“I have noticed even people who claim everything is predestined, and that we can do nothing to change it, look before they cross the road.”
-Stephen Hawking
May kalamigan ang gabi nang lumabas si Johan mula sa kanilang condo. Underground building ito kung tutuusin kung saan ang bawat level ay tinatawag na Basement 1, Basement 2, Basement 3 hanggang sa umabot ito ng Basement 6.
Hindi na ito nakakapagtaka sa panahong ito kung saan ang mga building ay nagtataasan at halos umabot na sa thousand feet. Mas pinili ng pamilya niyang tumira sa ganoong kondisyon kahit na sa kanila naman ang buong building na iyon na tinatawag na Klein Development Industry.
May iba't ibang opisina sa bawat palapag at halos buong ari-arian nila ay pinapatakbo ng kompanyang MEMO. Napailing muna si Johan nang makitang wala sa garahe nila ang paborito niyang pulang hover bike.
Siguro ginamit na naman ng kuya niya at malamang ay sa susunod na linggo pa ang uwi nito. Wala siyang ibang pagpipilian kundi gamitin ang bagong bili niyang hover car. Ang mga kotse sa panahong ito ay hindi na gumagamit ng gulong kaya't tinatawag na itong hover.
Ang bawat kalye lalo na sa Maynila at sa iba pang karatig siyudad ay gumagamit ng tila magnetized technology. Ang north pole ng magnet, kapag tinapat sa north pole din na magnet, ay naglalayo.
Ang ideyang ito ang pinagsimulan ng magnetized technology na inilapat sa bawat kotse at dinaraanan nitong mga kalye. Gumagamit lamang ng mahinang jet engine ang bawat kotse at liquified petroleum gas para mapagana ito at tumakbo.
Bumalik sa kanyang kwarto si Johan, kinuha ang susi ng pinakabago niyang kotse at muling bumalik sa parking bay sa Basement 1. Pinaandar niya ito at dinala sa elevation deck kung saan iaakyat ng makinarya ang kotse papunta sa kalsada sa itaas.
Malas at umuulan na naman ng niyebe. Hindi naman ganoon kalakas pero dahil sa ganitong klima, madalas mangyari ang mga aksidente sa daan. Nanlalabo ang salamin ng kotse ng bawat sasakyan at mahirap imaneobra ang makina nito dahil na rin sa lamig.
Binagtas niya na naman ang isang madilim, mausok na sinamahan pa ng hamog at maruming daan. Ito na ang Pilipinas ngayon. Ang mayayamang siyudad ay napaliligiran na lamang ng tila isang sakit na dumapo sa buong bansa at tila hindi na gagaling pa.
Mas lalo pa ngang lumalala dahil sa sistemang binago na ng panahon. Alam niyang kasali siya sa sistemang ito pero sa ayaw at sa gusto niya, isa siya sa mga nagpapahirap dito. Bagay na ayaw na niyang isipin dahil hindi rin naman niya ginusto.
Halos araw-araw, gabi-gabi, binabagtas niya ang bawat kalye ng ka-Maynilaan para lang makita ang mga bid na halos gumapang sa matinding lamig ng panahon. May ilang sumisigaw, humihingi ng tulong sa bawat nadadaanan, nakikitang ang isa sa mahal sa buhay ng bid na iyon ay naghihingalo na, hindi na gumagalaw at halos madampian na lang ng mainit na luha ng kanyang mahal sa lamig ng niyebe na pumapatak rin sa kanyang mukha.
Marumi ang paligid, maraming nakakalat na kung anu-anong balat ng produkto, prutas at iba pa. Madalas pa ngang matakpan ang windshield niya ng dyaryo o ilang printed ads na wala namang ibang lamang balita kundi ang pag-unlad ng mga bidders, at karimarimarim na katotohanang nangyayari sa mga bid at sa blackmarket.
Maraming ilaw ang makikita sa bawat kalye ng Maynila ngunit hindi maitatago sa bawat lamat nito ang nangyari noong World War III kung saan mas pinaka-naapektuhan ang Pilipinas laban sa China.
