gene na iyon. Huminga na lamang nang malalim si Johan, tila dismayado sa pinakitang resulta ng browser at napaupo sa malambot niyang kama. Tinititigan pa rin niya ang imaheng iyon ng memory gene ni Helena at ang mga katagang nasa screen ng kanyang PC, “HIGHLY CONFIDENTIAL.” Biglang may kumatok sa pintuan ng kwarto ni Johan. Agad siyang nagulantang. "Clear history! Delete image!" wika niya at nareceive naman iyon ng voice analyzer ng PC at agad na sinunod ang binata. Binuksan niya ang pinto. Nakatayo sa harapan niya ang kanyang ina. "Ma?" "Pagpasensiyahan mo na ang kuya mo. Nag-aalala lang iyon sa ‘yo," wika ng kanyang ina. "Hindi siguro, Ma. Noon pa man ganyan na si Kuya sa ’kin." Isinara ni Johan ang pinto at nagsimulang kausapin ang kanyang ina sa hallway. "Nag-aalala ‘yon. Hindi mo ba alam na muntik nang lumabas sa balita ang video na ‘yon? Ginawan niya iyon ng paraan para hindi ka mapahamak." Napangiwi na lamang si Johan at tumingin sa kabilang dulo ng hallway. Dumaan kasi ang kuya niya; may hawak itong wine glass at napatigil sandali. Kalaunan ay naglakad na rin palayo. "Ma, ginawa niya ‘yon para hindi siya mapahiya. Sakit lang naman talaga ako ng ulo niya. Kapag kumalat ‘yon sa internet at sa balita, hindi naman ako ang malalagot eh. Siya. Kaya ‘wag niyo pong sabihin sa akin ‘yan." Hinawakan ng kanyang ina ang mukha ni Johan. "Anak, nagiging matigas ka na. Wala na rin ako sa posisyon para disiplinahin pa kita. Malaki ka na. Alam mo na ang tama at mali pero sana ‘wag mong kakalimutan na nakatatandang kapatid mo pa rin siya," wika ng kanyang ina na tila dumurog naman sa puso ng binata. Niyakap niya ang kanyang ina at nagtanong. "Ma, maayos na po ba ang pakiramdam niyo?" "Medyo nahihilo pa rin ako anak," sagot niya. Kumalas sa pagkakayakap si Johan. "Pwede ko po bang tingnan ang memory gene niyo?" tanong muli niya. Tiningnan lamang siya ng kanyang ina sa mata. *****   Hapon na nang matapos sa paglalaba si Aling Tess. Pumasok siya sa loob ng bahay kasama ang anak na si Ruth. Nakita niya si Helena na nakaupo lamang at tulala pa rin. Kanina pa siya ganito simula nang iwan siya ni Johan. Kumain naman siya ng tanghalian ngunit hindi siya nagsasalita. "Prototype po ba siya?" tanong ni Bobby. Ang prototype sa panahong ito ay tila mga robot na binigyan ng artipisyal na memorya. Ang pinagkaiba lamang nito sa tao ay kung ano ang iuutos ng may master key nito. Iyon lamang ang gagawin ng prototype. Ginagamit lamang ang protoype sa gyera at espesyal na misyon. Binalutan lamang sila ng tila rubber-textured na panglabas na anyo, ngunit anyong robot pa rin sila dahil sa hiwa-hiwalay ang bawat detalye ng rubber na iyon sa joint at kanto ng katawan nito. Naihalintulad ni Bobby ang dalagang iyon sa prototype dahil hindi ito nagsasalita. Nakakita na si Bobby ng prototype at nang mangyari iyon ay hindi maganda ang kanyang naranasan at nakita. Natakot siya bigla at umupo na lang ulit sa isang sulok nang maalala ang mga pangyayari. "Hindi siya prototype anak, kaya't ‘wag ka nang matakot. Wala lang siyang maalala," paliwanag ni Aling Tess. Lumingon naman nang dahan-dahan si Helena sa bata at lubhang ikinatakot iyon ni Bobby.   "Ahhh!" Pumasok siya sa kwarto. Tawa naman nang tawa ang bunsong si Cherry. Ngumiti si Helena at humarap naman sa bata. "Hello po," wika ni Cherry. "Hi," malambing na sagot naman ni Helena. Agad pumunta ang bata sa hita ng dalaga at inakay naman siya ng dalaga. Napangiti na lamang si Aling Tess ngunit ang panganay na si Ruth ay napasimangot na lamang. "Ruth, bumili ka nga ng gatas at bigas doon sa supply at baka maubusan tayo," utos ni Aling Tess habang binibihisan ng panibagong damit ang isa pang anak na si Jek. Agad namang lumapit si Jek kay Helena nang matapos itong mabihisan. Tila naglaro ang tatlo. "Ngayon ko lamang sila nakitang nakatawa ulit," wika ni Aling Tess. Napatigil naman sa pakikipaglaro si Helena. "Noong bago pa kayo maligaw dito ni Johan eh hindi makatawa ang mga batang iyan. Ngayon lang ulit. Mukhang malaki rin ang dapat kong ipagpasalamat sa inyong dalawa ni Johan," wika ng matanda. "Kahit papaano’y maiibsan ang gutom namin. Maraming maraming salamat sa inyo." Mangiyak-ngiyak na ang matanda nang sabihin niya iyon. Ang tinutukoy niya ay ang ipinaabot ni Johan sa pamilya na higit sampung libong piso. Kung tutuusin ay barya lamang ito para sa mga bidder ngunit para sa mga bid, malaking tulong na ito at marami na itong mabibili para makakain ng tatlong beses sa isang araw. "W...wala pong anuman," wika ni Helena. "Hindi naman din po ako nakatulong kay Johan. Hindi din po sa akin galing ‘yan kaya dapat po ay sa kanya kayo magpasalamat," dagdag pa niya. "Ikaw ang sumalo ng bala na para kay Johan, kaya siya nabuhay. Kung hindi mo ginawa iyon, Siguro wala rin akong mapapasalamatan, kaya salamat din sa iyo," wika ng matanda. Ngumiting muli si Helena at patuloy na nakipaglaro sa mga bata hanggang sa isang kalabog sa pinto ang kanilang narinig. Si Ruth, tila hingal na hingal pa itong bumalik sa kanilang bahay. "Anong nangyari sa ‘yo?" tanong ni Aling Tess. "A...ang mga bilihin po sa supply..." uutal-utal na tugon ni Ruth,"k...kinukuha ng mga militar! Nagkakagulo na po sila doon!" dagdag pa niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD