Philippines: Year 2300

1102 Words
Ang panahon kung saan ang Pilipinas ay nahahati sa tatlong paksyon na tila caste system na pamumuhay; una, ang mga bid (ang pinakamababang uri ng pamumuhay o ang pinakamahirap), pangalawa, ang mga commoner (middle class na pamumuhay) at ang huli ang pinakamataas na antas ng pamumuhay, ang mga bidders. Kung bakit bidders? Sila ang may kakayahang bumili ng mga bid o kahit na commoner para mailipat ang kanilang memory gene sa ibang katawan at masabing imortal sila. Ang mga memory gene na ito ay inimbento ng kompanyang MEMO© na hawak ng kasalukuyang diplomatic government. Isang eksperimontong pumasa sa Europe at patuloy na ginagamit ng mga bidders upang mabuhay sa kahit gaano pa kahabang siglo. Ang sistemang ito na paglilipat ng memorya ng isang tao papunta sa isa pang buhay na katawan ay tila isang miserableng bagay na pilit kinokontra ng mga bid sa gobyerno ngunit hindi naman ito pinapansin ng gobyerno ng Pilipinas dahil nga sila din naman ang makikinabang nito. Dahil dito, naging talamak ang bentahan ng katawan sa black market. Ginagawa ring hanapbuhay ito ng ilang mga bid para kumita. Nag-aanak sila ng marami at kapag umabot na sa limang taong gulang ang kanilang anak, agad na nila itong ipinagbibili sa mga bidder. Mas maganda ang wangis,hitsura at kalusugan ng bid, mas mahal ang perang kapalit nito. Ang memory gene na ito ay ginagamit na halos ng buong mundo at ng mga bansang kayang bumili ng aparato na naglalagay ng tila hard drive device sa likuran ng ulo ng bawat bidder upang mai-store ang bawat detalye ng pangyayari sa kanilang buhay. Hindi pa rin maiiwasan ang kamatayan ng tao at sa panahong ito, mas bumaba ang life span ng tao na umaabot na lamang sa 50 years. Ito ay dahil na rin sa mga nuclear weapons na ginamit noong nakaraang World War III, kung saan binomba ng America ang China dala na rin ng hindi pagkakaunawaan sa pagsakop ng China sa iba’t ibang kapuluan sa Asya. Lubhang naapektuhan ang mga katabi nitong bansa, lalo na sa Europa at Asya. Napagpasyahan ng European Government na gumawa ng isang aparatong maaaring makapagpataas muli ng lifespan ng tao, na imbis na 50 years lang, muli itong maibalik sa 100 years o higit pa. Sa kasamaang palad, hindi naman ito masuportahan ng departamento ng medisina at siyensya. Tila nahirapan ang mga siyentipikong humanap ng paraan para mapataas ang lifespan ng tao. Taong 2202, isang siyentipiko na bihasa sa physiology at human brain, si Dr. Welder Freuch, ay gumawa ng aparato, na tinatawag niyang memory gene. Nagkabit siya ng isang hard drive sa ulo ng isa niyang pasyente upang maitago ang mga mahahalagang pangyayari sa buhay nito. Sa kasawiang palad ay ikinamatay ito ng kanyang pasyent, ngunit nagpakita ito ng magandang resulta. Inilipat niya ang hard drive na ito sa isa pang tao. Nagkaroon ito agad ng epekto sa host dahil nagkaroon siya ng delusion at kung minsan naman ay nagkakaroon siya ng split personality. ‘Di kalauna’y nabaliw siya at nagresulta ito sa kanyang pagkamatay. Hindi tumigil si Dr. Welder sa kanyang eksperimento, na siyang nagresulta sa pagkamatay ng maraming tao. Karamihan sa mga ito ay mahihirap na pumapayag ibenta ang katawan nila para sa kakarampot na halaga. Nang maubos ang pera ni Welder, lumapit siya sa gobyerno ng Britain para maipagpatuloy ang eksperimento niya, na nangangakong pataasin