Mas madugo noong mga panahong ito, kung saan kahit bata na edad pitong taong gulang ay pinapahawak ng baril para supilin ang bawat pwersa ng sakim na bansang Tsina. Hindi nakaligtas ang Pilipinas noong taon na iyon, taong 2215. Sa huli pinayagan ng America ang amyenda na bombahin na nang tuluyan ang China, na nilagdaan naman ng lahat ng presidente na kasali sa United Nations.
Doon lamang natuldukan ang hidwaan at gulong nangyari noon sa Asya. Hindi pa pinapanganak noon si Johan ngunit dahil sa bawat bitak, marka ng bala, dugo, at iba pa ay tila ramdam niya na ang gyera na nangyari. Ngayon ay tila ibang gyera na naman ang nagaganap.
Maraming lumang gusali sa Maynila ang nakatayo pa rin matapos ng gyera at patuloy na pine-preserve ng pamahalaan hanggang sa ngayon. Naroon pa rin ang CCP o Cultural Center of the Philippines.
Ang Luneta Park ay buo pa rin ngunit ang kalahati nito ay pinatirhan na lamang sa mga bid dahil hindi nila kaya ang bumili ng bahay o magrenta man lang. Kapag napapadaan siya rito ay medyo naguguluhan lamang siya. Marami na kasing tent sa paligid ng Luneta. Hindi rin malaman sa gobyerno kung pinapabayaan na ba ang bantayog ng pambansang bayani o inaalagaan pa. Wala na ang ulo ng rebulto ng pambansang bayani roon.
May ilang nakapagsabi na hinataw raw ito ng isang sundalong Tsino noong World War III at pinaglaruan na tila isang football. Ang sabi naman ng gobyerno ng Pilipinas ay nasa Malakanyang daw ang ulo ng rebulto ni Rizal. Ang iba naman ang sabi ay naibenta na raw sa bumibili ng bakal para gawing bala ang natitirang parte nito noong nakaraang gyera. Ang malakanyang naman ay binago na ang disenyo.
Pinataasan ang gusali ng hanggang limampung palapag dahil narito na kasi ang bawat sangay ng gobyerno. Ang lumang disenyo nito na tila white house noon ay napalitan na ng kakaiba at mas modernong disenyo, at may tila malalaking letter 'P' na may pakpak sa mga gilid ng mga kanto nito at tila iniilawan pa ng neon lights. Mayroon ding mga pole kung saan makikita ang mga watawat ng bawat sangay ng gobyerno at maging ang watawat ng Pilipinas.
Dinisenyo ito ng isang tanyag na architect na Pinoy, isa ring bidder at nabubuhay pa rin ngayon na halos 147 taong gulang na. Sobrang higpit ng security ng paligid ng Malakanyang ngayon na ultimo daga ay hindi makakapasok sa loob. Pero kung mapapansin sa lugar na kinatatayuan nito, halos ito lamang ang gusali na pinakamalaki. Napaliligiran na rin kasi ito ng pamayanan ng mga bid kaya't samu't-saring gwardiya ang makikitang gumagala sa loob ng halos 20 feet nitong pader.
Napailing habang nakangiti si Johan nang makita ang tila modernong palasyo na iyon. Bahagyang bumagal ang kanyang takbo sa harapan ng Malakanyang kaya't hinarang siya ng isang gwardiya para magsiyasat. Agad na tinakpan ni Johan ang kanyang ulo ng kanyang hood.
"Sir, bawal po huminto rito o bumagal. May kailangan po ba kayo?" tanong ng isang gwardiya sa kanya nang ibaba niya ang windshield ng kotse.
Ang isa namang gwardiya ay tila sinisiyasat siyang mabuti.
"Ay, ganoon po ba? Pasensiya na po. Ang ganda kasi ng design ng Malakanyang eh ano po?" Napangiti na lamang ang guwardiya at ang isa naman ay tila nakilala siya.
"Kayo po ba ‘yong anak ni Dr. Levine Klein?"
"Opo, pasensya na Sir ah? Nag-stroll lang kasi ako nang kaunti," paliwanag ni Johan.
"Ay, okay lang po Sir, sige po, go na po kayo," sagot ng isa sabay senyas sa kasama niya na pabayaan na lang umalis ang binata.
Malakas sa gobyerno ang pamilya ni Johan ngunit wala siyang posisyon sa pulitika. Tanging ang ama niya lamang ang kilala sa lipunan at pati ang kuya niyang si Jonas Klein. Ang kuya niya ay isang senador at sigurado siyang nasa loob ng gusali ang kanyang kapatid.
Tila may inaayos na naman kasing issue ang kanyang kuya. Marami na naman kasing umaalma sa pinasa nitong batas na pagpapalawig sa pagtukoy sa bawat mamamayang Pilipino kung siya ba ay bid, commoner o bidder. May iba kasing mga bid at kahit na commoner na nagnanakaw at nagbibihis ng magagarang damit para lamang masabing mga bidder sila, para masabing tanggap sila sa kasalukuyang lipunan.
Tila nagkaroon ng traffic sa isang kalye ng Sta.Mesa nang mapadaan si Johan dito. Kung kailan malapit na siya sa kanyang destinasyon ay nagbagal pa ang daloy nito. Tatlong hover truck pala kasi na may dala-dalang mga bid ang dumadaan at siguradong sa World Trade Center ang destinasyon ng mga ito, kung saan magaganap na naman ang subastahan ng mga katawan kinabukasan. May kasama pa itong convoy na tila isang pulutong ng mga sundalo ng Philippine Army.
Kapag dumadaan ang truck na ito sa bawat kalye ay hindi mapigilan ng ilang mga bid ang mapaiyak at mapaluha. Isang nakakaawang scenario na tila dadalhin na ang kanilang mga batang katawan sa kamatayan. Ipinagpatuloy na lamang ni Johan ang pagmamaneho ng kanyang kotse matapos makadaan ang convoy.
Isang matandang babae naman ang nakita niya na halos naglulupasay sa gitna ng nagyeyelong kalsada.
"Ang anak ko, parang awa niyo na...ang anak ko...ibalik niyo sa ‘kin ang anak ko!" sigaw nito habang tila inaabot ng kanyang mga kamay ang hover truck na kadaraan lamang.
Bahagyang bumagal ang trapiko dahil sa eksenang iyon. Binusinahan si Johan ng kotse na nasa kanyang likuran ngunit bumagal pa rin ang takbo niya dahil sa pagkakatitig sa matandang babaeng iyon. Agad namang inawat ang babae ng mga rumorondang pulis-Maynila, na nakasuot ng all black na uniform at helmet.
Akma itong papaluin ng electric rod ngunit naglupasay na tumakbo palayo ang matandang babae, humahagulgol pa rin ito habang tumatakbo. Patuloy namang bumusina ang mga kotse sa likuran ni Johan kaya agad niyang pinaandar nang mabilis ang kanyang sasakyan. Napayuko na lamang siya.
Grabe, anong klaseng mundo na ba ito? tanong niya sa sarili.
Pinarada ni Johan ang kanyang sasakyan sa parking lot ng isang convenience store. Alas-nuwebe na noon ng gabi. Para sa kanya, therapy na ang pagmamaneho ng kanyang hover bike o kotse tuwing gabi at nakasanayan na rin ang palagian niyang pagdalaw sa convenience store na iyon. Dalawang itim na hover car ang napansin niyang pumarada rin sa tabi ng kanyang kotse nang akmang papasok na siya sa convenience store.
Lumabas ang isa sa mga driver at pumunta sa kabilang kotse. Hindi niya na lamang pinansin ito at tumuloy na lamang sa loob upang bumili ng maiinom. Ngumiti siya sa kahera nang siya na ang magbabayad. Nginitian din naman siya nito na tila isang kakilala. Hindi nga naman iba si Johan sa tindahan na iyon dahil halos gabi-gabi ay dito siya bumibili.
Nang papalabas na siya ng convenience store ay may kakaiba siyang nakita sa katabing kotse ng pinaradahan niya. Isang babaeng hubo't hubad ang hinatak palabas habang sabunot ang buhok nito ng isa sa mga lalaki na may kalakihan ang katawan. Ngayon niya lamang napansin na bidder pala ang mga ito dahil sa hard drive na nasa likuran ng kanilang mga ulo.
Ngunit nagtaka siya nang makita ang babae dahil tila bidder din ito dala nang may hard drive din itong taglay. Tinulak niya ang pinto ng convenience store at laking gulat nang maglabas ng baril ang isa sa mga lalaking nakasakay sa kotse. Ikinasa niya muna ito, naglagay ng silencer at itinutok sa ulo ng babaeng bidder.
Ang ilang kalalakihan naman ay nakatawa lamang. Ang isa naman sa kanila ay tila may tinatawagan sa kanyang cellphone. Palinga-linga ito sa paligid at seryoso ang mukha habang kausap ang tao sa kabilang linya. Mangiyak-ngiyak naman ang babae na tila tuliro habang nakaluhod sa semento, kitang-kita ang dugo sa labi nito at ilang pasa sa braso, mukha at katawan.
Ang mga tao naman sa paligid nila ay tila natakot at naglakad na lamang nang mabilis palayo sa mga lalaking iyon. Sumagi sa isip ni Johan na iligtas ang babaeng iyon ngunit maraming tanong ang namuo sa kanyang isip. Bakit nila papatayin ang kapwa nilang bidder? Kung papatayin nila ang babae, bakit sa pampublikong lugar pa? Kung ililigtas niya ang babae? Paano? May mga dalang pistola ang mga lalaking iyon.
Wala siyang laban dahil wala naman siyang baril at kung mayroon man, hindi naman niya kayang iputok ito sa kapwa niyang tao. Nag-training nga sa paghawak ng baril si Johan pero kahit kailan ay hindi sumagi sa isip niya na itutok ito sa kahit na kaninong tao. Masama man o mabuti. Saglit na natigilan si Johan. Anong gagawin niya?
Tila natapos na ang pakikipag-usap ng isa sa mga lalaking may hawak ng cellphone. Nilagay niya ito sa loob na bulsa ng kanyang coat at inagaw ang baril na hawak ng isa niyang kasama. Itinutok ito sa ulo ng babae at sa pagkakataong iyon, nagtakbuhan na ang mga tao sa paligid nila. Napatakbo naman ang binata ngunit hindi palayo kundi papalapit sa mga lalaking iyon.
Bakas ang galit sa mukha ni Johan. Ibinato niya sa lalaking may hawak ng baril ang kanyang soda. Inagaw niya ang baril nito, sinipa naman ang isang lalaki at pinutukan niya ng baril ang isa pa. Tinamaan ito sa dibdib, na tila agad na ikinamatay nito. Napatulala si Johan nang makitang dumura ito ng dugo at saka bumagsak sa semento. Agad namang tumayo ang babae at itinulak palayo si Johan.
"Tarantado ka ah!" sigaw ng isa habang bumubunot ng kanyang baril.
Binaril si Johan ng lalaking iyon ngunit sinalo iyon ng babae at tinamaan ito sa likod. Nakita ni Johan na lumuluha ang babae at nakatingin ito sa kanya hanggang sa tuluyan na itong napapikit. Binaril ni Johan ang lalaking iyon at pagkatapos ay binuksan niya ang kaliwang pinto ng kotse niya sa may driver's seat. Hiniga niya doon ang babae at pinaandar niya agad ang kotse kahit na hindi pa man ito nakakaupo, nakaharang kasi sa driver's seat ang babae gawa ng pagkakahiga nito.
Agad na pinutukan ng dalawa pang lalaki ang kotse ng binata. Nabasag ang likod na windshield nito pero hindi naman siya nasaktan. Nakita naman niya sa kanyang side mirror na dali-daling pumasok ng kotse ang iba pang mga lalaki.
Pinaandar niya nang mabilis ang kanyang hover car at tila gigil na gigil siya sa pag-apak sa gas nito. Lumiko sa isang madilim na eskinita si Johan, pinatay niya ang mga ilaw ng sasakyan, at inayos ang pagkakaupo ng babaeng kanyang sakay. Nakita niya ang tama ng bala sa balikat ng babae. Hinubad niya ang kanyang jacket na may hood at kasunod ay ang t-shirt na suot nito.
Isinuot niya ang kanyang puting t-shirt sa babae at muling isinuot ang kanyang jacket na may hood. Hindi niya kasi ito pwedeng tanggalin dahil ito lang ang paraan para hindi makita ng iba na wala siyang memory gene.
Narinig niya ang pagharurot ng engine ng dalawang hover car sa kanyang likod. Tiningnan niya ito at nagdasal na sana ay hindi siya makita. Lumagpas ang dalawang kotse ngunit narinig niya ang boses ng isa sa mga lalaki.
"Dito! Dito balik! May nakita ako dito!" Napapikit na lamang si Johan sabay paandar muli ng engine ng kanyang sasakyan.
"Malas!" wika niya.
Inatras niya ang kotse at nabangga naman niya ang basurahan sa gilid ng eskinitang iyon. Nabangga niya rin ang front bumper ng kotseng sumusunod sa kanya. Pagkaatras ay ibinaling niya sa kanan ang manibela at muling pinaharurot ang sasakyan. Pinagpapawisan na nang malamig si Johan. Dinala ang kanilang habulan sa isang highway papuntang Pasig, ang C5 road. Nagpaliko-liko at nag-overtake ang binata sa kanyang pagmamaneho.
Ganoon din ang dalawang itim na kotse na humahabol sa kanila. Wala pa ring malay ang babae na nakaupo lamang sa passenger’s seat at napansin niya na tila namumutla na ito at halos nalalagyan na ng kulay dugo ang kalahati ng kanyang puting t-shirt. Lalo itong nagmadali sa pagmamaneho. Binubusinahan siya ng mga sasakyang muntik niya nang mabangga o magasgasan.
Ang mga humahabol naman sa kanila ay tila hapit sa pagliko at pagpapatakbo na halos mabangga na nila ang karamihan sa mga sasakyang nakakasabay. Nang pababa na ang highway na kanilang dinadaanan ay nakakita si Johan ng isang mahabang truck na sumasalubong sa kanila. Nakaisip agad siya ng paraan.
Akma niyang babanggain ang truck na iyon. Bumusina ito nang malakas, ngunit hindi huminto si Johan. Lumiko na lamang pakaliwa sa kasalubong na lane ang truck at halos mababangga na ang likurang bahagi nito sa kotse ng binata.
Agad pinatay ni Johan ang makina ng sasakyan para madeactivate ang magnetic energy nito, dahilan para sumadsad sa semento ng highway ang sasakyan niya. Yumuko na lamang siya upang hindi matamaan ng truck kung sakaling umabot ito sa bubong ng kanyang kotse. Pumailalim ang kanyang sasakyan sa truck. Nakalutang pa rin ang truck na iyon at bahagyang nagasgasan ang bubong ng kotse ni Johan.
Tumagilid naman ang truck na iyon at nang makalusot na siya ay muli niyang pinaandar ang engine ng kanyang kotse, lumutang itong muli at pinaandar niya ito nang mabilis. Hindi na nakasunod ang mga humahabol sa kanila dahil sa bumalandrang hover truck.
Nakahinga naman nang maluwag ang binata ngunit bakas pa rin sa kanyang mukha ang pagkabigla at pag-aalala sa kanyang buhay at sa babaeng nakaupo sa kanyang tabi. Wala pa rin siyang malay at tila mas namutla pa. Tinunton ni Johan ang madilim na daan, at muli na namang bumagsak ang niyebe mula sa kalangitan, dahilan para muli siyang ginawin.
Basag na kasi ang likod na windshield ng kanyang kotse kaya't pumapasok ang lamig sa loob. Hinawakan niya ang kamay ng babae; malamig na ito. Pinatakbo niya ang kotse hanggang sa makarating siya sa Antipolo.
Dahan-dahan siyang nagmaneho paakyat. Walang ilaw dito. Idineklara na rin ito ng gobyerno ng Pilipinas bilang lugar ng mga bid. Karamihan sa mga nakatira dito ay mga mahihirap lamang at ang mga bidders dito ay ang mga namamahala sa kanila.
Pinagtitinginan lamang ang kotse niya ng mga ilang taong nagdaraan. Tila ngayon lang sila nakakita ng magarang kotse sa talambuhay nila. Naaaninag nila ito dahil sa front light ng kanyang kotse.
"Sino ‘yan?"
"Bakit ‘yan nandito?"
"Bidder siguro ‘to." Ito ang ilan sa mga naririnig niya sa paligid.
Dumaan si Johan sa harapan ng Simbahan ng Antipolo, pinarada niya ang kotse sa daan, tumingin-tingin sa paligid at umasa na may matutuluyan ngunit mabibigo yata siya. Walang gaanong dumaraan na kotse sa parte ng lungsod na ito. Animo’y patay na lugar kung titingnan. Lumabas siya ng kotse at tumakbo papasok ng simbahan.
Halos sira na ang kalahati ng simbahan ng Antipolo. Wasak ang kalahati ng bubong nito hanggang sa ibaba. Mga kahoy na lamang ang sumusuporta sa nasirang parte nito. Ang mga buildings naman sa paligid ng Antipolo church ay tila luma na rin at kapag yumanig nang konti ay marahil guguho na. Marami na ring tent sa paligid nito.
Makikita sa bawat tent ang maliliit na apoy na gawa ng gasera o kandila. Luma na rin ang plaza sa bukana ng simbahang ito na halos magbitak-bitak na. Humangos papasok sa loob ng simbahan si Johan.
"Tulong! Patulong naman po...please! Mamamatay po ang kasama ko. Kailangan ko po ng tulong!" bulyaw niya.
"Ano ‘yon?!" tanong ng isang babae na may katandaan na rin. May hawak itong walis tambo at tila nililinis ang paligid ng simbahan.
"Nasaan ang kasama mo?!" tanong ng babae.
"Samahan niyo po ako. Sa labas po, sa kotse!"
Agad na tumakbo palabas ng simbahan si Johan kasama ang may edad nang babae.
"Naku! Bakit puro dugo ito?!" tanong ng babae nang ilalabas na ni Johan ang sakay nito.
"Please lang po tulungan niyo po kami," sagot ni Johan.
"Oh eh, dalian mo. Sumunod ka sa ’kin. Takpan mo ‘yan nito..." Iniabot ng matandang babae ang dala-dala nitong pamunas kay Johan para matakpan ang sugat ng dalaga.
Hinang-hina na ang kanyang katawan habang siya’y buhat ni Johan sa magkabilang bisig.
"Bilisan mo at baka may makakita pa sa atin," bulong ng matandang babae. Nagtungo sila sa isang maliit na barung-barong. Marumi ang paligid nito. Hindi sanay si Johan sa mga ganitong lugar ngunit sa kalagayan niya ngayon, wala siyang ibang pagpipilian.
"Oh, dito mo na siya ihiga," wika ng matanda habang inaalis ang mga gamit na nakakalat sa tila higaan na papag.
"Ano bang pangalan mo?" tanong ng matanda sa kanya.
"Johan po...Johan Kl..." Hindi niya itinuloy ang pagbanggit sa buo niyang pangalan. Kapag sinabi niya ito ay baka paalisin lamang sila ng matanda. Kilala ang apelyido niya. Kinaiinisan din ng maraming bid dahil sa ideyang ibinahagi ng kanilang pangalan sa industriya ng MEMO.
"Eh kayo po?" tanong naman ni Johan.
"Teresa. Aling Tess ang tawag sa akin ng mga taga-rito. Eh bakit ba kayo dito napadpad?" tanong ni Aling Tess habang nagsasalin ng mainit na tubig sa isang maliit na palanggana. Kumuha ito ng malinis na pamunas at gunting.
"Medyo nagkagulo lang po nang kaunti eh," wika ni Johan. Hindi niya na idinetalye ang mga pangyayari dahil siguradongkapag idinetalye niya pa, hindi iyon magugustuhan ng matanda.
May dalawang pwedeng mangyari kapag ikinuwento niya sa matanda ang mga pangyayari kanina. Una, ang tumawag ng militar ang matanda para ipadampot sila. Pangalawa ay paalisin na lamang sila habang hindi pa nagagamot ang iniligtas na hindi naman niya kilala. Ginupit ni Aling Tess ang damit ng babaeng kasama ni Johan. Pinahid ang dugo nito at agad binanlawan sa batyang may maligamgam na tubig.
Ikinagulat naman ni Aling Tess ang nakitang sugat. "Tama ng bala ito ah?"
Tiningnan niya si Johan na tila nanlalaki ang mga mata.
"Sino ba talaga kayo?" tanong ng matanda. Hindi naman makasagot si Johan at parang natakot sa kung ano ang pwedeng mangyari. Umubo naman bigla ang dalaga at tila umuungol sa sakit ng nararamdaman.
"Uhhmm marunong po ba kayong mag-opera?" tanong ni Johan.
"Ngayon ko palang yata gagawin ito-- ang magtanggal ng bala sa katawan ng tao," wika ni Aling Tess habang patuloy na nililinis ang paligid ng sugat ng babae. Tinapatan niya ng ilaw ng gasera ang sugat para makita ito nang maigi.
"Doktor po ba kayo?" tanong ni Johan.
"Hindi, pero ako lang ang manggagamot dito. Ang mga doktor eh hindi nakakapasok dito at ayaw rin ng mga tao na may pumapasok na mga bidder. Pinagtatabuyan sila dito."
Napalunok na lamang ng laway si Johan. Nag-alala siya saglit dahil baka makita ng matanda ang memory gene na nasa likod ng ulo ng babaeng dinala niya. Kung sa kanya ay hindi ito problema dahil wala naman siyang memory gene.
"May dala kang kotse. Sigurado ako pinagtinginan kayo sa labas. Umamin ka iho. Bidder ka ba?" tanong ng matanda.
Dahan-dahang tinanggal ni Johan ang kanyang hood. Tinapatan ni Aling Tess ng gasera ang ulo ni Johan para makita kung may memory gene ito ngunit wala naman siyang nakita. Tinitigan pa rin ng matanda si Johan.
"Sa kutis mo, para kang bidder. Pero wala ka naman ng kung anong inilalagay nila sa may bandang bumbunan mo."
Napatulala na lamang si Johan at muling nag-alala. Sana talaga ay hindi niya makita ang memory gene ng babaeng ginagamot niya.
Tumayo ang matanda, pumunta sa kabilang kwarto at kumuha ng ilang kagamitan at isa pang upuan.
"O maupo ka. Pigilan mo ang katawan niya. Wala tayong anesthesia, kaya kapag tinanggal ko ang balang ‘yan, siguradong mamimilipit siya sa sakit kaya pigilan mo," turo ni Aling Tess sa kanya.
Agad na umupo si Johan. Tinapat ng matanda ang gasera sa sugat, naglagay ng makakagat na tela sa bibig at hawak sa kanang kamay niya ang tweezer.
"Kapitan mo."
Kinapitan at halos daganan ni Johan ang dalagang iyon. Pinasok ni Aling Tess ang maliit na tyane sa sugat nito at nilabas ang bala mula sa laman. Napasigaw naman ang babae ngunit hindi naman ito ganoon kalakas gawa ng tela na nasa bibig nito.
"Oh ayan, magiging maayos na ‘yan. Pagpahingahin mo lang."
Naglagay ng kung anong dahon ang matanda sa sugat ng dalaga. Tinapal niya ito at binendahan ng tela.
Hinubad naman ni Johan ang kanyang jacket para ipangsaklob sa ibabang parte ng babae.
"Oh bakit gising pa kayo?" tanong ni Aling Tess habang nakatingin sa parteng likuran ni Johan. Tumalikod siya at nakita ang apat na bata na halos edad tatlo hanggang labindalawang taon.
Napangiti na lamang ang tatlo sa mga bata ngunit ang pinakamatanda sa kanila ay nakasimangot.
"May bisita tayo mga anak. Si Kuya Johan. Johan iyang pinakamaliit, ‘yan si Cherry," pakilala ng matanda at ngumiti naman ang pinakamaliit sa kanila. "Ang sumunod naman eh si Bobby. Iyan naman si Jek, at ang pinakamatanda sa kanila, si Ruth."
Kumaway naman nang matipid si Johan sa apat. Agad pumasok na muli ng kwarto si Ruth pero ang tatlo ay nakatingin pa rin sa binata.
"Bobby may t-shirt ka pa ba diyan? Pahiramin mo nga muna itong si Kuya Johan mo," utos ng matanda kay Bobby at sinunod naman niya agad ito.
Pumasok ng kwarto si Bobby at paglabas nito ay may dala na siyang itim na t-shirt. Iniabot niya ito kay Johan.
"Salamat..." wika niya at agad namang nagtatatakbo pabalik sa pwesto si Bobby.
Sinuot agad ni Johan ang t-Shirt na iyon, medyo maikli ito at fit sa kanya na tila kumokorte ang kanyang katawan.
"Pagpasensiyahan mo na kung maliit ha? Eh ayoko namang ipahiram sa iyo ang duster ko, baka hindi mo magustuhan," sabay tawa ng matanda.
Napangiti na lamang si Johan sabay tingin ulit sa kawalan, at pagkatapos ay lumingon sa babaeng iniligtas. Agad na nawala ang ngiti niya at napalitan na naman ng pag-aalala.
"Oh siya, tayo na’t magpahinga. Dumito muna kayo, at baka bukas eh maayos na siya," wika ni Aling Tess. Pumasok rin siya agad ng kwarto kasama ang mga bata. Tiningnan na lamang ni Johan ang pagpasok nila sa madilim na kwarto at muli siyang napatingin sa babaeng nakahiga sa papag na nasa kanyang harapan.
"Oh, heto ang unan." Bumalik si Aling Tess para iabot kay Johan ang isang unan.
"Hindi ka makakahiga diyan sa papag. Baka magalaw ang sugat niya kaya't kung matitiis mo. Diyan ka na lamang sa upuan matulog," wika ng matanda.
"Salamat po," sagot ni Johan. Sa isip-isip ng binata, ang bait ng taong tumulong sa kanila.
Walang pag-aalinlangan ang matanda sa pagtulong sa kanila. Akala niya wala nang ganoong klaseng tao sa mundong iyon. Lahat kasi ay napupuno na ng kasakiman. Iba ang bid sa paningin ng mga bidder. Sa paningin nila lahat ng mga bid ay mga magnanakaw, na mga walang puwang sa mundo, na palamunin lang ng bansa. Ngunit kung titingnan, sila ang biktima, at ang mga katulad ni Johan ang nagpapahirap sa kanila.
Napayuko na lamang si Johan. Muli niyang tinitigan ang babae. Tumagilid ang ulo nito at nakita niya muli ang memory gene na nakakabit sa kanyang ulo. Hinawi niya ang kanyang buhok para matakpan ang aparato. Natakpan ito nang bahagya ngunit nakikita pa rin sa liwanag ng gasera. Kumuha siya ng panyo, tinakpan ang parte ng kanyang ulo para hindi makita kung sakali man na magising si Aling Tess.
Naalala niya ang mga pangyayari kanina. Bidder ang babaeng ito; sigurado siya doon dahil may memory gene siya. Ang pinagtataka niya lang ay kung bakit puro pasa at para siyang tinorture. Tinutukan pa ng baril at akmang papatayin na. Nanlumo na lamang si Johan. Nalaglag nang bahagya ang panyong pinantakip niya sa ulo ng babae dahil sa pagkilos nito. Nakita niyang muli ang memory gene nito at sa pagkakataong iyon, may napansin siyang kakaiba sa aparato.