ang kaledad ng buhay ng isang tao kapalit ang katawan ng ilan pang taong magiging solusyon din daw sa overpopulation. Tila hindi naman naging hadlang ang suhestiyon niyang ito sa gobyerno ng Britain, ngunit nagkaroon pa ng ilang debate sa iba’t ibang bansa. Kabi-kabilang batikos din at rally ang inabot niya sa madla na nagsasabing "mass murderer" daw siya. Ngunit kinakitaan ng magandang resulta ang mga ito ng kanilang gobyerno. Dahil dito, nabuo ang kompanyang MEMO©, na pinapatakbo ng gobyerno ng Europa at ni Dr. Welder. Nagalit ang ilang bansa kay Welder at ito ay humantong naman sa pag-assassinate sa kanya. Inilipat ang memory gene ni Dr. Welder sa isang mas bata at mas malusog na katawan at laking gulat nila nang mag-respond nang maayos ang buong proseso sa kanya. Si Dr. Welder ang pinakaunang successful live specimen ng sarili niyang imbensyon, ang memory gene. Dahil sa produktong ito, natakot ang Pilipinas. Natakot ang gobyerno na bilhin lamang ito ng ibang bansa dahil sa estado ng pagiging mahirap nito. Natakot ang presidente na tawaging bid lamang ang Pilipinas at magkaroon ng diskriminasyon sa bansa. Sa madaling salita, natakot ang gobyerno na tawagin tayong mahirap. Ang gobyerno ng Pilipinas ay nag-ipon ng bilyong piso at nagpondo para bumili ng aparato ng MEMO©. Naging resulta pa ito ng malawakang korapsyon sa bansa. Nagkaroon ng nakawan sa pondo at nagresulta pa ito sa mas malalang kahirapan sa bansa. Kahit na naghihirap na ang Pilipinas noong mga panahong ito, nagawa pa rin nilang bumili ng naturang produkto. Ang presidente ng Pilipinas na nagngangalang, Nico Rivera ang unang Pilipinong nagpakabit ng memory gene. Sa kalaunan, ang iniiwasang kahirapan ng gobyerno ng Pilipinas, ay lalong lumala. Nagsimula ang caste system sa buong mundo dahil sa aparatong ito, at dumami ang bid na mamamayang Pilipino.   Si Johan Klein, 21 taong gulang, at isang bidder na naninirahan at lumaki sa Pilipinas, ay tila hindi nagugustuhan ang ilang detalye ng sistemang ito. Pilipino ang kanyang ina ngunit taga-London naman ang kanyang ama. Mayaman ang kanilang pamilya--- commoner ang kanyang ina at bidder ang kanyang ama. Malaki rin ang kontribusyon ng kanyang ama sa kompanyang MEMO. Stockholder sila dahil sa ilang naibahaging kaalaman ng kanyang ama. Information Technology (I.T.) expert ang kanyang ama at gusto niyang sundan ng anak ang kanyang mga yapak. Malakas din ang kanilang pamilya sa pulitika dahil sa nakatatanda niyang kapatid na senador. Kung tutuusin wala na siyang mahihiling pa. Pero hindi niya alam kung bakit hindi niya maatim na magpalagay ng memory gene sa kanyang ulo. Tila may mali sa sistema ng MEMO. Minsan ay hindi niya masikmura ang bentahan na nagaganap sa black market pero wala naman siyang magawa. Ito na ang sistema ngayon at tila legal na rin ito. Siya lamang ang walang memory gene sa kanilang pamilya. Hindi sa ikinakahiya niya ang posisyon ng kanyang ama sa kompanya. Hindi niya lang siguro masikmura ang bentahang nangyayari. Makatao pa nga ba? Paano kung katawan niya na ang ibenta ‘pag dumating ang panahon? Wala siyang magagawa kundi itago na lamang sa mga kapwa niya bidder ang katotohanan, na hindi siya gumagamit nito. Kaya madalas ay naka-jacket na lamang siya na may hood at tinatakpan ang kanyang ulo para hindi ito makita ng iba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD